Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 1/15 p. 24-30
  • Pakikipagtipon sa mga Umiibig sa Bigay-Diyos na Kalayaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pakikipagtipon sa mga Umiibig sa Bigay-Diyos na Kalayaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Biyernes ng Hapon
  • Sabado ng Umaga
  • Sabado ng Hapon
  • Linggo ng Umaga Bago Magtanghali
  • Linggo ng Hapon
  • Huwag Waling Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Maglingkod kay Jehova, ang Diyos ng Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kalayaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 1/15 p. 24-30

Pakikipagtipon sa mga Umiibig sa Bigay-Diyos na Kalayaan

ANG mga Saksi ni Jehova ay pambihira sa napakaraming paraan. Sila lamang ang nagsasalita ng “dalisay na wika.” (Zefanias 3:9) Sila lamang ang may pagkakaisa, taglay ang nagpapakilalang tanda ng pag-ibig na inilarawan ni Jesu-Kristo. (Juan 13:35) At sila lamang ang nagtatamasa ng kalayaan na sinabi ni Jesu-Kristo na idudulot ng katotohanan, gaya ng nasusulat sa Juan 8:32: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

Ang mga salitang iyan na sinalita ni Jesu-Kristo, na Anak ng Diyos, sa kaniyang mga alagad, ay napatunayang totoo. At ang mga iyan ay ngayon higit kailanman pinahahalagahan ng mga Saksing iyon ni Jehova na dumalo sa “Mga Umiibig sa Kalayaan” na mga Pandistritong Kombensiyon. Sa programa ng kombensiyon ay naitimo sa kanila ang sari-saring pitak ng kanilang kalayaan, at kung papaano nila gagamitin iyon, ang kanilang pananagutan na kasama ng kanilang kalayaan, at kung papaanong sila’y pinagpala bilang isang bayang malaya.

Ang kanilang napapanahon at praktikal na mga kombensiyon ay nagsimula sa Hilagang Hemispiro noong Hunyo 7, 1991, sa Los Angeles, California, E.U.A. Ang programa ay nagsimula ng alas-10:20 n.u. sa pamamagitan ng isang musikal na presentasyon, na sinundan ng isang awit at panalangin. Ang pambungad na pahayag ay isang presentasyong matindi kung tumama salig sa Santiago 1:25. Sang-ayon sa The Jerusalem Bible, ganito ang mababasa sa talatang ito: “Ang taong matatag na nakatitig sa sakdal na kautusan ng kalayaan at kinasanayan na iyan​—hindi nakikinig at pagkatapos ay nakalilimot, kundi aktibong isinasagawa iyon​—​ay liligaya sa lahat ng kaniyang ginagawa.” Gaya ng kung tayo’y tumitingin sa isang salamin upang makita kung saan tayo nangangailangang gumawa ng higit pang mga pagpapahusay sa ating hitsura, gayon kailangan tayong patuloy na magsiyasat ng sakdal na kautusan ng Diyos sa kalayaan upang matutuhan natin kung saan kailangang gumawa tayo ng mga pagbabago sa ating personalidad. At tayo’y dapat magpatuloy ng pagmamasid sa salaming iyon.

Ang kasunod ay ang pahayag ng chairman, “Maligayang Pagtanggap, sa Lahat ng mga Umiibig sa Kalayaan.” Ang mga Saksi ni Jehova ay umiibig sa kalayaan, at nais nilang manatiling malaya. Ang tagapagpahayag ay sumipi ng mga autoridad sa batas na nagpakitang hindi magkakaroon ng kalayaan kung walang batas. Oo, ang mga Kristiyano ay hindi malayang magagawa ang anumang ibigin nila ngunit malaya nilang magagawa ang kalooban ni Jehova. Nais nilang gamiting lubusan ang kanilang kalayaan ngunit hindi upang abusuhin iyon. Lalo na sapol noong 1919 tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ang karagdagang kalayaan. Tinalunton ng tagapagpahayag ang pagdiriin sa kalayaan sa mga tema ng kombensiyon at mga publikasyong Kristiyano. Lahat ng mga kombensiyonista ay matututo nang higit pa tungkol sa bigay-Diyos na kalayaan at kung papaano gagamitin iyon.

