Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 8/1 p. 19-24
  • Bahagi 4—Kailan at Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bahagi 4—Kailan at Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Itinatag ba Nito ang Doktrina ng Trinidad?
  • “Punto de Vista ng Minoridad”
  • Ang Konsilyo ng Constantinople
  • Kung Papaano Lumago Iyon
  • Kung Ano ang Kinakatawan Niyaon
  • “Sa Kanilang mga Bunga”
  • Isang Araw ng Pagtutuos
  • Mga Reperensiya:
  • Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad?
    Gumising!—2013
  • Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
    Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
  • Bahaging 1—Itinuro ba ni Jesus at ng kaniyang mga Alagad ang Doktrina ng Trinidad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mga Tanong sa Pag-aaral ng Brochure na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 8/1 p. 19-24

Itinuro ba ng Sinaunang Iglesya na ang Diyos ay Isang Trinidad?

Bahagi 4​—Kailan at Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?

Ipinakikita ng tatlong naunang mga artikulo ng seryeng ito na ang doktrina ng Trinidad ay hindi itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ni ng sinaunang mga Ama ng Iglesya. (Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1991; Pebrero 1, 1992; at Abril 1, 1992) Tatalakayin ng huling artikulong ito kung papaano nabuo ang turo ng Trinidad at anong bahagi ang ginampanan ng Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E.

NOONG taóng 325 C.E., ang Romanong emperador Constantino ay tumawag ng isang pagtitipon ng mga obispo sa siyudad ng Nicaea sa Asya Minor. Ang kaniyang layunin ay upang malutas ang nagpapatuloy na mga pagtatalo sa relihiyon tungkol sa kaugnayan ng Anak ng Diyos sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Tungkol sa mga resulta ng konsilyong iyan, ganito ang sinasabi ng Encyclopœdia Britannica:

“Si Constantino mismo ang nangulo, naging aktibong tagapatnubay sa mga talakayan, at personal na nagmungkahi . . . sa maselan na pormula na nagpapahayag ng kaugnayan ni Kristo sa Diyos sa kredo na ipinalabas ng konsilyo, ‘ang pagiging isang sangkap [ho·mo·ouʹsi·os] ng Ama.’ . . . Sa labis na pagkasindak sa emperador, ang mga obispo, maliban sa dalawa lamang, ay lumagda sa kredo, na marami sa kanila ang tutol doon.”1

Ang paganong emperador na ito ba ay namagitan dahilan sa kaniyang Biblikong mga paniniwala? Hindi. Sinasabi ng A Short History of Christian Doctrine: “Si Constantino ay walang anumang saligang pagkaunawa sa mga katanungan sa teolohiyang Griego.”2 Ang kaniyang naunawaan ay na mga pagtatalong tungkol sa relihiyon ang nagbanta sa pagkakaisa ng kaniyang imperyo, at ibig niyang malutas iyon.

Itinatag ba Nito ang Doktrina ng Trinidad?

Itinatag ba, o pinagtibay, ng Konsilyo ng Nicaea ang Trinidad bilang isang doktrina ng Sangkakristiyanuhan? Marami ang may palagay na gayon nga. Subalit hindi gayon ang ipinakikita ng mga ebidensiya.

Ang kredong binuo sa konsilyong iyan ay nagpahayag ng mga bagay na tungkol sa Anak ng Diyos na magpapahintulot sa iba’t ibang klerigo na kilalanin siya bilang kapantay ng Diyos na Ama sa isang paraan. Gayunman, maliwanag na makikita kung ano ang hindi sinabi ng Kredo ng Nicaea. Ayon sa orihinal na pagkalathala, ang buong kredo ay nagsasabi:

“Kami ay sumasampalataya sa iisang Diyos, ang Ama na Makapangyarihan-sa-lahat, maygawa ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita;

“At sa iisang Panginoon na si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, anak ng Ama, bugtong, alalaong baga, kaisang-sangkap ng Ama, Diyos na nagmula sa Diyos, liwanag na nagmula sa liwanag, tunay na Diyos na nagmula sa tunay na Diyos, inianak hindi ginawa, kaisang-sangkap ng Ama, na sa pamamagitan Niya lahat ng bagay ay umiral, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay sa lupa, Siya na dahilan sa atin na mga tao at dahilan sa ating kaligtasan ay naparito at nag-anyong-laman, naging tao, nagdusa at bumangon muli noong ikatlong araw, umakyat sa langit, at paparito upang hukuman ang nabubuhay at ang mga namatay;

“At sa Espiritu Santo.”3

Ang kredo bang ito ay nagsasabi na ang Ama, Anak, at espiritu santo (banal na espiritu) ay tatlong persona sa iisang Diyos? Sinasabi ba nito na ang tatlo ay magkakapantay sa pagkawalang-hanggan, kapangyarihan, katungkulan, at karunungan? Hindi, walang sinabi ito na ganoon. Dito’y walang anumang tatlo-sa-isang pormula. Ang orihinal na Kredo ng Nicaea ay hindi nagtatag o nagpatibay sa Trinidad.

