Itinuro ba ng Sinaunang Iglesiya na ang Diyos ay Isang Trinidad?
Bahagi 2—Itinuro ba ng Apostolikong mga Ama ang Doktrina ng Trinidad?
Sa Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1991, sa Bahagi 1 ng seryeng ito ay tinatalakay kung si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nagturo ng doktrina ng Trinidad—ang ideya na ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay tatlong magkakapantay na persona ngunit iisang Diyos. Ang malinaw na ebidensiya buhat sa Bibliya, buhat sa mga mananalaysay, at kahit na buhat sa mga teologo ay na sila’y hindi nagturo nito. Kumusta naman ang mga pinunò ng simbahan na sumunod pagkatapos—sila ba’y nagturo ng isang Trinidad?
“APOSTOLIKONG MGA AMA” ang tawag sa mga klerigo na sumulat tungkol sa Kristiyanismo noong magtatapos ang una at sa pasimula ng ikalawang mga siglo ng ating Common Era. Ang ilan sa kanila ay sina Clemente ng Roma, Ignatius, Polycarp, Hermas, at Papias.
Sinasabi na sila’y mga kontemporaryo ng ilan sa mga apostol. Sa gayon, marahil sila ay bihasa sa mga turo ng mga apostol. Tungkol sa mga isinulat ng mga lalaking iyon, ganito ang sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica:
“Bilang sama-sama ang mga isinulat ng Apostolikong mga Ama ay lalong higit na mahalaga sa kasaysayan kaysa ano pa mang ibang literaturang Kristiyano sa labas ng Bagong Tipan.”1
Kung ang mga apostol ay nagturo ng doktrina ng Trinidad, kung gayon ang mga Apostolikong Ama ay dapat nga na nagturo rin niyaon. Dapat na iyon ay prominente sa kanilang mga turo, yamang walang higit na mahalaga kaysa pagsasabi sa mga tao kung sino ang Diyos. Kaya sila ba’y nagturo ng doktrina ng Trinidad?
Isang Maagang Pangungusap Tungkol sa Pananampalataya
Isa sa pinakamaagang di-Biblikong mga pangungusap ng pananampalatayang Kristiyano ay masusumpungan sa isang aklat na may 16 na maiikling kabanata na kilala sa tawag na The Didache, o Teaching of the Twelve Apostles (Ang Turo ng Labindalawang Apostol). Sang-ayon sa ilang mananalaysay ang petsa nito ay bago o humigit-kumulang taóng 100 C.E. Ang autor nito ay di-kilala.2
Ang The Didache ay may kinalaman sa mga bagay na kailangang malaman ng mga tao upang maging mga Kristiyano. Sa ika-7 kabanata nito, ito’y nagtatakda ng bautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu,” ang kaparehong mga salitang ginamit ni Jesus sa Mateo 28:19.3 Subalit walang sinasabi ito tungkol sa tatlo bilang magkakapareho sa pagkawalang-hanggan, kapangyarihan, posisyon, at karunungan. Sa ika-10 kabanata, isinasalin ng The Didache ang sumusunod na pangungumpisal ng pananampalataya sa anyo ng isang panalangin:
“Pinasasalamatan ka namin, Amang Banal, dahil sa iyong banal na Pangalan na iyong pinapangyaring manahan sa aming mga puso; at ukol sa kaalaman at pananampalataya at pagkawalang-kamatayan na iyong ipinakilala sa amin sa pamamagitan ni Jesus na iyong Lingkod. Kaluwalhatian sa iyo magpakailanman! Ikaw, Makapangyarihan-sa-lahat na Panginoon, lumikha ng lahat ng bagay alang-alang sa iyong Pangalan . . . At sa amin ay buong kagandahang-loob na nagbigay ka ng espirituwal na pagkain at inumin, at buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Jesus na iyong Lingkod.”4
Walang Trinidad dito. Sa The Influence of Greek Ideas on Christianity, si Edwin Hatch ay sumisipi ng nauunang mga talata at saka nagsasabi:
“Sa orihinal na larangang nasa impluwensiya ng Kristiyanismo waring walang makikitang anumang dakilang pagsulong tungkol sa simpleng mga ideyang ito. Ang doktrina na idiniin ay, na ang Diyos ay, na Siya ay isa, na Siya ay makapangyarihan-sa-lahat at walang-hanggan, na Siya ang gumawa ng sanlibutan, na ang Kaniyang awa ay nasa ibabaw ng lahat ng Kaniyang mga gawa. Sila’y walang hilig sa malabong talakayan sa pilosopya.”5
Si Clemente ng Roma
Si Clemente ng Roma, na inakalang isang “obispo” sa siyudad na iyon, ay isa pang sinaunang manunulat tungkol sa Kristiyanismo. May paniwala na siya’y namatay humigit-kumulang 100 C.E. Sa materyal na sinasabing marahil ay isinulat niya, wala siyang binabanggit na isang Trinidad, sa tuwiran man o sa di-tuwiran. Sa First Epistle of Clement to the Corinthians, kaniyang sinasabi:
“Biyaya sa inyo, at kapayapaan, buhat sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang harinawang sumagana.”
