“Magsuot Kayo ng Buong Kagayakang Baluti Buhat sa Diyos”
MAGSUSUOT ng baluti ang mga Kristiyano? Bakit sila magsasakbat ng gayong mga kagamitan na gaya sa digmaan? Hindi ba sila’y umiibig sa kapayapaan? (2 Timoteo 2:24) Oo, gayon nga. Gayunman, lahat ng tunay na mga Kristiyano ay nakikipagbaka—na kung saan sila’y nagsisikap, hindi upang makamatay, kundi upang magtagumpay.
Kung hindi naghimagsik si Satanas, disin sana’y hindi na kailangan ang gayong pakikipagbaka. Ngunit siya’y naghimagsik, at kaniyang iniligaw sina Adan at Eva upang sumali sa kaniyang paghihimagsik. Magbuhat noon ang pamamalakad ng sanlibutan na umiral ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng “isang balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Yaong mga nagpapasakop sa matuwid na Soberano, si Jehova, ay kailangang lumaban sa impluwensiya ng sanlibutan at sa pinunò nito. Kailangang ipaglaban nila ang kanilang espirituwal na buhay. Upang magawa ito, sa mga Kristiyano ay ipinapayo: “Magsuot kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”—Efeso 6:11.
Ang Kagayakang Baluti
Pansinin na kailangan natin “ang buong kagayakang baluti buhat sa Diyos” upang tayo’y magkaroon ng nararapat na proteksiyon. Kaya, suriin natin ang bawat bahagi ng baluting ito na inilarawan ni apostol Pablo at gumawa ng taimtim na pagsusuri sa ating sarili upang matiyak kung tayo’y lubos na nasasangkapan para sa espirituwal na pakikipagbaka.—Efeso 6:14-17.
“Tumayong matatag, na ang inyong mga baywang ay may bigkis ng katotohanan.” (Efeso 6:14a) Noong sinaunang panahon sa Bibliya ang mga kawal ay may sinturong katad na hanggang 15 sentimetro ang lapad. Ang pamigkis na ito ay nagsisilbing proteksiyon sa balakang. Pagka hinigpitan ng isang kawal ang kaniyang pamigkis, ang ibig sabihin ay handa na siya para sa labanan.
Kung gayon, angkop na angkop nga na ang kinasihang katotohanan ay ihalintulad sa pamigkis ng isang kawal! Ito’y mainam na nagpapakitang dapat nating panatilihing malapít na malapít sa atin ang Salita ng Diyos na katotohanan, na para bang tayo’y nabibigkisan nito. Dapat nating bulay-bulayin nang buong lalim ang diwa ng Salita ng Diyos. Ito’y magsasanggalang sa atin upang huwag mailigaw ng mga kasinungalingan at pandaraya. Isa pa, ang mga kasabihan ng bibig ni Jehova ang aalalay at magpapalakas sa atin sa espirituwal at patitibayin ang ating katapatan.
“May sakbat ng baluti ng katuwiran.” (Efeso 6:14b) Ang baluti ng isang kawal ay proteksiyon sa isang mahalagang sangkap ng katawan—ang puso. Kung gayon, sa ating bigay-Diyos na espirituwal na baluti, ang katuwiran ang proteksiyon sa ating puso. Sa Kasulatan, ang puso ay isang angkop na sagisag ng kung ano nga tayo sa loob—ang ating mga damdamin, kaisipan, at mga hangarin. Yamang sinasabi rin ng Bibliya na ang puso ay nakahilig sa masama, mahalaga na pagyamanin ang determinasyon na kumapit nang mahigpit sa pamantayan ni Jehova ng katuwiran. (Jeremias 17:9) Ang pagsunod sa Diyos ay hindi dapat na isang paimbabaw at panlabas na pagpapakitang-tao; ito’y kailangang manggaling sa loob. Ito’y nangangailangan na ating pasulungin ang matinding pag-ibig sa katuwiran at ang katulad din na matinding pagkapoot sa kasamaan. (Awit 45:7) Sa gayon ang ating puso ay maipagsasanggalang.
“At ang inyong mga paa ay nakasuot ng panyapak ng mabuting balita ng kapayapaan.” (Efeso 6:15) Ang inyo bang mga paa ay may nakasuot ng ganitong panyapak? Ang mga ito ba’y palagiang naghahatid sa inyo sa ministeryo sa larangan upang ipangaral doon ang mabuting balita? Kayo ba ay nagsisikap na mapasulong ang uri ng inyong pangangaral at pagtuturo? Totoo, may mga teritoryo na di-tumutugon kung ihahambing sa iba. Ang mga tao ay baka mapagwalang-bahala, walang sigla, o mga mananalansang. Ang ating pangangaral ay baka maghatid pa sa atin sa pag-uusig. Ngunit sa pagtitiyaga, ang mga Kristiyano ay nagiging mapagtiis, isang katangian na nagbibigay ng proteksiyon laban sa mga pag-atake ni Satanas. Bagaman pinag-uusig, si Pablo ay isang masigasig na mángangarál, at tayo’y hinihimok na ‘tumulad sa kaniya, gaya ng pagtulad niya kay Kristo.’—1 Corinto 11:1.