Ang kredong iyan, sa kalakhan, ay ipinapantay ang Anak sa Ama sa pagiging mag-“kaisang-sangkap.” Subalit walang sinasabi ito na anumang gaya niyan kung tungkol sa banal na espiritu. Ang sinasabi lamang ay na “kami ay sumasampalataya . . . sa Espiritu Santo.” Iyan ay hindi doktrina ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan.

Kahit na ang pangunahing parirala na “kaisang-sangkap” (ho·mo·ouʹsi·os) ay hindi automatikong nangangahulugan na naniniwala ang konsilyo na iisa ang Ama at ang Anak. Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi:

“Nasa alanganin kung intensiyon ng Konsilyo na pagtibayin ang pagiging magkaisang sangkap ng Ama at ng Anak.”4

Kung ang ibig sabihin ng konsilyo ay iisa ang Anak at Ama, hindi pa rin iyon magiging isang Trinidad. Iyon ay magiging isa lamang dalawa-sa-iisang Diyos, hindi tatlo-sa-iisa gaya ng kinakailangan sa doktrina ng Trinidad.

“Punto de Vista ng Minoridad”

Sa Nicaea, ang mga obispo ba ay karaniwan nang naniwala na ang Anak ay kapantay ng Diyos? Hindi, may mga punto de vista na nagkakalaban. Halimbawa, ang isa ay kinakatawan ni Arius, na nagturo na ang Anak ay may takdang pasimula at samakatuwid ay hindi kapantay ng Diyos kundi nakabababa sa lahat ng paraan. Si Atanasio, sa kabilang panig, ay naniniwala na ang Anak ay kapantay ng Diyos sa isang tanging paraan. At mayroon pang ibang mga paniniwala.

Tungkol sa pasiya ng konsilyo na ituring ang Anak na kaisang sangkap (consubstantial) ng Diyos, si Martin Marty ay nagsasabi: “Sa aktuwal ang Nicaea ay kumatawan sa punto de vista ng minoridad; ang paglutas ay maligalig at hindi tinanggap ng marami na ang pangmalas ay hindi gaya ni Arius.”5 Gayundin, ang aklat na A Select Library of Nicene and Post-Nicene Fathers of the Christian Church ay bumabanggit na “ang isang malinaw ang pagkabuong paninindigan sa doktrina kabaligtaran ng Arianismo ay tinaglay ng minoridad lamang, bagaman ang minoridad na ito ay nagtagumpay sa kanilang pakay.”6 At sa A Short History of Christian Doctrine ay binabanggit:

“Ang waring lalong higit na tinututulan ng maraming obispo at mga teologo ng Silangan ay ang idea na inilakip sa kredo ni Constantino mismo, ang homoousios [“kaisang-sangkap”], na sa kasunod na mga hidwaan sa pagitan ng ortodokso at pagkaerehes ay pinagmulan ng pagkakabaha-bahagi.”7

Pagkatapos ng konsilyo, nagpatuloy sa loob ng mga dekada ang pagtatalo. Yaong mga pabor sa idea ng pagiging magkapantay ng Anak at ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi naging popular sa loob ng isang panahon. Halimbawa, sinasabi ni Martin Marty tungkol kay Atanasio: “Ang kaniyang popularidad ay sumikat at lumubog at siya ay ipinatapon ng napakadalas [noong mga taon pagkatapos ng konsilyo] na anupat siya ay halos naging isang commuter.”8 Mga taon ang ginugol ni Atanasio nang siya’y ipatapon dahilan sa sinalansang ng mga opisyales ng pamahalaan at ng simbahan ang kaniyang mga paniwala na ang Anak ay kapantay ng Diyos.