Ang napapanahong mga pahayag ay sinundan ng mga pakikipagpanayam sa mga umiibig sa kalayaan na nagagalak na sila’y naroroon sa kombensiyon. Ang gayong mga kombensiyon ay mga panahon ng pagsasaya, gaya ng kung papaanong ang tatlong taunang mga kapistahan ng sinaunang Israel ay puspos ng malaking kagalakan. Ang ilang panayam ay nagpatunay na ang mga kombensiyon ay mga panahon ng nakapagpapatibay sa espirituwal na kagalakan.

Pagkatapos ay sumunod ang pahayag na pinaka-tema, “Ang Layunin at Paggamit ng Ating Bigay-Diyos na Kalayaan.” Buhat sa pahayag na ito ay natutuhan ng mga kombensiyonista na si Jehova lamang ang may lubos na kalayaan sapagkat siya ang Kataas-taasang Autoridad at makapangyarihan-sa-lahat. Gayunman, alang-alang sa kaniyang pangalan at sa kapakanan ng kaniyang mga nilalang, kung minsan ay nilalagyan niya ng hangganan ang kaniyang kalayaan sa pamamagitan ng pagiging mabagal sa pagkagalit at pagpipigil-sa-sarili. Lahat ng kaniyang matalinong nilalang ay nagtataglay ng may pasubaling kalayaan, sapagkat sila’y sakop ni Jehova at ang hangganan niyaon ay hanggang sa ipinahihintulot ng kaniyang pisikal at moral na mga batas. Sila’y binigyan ni Jehova ng kalayaan ukol sa kanilang kasiyahan ngunit lalo na upang sila’y makapagdala sa kaniya ng karangalan at kagalakan sa pamamagitan ng pagsamba sa kaniya. Dahilan sa mainam na paggamit ng kanilang kalayaan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkamit ng isang pandaigdig na mabuting pangalan dahil sa mabuting paggawi at sigasig sa kanilang ministeryo.

Biyernes ng Hapon

“Abala​—Sa mga Gawang Patay o sa Paglilingkod kay Jehova?” ang pumupukaw-kaisipang pamagat ng pahayag na nagbukas sa sesyon noong Biyernes ng hapon. Sa mga gawang patay ay kasali hindi lamang yaong sa laman kundi pati ang mga iba na patay sa espirituwal, walang kabuluhan, at walang bunga​—gaya ng mga pakana na nagpapanhik ng salapi. Sa bagay na ito, ang tapat na pagsusuri sa sarili ang kailangan upang matiyak kung ating inuuna sa ating buhay ang Kaharian.

Halos may gayunding layunin ang sumunod na pahayag, “Pagtupad ng Iniatas sa Atin Bilang mga Ministro ng Diyos.” Ipinakita ng tagapagpahayag na ang mga Kristiyano ay hindi dapat makuntento na lamang sa bahagyang paglilingkod o sa pag-abot lamang sa mga tunguhing oras. Nanaisin nila na maging epektibo sa lahat ng pitak ng kanilang ministeryong Kristiyano. Ang mga puntong ito ay buong-tinding itinimo sa mga kaisipan ng mga tagapakinig sa pamamagitan ng isang demonstrasyon at mga panayam. Lahat ay hinimok na tuparin ang kanilang ministeryo hanggang sa sukdulang magagawa nila.

Sa pahayag na “Isang Bayang Malaya Ngunit May Pananagutan,” idiniin ng tagapagpahayag na bagaman pinakamamahal ng bayan ni Jehova ang kalayaan na dulot sa kanila ng katotohanan, tandaan nila na ang kasama nito ay pananagutan. Kailangang gamitin ang kanilang kalayaan, hindi bilang isang dahilan para sa masamang paggawi, kundi sa ikapupuri ni Jehova. Bilang mga Kristiyano, sila’y may pananagutan sa “nakatataas na mga autoridad” at dapat ding makipagtulungan sila sa mga matatanda sa kongregasyon. (Roma 13:1) Isa pa, sila’y may pananagutan tungkol sa kanilang pananamit, pag-aayos, at asal. Kailanman ay huwag kalilimutan na “bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”​—Roma 14:12; 1 Pedro 2:16.

