Itinuro ba ng Sinaunang Iglesya na ang Diyos ay Isang Trinidad?
Bahagi 3—Itinuro ba ng mga “Apologist” ang Doktrina ng Trinidad?
Sa mga labas nito noong Nobyembre 1, 1991, at Pebrero 1, 1992, ipinakita ng Ang Bantayan na ang doktrina ng Trinidad ay hindi itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad man ni ng mga Apostolikong mga Ama noong dakong huli ng una at maaga ng ikalawang siglo C.E. Ito ba’y itinuro ng mga klerigo ng bandang huli noong ikalawang iglo?
MULA noong malapit na sa kalagitnaan ng ikalawang siglo ng ating Common Era (Panlahatang Panahon) hanggang sa dulo nito, may lumitaw na mga klerigo na sa ngayon ay tinatawag na mga Apologist. Sila’y sumulat upang ipagtanggol ang pagka-Kristiyano na kilala nila laban sa kasalungat na mga pilosopiya na uso sa daigdig Romano noong panahong iyon. Ang kanilang isinulat ay dumating noong may dulo na, at pagkatapos, ng mga isinulat ng mga Apostolikong mga Ama.
Kabilang sa mga Apologist na sumulat sa Griego ay sina Justin Martyr, Tatian, Athenagoras, Theophilus, at Clemente ng Alexandria. Si Tertullian ay isang Apologist na sumulat sa Latin. Kanila bang itinuro ang modernong Trinidad ng Sangkakristiyanuhan—tatlong magkakapantay na mga persona (Ama, Anak, at Espiritu Santo) sa pagka-Diyos, bawat isa’y tunay na Diyos, subalit wala namang tatlong Diyos kundi isang Diyos?
“Ang Anak ay Nakabababa”
Si Dr. H. R. Boer, sa kaniyang aklat na A Short History of the Early Church, ay nagkomento tungkol sa ipinapasok na turo ng Apologist:
“Si Justin [Martyr] ay nagturo na bago lalangin ang sanlibutan ang Diyos ay nag-iisa at walang Anak. . . . Nang magnais ang Diyos na lalangin ang sanlibutan, . . . siya’y nag-anak ng isa pang makalangit na nilalang upang lumalang ng sanlibutan para sa kaniya. At ang banal na nilalang na ito ay tinawag na . . . Anak sapagkat siya ay isinilang; siya’y tinawag na Logos sapagkat siya’y nanggaling sa Katuwiran o Isip ng Diyos. . . .
“Si Justin at ang iba pang mga Apologist ay nagturo samakatuwid na ang Anak ay isang nilalang. Siya’y isang mataas na nilalang, isang nilalang na may sapat na kapangyarihan upang lumalang sa sanlibutan ngunit, gayumpaman, isang nilalang. Sa teolohiya ang kaugnayang ito ng Anak sa Ama ay tinatawag na subordinationism. Ang Anak ay nakabababa, samakatuwid, pangalawa, dumidipende, at umiral sa pamamagitan ng Ama. Ang mga Apologist ay mga subordinationist.”1
Sa aklat na The Formation of Christian Dogma, si Dr. Martin Werner ay nagsasabi tungkol sa pinakamaagang pagkaunawa sa kaugnayan ng Anak sa Diyos:
“Ang relasyon na iyan ay naunawaan nang walang pag-aalinlangan bilang isa na ‘nakabababa’, alalaong baga sa diwa na pagkamababa ni Kristo sa Diyos. Saanman sa Bagong Tipan ang kaugnayan ni Jesus sa Diyos, na Ama, ay isinasaalang-alang, . . . ito’y isinasaisip at ang tiyakang kinakatawan ay yaong sa isang nakabababa. At ang pinakamahusay na Subordinationist ng Bagong Tipan, ayon sa rekord na Sinoptiko, ay si Jesus mismo . . . Ang orihinal na posisyong ito, matatag at hayag, ay nangyaring manatili sa ganang sarili nang mahabang panahon. ‘Lahat ng dakilang mga teologo bago ng Nicea ay kumatawan sa pagkamababa ng Logos sa Diyos.’ ”2