Kaya ang paggigiit na itinatag o pinagtibay ng Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E. ang doktrina ng Trinidad ay hindi totoo. Ang naging turo ng Trinidad sa ngayon ay hindi umiral noon. Ang idea na ang Ama, Anak, at banal na espiritu bawat isa ay tunay na Diyos at magkapantay sa pagkawalang-hanggan, kapangyarihan, katungkulan, at karunungan, ngunit iisang Diyos​—isang tatlo-sa-isang Diyos​—ay hindi binuo ng konsilyong iyan ni ng mas maagang mga Ama ng Iglesya. Gaya ng sinasabi ng The Church of the First Three Centuries:

“Ang modernong popular na doktrina ng Trinidad . . . ay walang suporta buhat sa pananalita ni Justin [Martyr]: at ang ganitong puna ay maaaring ikapit sa lahat ng Ama bago ng Nicaea; samakatuwid nga, sa lahat ng mga manunulat na Kristiyano sa loob ng tatlong siglo pagkatapos isilang ang Kristo. Totoo, kanilang binabanggit ang Ama, Anak, at makahula o espiritu santo, subalit hindi bilang magkakapantay, hindi bilang iisa, hindi bilang Tatlo sa Isa, na sa anumang diwa ay tinatanggap ngayon ng mga Trinitarian. Ang mismong kabaligtaran ang totoo. Ang doktrina ng Trinidad, ayon sa paliwanag ng mga Amang ito, ay totoong naiiba sa modernong doktrina. Ito ay aming sinasabi bilang isang katotohanan na mapatutunayan na gaya ng anumang katotohanan sa kasaysayan ng mga opinyon ng tao.”

“Aming hinahamon ang sinuman na magharap ng kahit isang manunulat na kinikilala, noong unang tatlong siglo, na naniwala sa doktrinang ito [ng Trinidad] gaya ng sa ngayon.”9

Bagaman gayon, ang Nicaea ay naging pasimula ng pagbabago. Binuksan nito ang daan tungo sa opisyal na pagtanggap sa Anak bilang kapantay ng Ama, at iyan ay nagbigay-daan para sa idea ng Trinidad noong bandang huli. Ang aklat na Second Century Orthodoxy, ni J. A. Buckley, ay nagsasabi:

“Magpahanggang katapusan ng ikalawang siglo humigit-kumulang, ang pansansinukob na Iglesya ay nanatiling nagkakaisa sa isang pangunahing dahilan; tinatanggap nilang lahat ang pagiging kataas-taasan ng Ama. Itinuring nilang lahat na ang Diyos na Amang Makapangyarihan-sa-lahat ang tanging kataas-taasan, di-nagbabago, di-mailarawan at walang pasimula. . . .

“Sa pagyao ng mga manunulat at ng mga lider na yaon noong ikalawang siglo, ang Iglesya ay . . . dumulas nang dahan-dahan ngunit may katatagan patungo sa puntong iyan . . . na kung saan sa Konsilyo ng Nicaea sumapit sa tugatog ang lahat ng unti-unting pagkaagnas ng orihinal na pananampalataya. Doon, ang isang munting sumasabog na minoridad ang nagpasa ng kaniyang erehiya sa isang di-tumututol na mayoridad, at palibhasa itinataguyod ito ng makapulitikang mga autoridad, sila’y namilit, nanghikayat at nanakot ng mga nagsikap na mapanatili na walang-dungis ang taganas na kadalisayan ng kanilang pananampalataya.”10

Ang Konsilyo ng Constantinople

Noong 381 C.E., pinagtibay ng Konsilyo ng Constantinople ang Kredo ng Nicaea. At ito’y dinagdagan pa. Ang banal na espiritu ay tinatawag nito na “Panginoon” at “tagapagbigay-buhay.” Ang pinalawak na kredo noong 381 C.E. (na sa kabuuan ay ginagamit sa mga simbahan sa ngayon at tinatawag na “ang Nicene Creed” o Kredo ng Nicaea) ay nagpapakita na makabubuo na sana noon ang Sangkakristiyanuhan ng isang ganap na turo ng Trinitaryo. Subalit, hindi natapos ng konsilyong ito ang doktrinang iyan. Inaamin ng New Catholic Encyclopedia:

“Kapuna-puna na 60 taon pagkatapos ng Nicaea I ang Konsilyo ng Constantinople I [381 C.E.] ay umiwas sa homoousios sa katuturang ibinibigay nito sa dibinidad ng Espiritu Santo.”11