Pagkatapos ay sinundan ng isang pagtalakay sa pangangailangan na lahat ng mga Kristiyano ay maging “Walang-Takot Habang Papalapít ang Wakas ng Sanlibutang Ito.” Samantalang ang sangkatauhan ay natatakot tungkol sa maaaring idulot ng hinaharap, ang mga Kristiyano ay kailangang maging walang-takot sa pagganap ng kanilang ministeryo. Ang pagkawalang-takot ay resulta ng pagtitiwala kay Jehova, sapagkat mientras ang isang Kristiyano’y natatakot na hindi mapalugdan ang Diyos, siya’y lalong hindi matatakot sa mga nilikha. Ang pagsasaulo ng nakaaaliw na mga teksto ay makapagpapatibay sa isang tao upang maging walang-takot. Upang maging malakas sa espirituwal at walang-takot, ang mga lingkod ng Diyos ay kailangan ding gumamit ng lahat ng pagkakataon upang makisama sa kanilang mga kapananampalataya. Tandaan din ng bawat isa ang papel na ginagampanan ng panalangin sa pagiging walang-takot. Sa pamamagitan ng pananatiling walang-takot, ang mga Kristiyano ay makapananatili sa isang mainam na kaugnayan sa Diyos na Jehova.

Ang programa ng unang araw ay nagtapos sa lubhang nakapagtuturong drama na Pinalaya Upang Magtaguyod ng Tunay na Pagsamba. Ipinakita nito kung papaanong ang isang modernong-panahong pamilya ay natuto ng isang aral buhat kay Ezra at sa kaniyang pulutong na may 7,000, na gumawa ng mga pagsasakripisyo upang makabalik sa Jerusalem. Pinapangyari nito na ang bawat kombensiyonista ay magsuri ng mga bagay na dapat niyang unahin at alamin kung papaano pa mapasusulong ang kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkod. Ang dramang ito ay pinakinabangan ng kapuwa mga may edad at mga kabataan.

Sabado ng Umaga

Pagkatapos ng isang programang musikal, awit, panalangin, at pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto sa Bibliya, sa programa ng Sabado ng umaga ay may simposyum na pinamagatang “Kalayaan na Taglay ang Pananagutan sa Pamilya.” Sa unang bahagi, na “Kung Papaano Matutularan ng mga Ama si Jehova,” ang mga ama ay pinayuhan sa sari-saring paraan na matutularan nila ang ating Ama sa langit. Sa 1 Timoteo 5:8 ay hinihiling na sila’y maglaan hindi lamang sa materyal kundi pati sa espirituwal. Kanilang tinutularan si Jehova sa pamamagitan ng pagiging mahuhusay na mga tagapagturo sa kanilang pamilya at paglalapat ng maibiging disiplina kung kinakailangan. Ang mga puntong ito ay ipinaghalimbawa sa pamamagitan ng ilang panayam.

“Ang Asawang Babae Bilang Katulong” ang sumunod na bahagi ng simposyum na ito. Nagsimula ito sa pamamagitan ng pagdiriin na ang isang asawang babae ay may isang marangal na katayuan sa pamilyang Kristiyano, ang pagiging katulong. Ito’y nangangailangan ng ano para sa kaniya? Na siya’y pasakop ayon sa nararapat na paraan, na hindi ginigipit ang kaniyang asawang lalaki na gumawa ng isang bagay na siya lamang ang may gusto. Kaniyang pangangalagaang mainam ang kaniyang mga obligasyon sa kaniyang asawang lalaki at mga anak, at siya’y makapagtatamo ng tunay na kasiyahan buhat sa pagpapamalaging malinis at maayos ang kaniyang tahanan. At bilang isang ministrong Kristiyano, baka siya’y maraming pagkakataon na makibahagi sa paglilingkod sa larangan. Isang pakikipagpanayam sa isang pamilya ang nagdiin sa karunungan ng gayong maka-Kasulatang payo.

