Bagong Aklat na Pumupukaw sa Milyun-Milyon
ANG isang tampok ng mga Kombensiyon ng “Mga Umiibig sa Kalayaan” na nagsimula noong nakaraang Hunyo ay ang pahayag na “Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.” Ang pinakatampok nito ay ang paglalabas ng aklat na may ganiyan ding pamagat. Mahigit na anim na milyong katao ang nakadalo na sa mga seryeng ito ng mga kombensiyon at kanilang napakinggan ang pahayag, na may bahagyang pagbabago sa naunang dalawang artikulo ng magasing ito.
Mahigit na 12 milyong kopya ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay inilimbag sa 60 wika. Makukuha pa rin ito sa mga wika ng Silangang Europa na Albaniano, Croatiano, Hungaryo, Macedoniano, Polako, Ruso, Serbiano, at Sloveniano. Ang mahigit na 74,000 na dumalo sa pitong kombensiyon sa Unyon Sobyet ang lalong higit na tuwang-tuwa na tanggapin iyon sa wikang Ruso.
Ang Pinagmulan ng Aklat
Ang materyal sa aklat ay unang napalathala sa serye sa 149 na sunud-sunod na labas ng Ang Bantayan, pasimula sa labas ng Oktubre 1, 1985. Maraming mambabasa ang nagsabi na sila’y nalungkot nang matapos na ang serye sa labas ng Hunyo 1, 1991. Si Melissa, isang 12-taóng-gulang na taga-Italya ay napaluha nang kaniyang basahin ang huling labas sa Ang Bantayan. “Nang gabi bago ginanap ang aming kombensiyon,” wika niya, “ako’y nanalangin kay Jehova at humingi ng isang aklat tungkol sa buhay ni Jesus. Nang ilabas ang aklat, pumalakpak ako hanggang sa mangalay ang aking mga kamay.”
Ang materyal na nasa serye sa Ang Bantayan ay isinaayos at naging bahagi ng bagong pinaganda ang mga larawan, na 448-pahinang aklat na may 133 kabanata. Sinikap na isama ang bawat pahayag ni Jesus at bawat nasusulat na pangyayari sa kaniyang buhay sa lupa, kasali na ang lahat ng kaniyang mga paghahalimbawa at mga himala. Hangga’t maaari, lahat ay isinasalaysay ayon sa pagkasunud-sunod ng pangyayari. Sa katapusan ng bawat kabanata, may nakatalang mga teksto sa Bibliya na pinagsaligan ng kabanata.
Baka mayroong nag-iisip, ‘Bueno, nabasa ko na ang aklat sapagkat nabasa ko ang serye sa Ang Bantayan.’ Subalit ang mga mambabasa ng Bantayan ay tumanggap ng salaysay ng buhay ni Jesus sa maiikling bahagi na nasa mga artikulong inilalathala tuwing dalawang linggo sa loob ng yugto nang mahigit na anim na taon. Kahit na ang mga artikulo ay nagbibigay ng maraming impormasyon nang ito’y nasa anyong serye, gunigunihin ang kaligayahan ng pagbabasa ng buong salaysay sa isang maikling panahon at pagkakita ng buong larawan ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman!
Nagpapatibay ng Pananampalataya
“Natapos ko ang pagbabasa ng aklat sa loob ng dalawang linggo,” ang sabi ng isang babaing taga-Washington, D.C., E.U.A. “Habang ako’y nagbabasa, tumutulo ang aking mga luha. Ako’y humihinto ng pagbabasa at nananalangin at umiiyak. Nadama kong ako’y naroon mismo kasama ni Jesus, naghihirap na kasama niya. Kahit na pagkatapos ng isang linggo pagkabasa ko sa aklat, lumuluha pa rin ako pagka naisip ko ang aking nabasa. Nadama kong ako’y lalong malapít kay Jehova dahilan sa pagbibigay niya ng kaniyang Anak.”
“Sa araw na ito ay natapos ko ang pagbabasa ng aklat tungkol kay Jesus,” ang isinulat ng isang babaing taga-Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. “Ito ay kagila-gilalas. Lumuluha ako habang binabasa ko ang ilang huling mga kabanata. Ang agad-agad na pagbabasa ng aklat ay napakainam. Hindi ko talaga mailarawan kung ano ang aking damdamin tungkol doon—kundi gustung-gusto ko iyon!”