“Ang mga iskolar ay nangalito sa waring kalambutan ng pananalita ng kredong ito; halimbawa, ang hindi paggamit nito sa salitang homoousios ng Espiritu Santo bilang kaisang-sangkap ng Ama at Anak.”12

Inaamin ng ensayklopedya ring iyan: “Ang homoousios ay hindi makikita sa Kasulatan.”13 Hindi, hindi ginagamit ng Bibliya ang salitang iyan para sa banal na espiritu o para sa Anak bilang kaisang-sangkap ng Diyos. Ito ay isang pananalitang wala sa Bibliya na tumulong ng pag-akay tungo sa wala sa Bibliya, tunay nga, na anti-Bibliya, na doktrina ng Trinidad.

Kahit na pagkatapos ng Constantinople, mga dantaon ang lumipas bago tinanggap sa buong Sangkakristiyanuhan ang turo ng Trinidad. Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Sa Kanluran . . . waring umiral ang pangkalahatang kawalang-imik kung tungkol sa Constantinople I at sa kredong ito.”14 Ipinakikita ng aklat na ito na ang kredo ng konsilyo ay hindi malaganap na kinilala sa Kanluran hanggang noong ikapito o ikawalong siglo.

Inamin din ng mga iskolar na ang Kredong Atanasio, malimit na sinisipi bilang isang pamantayang depinisyon at alalay ng Trinidad, ay hindi isinulat ni Atanasio kundi ng isang di-kilalang autor noong bandang huli. Nagkukomento ang The New Encyclopœdia Britannica:

“Ang kredo ay hindi nakilala ng Iglesyang Silangan hanggang noong ika-12 siglo. Sapol noong ika-17 siglo, karaniwan nang naniniwala ang mga iskolar na ang Kredong Atanasio ay hindi isinulat ni Atanasio (namatay noong 373) kundi marahil ay isinulat sa timugang Pransiya noong ika-5 siglo. . . . Ang impluwensiya ng kredo ay waring doon unang nakita sa timugang Pransiya at Espanya noong ika-6 at ika-7 mga siglo. Ito’y ginamit sa liturhiya ng simbahan sa Alemanya noong ika-9 na siglo at noong bandang huli na sa Roma.”15

Kung Papaano Lumago Iyon

Ang doktrina ng Trinidad ay nagsimula sa mabagal na paglago sa loob ng daan-daang taon. Ang Trinitaryong mga idea ng mga pilosopong Griego na tulad ni Plato, na nabuhay maraming siglo bago kay Kristo, ay unti-unting sumingit sa mga turo ng simbahan. Gaya ng sinasabi ng The Church of the First Three Centuries:

“Kami’y naniniwala na ang doktrina ng Trinidad ay unti-unti at medyo huli na nang mabuo; na ito’y nagmula sa isang pinanggalingan na lubusang naiiba sa Judio at Kristiyanong mga Kasulatan; na ito’y lumawak, at nagsilbing panghugpong sa Kristiyanismo, sa pamamagitan ng mga kamay ng mga Ama na tagapagtaguyod kay Plato; na sa panahon ni Justin, at ng matagalan pagkatapos, ang naiibang kalikasan at pagkamababa ng Anak ay itinuro sa buong daigdig; at na ang unang malabong balangkas ng Trinidad ay malinaw na nakita noon.”16

Bago kay Plato, ang tatluhan, o mga trinidad, ay karaniwan sa Babilonya at sa Ehipto. At ang pagsisikap ng mga klerigo na makaakit ng mga di-sumasampalataya sa daigdig ng mga Romano ay humantong sa unti-unting pagkalakip ng ilan sa mga ideang iyan sa Kristiyanismo. Ito sa wakas ay humantong sa pagtanggap sa paniwala na ang Anak at ang banal na espiritu ay kapantay ng Ama. a

Kahit ang salitang “Trinidad” ay unti-unti lamang na tinanggap. Noong huling kalahatian ng ikalawang siglo, si Theophilus, obispo ng Antioquia sa Syria, ay sumulat sa Griego at ipinakilala ang salitang tri·asʹ, na ang ibig sabihin ay “triad” (tatluhan), o “trinidad.” Pagkatapos ang manunulat sa Latin na si Tertullian sa Cartago, Hilagang Aprika, ay nagpasok sa kaniyang mga isinulat ng salitang trinitas, na ang ibig sabihin ay “trinidad.” b Subalit ang salitang tri·asʹ ay hindi makikita sa kinasihang Kasulatang Griego Kristiyano, at ang salitang trinitas ay hindi makikita sa saling Latin ng Bibliya na tinatawag na Vulgate. Alinman sa dalawang salitang iyan ay hindi matatagpuan sa Bibliya. Subalit ang salitang “Trinidad,” salig sa mga paniniwalang makapagano, ay sumingit sa literatura ng mga simbahan at pagkatapos ng ikaapat na siglo ay naging bahagi ng kanilang turo.