Ang mga kabataan ay binigyan ng pansin sa bahaging “Mga Anak na Nakikinig at Natututo.” Sa pamamagitan ng pagsasanay sa kanilang mga anak upang makinig at matuto, si Jehova ay pinararangalan ng mga magulang at nagpapakita ng pag-ibig sa kanilang espirituwal na mga kapatid at sa kanilang sariling mga supling. Isang matibay na ugnayan ang iiral sa pagitan ng mga magulang at mga anak kung sila’y gugugol ng pinakamainam na panahon sama-sama. Ang mga magulang ay kailangang nasasangkapan na sagutin ang mga katanungan ng kanilang mga anak at pukawin ang kanilang pagkauhaw sa kaalaman. Muli na naman, ipinakita ng mga pakikipagpanayam kung papaano ito magagawa.

Ang kasunod nito ay ang mabuting payo na “Kayo’y Manatiling Malaya na Maglingkod kay Jehova.” Papaano ito magagawa? Sa pamamagitan ng pananatiling malaya buhat sa pagtataguyod ng makasanlibutang mga karera, umuubos-panahong mga kinahihiligan, at materyalistikong mga tunguhin. Si Jesus at si apostol Pablo ay nagbigay sa atin ng maiinam na halimbawa sa pamamagitan ng pagiging mapagsakripisyo. Kailangan ng bayan ni Jehova na manatiling may simpleng mata, nakatutok sa mga kapakanan ng Kaharian. Kung tungkol sa pagtatamo ng materyal na mga bagay, mas matalino na mag-ipon muna bago bumili kaysa bumili na ngayon at saka na ang bayad. Ang mga kabataan ay kailangang pakaingat laban sa pangangarap ng mga kalayawan sa sekso at makasanlibutang mga karera. Sa pakikipagpanayam sa isang payunir na walang asawa, nakita ang mga pagpapalang nakakamit ng isang nananatiling malaya na maglingkod kay Jehova.

Ang programa ng Sabado ng umaga ay nagtapos sa pahayag na “Pumasok sa Kalayaan sa Pamamagitan ng Pag-aalay at Bautismo.” Pinaalalahanan ang mga kandidato sa bautismo na bagaman ang sangnilalang ay ibinulusok sa pagkaalipin ng paghihimagsik ni Adan, ang makapangyarihang Tagapagpalaya, si Jesu-Kristo, ang nagbukas ng daan tungo sa kalayaan sa pamamagitan ng kaniyang hain. Ipinakita ng tagapagpahayag kung ano ang nasasangkot sa pag-alpas tungo sa kalayaan upang gawin ang kalooban ng Diyos at itinampok ang mga obligasyon at mga pagpapala na kakamtin ng mga babautismuhan.

Sabado ng Hapon

Ang programa ng Sabado ng hapon ay nagsimula sa sumasaliksik-kaluluwang katanungang “Kanino Bang Kapakanan ang Hinahangad Mo?” Sa sanlibutan ay mababanaag ang masakim na espiritu ng Diyablo. Gayunman, ang mga Kristiyano ay kailangang tumulad sa mapagsakripisyong espiritu ni Jesu-Kristo. Anong gandang halimbawa ang kaniyang ipinakita! Kaniyang nilisan ang kaluwalhatian sa kalangitan at pagkatapos ay isinakripisyo ang kaniyang buhay bilang tao alang-alang sa ating kapakanan. Ang mga hamon tungkol sa kung kaninong kapakanan ang ating hinahangad ay nabunyag nang magkaroon ng mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano sa negosyo o sa pananalapi, nang magkaroon ng mga alitan na likha ng nagkakaiba-ibang mga personalidad, at iba pa. Ang gayong mga bagay ay sumusubok sa pag-ibig Kristiyano. Ngunit sa pamamagitan ng pagtingin sa kapakanan ng iba, tiyak na makakamit ng isang tao ang lalong malaking pagpapala ng pagbibigay, at kaniyang kakamtin ang pagsang-ayon ni Jehova.