Kaayon nito, si R. P. C. Hanson, sa The Search for the Christian Doctrine of God, ay nagsasabi:
“Walang teologo sa Silangan o Kanlurang Iglesya bago sumiklab ang Arian Controversy [noong ikaapat na siglo], na hindi sa anumang diwa nagpalagay na ang Anak ay nakabababa sa Ama.”3
Si Dr. Alvan Lamson, sa The Church of the First Three Centuries, ay nagsususog ng ganitong patotoo tungkol sa turo ng mga autoridad ng simbahan bago nagkaroon ng Konsilyo ng Nicaea (325 C.E.):
“Ang pagkamababa ng Anak ay sa pangkalahatan, kung hindi man sa pare-parehong paraan, ay tinitindigan ng ante-Nicene Fathers . . . Na kanilang kinikilala ang Anak bilang naiiba sa Ama ay makikita buhat sa katayuan na kanilang maliwanag na kinikilala ang kaniyang pagkamababa. . . . Kanilang itinuturing siya na iba at nakabababa.”4
Gayundin naman, sa aklat na Gods and the One God, sinasabi ni Robert M. Grant ang ganito tungkol sa mga Apologist:
“Ang Christology ng mga apologies, tulad niyaong sa Bagong Tipan, ay sa kalakhang bahagi ay subordinationist. Ang Anak ay laging nakabababa sa Ama, na siyang kaisa-isang Diyos ng Matandang Tipan. . . . Ang masusumpungan natin sa mga unang autor na ito, kung gayon, ay hindi isang doktrina ng Trinidad . . . Bago ng Nicaea, ang mga teolohiyang Kristiyano ay halos laganap na subordinationist.”5
Itinuturo ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan na ang Anak ay kapantay ng Diyos na Ama sa pagkawalang-hanggan, kapangyarihan, posisyon, at karunungan. Subalit sinabi ng mga Apologist na ang Anak ay hindi kapantay ng Diyos na Ama. Kanilang itinuturing ang Anak bilang nakabababa. Hindi iyan ang turo ng Trinidad.
Kasasalaminan ng Unang-Siglong Turo
Ang mga Apologist at ang iba pang mga sinaunang Ama ng Iglesya ay kasasalaminan nang malawakan ng itinuro ng mga Kristiyano noong unang siglo tungkol sa kaugnayan ng Ama at Anak. Pansinin kung papaano ito ipinahayag sa aklat na The Formation of Christian Dogma:
“Sa Sinaunang panahong Kristiyano ay walang tanda ng anumang uri ng suliranin o pagtatalo sa Trinidad, tulad ng nangyari noong dakong huli na matitinding mga pag-aalitan sa Iglesya. Ang dahilan nito ay tiyak naroon sa bagay na, para sa Sinaunang Kristiyanismo, si Kristo ay . . . isang nilalang sa mataas na sanlibutan ng mga anghel sa langit, na nilalang at pinili ng Diyos para sa gawaing pagpapasok, sa katapusan ng mga panahon, . . . ng Kaharian ng Diyos.”6
Karagdagan pa tungkol sa turo ng sinaunang mga Ama ng Iglesya, inaamin ng The International Standard Bible Encyclopedia:
“Sa pinakamaagang kaisipan ng Iglesya ang tendensiya pagka tinutukoy ang Diyos Ama ay ang unawaing Siya ang una, hindi bilang ang Ama ni Jesu-Kristo, kundi bilang ang pinagmulan ng lahat ng nabubuhay. Samakatuwid ang Diyos Ama ay, wika nga, Diyos na pinakamagaling. Sa Kaniya nauukol ang pangungusap na walang pinagmulan, imortal, di-nagbabago, di-mailarawan, di-nakikita, at di-nilikha. Siya ang gumawa ng lahat ng bagay, kasali na ang mismong bumubuo sa paglalang, buhat sa wala. . . .
