Tulungan ang Iba na Matuto Tungkol sa Pinakadakilang Tao
1 Marami na nakabasa ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa naging epekto nito sa kanilang buhay. Ang isa ay sumulat: “Nang sumapit ako sa katapusan ng aklat, wari ko’y inaanyayahan ako ni Jesus na sumama sa kaniya, na mabuhay sa piling niya, at makibahagi sa kaniyang mga pagdurusa, sa kaniyang emosyon, sa bawat bahagi ng kaniyang ministeryo.”
2 Ang aklat na Pinakadakilang Tao ay tumutulong sa atin na makilala nang higit hindi lamang si Jesus kundi gayundin si Jehova. (Juan 14:9) Isang 12 anyos ang nagsabi hinggil sa aklat: “Ako’y lubhang naaliw nito anupat ako’y nanalangin kay Jehova taglay ang luha ng kagalakan nang basahin ko ito. Sa kaibuturan ko, binigyan ako ng muling katiyakang malaman na nagmamasid sa atin si Jehova at si Jesus.” Ang pag-aaral ng aklat na ito tungkol sa buhay ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng pantanging kauunawaan hinggil sa personalidad ni Jehova yamang si Jesus ang “tunay na larawan ng kaniyang sarili.”—Heb. 1:3.
3 Mahigit sa 19 na milyong kopya na ng aklat na Pinakadakilang Tao ang inimprenta sa mahigit na 70 mga wika. Isang taong interesado ang bumasa nito sa loob lamang ng dalawang linggo matapos kunin ito. Isang klero ang nagsabi: “Hindi ko maibabâ ang aklat. Ako at ang aking asawa ay nagbabasa ng mga bahagi nito ito gabi-gabi bago matulog.”
4 Impormal na Pagpapatotoo: Ipinakita ng isang kapatid ang aklat na Pinakadakilang Tao sa kaniyang pinatatrabahuhan. Ang kaniyang mga kamanggagawa ay gumawa ng listahan ng mga nagnanais ng isang kopya. Siya’y nakapaglagay ng 461 aklat! Ang lima na tumanggap nito ay nag-aaral na ngayon. Isang kapatid na babae, samantalang naglalakbay sa eroplano, ang nakapaglagay ng aklat na Pinakadakilang Tao sa isang pari. Ang pari ay 40 taon na sa Batikano. Dapat na nating samantalahin nang lubusan ang mga pagkakataon para irekomenda ang aklat sa iba.
5 Pinahahalagahan Ito ng mga Kabataan: Isang siyam na taóng gulang ang sumulat: “Ang paborito kong publikasyon ay Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman dahilan sa marami akong natututuhan mula dito.” Kapag nakakasumpong tayo ng mga kabataan sa paglilingkod sa larangan, dapat tayong gumugol ng panahon, kung sang-ayon ang kanilang mga magulang, upang ipakita sa mga kabataang ito ang aklat at repasuhin ang ilan sa mga tampok na bahagi at ang mga ilustrasyon nito. Kapag nabigyan ng pagkakataon na makilala si Jesus, ang mga kabataan ay napapalapit sa kaniya. Si Jesus ay isang taong madaling lapitan.—Mat. 19:14, 15.
6 Ang pagbabasa ng aklat na Pinakadakilang Tao ay nagpapabago sa buhay ng mga tao. Gamitin ang materyal sa huling pahina ng pambungad sa aklat, sa ilalim ng sub-titulong “Nakinabang sa Pagkatuto Tungkol sa Kaniya.” Ang materyal na ito ay tutulong upang makita ng mga tao ang kapakinabangang matatamo sa pagbabasa ng aklat. Marami sa inyong teritoryo matapos na basahin ang aklat ay maaaring magkaisa sa pagsasabing: “Ito ay pinakamabuting aklat na nabasa ko kailanman! Binago nito ang aking buhay.”