“Ang mga apostol ay nangaral ng Ebanghelyo sa amin buhat sa Panginoong Jesu-Kristo; ginawa iyan ni Jesu-Kristo sa utos ng Diyos. Si Kristo samakatuwid ay sinugo ng Diyos, at ang mga apostol naman ay ni Kristo.”
“Harinawang ang Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay, at siyang Pinunò ng lahat ng espiritu at Panginoon ng lahat ng laman—na pumili sa ating Panginoong Jesu-Kristo at sa atin sa pamamagitan Niya upang maging isang natatanging bayan—ay magkaloob sa bawat kaluluwa na tumatawag sa Kaniyang maluwalhati at banal na Pangalan, ng pananampalataya, takot, kapayapaan, pagtitiis, pagbabata.”6
Hindi sinasabi ni Clemente na si Jesus o ang banal na espiritu ay kapantay ng Diyos. Kaniyang inihaharap ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat (hindi bilang “Ama” lamang) na naiiba sa Anak. Ang Diyos ay tinutukoy bilang nakatataas, yamang si Kristo ay “sinugo” ng Diyos at si Kristo ay “pinili” ng Diyos. Upang ipakita na ang Diyos at si Kristo ay dalawang magkahiwalay at di-magkapantay na mga persona, sinabi ni Clemente:
“Aming isinamo sa taimtim na panalangin at pagsusumamo na harinawang ingatan ng Maylikha ng uniberso ang tiyak na bilang ng kaniyang mga hinirang sa buong sanlibutan, sa pamamagitan ng kaniyang sinisintang Anak na si Jesu-Kristo. . . . Aming nababatid na ikaw lamang [Diyos] ang ‘pinakamataas sa kataas-taasan’ . . . Ikaw lamang ang tagapagbantay ng mga espiritu at ang Diyos ng lahat ng laman.”
“Harinawang matalos ng lahat ng bansa na ikaw lamang ang tanging Diyos, na si Jesu-Kristo ay iyong Anak.”7
Ang Diyos ay tinatawagan ni Clemente na (hindi lamang “Ama”) “ang pinakamataas,” at tinutukoy si Jesus bilang “Anak” ng Diyos. Kaniya ring binanggit tungkol kay Jesus: “Yamang siya’y kasasalaminan ng kaningningan ng Diyos, siya’y nakatataas sa mga anghel yamang ang kaniyang titulo ay lalong dakila kaysa sa taglay nila.”8 Si Jesus ay kasasalaminan ng kaningningan ng Diyos, ngunit hindi niya ito mapapantayan, gaya ng buwan na nagpapalos ng liwanag ngunit hindi katumbas ng pinagmumulan ng liwanag na iyan, ang araw.
Kung ang Anak ng Diyos ay kapantay ng Diyos, na siyang makalangit na Ama, disin sana’y hindi na kailangang sabihin ni Clemente na si Jesus ay nakatataas sa mga anghel, yamang madaling makita na gayon nga. At ang kaniyang pananalita ay nagpapakita sa kaniyang pagkilala na samantalang ang Anak ay nakatataas sa mga anghel, siya ay nakabababa naman sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Ang punto de vista ni Clemente ay maliwanag nga: Ang Anak ay nakabababa sa Ama at pangalawa lamang sa kaniya. Kailanman ay hindi minalas ni Clemente si Jesus bilang nakikibahagi sa pagka-Diyos kasama ng Ama. Kaniyang ipinakikita na ang Anak ay umaasa sa Ama, ito nga ang Diyos, at nagsasabing tiyakan na ang Ama ay ‘nag-iisang Diyos,’ na walang kasama sa Kaniyang posisyon. At saanman ay hindi ipinakikita ni Clemente na ang banal na espiritu ay kapantay ng Diyos. Samakatuwid, walang anumang Trinidad sa lahat ng mga isinulat ni Clemente.