“Baka ito’y nagpapahiwatig na ang Ama lamang ang tunay na Diyos at ang Anak at Espiritu ay pangalawa lamang. Maraming mga sinaunang pangungusap ang waring sumusuporta rito.”7
Bagaman ang ensayklopidiyang ito ay nagpapatuloy na pahinain ang mga katotohanang ito at nag-aangkin na ang doktrina ng Trinidad ay tinanggap sa maagang yugtong iyan ng panahon, ang mga katibayan ang nagpapabulaan sa pag-aangkin. Isaalang-alang ang mga salita ng tanyag na teologong Katoliko na si John Henry Cardinal Newman:
“Tanggapin natin na ang buong kalipunan ng mga doktrina, na ang ating Panginoon ang paksa, ay walang pagbabago at para-parang tinanggap ng Sinaunang Iglesya . . . Ngunit tiyak na hindi ganiyan kung tungkol sa Katolikong doktrina ng Trinidad. Hindi ko makita kung sa anong diwa masasabi na may pagkakaisa ng opinyon ang sinaunang [mga pinuno ng simbahan] na pabor dito . . .
“Ang mga Kredo ng sinaunang kaarawang iyan ay hindi bumabanggit . . . ng [Trinidad]. Kanilang binabanggit nga ang Tatlo; ngunit na may anumang misteryo sa doktrina, na ang Tatlo ay Isa, na Sila ay magkakapantay, walang-hanggan, pawang di-nilalang, pawang makapangyarihan-sa-lahat, pawang di-malirip, ay hindi nasasabi, at hindi mahihiwatigan buhat sa kanila.”8
Ang Itinuro ni Justin Martyr
Isa sa pinaka-una sa mga Apologist ay si Justin Martyr, na nabuhay mula noong 110 hanggang 165 C.E. Wala sa kaniyang umiiral pang mga isinulat ang bumabanggit ng tatlong magkakapantay na persona sa isang Diyos.
Halimbawa, sang-ayon sa Katolikong Jerusalem Bible, ang Kawikaan 8:22-30 ay nagsasabi tungkol kay Jesus noong bago maging tao: “Ako’y nilalang ni Yahweh nang ang kaniyang layunin ay unang mahayag, bago ng pinaka-una sa kaniyang mga gawa. . . . Wala pa ang kalaliman nang ako’y isilang . . . Bago ang mga burol, ako’y isinilang na . . . Ako’y nasa kaniyang tabi [ng Diyos], isang dalubhasang manggagawa.” Sa pagtalakay sa mga talatang ito, sinasabi ni Justin sa kaniyang Dialogue With Trypho:
“Ang Kasulatan ay nagpahayag na ang Anak na ito ay naging anak ng Ama bago nilalang ang lahat ng bagay; at na yaong ipinanganak ay sa bilang naiiba sa nanganak, aaminin iyan ng sinuman.”9
Yamang ang Anak ay isinilang buhat sa Diyos, ginagamit ni Justin ang salitang “Diyos” may kaugnayan sa Anak. Kaniyang sinasabi sa kaniyang First Apology: “Ang Ama ng sansinukob ay may isang Anak; na siya rin, palibhasa ang panganay na Salita ng Diyos, ay samakatuwid Diyos.”10 Sa Bibliya ay tinutukoy rin ang Anak ng Diyos sa titulong “Diyos.” Sa Isaias 9:6 siya ay tinatawag na “Makapangyarihang Diyos.” Subalit sa Bibliya, ang mga anghel, mga tao, mga diyus-diyusan, at si Satanas ay tinatawag din na mga “diyos.” (Anghel: Awit 8:5; ihambing ang Hebreo 2:6, 7. Tao: Awit 82:6. Diyus-diyusan: Exodo 12:12; 1 Corinto 8:5. Satanas: 2 Corinto 4:4.) Sa Kasulatang Hebreo, ang salita para sa “Diyos,” na ’El, ay nangangahulugan lamang ng “Makapangyarihang Isa” o “Malakas na Isa.” Ang katumbas nito sa Griegong Kasulatan ay the·osʹ.
Bukod doon, ang terminong Hebreo na ginamit sa Isaias 9:6 ay nagpapakita ng isang tiyakang pagkakaiba ng Anak at Diyos. Doon ang Anak ay tinatawag na “Makapangyarihang Diyos,” ʼEl Gib·bohrʹ, hindi “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ang terminong iyan sa Hebreo ay ʼEl Shad·daiʹ at kumakapit lamang sa Diyos na Jehova.