Samakatuwid, hindi ito dahil sa lubusang sinuri ng mga iskolar ang Bibliya upang makita kung ang gayong doktrina ay itinuturo nito. Sa halip, ang doktrina ay nakasalig nang malaki sa makasanlibutan at makarelihiyong pulitika. Sa aklat na The Christian Tradition, ang autor na si Jaroslav Pelikan ay tumatawag-pansin sa “di-teolohikal na mga salik sa debate, na marami ang waring handang ulit at ulit na alamin ang kalalabasan nito, upang mapawalang-bisa lamang ng mga ibang puwersa na kasinghalaga. Ang doktrina ang kadalasang waring nagiging biktima​—o resulta​—ng pulitika ng simbahan at ng mga hidwaan ng personalidad.”17 Ganito naman ang sabi ni propesor E. Washburn Hopkins ng Yale: “Ang pangkatapusang ortodoksong depinisyon ng trinidad sa kalakhang bahagi ay may kinalaman sa pulitika ng simbahan.”18

Malayung-malayo sa katuwiran ang doktrina ng Trinidad kung ihahambing sa simpleng turo ng Bibliya na ang Diyos ay Kataas-taasan at walang-kapantay! Gaya ng sinasabi ng Diyos, “kanino ninyo ako itutulad o ipaparis o iwawangis upang kami ay magkahawig?”​—Isaias 46:5.

Kung Ano ang Kinakatawan Niyaon

Ano ba ang kinakatawan ng baytang-baytang na pag-unlad ng idea ng Trinidad? Iyon ay bahagi ng paghiwalay mula sa tunay na Kristiyanismo na inihula ni Jesus. (Mateo 13:24-43) Ang darating na apostasya ay inihula ni apostol Pablo:

“Tiyak na darating ang panahon na, palibhasa’y hindi nasisiyahan sa magaling na aral, ang mga tao ay magiging mapusok sa pinakabagong karanasan at magsisipagbunton sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling kagustuhan; at kung magkagayon, sa halip na makinig sa katotohanan, sila’y babaling sa mga katha.”​—2 Timoteo 4:3, 4, Katolikong Jerusalem Bible.

Isa sa mga kathang iyon ay ang turo ng Trinidad. Ang ilang mga katha na napapaiba sa Kristiyanismo na unti-unti ring umunlad ay: ang likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, purgatoryo, Limbo, at walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno.

Kung gayon, ano ba ang doktrina ng Trinidad? Sa aktuwal ay isa itong doktrinang pagano na nagkukunwaring turong Kristiyano. Ito’y itinaguyod ni Satanas upang linlangin ang mga tao, upang ang Diyos ay gawing nakalilito at mahiwaga sa kanila. Ang resulta nito ay ang kanila ring pagiging handa na tanggapin ang iba pang idea at maling mga gawain ng huwad na relihiyon.

“Sa Kanilang mga Bunga”

Sa Mateo 7:15-19, sinabi ni Jesus na masasabi mo ang pagkakaiba ng huwad na relihiyon sa tunay na relihiyon sa ganitong paraan:

“Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na magsisilapit na may damit-tupa, datapuwat sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay makikila ninyo sila. Ang mga tao baga’y makapangunguha ng ubas sa mga tinikan o ng igos sa mga dawagan? Gayundin naman ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama . . . Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.”

Isaalang-alang ang isang halimbawa. Sinabi ni Jesus sa Juan 13:35: “Sa ganito ay mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Gayundin, sa 1 Juan 4:20 at 21, sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos:

“Kung sinasabi ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ ngunit napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. At ang utos na ito na mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.”