Kasunod naman ang may kaugnayang temang “Pagkilala at Pananagumpay sa Espirituwal na Kahinaan.” Sa pahayag na ito ay idiniin na kailangang makilala ang mga sintomas ng espirituwal na kahinaan at pagkatapos ay magpasiyang kumilos sa pagbaka na madaig si Satanas at ang kaniyang mga silo. Ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang paunlarin ang matinding pag-ibig sa kaniya at ang pagkapoot sa masama. Kailangan dito na makilala nila si Jehova sa pamamagitan ng regular, may layuning personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Kailangang iwasan nila ang lahat ng anyo ng libangan na dumarakila sa karahasan at seksuwal na imoralidad. (Efeso 5:3-5) Ang regular na panalangin at pagdalo sa mga pulong ay mahalaga rin sa pagtatagumpay sa pananaig sa espirituwal na mga kahinaan.

Marahil ang lumikha ng lalong maraming usap-usapan kaysa ano pa mang ibang pahayag na ibinigay sa kombensiyon ay yaong isang pinamagatang “Ang Pag-aasawa ba ang Susi sa Kaligayahan?” Napakaraming kabataan ang may paniwalang gayon nga! Subalit nilinaw ng tagapagpahayag na di-mabilang na tapat na mga espiritung nilalang ang maligaya bagaman walang asawa, gaya ng maraming nag-alay na mga Kristiyano na maligayang-maligaya bagaman sila’y wala sa ilalim ng pamatok ng pag-aasawa. Isa pa, maraming mga mag-asawa ang hindi maligaya, gaya ng ipinakikita ng malaking porsiyento ng mag-asawang naghihiwalay. Kailangan lamang pag-isipan ng isa ang maraming pagpapala na tinatamasa ng lahat ng nag-alay na mga Kristiyano upang matanto na ang pag-aasawa, bagaman maaari itong maging isang pagpapala, ay hindi siyang susi sa kaligayahan.

Ito’y sinundan ng simposyum na pinamagatang “Ang Kalayaang Kristiyano sa Ating Kaarawan.” Tinalakay ng unang tagapagpahayag ang “Pagsusuri sa mga Pitak ng Ating Kalayaang Kristiyano.” Kasali na rito ang kalayaan buhat sa kasinungalingang mga turo ng relihiyon tulad ng Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at walang-hangggang pagpaparusa. At nariyan ang kalayaan buhat sa nambubusabos na pagkaalipin sa kasalanan. Bagaman ang mga Kristiyano ay di-sakdal, sila’y malaya buhat sa gayong masasamang kinaugalian na gaya ng paninigarilyo, pagsusugal, paglalasing, at seksuwal na imoralidad. Nariyan din ang kalayaan buhat sa kawalang-pag-asa, sapagkat taglay nila ang pag-asa ng Paraiso na nagpapakilos sa kanila na ibalita iyon sa iba.

Ang sumunod na tagapagpahayag ay nagharap ng katanungang “Inyo Bang Personal na Pinakamamahal ang Gayong Kalayaan?” Ang ibig sabihin ng pinakamamahal ay itangi, pangalagaan nang may pag-iingat. Upang magawa iyan, ang isang lingkod ng Diyos ay kailangang mag-ingat laban sa tukso na lumampas sa mga hangganan ng kalayaang Kristiyano. Ang kalayaan ng sanlibutan ay isang mapandayang kasinungalingan, sapagkat ang resulta nito ay pagkaalipin sa kasalanan at kabulukan.

Ang katapusang tagapagpahayag sa simposyum na ito ay nagpaliwanag tungkol sa paksang “Mga Umiibig sa Kalayaan Kayo’y Manindigang Matatag.” Upang magawa iyan, ang mga Kristiyano ay kailangang mangunyapit sa kanilang makalangit na mga magulang, si Jehova at ang kaniyang tulad-asawang organisasyon. Ang bayan ni Jehova ay hindi makapapayag na sila’y mailigaw ng propaganda ng mga apostata; sila’y kailangang tumanggi sa mga lumalapit sa kanila na taglay ang mga pang-aakit sa imoralidad. Upang makapanindigang matatag sa maka-Diyos na kalayaan, ang mga Kristiyano ay kailangang “nabubuhay sa pamamagitan ng espiritu.”​—Galacia 5:25.

