Kung Papaano Matutulungan ng Pananampalataya ang Maysakit
ANG mga pag-uulat ng kahima-himalang pagpapagaling sa Bibliya ay katiyakan sa atin na may pagkabahala ang Diyos tungkol sa ating kalusugan, at nagpapakita ng kaniyang kapangyarihan na magpagaling. Yamang ang kahima-himalang mga pagpapagaling na ito ay lumuwalhati sa Diyos at nagdulot ng malaking kagalakan, makatuwirang itanong, Ang kaloob ba na pagpapagaling sa pamamagitan ng banal na espiritu ay gumagana pa rin sa ngayon?
Ang sagot sa tanong na iyan ay hindi—at ang dahilan ay mapagtatakhan ng iba. Ang kahima-himalang mga pagpapagaling noong unang siglo ay nakatupad na ng layunin. Tama ang sinasabi ng The Illustrated Bible Dictionary: “Ang layunin ng mga himalang pagpapagaling ay relihiyoso, hindi medikal.” Ano ba ang ilan sa relihiyosong layunin ng mga himalang iyon?
Unang-una, ang makahimalang mga pagpapagaling ay nakatupad na sa layunin na ipakilala si Jesus bilang ang Mesiyas. At pagkamatay niya, ang mga ito ay nagpatunay na pinagpapala ng Diyos ang bagong kongregasyong Kristiyano. (Mateo 11:2-6; Hebreo 2:3, 4) At, ipinakita niya na ang pangako ng Diyos na pagagalingin ang sangkatauhan sa bagong sanlibutan ay matutupad. Pinagtitibay ang ating pananampalataya na talagang darating ang panahon na “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ Ang bayan na tumatahan sa lupain ay patatawarin sa kanilang kasalanan.” (Isaias 33:24) Minsang natupad ang mga layuning ito noong unang siglo, hindi na kailangan ang mga himala.
Mapapansin na ang mga alagad man ni Jesus noong unang siglo ay dumanas ng mga sakit na hindi napagaling ng himala. Isa pang ebidensiya ito na ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus at gayundin ng mga apostol ay may layuning magturo ng mahalagang mga katotohanan, hindi upang maglaan ng panggagamot. Sa pagrerekomenda ng gamot sa malimit na pagkakasakit ni Timoteo, ipinayo ni Pablo ang pag-inom ng alak, hindi ang paggamot sa tulong ng pananampalataya. Si Pablo, na nagsagawa ng mga himala sa pagpapagaling, ay hindi napagaling sa kaniyang “tinik sa laman” na patuloy na ‘sumasampal’ sa kaniya.—2 Corinto 12:7; 1 Timoteo 5:23.
Nang mamatay ang mga apostol, naparam na ang kaloob na pagpapagaling. Si Pablo mismo ang nagsabi na ganito ang mangyayari. Sa paghahalintulad sa kongregasyong Kristiyano sa isang bata, sinabi ni Pablo: “Nang ako’y bata, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip na gaya ng bata, nangangatuwiran na gaya ng bata; ngunit ngayon na maganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata.” Ang punto sa kaniyang ilustrasyon ay na bahagi ng pagkabata ng kongregasyong Kristiyano ang kahima-himalang mga kaloob ng espiritu. Iyan ay “mga ugali ng isang bata.” Kaya, sinabi niya: “Ang mga iyan [ang kahima-himalang mga kaloob] ay matatapos.”—1 Corinto 13:8-11.
Makatutulong ba ang Pananampalataya Pagka Tayo’y Nagkasakit?
Gayunman, kahit na kung hindi tayo umaasa sa makahimalang pagpapagaling, tunay na angkop naman na manalangin sa Diyos upang humingi ng tulong pagka tayo’y nagkasakit. At tunay na wala namang mali kung ang iba’y mananalangin alang-alang sa atin. Ngunit ang mga panalangin ay kinakailangang makatotohanan at kasuwato ng kalooban ng Diyos. (1 Juan 5:14, 15) Hindi itinuturo ng Bibliya na tayo’y manalangin ukol sa makahimalang paggaling.a Bagkus, ating idinadalangin na bigyan tayo ni Jehova ng mapagmahal na tulong sa panahon ng pagsubok na likha ng pagkakasakit.