Ang pagiging abala sa pangangaral ng Kaharian ay nakapagpapatibay sa ating pagtitiwala sa mabuting balita. At, tinatanggap nito ang espiritu ni Jehova na magpakilos sa atin sa pagtupad ng kaniyang kalooban. Ang totoo, ang gayong gawain ay gumagawa sa atin na mga kamanggagawa ng mga anghel—at ng Diyos na Jehova mismo. (1 Corinto 3:9; Apocalipsis 14:6) At ang pagkakaroon ng ‘maraming gawain sa Panginoon’ ang gumagawa sa atin na “matatag, di-nakikilos.” (1 Corinto 15:58) Kahanga-hangang proteksiyon nga ito!
“Taglayin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya.” (Efeso 6:16) Sa pamamagitan ng isang malaking kalasag, ang isang sinaunang kawal ay naipagsasanggalang buhat sa mga sibat at pana. Kung hindi siya gagamit ng isang kalasag, maaaring siya’y masugatan nang malubha o mapatay pa. Ang mga Kristiyano ay nakaharap sa lalong nakamamatay na mga armas—“ang nagniningas na suligi ng masama.” Kasali na rito ang lahat ng mga paraan na ginagamit ni Satanas upang pahinain ang ating pananampalataya at patayin tayo sa espirituwal. Kasali ang pag-uusig, mga kasinungalingan, mapandayang makasanlibutang mga pilosopya, materyalistikong mga pang-aakit, at ang tukso na mapalulong sa imoralidad. Upang maipagsanggalang tayo sa lahat ng mga ito, kailangan natin ang malaking kalasag. Walang bahagi natin ang makaliligtas kung pababayaang mahina.
Si Abraham at ang kaniyang asawa, si Sara, ay may matibay na pananampalataya. Kahit na matatanda na sila upang mag-anak, sila’y sumampalataya sa pangako ng Diyos na sila’y magkakaanak. Nang malaunan, si Abraham ay nagpakita ng kahanga-hangang pananampalataya nang siya’y tumalima sa panawagan na ihain si Isaac, ang kaniyang bugtong na anak sa minamahal na si Sara. Pinigil ni Jehova ang kamay ni Abraham at nagbigay ng isang maihahaing panghalili. Subalit si Abraham ay handang sumunod. Bakit? Sapagkat siya’y may lubos na pananampalataya na mabubuhay-muli ni Jehova ang kaniyang anak at matutupad ang kaniyang mga ipinangako.—Roma 4:16-21; Hebreo 11:11, 12, 17-19.
Taglay rin ni Moises ang uri ng pananampalataya na kailangan natin. Kaniyang tinanggihan ang kayamanan ng Ehipto, ang pinili ay ang dumanas ng kalupitan kasama ng bayan ng Diyos. Bakit? Sapagkat siya’y may pananampalataya na umiiral si Jehova at magdadala ng kaligtasan sa mga Israelita. Ganiyan na lamang katibay ang pananampalataya ni Moises na anupat “siya’y nagpatuloy na matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.”—Hebreo 11:6, 24-27.
Tayo ba’y may nakakatulad na pananampalataya kay Jehova? Ang atin bang kaugnayan kay Jehova ay napakalapit anupat halos para bang nakikita natin siya? Tayo ba’y handang gumawa ng anumang pagsasakripisyo o pagtitiis upang mapanatili ang ating kaugnayan sa Diyos? Tayo ba’y may lubos na pananampalataya kay Jehova? (Hebreo 11:1) Kung gayon, ang nagniningas na suligi ni Satanas ay hindi makatatagos sa ating kalasag ng pananampalataya.
“Magsikuha ng turbante ng kaligtasan.” (Efeso 6:17a) Ang turbante ng isang kawal ay proteksiyon sa kaniyang ulo at sa gayo’y sa utak—ang sangkap para sa koordinasyon ng mga nerbiyos at ng pag-iisip. Ang pag-asa ng Kristiyano ng kaligtasan ay inihahalintulad sa isang turbante sapagkat ito’y proteksiyon sa isip. Ang isip ng isang Kristiyano ay nabago sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman, subalit ito’y bahagi pa rin ng isang mahina at di-sakdal na indibiduwal. (Roma 7:18; 12:2) Kung papayagan natin na ang isip ay pasukan ng sumisira-ng-pananampalatayang maruruming kaisipan na likha ng espiritu ng sanlibutang ito, ang ating pagtitiwala sa kaligtasan ay lilipas at baka sa wakas ay pumanaw. Samantala, kung palaging ang ipapasok natin sa ating isip ay ang nagpapalakas na mga salita ng Diyos, ang ating pag-asa ay mananatiling maaliwalas at maliwanag. Ang iyo bang turbante ng kaligtasan ay pinamamalagi mong nakasuot sa iyo nang mahigpit?
