Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 1/1 p. 24-25
  • Gennesaret—‘Kahanga-hanga at Kayganda’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gennesaret—‘Kahanga-hanga at Kayganda’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kaparehong Materyal
  • Genesaret
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Halina Kayo at Maglakbay sa Dagat ng Galilea!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Mangingisda
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Sa Palibot ng Dagat ng Galilea
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 1/1 p. 24-25

Mga Tanawin Mula sa Lupang Pangako

Gennesaret​—‘Kahanga-hanga at Kayganda’

“Karatig ng Loók Gennesaret ay isang lupain ang may ganiyan ding pangalan, kahanga-hanga ang mga katangian at ang kagandahan niyaon. Dahil sa matabang lupa kung kaya walang halamang hindi tumutubo roon, at ang mga tagaroon ay nagtatanim ng lahat ng pananim: ang hangin ay katamtamang-katamtaman kung kaya’t nababagay sa sari-saring uri. . . . Ito’y hindi lamang maaanihan ng sorpresang sari-saring prutas; walang patid ang pamumunga niyaon. . . . Ito’y pinatutubigan ng isang sapa na may angking lakas na magpataba ng lupa.”

Ganiyan ang pagkalarawan ng mananalaysay na si Josephus sa hugis-trianggulong kapatagan sa hilagang-kanlurang gilid ng karaniwang tinatawag na Dagat ng Galilea. Ang mga larawan sa itaas ay makapagbibigay sa iyo ng ideya tungkol sa pagkamabunga ng kapatagang ito, isa sa pinakamataba ang lupa sa Galilea.a Ang lugar na ito ay totoong mahalaga noong sinaunang panahon kung kaya’t ang karatig na dagat-tabang ay tinukoy ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas bilang “ang loók ng Gennesaret.”​—Lucas 5:1.

Kaniyang ginamit ang pananalitang iyan nang naglalahad tungkol sa pagparito ni Jesus sa lugar na ito at nakasumpong ng apat na lalaking naging mga apostol. Sila ba’y mga magsasaka na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim sa matabang lupa, pag-uubasan, nues, olibo, o mga igos? Hindi. Ang gayong mga pananim ay sagana sa Kapatagan ng Gennesaret, ngunit ang mga lalaking ito ay mga mamamalakaya, at madaling maunawaan kung bakit sila gayon.

Malamang na ang mga ilog na umaagos lagusan sa kapatagan ay may tangay sa karagatan na mga halamang nagsilbing masaganang pagkain sa mga isda. Kaya naman ang katubigan ay katatagpuan ng napakaraming sari-saring isda, na ang resulta’y isang malaganap na industriya ng pangingisda. Sina Pedro at Andres ay negosyanteng mga mamamalakaya roon, tulad din ni Santiago at ni Juan, na mga anak ng mamamalakayang si Zebedeo.​—Mateo 4:18-22; Lucas 5:2-11.

Kalimitan ang pamamalakaya ay ginagawa sa pamamagitan ng paghahagis ng lambat buhat sa isang bangka. Iyan ang ginagawa ni Pedro at ni Andres nang lumapit si Jesus. Isang mahabang lambat, o panghuling lambat, ay inilaladlad sa hugis kalahating bilog. Mga kahoy na pataw ang humahawak sa gilid sa itaas, samantalang mga pataw sa ibaba ang humahawak sa lambat upang mabanat sa may ilalim ng tubig. Maraming isda ang mahuhuli sa gayong lambat. Pagkatapos ay hinihila ito tungo sa bangka o sa mas mababaw na tubig, upang iahon sa dalampasigan. Ang mga isdang nababagay na kanin ay ibinubukod sa mga di-nababagay. Pansinin ang kawastuan ng mga detalye sa Lucas 5:4-7 at Juan 21:6-11. Naaalaala mo ba na binanggit ni Jesus ang paraang ito ng pangingisda sa kaniyang ilustrasyon ng lambat? (Mateo 13:47, 48) Bukod dito, itinatampok ng Mateo 4:21 na kalimitan ang mga mamamalakaya ay gumugugol ng panahon sa paghahayuma ng mga lambat na nasisira sa mga batuhan o sinisira ng mga isda.

Kung ikaw ay naglalakbay sa tabing-dagat ng Gennesaret, marahil ay makakakita ka ng mga lugar doon na pinangyarihan ng mga bagay noong panahon ng ministeryo ni Jesus. Ang isa ay isang luntiang burol na kung saan, ayon sa tradisyon, nagpahayag si Jesus ng kaniyang Sermon sa Bundok. Ang lugar na ito ay naaayon sa sinasabi ng Ebanghelyo, sapagkat si Jesus ay malapit sa Kapatagan ng Gennesaret nang magsermon.​—Mateo 5:1–​7:29; Lucas 6:17–​7:1.

Ang isa pang lugar na sinasabing tunay na pinangyarihan ng mga bagay-bagay ay hindi umaayon sa mga patotoong ibinibigay ng Bibliya. Masusumpungan mo ang isang simbahan na ipinagpapalagay na itinayo kung saan pinakain ni Jesus ang 4,000 ng pitong tinapay at ng ilang isda. (Mateo 15:32-38; Marcos 8:1-9) Imbes na ilagay ito sa Kapatagan ng Gennesaret, ang binabanggit ng ulat ni Marcos ay “ang rehiyon ng Decapolis,” na nasa kabilang ibayo ng dagat mahigit na 11 kilometro ang layo.​—Marcos 7:31.

Sinasabi ni Mateo at Marcos na pagkatapos ganapin ang himalang ito, si Jesus ay sumakay sa bangka at naglakbay patungong Magadan, o Dalmanutha. (Mateo 15:39; Marcos 8:10) Ang rehiyon na ito ay iniuugnay ng mga iskolar sa Magdala (Migdal), sa may timog ng Kapatagan ng Gennesaret, patungo sa Tiberias. Sang-ayon sa The Macmillan Bible Atlas, ang Magdala ay “tanyag dahil sa industriya roon ng paghahanda ng isda para sa pag-iimbak.” Ang kasaganaan sa nahuhuling isda sa panig na ito ng loók ay tunay na isang dahilan upang maging praktikal at matubò ang gayong industriya.

Kapansin-pansin, isang tagtuyot noong 1985/86 ang nagpababà sa taas ng tubig sa Dagat ng Galilea, anupa’t napahantad ang ilang bahagi ng ilalim ng loók malapit sa Kapatagan ng Gennesaret, natagpuan ng dalawang lalaki ang labí ng isang sinaunang bangka. Nagawa ng mga arkeologo na makuha ang bangkang kahoy na pangisdang ito na ang petsang ibinibigay ay mula humigit-kumulang ng panahong dumalaw si Jesus sa Loók at Kapatagan ng Gennesaret.

[Talababa]

a Tingnan ang malaki-laking larawang de-kolor sa 1992 Calendar of Jehovah’s Witnesses.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Garo Nalbandian

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share