Subalit, pansinin samantalang tinatawag ni Justin na “Diyos” ang Anak, hindi sinasabi kailanman na ang Anak ay isa sa tatlong magkakapantay na persona, na bawat isa sa kanila ay Diyos ngunit ang tatlo ay bumubuo lamang ng iisang Diyos. Sa halip, kaniyang sinasabi sa kaniyang Dialogue With Trypho:
“May . . . isa pang Diyos at Panginoon [si Jesus bago naging tao] na napaiilalim sa Maygawa ng lahat ng bagay [ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat]; na siyang [ang Anak] ay tinatawag ding isang Anghel, sapagkat Siya [ang Anak] ay nagpapahayag sa mga tao ng anumang ibig ipahayag sa kanila ng Maygawa ng lahat ng bagay—na wala nang nakatataas pang ibang Diyos—ang ibig ipahayag sa kanila. . . .
“[Ang Anak] ay naiiba sa Kaniya na gumawa ng lahat ng bagay,—sa bilang, ibig kong sabihin, hindi [naiiba] sa kalooban.”11
Isang interesanteng sipi ang makikita sa First Apology ni Justin, kabanata 6, na kung saan kaniyang ipinagtatanggol sa paratang ng mga pagano na ang mga Kristiyano ay ateista. Siya’y sumulat:
“Kapuwa Siya [ang Diyos], at ang Anak (na nanggaling sa Kaniya at nagturo sa atin nito, at ang karamihan ng iba pang mabubuting anghel na sumunod at ginawang kawangis Niya), at ang makahulang Espiritu, na aming sinasamba at iginagalang.”12
Isang tagapagsalin ng paghalaw na ito, si Bernhard Lohse, ay nagkomento: “Parang hindi pa sapat na sa mga binanggit na ito ang mga anghel ay tinukoy na mga nilikha na pinararangalan at sinasamba ng mga Kristiyano, hindi nag-atubili si Justin na banggitin ang mga anghel bago sa Banal na Espiritu.”13—Tingnan din ang An Essay on the Development of Christian Doctrine.14
Samakatuwid, samantalang lumilitaw na waring lumihis si Justin Martyr sa dalisay na doktrina ng Bibliya kung tungkol sa kung sino ang dapat sambahin ng isang Kristiyano, maliwanag na hindi niya minalas ang Anak bilang kapantay ng Ama, gaya rin ng kung papaano ang mga anghel ay hindi itinuturing na Kaniyang kapantay. Tungkol kay Justin, kami ay sumisipi muli buhat sa Church of the First Three Centuries ni Lamson:
“Ang Anak ay itinuring ni Justin bilang naiiba sa Diyos, at mababa kaysa kaniya: iba, hindi, sa modernong diwa, bilang bumubuo ng isa sa tatlong hypostases, o mga persona, . . . kundi iba sa diwa at kalikasan; may taglay na isang tunay, totoo, indibiduwal na pag-iral, hiwalay sa Diyos, na pinagmulan ng lahat ng kaniyang kapangyarihan at mga titulo; umiiral sa ilalim niya, at napaiilalim sa kaniyang kalooban sa lahat ng bagay. Ang Ama ay kataas-taasan; ang Anak ay nakabababa: ang Ama ang pinagmumulan ng kapangyarihan; ang Anak ang tumatanggap nito: sa Ama nagmumula; ang Anak, bilang kaniyang ministro o instrumento, ang nagpapatupad. Sila’y dalawa sa bilang, ngunit nagkakasundo, o nagkakaisa, ng kalooban; ang kalooban ng Ama ang laging sinusunod ng Anak.”15
Bukod dito, saanman ay hindi sinasabi ni Justin na ang banal na espiritu ay isang persona na kapantay ng Ama at ng Anak. Kaya sa anumang diwa ay hindi tapatang masasabi na itinuro ni Justin ang modernong Trinidad ng Sangkakristiyanuhan.
Ang Itinuro ni Clemente
Si Clemente ng Alexandria (c. 150 hanggang 215 C.E.) ay “Diyos” din ang tawag sa Anak. Kaniyang tinatawag pa man din siya na “Manlilikha,” isang salita na hindi kailanman ginamit sa Bibliya kung si Jesus ang tinutukoy. Ibig ba niyang sabihin na ang Anak ay kapantay sa lahat ng paraan ng pinakamakapangyarihang Manlilikha? Hindi. Si Clemente ay malinaw na tumutukoy sa Juan 1:3, na kung saan sinasabi tungkol sa Anak: “Lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya.”16 Ginamit ng Diyos ang Anak bilang isang kinatawan sa Kaniyang mga gawang paglalang.—Colosas 1:15-17.