“Ang tabak ng espiritu, samakatuwid, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:17b) Ang kasabihan na ang pinakamagaling na depensa ay isang magaling na pagsalakay ay totoo sa pakikipagbakang Kristiyano. Kapag ang ating mga paa, na nakasuot ng mabuting balita ng kapayapaan, ay naghatid sa atin sa mga taong di-sumasampalataya, tayo’y may dalang armas. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagsisilbing isang matalas na tabak na tataga sa espirituwal na mga kasinungalingan at maling turo at tutulong sa tapat-pusong mga tao upang makasumpong ng espirituwal na kalayaan.—Juan 8:31, 32.
Ipinakita ni Jesus na mabisa ang ganitong armas nang, sa katunayan, kaniyang ginamit ito kay Satanas na Diyablo sa pakikipagbaka. Nang tuksuhin sa ilang, ipinagtanggol ni Jesus ang kaniyang sarili laban sa tatlong pag-atake ni Satanas sa pamamagitan ng epektibong paggamit sa Salita ng Diyos at pagsasabi: “Nasusulat.” (Mateo 4:1-11) Kung tayo’y matututong gamitin nang buong husay ang tabak na ito, matutulungan natin ang maaamo upang makalabas buhat sa kapangyarihan ni Satanas. Isa pa, ginagamit ng matatanda sa kongregasyon ang Salita ng Diyos upang maipagsanggalang ang kawan buhat sa mga taong nagsisikap na sirain ang pananampalataya ng mahihina.—Gawa 20:28-30.
Ang kahusayan ng isang kawal sa paggamit ng tabak ay hindi madaling kamtin. Ang pagsasanay at matagal, puspusang pagsasanay ang kinakailangan upang magamit ito nang may kasanayan. Sa katulad na paraan, sa espirituwal na pakikipagbaka kailangan ang malawak na pag-aaral at regular na pagsasanay sa ministeryo upang maging isang bihasang gumamit ng Salita ng Diyos. Sa lahat ng paraan, lubusang pagsikapan natin na maging bihasa sa paghawak ng espirituwal na tabak, na “ginagamit ang salita ng katotohanan sa tamang paraan.”—2 Timoteo 2:15.
Patuloy na Manalangin, Manindigang Matatag
Lahat ng bahagi ng ating espirituwal na baluti ay mahalaga upang makapanatili sa katapatan sa Diyos. Subalit papaano natin mapananatiling nakasuot sa atin ang baluting ito? Ang regular na pag-aaral ng Bibliya, patiunang paghahanda para sa mga pulong Kristiyano, at pakikinig nang buong ingat at aktibong pakikibahagi sa mga ito ang tutulong sa atin na manatiling nakasuot ng ating baluti. (2 Timoteo 3:16; Hebreo 10:24, 25) Ang regular at masigasig na ministeryo sa larangan kasama na ang mainam na pakikipagsamahang Kristiyano ay tutulong din na mapanatili ang ating pansalakay at pandepensang espirituwal na baluti sa mabuting kalagayan.—Kawikaan 13:20; Roma 15:15, 16; 1 Corinto 15:33.
Ang pagpapaunlad ng isang tamang saloobin ng kaisipan ay mahalaga rin. Tiyakin natin na ang mga pang-aakit ng sanlibutang ito ay hindi makagambala sa atin. Bagkus, ang paunlarin natin ay isang ‘simpleng mata.’ (Mateo 6:19-24) Sa pagtulad kay Jesu-Kristo, tayo’y kailangan ding matuto na umibig sa katuwiran at mapoot sa kasamaan. (Hebreo 1:9) Lahat ng mga bagay na ito ay tutulong sa atin na patuloy na isakbat ang ating bigay-Diyos na espirituwal na baluti.
Pagkatapos talakayin ang bawat bahagi ng espirituwal na baluti, si Pablo ay nagtatapos sa pagsasabing: “Sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng pananalangin at pagsusumamo . . . magsipanalangin kayo sa bawat pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan manatiling gising na palagi at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal.” (Efeso 6:18) Ang tapat na mga kawal ay palaging nakikipagtalastasan sa punong-tanggapan ng hukbo at sumusunod sa mga utos. Bilang mga kawal na Kristiyano, kailangang tayo’y palaging nakikipagtalastasan sa ating Soberano, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang dakilang “komander sa mga bansa,” si Jesu-Kristo. (Isaias 55:4) Ito’y magagawa, hindi sa pamamagitan ng mababaw na pananalangin, kundi sa taos-pusong pananalangin na nagpapakita ng isang matalik at matinding debosyon kay Jehova. Sa regular na pakikipagtalastasan kay Jehova, tayo’y tumatanggap ng lakas sa araw-araw na sumusustine sa atin sa pakikipagbaka.
Sinabi ni Jesus: “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Nais din ni Jehova na tayo’y magtagumpay. Samantalang palapit ang kamatayan ni apostol Pablo, kaniyang nasabi: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking mga pagtakbo, iningatan ko ang pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7) Harinawang tayo’y makagawa ng ganiyan ding pagpapahayag tungkol sa ating bahagi sa pagbabaka. Kung talagang nais natin ito, tayo’y “manindigang matatag laban sa mga pakana ng Diyablo” sa pamamagitan ng pananatiling nakasuot ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos.—Efeso 6:11.