Si Ignatius
Si Ignatius, isang obispo ng Antioquia, ay nabuhay mula noong mga kalagitnaan ng unang siglo C.E. hanggang maaga ng ikalawang siglo. Ipagpalagay natin na lahat ng kasulatang inaangking isinulat ni Ignatius ay tunay, saanman doon ay walang binabanggit na magkakapantay ang Ama, Anak, at banal na espiritu.
Kahit na kung sinabi ni Ignatius na ang Anak ay kapantay ng Ama sa pagkawalang-hanggan, kapangyarihan, posisyon, at karunungan, iyon ay hindi pa rin magiging isang Trinidad, sapagkat saanman ay hindi niya sinasabi na ang banal na espiritu ay kapantay ng Diyos sa gayong mga paraan. Ngunit hindi sinabi ni Ignatius na ang Anak ay kapantay ng Diyos na Ama sa gayong mga paraan o sa ano pa mang ibang paraan. Sa halip, ipinakita niya na ang Anak ay nagpapasakop sa Isa na nakatataas, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay tinatawag ni Ignatius na “ang tanging tunay na Diyos, di-ipinanganak at di-maaaring lapitan, ang Panginoon ng lahat, ang Ama at Maysupling ng bugtong na Anak,” na nagpapakita ng pagkakaiba ng Diyos at ng Kaniyang Anak.9 Binanggit niya ang “Diyos Ama, at ang Panginoong Jesu-Kristo.”10 At kaniyang ipinahayag: “May iisang Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, na naghayag ng Kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na Kaniyang Anak.”11
Ipinakikita ni Ignatius na ang Anak ay hindi walang-hanggan bilang isang persona kundi nilalang, sapagkat ayon sa kaniya ay sinabi ng Anak: “Ang Panginoon [Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat] ang lumalang sa Akin, ang pasimula ng Kaniyang mga lakad.”12 Gayundin, sinabi ni Ignatius: “May iisang Diyos ng uniberso, ang Ama ni Kristo, ‘na sa kaniya nagmula ang lahat ng bagay;’ at iisang Panginoong si Jesu-Kristo, ang ating Panginoon, ‘na sa pamamagitan niya nangalalang ang lahat ng bagay.’ ”13 Siya’y sumulat din:
“Ang Banal na Espiritu ay hindi nagsasalita ng Kaniyang sariling mga bagay, kundi yaong kay Kristo, . . . kung papaanong inihayag din sa atin ng Panginoon ang mga bagay na Kaniyang tinanggap sa Ama. Sapagkat, sinasabi Niya [ang Anak], ‘ang salita na narinig ninyo ay hindi Akin, kundi sa Ama, na nagsugo sa Akin.’ ”14
“May iisang Diyos na naghayag ng kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na kaniyang Anak, na kaniyang Salita na nanggaling sa katahimikan at sa bawat paraan nakalugod sa kaniya [sa Diyos] na nagsugo sa kaniya. . . . Si Jesu-Kristo ay nagpasakop sa Ama.”15
Totoo, ang Anak ay tinukoy ni Ignatius na ang “Diyos na Salita.” Subalit ang paggamit ng salitang “Diyos” para sa Anak ay hindi naman kailangang mangahulugan ng pagkapantay niya sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sa Bibliya ang Anak ay tinatawag din na “Diyos” sa Isaias 9:6. Sa Juan 1:18 ay tinatawag ang Anak na “ang bugtong na diyos.” Yamang siya’y sinangkapan ng kapangyarihan at autoridad buhat sa Diyos na Jehova, ang Ama, ang Anak ay tumpak na matutukoy na isang “makapangyarihan,” na siyang saligang kahulugan ng “diyos.”—Mateo 28:18; 1 Corinto 8:6; Hebreo 1:2.
