Anong Uri ng Katiwasayan ang Inaasam Mo?
ANG iba’t ibang mga tao ay may iba’t ibang mga ideya tungkol sa katiwasayan. Ang tingin ng iba ay kapanatagan ito na umiiral sa pagitan ng magkakaaway na mga bansang militar. Halimbawa, ang malalakas na bansang dominante sa daigdig kasama na ang kani-kanilang mga kaalyada sa Europa ay nagkasundo sa maraming mga paraan na mabawasan ang panganib na ang maliliit na mga insidente ay unti-unting humantong sa pambuong-mundong digmaang nuklear. Ang Stockholm International Peace Research Institute Yearbook 1990 ay nagpapahayag ng pagtataka sa kawalan ng interes sa gayong mga hakbang ng mga bansa “sa ibang mga panig ng daigdig.”
Subalit, sa milyun-milyon na namumuhay sa dukhang mga bansa, ang ibig sabihin ng “katiwasayan” ay pagkain at pangangalaga sa kalusugan. “Pagka nag-iisip tungkol sa ‘kapayapaan at katiwasayan,’ ” ang paliwanag ng pulitikal na siyentipikong si Yash Tandon, “ang pangkaraniwang pinaniniwalaan ay yaong umiiral na paniwala ng kulturang Kanluran. . . . Ipinagpapalagay na ang ‘katiwasayan’ ay may kinalaman sa mga armas at paglalapag ng mga armas, hindi ang katiwasayan na kailangan ng mga nagugutom at ng mga walang tahanan na dinaranas ng dalawang-katlo ng populasyon ng daigdig.”
Kung para sa Bibliya, ito’y nangangako na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay hindi na magkakaroon ng digmaan. “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.” (Awit 46:9; Isaias 2:4) Ang sakit sa pisikal ay wala na sa panahong iyon. “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ Ang mga tao na tumatahan sa lupain ay yaong pinatawad na sa kanilang kasalanan.”—Isaias 33:24.
Sa ilalim ng Kahariang iyan, wala nang maghihikahos sa kabuhayan. “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; at sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Subalit, ang lalong mahalaga, aalisin ng Kaharian ang pangunahing pinanggagalingan ng kawalan ng kapayapaan at katiwasayan. Sino ba ang nasa likuran ng mahabang kasaysayan ng tao sa ilalim ng bigo at mapang-aping mga pamahalaan? Samantala, sa mabuting kadahilanan, pinayagan ng Diyos na umiral ang mga iyan, ang isa na kailangang managot ay si Satanas, yamang sinasabi ng Bibliya na ‘ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kaniyang kapangyarihan.’—1 Juan 5:19.
Kung gayon, anong laking kaginhawahan pagka sa ilalim na ng Kaharian ng Diyos, ang mga salita ni Pablo sa mga taga-Roma ay natupad na sa wakas: “Sa ganang kaniya, ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa pinakamadaling panahon”! (Roma 16:20) Tanging ang makalangit na Kaharian ng Diyos, sa ilalim ng Haring si Jesu-Kristo, ang makagagawa ng ganiyang bagay. Kung gayon, tanging sa ilalim lamang ng Kahariang iyan mababago ang lupa upang maging isang paraiso.—Genesis 1:28; Lucas 23:43.
Oo, ang katiwasayan na ipinangako ng Bibliya ay higit na magaling at lalong malawak kaysa ano pa man na ipinanukala ng tao. Aba, mababasa natin na “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man”! (Apocalipsis 21:4) Tayo ba’y makapagtitiwala sa ganiyang mga pangako? Oo, sapagkat ang mga iyan ay nagmumula sa pinakamakapangyarihang Maylikha, ang Diyos na Jehova, na nagpapahayag din: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . ay hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.” (Isaias 55:11) Tiyak na magtatagumpay ang mga hakbang na kahit na ngayon ay ginagawa ng Diyos na Jehova upang dalhan ang sangkatauhan ng matatag at nakapagpapaligayang kapayapaan, katiwasayan, at kaunlaran sa pagbabangong-puri ng Kaniyang walang-hanggang soberanya.