Ikapit ang saligang simulain na ang mga tunay na Kristiyano ay kailangang may pag-ibig sa isa’t isa na nangyari sana sa dalawang digmaang pandaigidig sa siglong ito, gayundin sa iba pang mga digmaan. Mga tao na nasa iisang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay naroroon sa larangan ng labanan at nagpapatayan dahilan sa pagkakaiba ng bansang pinagmulan. Bawat panig ay nag-aangkin na Kristiyano, at ang bawat panig ay suportado ng kaniyang klero, na nag-aangkin na nasa kanilang panig ang Diyos. Ang patayang iyon ng “Kristiyano” at “Kristiyano” ay bulok na bunga. Isang paglabag iyon sa pag-ibig na Kristiyano, isang pagtatatwa sa kautusan ng Diyos.​—Tingnan din ang 1 Juan 3:10-12.

Isang Araw ng Pagtutuos

Sa gayon, ang pag-aapostasya buhat sa Kristiyanismo ay humantong hindi lamang sa mga paniwalang laban sa Diyos, tulad halimbawa ng doktrina ng Trinidad, kundi rin naman sa mga gawaing laban sa Diyos. Subalit, may isang araw ng pagtutuos na darating, sapagkat sinabi ni Jesus: “Bawat punungkahoy na hindi namumunga nang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.” Kaya naman ang Salita ng Diyos ay nagpapayo:

“Lumabas kayo sa kaniya [sa huwad na relihiyon], bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang katakut-takot na mga kasalanan ay abot hanggang langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawang katampalasanan.”​—Apocalipsis 18:4, 5.

Hindi na magtatagal at ‘ilalagay sa puso’ ng pulitikal na mga autoridad na sila’y bumaling laban sa huwad na relihiyon. Kanilang “huhubaran siya at . . . kakanin ang kaniyang laman at siya’y lubos na susupukin sa apoy.” (Apocalipsis 17:16, 17) Mapupuksa magpakailanman ang huwad na relihiyon pati ang kaniyang paganong mga pilosopiya tungkol sa Diyos. Sa pinakadiwa, sasabihin ng Diyos sa mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon ang gaya ng sinabi ni Jesus noong kaniyang kaarawan: “Ang inyong bahay ay iniwan sa inyo na wasak.”​—Mateo 23:38.

Ang tunay na relihiyon ay makaliligtas sa mga paghatol ng Diyos, kung kaya, sa wakas, lahat ng karangalan at kaluwalhatian ay iuukol sa Isa na tinukoy ni Jesus na siyang “tanging tunay na Diyos.” Siya ang Isa na ipinakilala ng salmista na nagsabi: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—Juan 17:3; Awit 83:18.

Mga Reperensiya:

1. Encyclopœdia Britannica, 1971, Tomo 6, pahina 386.

2. A Short History of Christian Doctrine, ni Bernhard Lohse, 1963, pahina 51.

3. Ibid., pahina 52-3.

4. New Catholic Encyclopedia, 1967, Tomo VII, pahina 115.

5. A Short History of Christianity, ni Martin E. Marty, 1959 pahina 91.

6. A Select Library of Nicene and Post-Nicene Fathers of the Christian Church, ni Philip Schaff at Henry Wace, 1892, Tomo IV, pahina xvii.

7. A Short History of Christian Doctrine, pahina 53.

8. A Short History of Christianity, pahina 91.

9. The Church of the First Three Centuries, ni Alvan Lamson, 1869, pahina 75-6, 341.

10. Second Century Orthodoxy, ni J. A. Buckley, 1978, pahina 114-15.

11. New Catholic Encylopedia, 1967, Tomo VII, pahina 115.

12. Ibid., Tomo IV, pahina 436.

13. Ibid., pahina 251.

14. Ibid., pahina 436.

15. The New Encyclopœdia Britannica, 1985, ika-15 Edisyon, Micropædia, Tomo 1, pahina 665.

16. The Church of the First Three Centuries, pahina 52.

17. The Christian Tradition, ni Jaroslav Pelikan, 1971, pahina 173.

18. Origin and Evolution of Religion, ni E. Washburn Hopkins, 1923, pahina 339.

[Mga talababa]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Gaya ng makikita sa naunang mga artikulo sa seryeng ito, bagaman ang mga salitang ito ay ginamit nina Theophilus at Tertullian, ang sumasaisip nila ay hindi yaong Trinidad na pinaniniwalaan ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon.

[Larawan sa pahina 22]

Pangyayarihin ng Diyos na ang pulitikal na mga autoridad ay bumaling laban sa huwad na relihiyon

[Larawan sa pahina 24]

Ang tunay na relihiyon ay makaliligtas sa mga kahatulan ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share