Gayunman, ang 15 liham ba na ipinalalagay na isinulat daw ni Ignatius ay tinatanggap bilang tunay? Sa The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, ang mga editor na sina Alexander Roberts at James Donaldson ay nagsasabi:
“Ngayon ay laganap na opinyon ng mga kritiko, na ang unang walo ng pinaniniwalaang mga liham na ito ni Ignatius ay huwad. Sa ganang sarili ay makikitaan ito ng di-mapag-aalinlanganang mga patotoo na ito’y naisulat sa isang mas huling panahon . . . at ang mga ito ngayon dahil sa pangkalahatang pagsang-ayon ay itinatabi na bilang mga palsipikado.”
“Sa pitong Epistolaryo na kinikilala ni Eusebio . . . , kami’y may dalawang binago sa Griego, isang maikli at isang mahaba. . . . Bagaman ang mas maikling porma . . . ay pangkaraniwan nang tinatanggap kaysa mahaba, mayroon pa ring isang malaganap na opinyon sa mga iskolar, na kahit na iyon ay maituturing na may mga binagong bahagi, o mapagdududahan ang autentisidad.”16
Kung aayon tayo na tunay ang maikling bersiyon ng kaniyang kasulatan, kinakaltas nito ang ilang parirala (sa mahabang bersiyon) na nagpapakitang si Kristo ay mababa sa Diyos, ngunit ang natitira sa maikling bersiyon ay hindi pa rin nagpapakita ng trinidad. At kung alinman ang tunay sa kaniyang mga sulat, ang mga ito’y nagpapakita lamang na batay sa pinakamasusing pagmamasid dito ay naniniwala si Ignatius sa pagiging dalawa ng Diyos at ng kaniyang Anak. Tiyak na ito’y hindi dalawang magkapantay, sapagkat ang Anak ay laging tinutukoy na mas mababa kaysa Diyos at napaiilalim sa kaniya. Kaya naman, ano man ang pagkakilala ng isa sa mga isinulat ni Ignatius, sa mga ito ay walang masusumpungang doktrina ng Trinidad.
Si Polycarp
Si Polycarp ng Smirna ay ipinanganak noong huling katlo ng unang siglo at namatay noong kalagitnaan ng ikalawa. Sinasabi na siya’y nagkaroon ng pakikipag-ugnayan kay apostol Juan, at sinasabing isinulat niya ang Epistle of Polycarp to the Philippians (Epistolaryo ni Polycarp sa mga taga-Filipos).
Mayroon bang anuman sa mga isinulat ni Polycarp na nagpapakita ng isang Trinidad? Wala, walang binabanggit doon. Oo, ang kaniyang sinasabi ay kasuwato naman ng itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad at mga apostol. Halimbawa, sa kaniyang Epistolaryo, sinabi ni Polycarp:
“Harinawang ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, at si Jesu-Kristo Mismo, na siyang Anak ng Diyos, . . . ang magpatibay sa inyo sa pananampalataya at katotohanan.”17
Pansinin na, tulad ni Clemente, si Polycarp ay walang tinutukoy na isang Trinitaryong ugnayan ng “Ama” at “Anak” na magkapantay sa isang pagka-Diyos. Sa halip, kaniyang tinutukoy “ang Diyos at Ama” ni Jesus, hindi lamang ‘ang Ama ni Jesus.’ Kaya kaniyang inihihiwalay ang Diyos kay Jesus, gaya ng paulit-ulit na ginagawa ng mga sumulat ng Bibliya. Sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 1:3: “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Hindi niya sinasabi, ‘Purihin ang Ama ni Jesus’ kundi, “Purihin ang Diyos at Ama” ni Jesus.
At, sinasabi ni Polycarp: “Kapayapaan mula sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at mula sa Panginoong Jesu-Kristo, ang ating Tagapagligtas.”18 Dito muli, si Jesus ay iba kaysa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, hindi isang persona ng isang magkapantay na tatluhang pagka-Diyos.