Ang Kataas-taasang Diyos ay tinutukoy ni Clemente bilang “Ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesus.”17 at sinasabi na “ang Panginoon ay siyang Anak ng Manlilikha.”18 Kaniya ring sinasabi: “Ang Diyos ng lahat ay tanging kaisa-isang mabuti, makatarungang manlilikha, at ang Anak [ay] nasa Ama.”19 Kaya siya’y sumulat na ang Anak ay may Diyos na nakatataas sa kaniya.
Ang Diyos ay tinutukoy ni Clemente bilang ang “una at tanging tagapagbigay ng buhay na walang-hanggan, na ang Anak, na tumanggap nito sa Kaniya [ang Diyos], ang nagbibigay naman nito sa atin.”20 Ang Tagapagbigay na pinagmulan ng buhay na walang-hanggan ay maliwanag na mataas kaysa isa na, wika nga, nagpapasa niyaon sa iba. Sa gayon, sinasabi ni Clemente na ang Diyos “ay una, at pinakamataas.”21 At, kaniyang sinasabi na ang Anak “ay pinakamalapit sa Kaniya na tanging ang Isang Makapangyarihan-sa-lahat” at na “iniuutos [ng Anak] ang lahat ng bagay ayon sa kalooban ng Ama.”22 Paulit-ulit na ipinakikita ni Clemente ang pagkakataas-taasan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa kaugnayan sa Anak.
Tungkol kay Clemente ng Alexandria, ating mababasa sa The Church of the First Three Centuries:
“Tayo’y makasisipi ng maraming mga isinulat ni Clemente na kung saan buong linaw na sinasabi ang pagkamababa ng Anak. . . .
“Tayo’y nagtataka na sinuman ay nakababasa ng isinulat ni Clemente na taglay ang karaniwang atensiyon, at gunigunihin ng isang saglit na kaniyang itinuring ang Anak bilang—kaisa ng—Ama. Ang kaniyang umaasa at nakabababang kalikasan, ayon sa waring pagkaunawa natin, ay kinikilala saanman. Si Clemente ay naniniwala na ang Diyos at Anak ay magkahiwalay; sa ibang pananalita, dalawang indibiduwal,—ang isa’y pinakamataas, yaon namang isa’y nakabababa sa kaniya.”23
Isa pa, masasabi muli: Kahit na si Clemente kung minsan ay lumilitaw na lumalampas sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus, saanman ay wala siyang binabanggit tungkol sa isang Trinidad na binubuo ng tatlong magkakapantay na persona sa iisang Diyos. Ang mga Apologist na tulad ni Tatian, Theophilus, at Athenagoras, na nabuhay sa pagitan ng panahon ni Justin at ng panahon ni Clemente, ay may nakakatulad na mga paniwala. Sinasabi ni Lamson na sila “ay hindi mas mahusay na mga Trinitarian kaysa kay Justin mismo; alalaong baga, sila’y naniniwala hindi sa iisa, magkakapantay na Tatlo, kundi sila’y nagturo ng isang doktrina na lubusang hindi maiaayon sa paniwalang ito.”24
Ang Teolohiya ni Tertullian
Si Tertullian (c. 160 hanggang 230 C.E.) ang kauna-unahang gumamit ng salitang Latin na trinitas. Gaya ng binanggit ni Henry Chadwick, sinabi ni Tertullian na ang Diyos ay ‘isang kabuuan na may tatlong persona.’25 Subalit, ito’y hindi nangangahulugan na ang sumasaisip niya ay tatlong personang magkakasimpantay at magkakasingwalang-hanggan. Gayunman, sa kaniyang mga ideya ay naparagdag yaong sa mga manunulat nang bandang huli na may layuning makabuo ng doktrina ng Trinidad.