Ang wakas na pahayag sa araw na ito ay tunay na nagdudulot-kaluguran. Iyon ay pinamagatang “Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.” Si Jesu-Kristo ang pinakadakilang tao, sapagkat kaniyang naapektuhan ang buhay ng sangkatauhan nang lalong higit kaysa lahat ng mga hukbo, hukbong-dagat, parlamento, at mga hari pagsama-samahin man. Siya ang Anak ng Diyos, na umiral sa langit bago naparito sa lupa. Si Jesus ay katulad na katulad ng kaniyang Ama sa langit sa kaniyang sinalita at itinuro at paraan ng pamumuhay na anupa’t kaniyang nasabi: “Siyang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Anong inam ang ipinakitang pagtatanghal ni Jesus na ang “Diyos ay pag-ibig”! (1 Juan 4:8) Pagkatapos ng mahaba-​habang pagtalakay sa mga katangian ni Jesus, binanggit ng tagapagpahayag na ang sunud-sunod na mga artikulong pinamagatang “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus” ay inilathala sa Ang Bantayan buhat noong Oktubre 1985. Bilang tugon sa maraming mga kahilingan, ngayon ay inilalabas ng Samahan ang bagong aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Iyon ay may 133 kabanata at nilimbag sa apat na kulay. Ang materyal sa seryeng ito ay isinaayos, at lahat niyaon ay inilakip sa 448 pahina ng aklat. Oo, ang araw na ito ng kombensiyon ay nagtapos na taglay ang malaking kagalakan!

Linggo ng Umaga Bago Magtanghali

Maaga sa sesyon ng Linggo ng umaga ay ginanap ang simposyum na “Paglilingkod Bilang mga Mamamalakaya ng mga Tao.” Ang pahayag na “Panghuhuli ng mga Isda​—Literal at Simboliko” ay naglatag ng batayan para sa mga sumunod na pahayag. Ipinakita ng tagapagpahayag na pagkatapos pangyarihin ni Jesus ang isang kahima-himalang panghuhuli ng isda, kaniyang inanyayahan ang mga mamamalakaya na kausap niya na maging mamamalakaya ng mga tao. Sa loob ng ilang panahon, ang kaniyang mga alagad ay sinanay ni Jesus na maging mamamalakaya ng mga tao at pasimula ng Pentecostes 33 C.E., sila’y naging matagumpay sa pagtulong sa maraming lalaki at mga babae na maging mga alagad.

Ang sumunod na tagapagpahayag ay tumalakay sa talinghaga ng lambat na nasusulat sa Mateo 13:47-50. Kaniyang binanggit na kasali sa simbolikong lambat ang kapuwa pinahirang mga Kristiyano at ang Sangkakristiyanuhan, itong huli ay dahilan sa gawain sa pagsasalin, paglalathala, at pamamahagi ng mga Bibliya, bagaman sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito ay natipon ang napakaraming masasamang isda. Lalo na buhat noong 1919 nagkaroon ng isang gawaing pagbubukud-bukod, na ang masasamang isda ay itinapon, samantalang ang mabubuting isda ay tinipon sa tulad-sisidlang mga kongregasyon na tumulong na maingatan at matipon ang tunay na mga Kristiyano para sa banal na paglilingkuran.

Ang ikatlong pahayag na, “Pamamalakaya ng mga Tao sa Pandaigdig na Karagatan,” ay nagdiin sa obligasyon ng lahat ng nag-alay na mga Kristiyano na makibahagi sa pambuong-sanlibutang pamamalakaya. Ngayon mahigit na 4,000,000 ang nakikibahagi sa gawaing ito sa mahigit na 200 lupain, at noong nakaraang mga taon mahigit na 230,000 ang nabautismuhan sa taun-taon. Lahat ng mga lingkod ni Jehova ay pinapayuhan na pahusayin pa ang kanilang kasanayan sa pamamalakaya, at kung ilang matagumpay na “mga mamamalakaya” ang kinapanayam.