Si Hermas at si Papias
Ang isa pang Apostolikong Ama ay si Hermas, na sumulat noong unang bahagi ng ikalawang siglo. Sa kaniyang isinulat na Pastol, o Pastor, mayroon ba siyang sinasabing anuman na aakay sa isa na maniwalang ang paniwala niya’y ang Diyos ay isang Trinidad? Pansinin ang ilang halimbawa ng kaniyang sinabi:
“Ni nagsasalita man ang Banal na Espiritu pagka nais ng tao na magsalita ang espiritu, kundi ito’y nagsasalita lamang pagka nais ng Diyos na magsalita ito. . . . Ang Diyos ang nagtanim ng ubasan, na ang ibig sabihin, Kaniyang nilalang ang mga tao, at ibinigay sila sa Kaniyang Anak at ang Anak ang humirang sa kaniyang mga anghel upang magbantay sa kanila.”19
“Ang Anak ng Diyos ay mas matanda kaysa lahat ng nilalang niya [ng Anak].”20
Sinasabi rito ni Hermas na pagka nais ng Diyos (hindi lamang ng Ama) na magsalita ang espiritu, ito’y nagsasalita, nagpapakita nga ng pagkamataas ng Diyos sa espiritu. At kaniyang sinasabi na ibinigay ng Diyos ang ubasan sa kaniyang Anak, nagpapakita na mataas ang Diyos sa Anak. Kaniya ring sinasabi na ang Anak ng Diyos ay mas matanda kaysa mga nilalang niya, ng Anak, samakatuwid nga, yaong mga nilalang ng Anak ng Diyos bilang Dalubhasang Manggagawa ng Diyos, “sapagkat sa pamamagitan niya lahat ng iba pang mga bagay ay nilalang sa langit at sa lupa.” (Colosas 1:15, 16) Ang totoo ay na hindi walang hanggan ang Anak. Siya’y nilalang bilang isang espiritung nilikha na may mataas na ranggo, bago ang ibang mga espiritung nilalang, tulad ng mga anghel, ay lalangin sa pamamagitan niya.
Si J. N. D. Kelly sa kaniyang Early Christian Doctrines, ay sumulat tungkol sa pangmalas ni Hermas hinggil sa Anak ng Diyos:
“Sa kung ilang mga talata ay ating mababasa ang tungkol sa isang anghel na nakatataas sa anim na mga anghel na bumubuo ng panloob na konsilyo ng Diyos, at regular na tinutukoy na ‘kagalang-galang’, ‘banal’, at ‘maningning’. Ang anghel na ito ay binigyan ng pangalang Miguel, at ang konklusyon ay mahirap iwasan na siya’y itinuring ni Hermas na ang Anak ng Diyos at ang paniwala nito ay siya rin ang arkanghel na si Miguel.”
“May patotoo rin . . . ang mga pagtatangkang ipangahulugan na si Kristo ay isang uri ng pinakamataas na anghel . . . Tungkol sa isang doktrina ng Trinidad sa pinakamahigpit na pangangahulugan ay talagang walang palatandaan.”21
Sinasabi rin na nakilala ni Papias si apostol Juan. Malamang na siya’y sumulat maaga noong ikalawang siglo, ngunit kakapiraso lamang ng kaniyang mga isinulat ang umiiral pa hanggang sa ngayon. Sa mga iyon ay wala siyang sinasabing anuman tungkol sa doktrina ng Trinidad.
Di-Nagbabagong mga Turo
Tungkol naman sa pagiging kataas-taasan ng Diyos at sa kaniyang kaugnayan kay Jesus, ang turo ng Apostolikong mga Ama ay walang pagkakaiba sa turo ni Jesus, ng mga alagad, at ng mga apostol, gaya ng nasusulat sa Bibliya. Lahat sila ay bumabanggit sa Diyos, hindi bilang isang Trinidad, kundi isang hiwalay, walang-hanggan, makapangyarihan-sa-lahat, nakaaalam-ng-lahat na Maykapal. At kanilang tinutukoy ang Anak ng Diyos bilang isang hiwalay, nakabababa, nagpapasakop na espiritung nilalang na nilikha ng Diyos upang maglingkod sa Kaniya sa pagganap ng Kaniyang kalooban. At ang banal na espiritu saanman ay hindi kasali bilang isang kapantay ng Diyos.