Ang ideya ni Tertullian tungkol sa Ama, Anak, at banal na espiritu ay ibang-iba sa Trinidad ng Sangkakristiyanuhan, sapagkat siya ay isang subordinationist. Sa kaniyang paniwala ang Anak ay nakabababa sa Ama. Sa Against Hermogenes siya ay sumulat:
“Hindi natin dapat na ipagpalagay na may iba pang indibiduwal kaysa Diyos na di-ipinanganak at di-nilikha. . . . Papaano nga mangyayari na ano pa man, maliban sa Ama, ay magiging mas matanda, at sa bagay na ito ay mas dakila, kaysa Anak ng Diyos, ang bugtong at unang ipinanganak na Salita? . . . Na [ang Diyos] na hindi naman nangangailangan ng isang Manlilikha na magbibigay rito ng buhay, ay magiging lalong mataas ang ranggo kaysa roon sa [Anak] na nangangailangan ng isa na magpapairal dito.”26
Gayundin, sa Against Praxeas, kaniyang ipinakikita na ang Anak ay naiiba at mababa sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pamamagitan ng pagsasabi:
“Ang Ama ang buong kabuuan, ngunit ang Anak ay nanggaling sa kabuuan at bahagi nito, gaya ng kinikilala Niya Mismo: ‘Ang aking Ama ay lalong dakila kaysa akin.’ . . . Samakatuwid ang Ama ay iba sa Anak, yamang lalong dakila kaysa Anak, yamang Siya na pinanggagalingan ng Anak ay isa, at Siya na naging Anak ay iba naman; Siya, rin naman, na nagsusugo ay isa, at Siya na isinusugo ay iba; at Siya, muli, na gumagawa ay isa, at Siya na sa pamamagitan niya ginagawa ang bagay ay isa pa.”27
Si Tertullian, sa Against Hermogenes, ay nagsasabi pa rin na may panahon na hindi umiiral ang Anak bilang isang persona, nagpapakita na hindi niya itinuturing na ang Anak ay isang walang-hanggang indibiduwal sa diwa na gaya ng Diyos.28 Sinabi ni Cardinal Newman: “Si Tertullian ay dapat na ituring na heterodox [naniniwala sa mga bagong doktrina] tungkol sa doktrina ng walang-hanggang salinlahi ng ating Panginoon.”29 Tungkol kay Tertullian, sinasabi ni Lamson:
“Ang katuwirang ito, o Logos, gaya ng tawag dito ng mga Griego ay pagkatapos, gaya ng paniwala ni Tertullian, nakumberte sa Salita, o Anak, samakatuwid nga, isang tunay na indibiduwal, yamang umiral na mula sa walang-hanggan bilang isa lamang katangian ng Ama. Gayunman, si Tertullian ay may paniniwala na siya’y may ranggong nakabababa sa Ama . . .
“Kung hahatulan ayon sa mga bagay na pangkalahatang tinatanggap na paliwanag sa Trinidad sa kasalukuyan, ang pagtatangkang iligtas si Tertullian sa hatol [sa isang erehes] ay walang kabuluhan. Hindi niya mapagtatagumpayan ang pagsubok kahit isang saglit man.”30
Walang Trinidad
Kung iyong babasahin ang lahat ng mga salita ng mga Apologist, masusumpungan mo na bagaman sila’y lumihis sa mga ilang paraan sa mga turo ng Bibliya, wala isa man sa kanila ang nagturo na Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay magkakapareho sa pagkawalang-hanggan, sa kapangyarihan, sa posisyon, at sa karunungan.