Sa sumunod na pahayag, na pinamagatang “Pananatiling Gising sa ‘Panahon ng Kawakasan,’ ” ang tagapagpahayag ay bumanggit ng pitong pantulong sa bayan ng Diyos upang makapanatiling gising: paglaban sa mga kaabalahan, pananalangin, pagbibigay ng babala tungkol sa katapusan ng sistemang ito, pananatili sa organisasyon ni Jehova, pagsusuri sa sarili, pagbubulay-bulay tungkol sa natupad na mga hula, at pagsasaisip na ang kanilang kaligtasan ay mas malapit na kaysa nang sila’y naging mga mananampalataya.

Ang programa sa umaga ay nagtapos sa pagtalakay sa “Sino ang Makaliligtas sa ‘Panahon ng Kapighatian’?” Ipinakita ng tagapagpahayag kung papaano ang hula ni Joel ay may maliit na katuparan noong panahon ng mga apostol, may higit pang katuparan ngayon, at magkakaroon ng lubos na katuparan sa malapit na hinaharap.

Linggo ng Hapon

Ang programa sa hapon ay nagsimula sa pahayag pangmadla na, “Pagbubunyi sa Bagong Sanlibutan ng Diyos ng Kalayaan!” Ang pahayag na ito ay nagpatuloy sa tema ng kombensiyon na kalayaan. Binanggit niyaon na inihula ng Salita ng Diyos ang isang bagong sanlibutan na kung saan magkakaroon ng kalayaan buhat sa paniniil ng huwad na mga elemento ng relihiyon, pulitika, ekonomiya, at lahi. Magkakaroon din ng kalayaan buhat sa kasalanan at kamatayan. Ang sakdal na kalusugan ay ibabalik upang ang mga tao ay mabuhay magpakailanman sa kaligayahan sa isang lupang paraiso. Sa gayon, ang mga umiibig sa katuwiran ay may lahat ng dahilan na ipagbunyi ang Maylikha ng bagong sanlibutan sa pamamagitan ng pagbulalas: “Salamat sa iyo, Jehova, dahil sa tunay na kalayaan sa wakas!”

Ang pahayag pangmadla ay sinundan ng isang bagay na bago para sa mga kombensiyong pandistrito​—ang pagtalakay sa aralin sa linggong iyon sa Ang Bantayan. Pagkatapos ay nagwakas ang kombensiyon sa nakapupukaw na pahayag at payo na “Mga Umiibig sa Kalayaan, Patuloy na Sumulong.” Sa maikli ay tinalakay ng tagapagpahayag ang mahahalagang punto ng kombensiyon sa tema ng kalayaan. Kaniyang idiniin kung gaano kaligaya ang bayan ni Jehova dahilan sa kanilang kalayaan, iniisa-isa ang mga paraan na doo’y sumulong ang mga Kristiyano, at pinayuhan sila na patuloy na sumulong nang may pagkakaisa upang umani ng higit pang mga pagpapala. Siya’y nagtapos sa pananalitang: “Habang ginagawa natin ito, harinawang patuloy na pagpalain tayong lahat ni Jehova upang tayo’y patuloy na sumulong bilang mga umiibig sa kalayaan.”

“Ang sangnilalang ay pinaranas ng kabiguan, hindi dahil sa sariling kalooban nito kundi sa kaniya na nagparanas nito, batay sa pag-asa na balang araw palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:20, 21.

[Mga larawan sa pahina 25]

Isang batang delegado sa kombensiyon sa Prague, Czechoslovakia

[Mga larawan sa pahina 26]

1. Mga kandidato na patungo sa isang lugar na pagbabautismuhan sa Prague, Czechoslovakia

2. Samantalang binabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova sa Tallinn, Estonia

3. Bagong publikasyon na nagdulot ng kagalakan sa mga kombensiyonista sa Usolye-Sibirskoye, Siberia

4. Paglalabas ng “New World Translation of the Holy Scriptures” sa Czech at Slovak sa kombensiyon sa Prague

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share