Ipinakikita ng Bibliya kung ano ang maaaring hilingin sa panalangin ng mga may pananampalataya pagka sila’y may sakit nang sabihin: “Si Jehova ang aalalay sa kaniya sa banig ng karamdaman; iyong pinangalagaan ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:3) Ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay tutulong sa mga dumaranas ng emosyonal na sakit. Sumulat ang salmista: “Ang iyong kagandahang-loob, Oh Jehova, ay patuloy na umalalay sa akin. Sa karamihan ng pagkabalisa ng aking kalooban, ang iyong mga pang-aliw ay nagbigay-lugod sa aking kaluluwa.”—Awit 94:18, 19; tingnan din ang 63:6-8.
Isa pa, kailangang tayo’y magpakita ng mabuting kaisipan kung tungkol sa kalusugan, at tayo’y pinapayuhan ng Bibliya tungkol dito. Mas magaling ang mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya kaysa malulong sa pag-aabuso sa droga, paninigarilyo, paglalasing, o katakawan at pagkatapos kung tablan ng sakit, sa kawalang-pag-asa ay pupunta sa mga nanggagamot sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pananalangin para sa isang himala pagka ang isa’y dinapuan ng sakit ay hindi maihahalili sa matalinong pamumuhay upang makaiwas sa sakit na maaari namang maiwasan, tulad ng pagkain ng masustansiyang mga pagkain kung magagawa iyon o pagpapatingin sa kuwalipikadong mga doktor kung posible.
Ang Salita ng Diyos ay nagpapayo rin sa atin na paunlarin ang malulusog na mga kaisipang magdudulot sa atin ng pisikal na kalusugan. Ang aklat ng Kawikaan ay nagpapayo: “Ang matiwasay na puso ay buhay ng katawan, ngunit ang pagkainggit ay kabulukan sa mga buto.” “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” (Kawikaan 14:30; 17:22) Ang pananalangin ukol sa banal na espiritu na bigyan tayo ng katiwasayan at kagalakan ay magdudulot ng pawang kapakinabangan sa ating pisikal na kalusugan.—Filipos 4:6, 7.
Kumusta Naman ang Pagpapagaling sa Pamamagitan ng Pananampalataya?
Mangyari pa, kahit na kung sinisikap ng isang tao na mamuhay nang may kalusugan sa antas na ipinahihintulot ng kaniyang kalagayan, maaaring tablan pa rin siya ng sakit. Ano ngayon? Masama ba na pumunta sa isang “faith healer” sa pag-asang gagaling ang isa? Oo, masama. Ang ganiyang mga manggagamot sa ngayon ay pambihirang gumagamot nang libre. At ang paggasta ng salapi sa isang faith healer gayong ang salaping iyon ay magugugol sa pagpapagamot sa isang doktor ay pagbabayaran nang mahal. Isa pa, bakit bibigyan ng salapi ang mga taong nagsasamantala dahil sa pagkamapaniwalain ng iba?
Ang iba ay mangangatuwiran marahil: ‘Tunay, ang makahimalang pagpapagaling ay mayroon ding halaga kung kahit na isang maliit na porsiyento lamang ng mga nagpapagamot sa gayong “mga manggagamot” ay napagagaling.’ Subalit pinagtatalunan pa rin kung ang gayong mga manggagamot ay talagang nakapagpapagaling nang hindi na muling umuulit ang sakit. Inaamin ng Encyclopædia Britannica: “Kung ihahambing bahagyang kontroladong pananaliksik ang nakamit batay sa maraming di pa alam na mga bagay-bagay tungkol sa makahimalang pagpapagaling.”