Ang magagandang larawan sa aklat ay totoong nakaaantig sa damdamin, gaya ng sabi ng isang nagpapahalagang mambabasa: “Nadarama ko na halos naririnig ko silang nag-iiyakan dahil sa isang namatay na anak (kabanata 47) o na batid natin ang iniisip ni Jesus nang hipuin siya ng isang babaing inaagasan at ito’y gumaling (kabanata 46). Ang ipinahahayag ng kanilang mga mukha ay tunay na tunay na anupa’t nakasasakit. . . . Sa halip na ang pagbabasa ay maging nakababagot, ginagawa ng aklat na ito na maging mistulang pang-aliw o isang handaan sa dulo ng aking maghapon. Dahil sa paraan ng pagkasulat sa aklat na isinasaalang-alang ang mga saloobin at mga damdamin ito’y hindi lamang naglalahad ng ginawa ni Jesus kundi pinangyayari rin nito na masulyapan kung ano ang kaniyang inisip at nadama.”
Sari-saring Paraan ng Paggamit
Marami ang nagsimulang gamitin na ang aklat sa kanilang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. “Kami’y may tatlong anak na bata,” ang isinulat ng mga magulang na taga-Silverton, Oregon, E.U.A., “at ang aklat na ito ay tamang-tama para sa aming ‘gabi-gabing pampamilyang pag-aaral.’ Oo, bagay na bagay naman na pag-aralan nating maingat ang naging buhay ng ating maibiging Hari, si Kristo Jesus.”
Isang tin-edyer buhat sa Hapón ang nagpapaliwanag: “Binabasahan kami ng tatay ko samantalang kami’y namamahinga pagkatapos ng aming paghahapunan. Bilang isang pamilya, kami’y nagbabasa buhat sa pasimula, ngunit nagustuhan kong bumasa ng isang kabanata gabi-gabi mula sa katapusan ng aklat bago ako matulog. Subalit, totoong kabigha-bighani ang aklat na anupat malimit na ala-una ng madaling araw bago ko mapansin ang oras.”
Marami ang nanggigilalas sa dami ng mga detalyeng isinali sa mga paglalahad. “Natuto ako ng napakaraming bagay na dati’y hindi ko alam,” ang sabi sa sulat ng isang Saksi. Isang liham na galing sa California, E.U.A., ang nagsabi: “Kami ng aking maybahay ay mahigit na 35 taon nang nasa katotohanan, at buong-katapatang masasabi namin na wala pa kaming nababasang isang aklat na totoong nakapupukaw na gaya ng isang ito.”
Dapat tumulong ang aklat ng pagbubuwag ng kasinungalingan na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala kay Jesus. Isang nagpapasalamat na mambabasa ang nagkomento ng ganito: “Hindi ko maibaba-babâ ito, sapagkat ito ang pinakamalaking patotoo sa pagkaignorante ng mga nagsasabing ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala o nagpaparangal kay Jesu-Kristo. Wala tayong kailangang gawin ngayon kundi ipasakamay sa kanila ang sagot na ito sa kanilang kawalang-alam.”
Tiyak na ang aklat na ito ay magkakaroon ng mahalagang dako sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. “Binigyan ko ng isang kopya nito ang isang babaing inaaralan ko ng Bibliya,” ang isinulat ng isang Saksi, “at ang epekto sa kaniya ay mistulang isang himala. Siya’y nakikipag-aral nang may isang taon na, at naging suliranin ko na maanyayahan siyang dumalo sa mga pulong.” Pagkatapos na mabasa ng estudyante ang 45 mga kabanata ng bagong aklat, ang Saksi ay nagpaliwag, “sinabi niya sa akin na siya’y dadalo sa pulong sa Linggo sapagkat panahon na upang siya’y manindigan.”
Mahalagang mga Katangian
Sa katunayan, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay may komentaryo sa mga Ebanghelyo. Mayroon itong mga pagpapaliwanag ng marami sa mga bagay na sinabi at itinuro ni Jesus, kaya ang aklat ay magagamit bilang isang kasangkapan sa pananaliksik, sapagkat ito’y hindi humihiwalay sa sinasabi ng Bibliya.
Ang isang lalo nang mainam na katangian nito ay sa pangkalahatan lahat ng bagay ay inilalahad ayon sa panahon ng pagkapangyari. Kahit na lamang ang pagbuklat-buklat sa mga pahina na isinasaisip ito ay magsisilbing isang tunay na pantulong sa pag-alam kung kailan, habang nagsasagawa si Jesus ng ministeryo, naganap ang ganoo’t ganitong mga pangyayari. Ang mga mambabasa ng Ebanghelyo ay malimit na napapaharap sa waring mga pagkakasalungatan. Ang bagong aklat, bagaman walang pakay na itawag-pansin ang mga ito, ay pinagkakasuwato ang mga ito sa pagtalakay nito.
Bilang mga Kristiyano, tiyak na ayaw nating makaligtaan ang isang maingat na pag-aaral ng buhay ng ating tapat na Halimbawa, si Jesu-Kristo. Kung gayon, pag-isipan nating maingat ang mga ulat ng Ebanghelyo sa tulong ng bagong aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.