Ito ay totoo rin tungkol sa ibang mga manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo, tulad halimbawa ni Irenaeus, Hippolytus, Origen, Cyprian, at Novatian. Bagaman ang iba’y naniniwala na ang Ama at ang Anak ay magkapantay sa ilang mga kaparaanan, sa ibang mga paraan sila’y naniniwala na ang Anak ay nakabababa sa Diyos na Ama. At wala isa man sa kanila ang mayhaka-haka na ang banal na espiritu ay kapantay ng Ama at ng Anak. Halimbawa, sinasabi ni Origen (c. 185 hanggang 254 C.E.) na ang Anak ng Diyos ay “ang Panganay-sa-lahat ng nilalang” at na kinikilala “Siya ng [Kasulatan] bilang ang pinakamatanda sa lahat ng nilalang.”31
Ang walang kinikilingang pagbabasa ng mga isinulat ng mga autoridad na ito ng sinaunang iglesya ay nagpapakita na ang doktrina ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan ay hindi umiiral noong kanilang kapanahunan. Gaya ng sinasabi ng The Church of the First Three Centuries:
“Ang modernong popular na doktrina ng Trinidad ay . . . walang makukuhang alalay buhat sa mga isinulat ni Justin: at ang obserbasyong ito ay maaari pang palawakin hanggang sa lahat ng ante-Nicene Fathers; alalaong baga, sa lahat ng mga manunulat na Kristiyano sa loob ng tatlong siglo pagkatapos na maipanganak si Kristo. Totoo naman, sila’y binabanggit na Ama, Anak, at makahula o banal na Espiritu, ngunit hindi magkakasimpantay, hindi bilang isang kabuuan, hindi bilang Tatlo sa Isa, sa diwa na tinatanggap ngayon ng mga Trinitarian. Ang katotohanan ay ang mismong kabaligtaran. Ang doktrina ng Trinidad, ayon sa paliwanag ng mga Amang ito, ay ibang-iba sa modernong doktrina. Ito’y aming sinasabi bilang isang katotohanan na mapatutunayan gaya ng anumang pangyayari sa kasaysayan ng mga opinyon ng tao.”32
Ang totoo, bago kay Tertullian ang Trinidad ay hindi man lamang nababanggit. At ang “heterodox” na Trinidad ni Tertullian ay may malaking pagkakaiba kaysa roon sa pinaniniwalaan sa ngayon. Kung gayon, papaano nabuo ang doktrina ng Trinidad, gaya ng pagkaunawa sa ngayon? Iyon ba ay sa Konsilyo ng Nicea noong 325 C.E.? Ating susuriin ang mga katanungang ito sa Bahagi 4 ng seryeng ito sa isang hinaharap na labas ng Ang Bantayan.
Reperensiya:
1. A Short History of the Early Church, ni Harry R. Boer, 1976, pahina 110.
2. The Formation of Christian Dogma, ni Martin Werner, 1957, pahina 125.
3. The Search for the Christian Doctrine of God, ni R. P. C. Hanson, 1988, pahina 64.
4. The Church of the First Three Centuries, ni Alvan Lamson, 1869, pahina 70-1.
5. Gods and the One God, ni Robert M. Grant, 1986, pahina 109, 156, 160.
6. The Formation of Christian Dogma, pahina 122, 125.
7. The International Standard Bible Encyclopedia, 1982, Tomo 2, pahina 513.
8. An Essay on the Development of Christian Doctrine, ni John Henry Cardinal Newman, Ikaanim na Edisyon, 1989, pahina 14-18.
9. The Ante-Nicene Fathers, isinaayos ni Alexander Roberts at James Donaldson, American Reprint of the Edinburgh Edition, 1885, Tomo I, pahina 264.
10. Ibid., pahina 184.
11. The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 223.
12. Ibid., pahina 164.
13. A Short History of Christian Doctrine, ni Bernhard Lohse, isinalin buhat sa Aleman ni F. Ernest Stoeffler, 1963, ikalawang paperback na pagkalimbag, 1980, pahina 43.
14. An Essay on the Development of Christian Doctrine, pahina 20.
15. The Church of the First Three Centuries, pahina 73-4, 76.
16. The Ante-Nicene Fathers, Tomo II, pahina 234.
17. Ibid., pahina 227.
18. Ibid., pahina 228.
19. Ibid.
20. Ibid., pahina 593.
21. Ibid.
22. Ibid., pahina 524.
23. The Church of the First Three Centuries, pahina 124-5.
24. Ibid., pahina 95.
25. The Early Church, ni Henry Chadwick, inilimbag 1980, pahina 89.
26. The Ante-Nicene Fathers, Tomo II, pahina 487.
27. Ibid., pahina 603-4.
28. Ibid., pahina 478.
29. An Essay on the Development of Christian Doctrine, pahina 19, 20.
30. The Church of the First Three Centuries, pahina 108-9.
31. The Ante-Nicene Fathers, Tomo IV, pahina 560.
32. The Church of the First Three Centuries, pahina 75-6.
[Larawan sa pahina 27]
Si Clemente
[Credit Line]
Historical Pictures Service
[Larawan sa pahina 28]
Si Tertullian
[Credit Line]
Historical Pictures Service