Kahit na may ilan na waring napagagaling, ito’y hindi katunayan na kumikilos ang banal na espiritu. Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagpalayas kami ng mga demonyo, at gumawa kami ng maraming makapangyarihang gawa sa iyong pangalan?’ Gayunman ay tatapatin ko sila: Hindi ko kayo nakikilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Sinabi rin ni Jesus na may mga tao, bagaman walang pagsang-ayon ang Diyos, ay tatawag-pansin sa kanilang sarili sa pamamagitan ng mga tanda: “Sapagkat mga bulaang Kristo at mga bulaang propeta ang babangon at magbibigay ng mga dakilang tanda at kababalaghan upang iligaw, kung maaari, kahit ang mga pinili.” (Mateo 24:24) Tiyak, ang mga faith healer sa ngayon ay kasali sa kinakapitan ng mga salitang iyan, lakip na ang kanilang dramatikong mga pagtatanghal, palaging paghingi ng salapi, at sinasabing makahimalang mga pagpapagaling.
Ang gayong mga tao ay hindi sumusunod sa mga yapak ni Jesus. Kung gayon, sino ang kanilang sinusunod? Ipinakikita sa atin ni apostol Pablo kung sino nga nang kaniyang sabihin: “Si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi kataka-taka na ang kaniyang mga ministro man ay patuloy na magkunwari ring mga ministro ng katuwiran. Subalit ang kanilang kahihinatnan ay magiging sang-ayon sa kanilang gawa.” (2 Corinto 11:14, 15) Kung hindi nagagawa ng mga manggagamot na iyan ang pagpapagaling na sinasabi nilang kanilang nagagawa, sila ay mga magdaraya, sumusunod sa landas ni Satanas, “na dumaraya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Subalit ano kung sa ilang kaso, sila’y nakapagpapagaling? Hindi ba ang kanilang “makapangyarihang mga gawa” ay masasabing nangyari sa kapangyarihan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo? Oo, totoo iyan!
Ang Panahon ng Tunay na Pagpapagaling
Ang kahima-himalang pagpapagaling na ginawa ni Jesus ay sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Ipinakita ng mga ito ang layunin niya na lunasan sa kaniyang takdang panahon ang lahat ng mga suliranin ng tao sa kalusugan. Ipinangangako ni Jehova “ang pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:2) At hindi lamang mga sakit ang kaniyang pagagalingin kundi aalisin din ang kamatayan. Ipinaliliwanag ni Juan na naparito si Jesus “upang sinumang sumasampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Anong inam na pagpapagaling iyan! Muli na namang magsasagawa si Jesus ng mga pagpapagaling na katulad niyaong mga iniulat sa Bibliya ngunit sa lalong malawakang paraan. Kaniya pang bubuhaying-muli ang mga patay! (Juan 5:28, 29) Kailan magaganap ito?
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, na, ayon sa lahat ng patotoo, ay kaylapit-lapit na. Ang bagong sanlibutang iyon, na ipapasok pagkatapos na alisin magpakailanman ang kabalakyutan ng sistemang ito ng mga bagay, ay magiging isang tunay na pagpapala sa matuwid-pusong mga tao. Iyon ay magiging isang sanlibutan na walang paghihirap. “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:4) Anong laking kaibahan sa ating nakikita ngayon sa ating paligid!
Kung gayon, kung ikaw ay nagkakasakit, manalangin sa Diyos na alalayan ka. At may sakit man o wala, alamin kung papaanong ang buhay na walang-hanggan na hindi ka na magkakasakit ay tunay na magiging posible nga. Patibayin ang iyong pananampalataya sa mapagkakatiwalaang pangakong ito ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral sa maraming mga teksto sa Bibliya tungkol dito. Alamin kung papaanong ang layunin ng Diyos tungkol dito ay malapit nang matupad ayon sa kaniyang sariling talaorasan. Huwag mag-alinlangan, sapagkat tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Kaniyang aktuwal na sasakmalin ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
[Talababa]
a May nag-aakala na ang mga salita sa Santiago 5:14, 15 ay tungkol sa makahimalang paggaling. Ngunit ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy rito ni Santiago ay ang espirituwal na sakit. (Santiago 5:15b, 16, 19, 20) Pinapayuhan niya ang mga nanghina sa pananampalataya na lumapit sa matatanda para humingi ng tulong.
[Larawan sa pahina 7]
Ang kahima-himalang pagpapagaling na ginawa ni Jesus ay tumupad sa kanilang layunin
[Larawan sa pahina 8]
Uulitin ni Jesus at pararamihin pa ang mga himala sa pagpapagaling