Sa gayon, sa mga isinulat ng Apostolikong mga Ama noong dulo ng unang siglo at maagang ikalawang siglo, walang sumusuporta sa Trinidad ng Sangkakristiyanuhan. Ang kanilang pagkabanggit sa Diyos, kay Jesus, at sa banal na espiritu ay gaya ng pagkabanggit ng Bibliya. Halimbawa, tingnan ang Gawa 7:55, 56:
“Si Esteban, puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingala sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. ‘Nakita ko na nabuksan ang langit,’ aniya, ‘at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanan ng Diyos.’ ”—Katolikong Jerusalem Bible.
Nakita ni Esteban ang isang pangitain ng Diyos sa langit na doon si Jesus ay nakatayo kasunod Niya. Ang Anak ay nakatayo sa tabi ng Isang tinukoy, hindi lamang “Ama,” kundi “Diyos,” isang lubusang hiwalay na persona kay Jesus. At wala namang ikatlong personang nakita si Esteban. Ang banal na espiritu ay hindi nakita sa langit na kasama ni Jesus at ng kaniyang Ama.
Iyan ay nahahawig sa Apocalipsis 1:1, na nagsasabi: “Ito ang pahayag na ibinigay ng Diyos kay Jesu-Kristo.” (The Jerusalem Bible) Muli, ang binuhay na si Kristo sa langit ay ipinakikita na lubusang hiwalay sa Diyos, at ang banal na espiritu ay hindi binabanggit. Kung si Jesus ang ikalawang persona ng isang Trinidad, na nakaaalam ng lahat ng bagay, papaano nga siya ‘bibigyan’ ng isang pahayag?
Ang mga kasulatang gaya ng mga ito ay nagpapakitang malinaw na walang Trinidad. At walang teksto sa buong Bibliya na bumabanggit sa Diyos bilang isang Trinidad. Ang mga isinulat ng Apostolikong mga Ama ay nagbabadya nito. Tiyak na sila’y hindi nagturo ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan.
Ang sumunod na pinakamahalagang grupo ng mga isinulat tungkol sa Kristiyanismo ay dumating nang bandang huli na ng ikalawang siglo. Ito’y ang mga isinulat ng mga klerigong tinatawag na mga apologists. Sila ba’y nagturo ng Trinidad? Sa darating na labas, sa Bahagi 3 ng seryeng ito ay ipaliliwanag ang tungkol sa kanilang mga turo.
Reperensiya:
1. The New Encyclopædia Britannica, Ika-15 Edisyon, 1985, Micropædia, Tomo 1, pahina 488.
2. A Dictionary of Christian Theology, isinaayos ni Alan Richardson, 1969, pahina 95; The New Encyclopædia Britannica, Ika-15 Edisyon, 1985, Micropædia, Tomo 4, pahina 79.
3. The Apostolic Fathers, Tomo 3, ni Robert A. Kraft, 1965, pahina 163.
4. Ibid., pahina 166-7.
5. The Influence of Greek Ideas on Christianity, ni Edwin Hatch, 1957, pahina 252.
6. The Ante-Nicene Fathers, Alexander Roberts at James Donaldson, mga nagsaayos, American Reprint of the Edinburgh Edition, 1885, Volume 1, pahina 5, 16, 21.
7. The Library of Christian Classics, Tomo 1, Early Christian Fathers, isinalin at isinaayos ni Cyril C. Richardson, 1953, pahina 70-1.
8. Ibid., pahina 60.
9. The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 52.
10. Ibid., pahina 58.
11. Ibid., pahina 62.
12. Ibid., pahina 108.
13. Ibid., pahina 116.
14. Ibid., pahina 53.
15. The Apostolic Fathers, Tomo 4, ni Robert M. Grant, 1966, pahina 63.
16. The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 46-7; Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni John McClintock at James Strong, pangalawang paglilimbag ng Baker Book House Co., 1981, Tomo IV, pahina 490-3; The Catholic Encyclopedia, 1910, Tomo VII, pahina 644-7.
17. The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 35.
18. Ibid., pahina 33.
19. The Ante-Nicene Fathers, Tomo II, pahina 27, 35.
20. The Apostolic Fathers (Loeb’s Classical Library) na may Salin sa Ingles ni Kirsopp Lake, 1976, pahina 249.
21. Early Christian Doctrines, ni J. N. D. Kelly, Pangalawang Edisyon, 1960, pahina 94-5.