Ang Pagpapagaling ba sa Pamamagitan ng Pananampalataya ay Sinasang-ayunan ng Diyos?
“TAYO’Y nakakita na ng kataka-takang mga bagay sa ngayon!” Oo, ang mga tagapagmasid ay humanga. Isang malubhang lalaking paralitiko ang gumaling sa harap ng kanila mismong mga mata. Sinabi ng tagapagpagaling sa lalaki: “Tumindig ka at pasanin mo ang iyong munting higaan at umuwi ka na.” At gayung-gayon ang ginawa ng lalaki! Hindi na siya paralitiko. Hindi nga kataka-taka na ang mga naroroon ay “nagsimulang lumuwalhati sa Diyos”! (Lucas 5:18-26) Ang pagpapagaling na ito, na isinagawa ni Jesu-Kristo halos 2,000 taon na ngayon ang lumipas, ay napakaliwanag na may pagsang-ayon ng Diyos.
Kumusta naman ngayon? Ang makahimalang pagpapagaling ba ay isang mainam na posibilidad para sa mga taong hindi makasumpong ng pagpapagaling ng mga doktor? Si Jesus ay nagsagawa ng mga himala sa pagpapagaling. Ang mga makahimalang tagapagpagaling sa ngayon ay nagsasabing sila’y tumutulad sa kaniya. Papaano natin dapat malasin ang kanilang mga pag-aangkin?
Ang katuturan ng pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya ay “isang paraan ng paggamot sa mga sakit sa pamamagitan ng panalangin at pagsampalataya sa Diyos.” Inaamin ng Encyclopædia Britannica: “Ang kasaysayan ng makahimalang pagpapagaling sa Kristiyanismo ay nagsimula sa kagila-gilalas na personal na mga ministeryo ni Jesus at ng mga apostol.” Oo, si Jesus ay gumawa ng tanyag na mga pagpapagaling. Ang mga makahimalang tagapagpagaling ba sa ngayon ay gumagawa ng mga himala na gaya ng ginawa niya?
Pananampalataya—Isang Kahilingan?
Sang-ayon sa Black’s Bible Dictionary, “espesipikong tinukoy [ni Jesus] ang [pananampalataya] bilang isang kahilingan para sa kaniyang mga himala ng pagpapagaling.” Subalit gayon nga ba? Hiniling ba ni Jesus na ang isang taong may-sakit ay magkaroon ng pananampalataya bago niya pagalingin ito? Ang sagot ay hindi. Pananampalataya ang kailangan kung tungkol sa tagapagpagaling subalit hindi ito kailangan sa tuwina kung tungkol sa taong may-sakit. Minsan ang mga alagad ni Jesus ay hindi nakapagpagaling ng isang batang lalaki na epileptiko. Pinagaling ni Jesus ang bata at pagkatapos ay sinabi sa mga alagad kung bakit hindi nila napagaling ito. “Sinabi niya sa kanila: ‘Dahilan sa inyong kakaunting pananampalataya.’ ”—Mateo 17:14-20.
Sang-ayon sa Mateo 8:16, 17, “pinagaling [ni Jesus] ang lahat ng may karamdaman.” Totoo, ang mga taong ito ay may paniniwala rin naman kay Jesus kung kaya sila’y lumapit sa kaniya. (Mateo 8:13; 9:22, 29) Sa karamihan ng kaso sila’y lumapit at humiling bago niya pinagaling sila. Gayunman, hindi sila hinilingan na ipahayag ang kanilang pananampalataya upang maisagawa ang himala. Minsan ay pinagaling ni Jesus ang isang lalaking lumpo na hindi man lamang nakikilala kung sino si Jesus. (Juan 5:5-9, 13) Nang gabing siya’y arestuhin, isinauli ni Jesus ang tinagpas na tainga ng utusan ng mataas na saserdote, bagaman ang taong ito ay kasama ng mga kaaway ni Jesus na nagpunta upang arestuhin siya. (Lucas 22:50, 51) Oo, paminsan-minsan, bumubuhay pa si Jesus ng patay!—Lucas 8:54, 55; Juan 11:43, 44.
Papaano naisasagawa ni Jesus ang gayong mga himala? Sapagkat siya’y umasa sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Ito ang nakagaling, hindi ang pananampalataya ng taong may-sakit. Kung babasahin mo ang ulat sa mga Ebanghelyo, mapapansin mo rin na ang mga pagpapagaling ni Jesus ay may kasabay na bahagyang seremonya. Ito’y hindi ginawa upang makaakit ng pansin o makapukaw ng damdamin. At, anuman ang sakit, laging napagagaling iyon ni Jesus. Siya’y laging matagumpay, at hindi siya nagpabayad kailanman.—Mateo 15:30, 31.
Katulad ba ng kay Jesus ang mga Pagpapagaling sa Ngayon?
Isang napakalaking suliranin ang pagkakasakit, at pagka ito’y dumapo, natural na hahanap tayo ng remedyo. Datapuwat, ano kung doon tayo nakatira sa isang lugar na “ang mga tao, lalo na ang mga maralita, ay tinatrato ng propesyonal na mga manggagamot na mistulang mga bagay lamang at hindi mga tao”? Iyan ang situwasyon na naobserbahan ng isang doktor sa isang bansa sa Latin-America. At ano kung tayo’y nasa isang lugar na kung saan, gaya sa nasabing bansa, ‘40 porsiyento lamang ng mga doktor ang kuwalipikadong manggamot’?
Hindi nga kataka-taka na marami, yamang wala nang ibang paraan, ang naniniwalang ang pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya ay dapat ding subukan. Gayunman, ang inaangking mga pagpapagaling ng gayong mga manggagamot ay nakapagdududa. Halimbawa, tinatayang 70,000 ang dumalo sa isang pulong sa São Paulo, Brazil, na kung saan ‘tinapakan [ng dalawang manggagamot] ang daan-daang salamin sa mata na inihagis doon ng mga tao, sa pangakong isasauli ang paningin ng mapaniwalaing mga may-ari ng mga salamin.’ Sa isang panayam ay inamin ng isa sa mga manggagamot: “Hindi ko masasabing lahat ng mga maysakit na aming ipinagdarasal ay gagaling. Depende iyon sa kanilang pananampalataya. Kung ang isang tao’y sumasampalataya, siya’y gagaling.” Ang anumang pagkabigo na gumaling ay kaniyang isinisisi sa kawalan ng pananampalataya ng isang may-sakit. Datapuwat, tandaan na gaya ng nakita natin sa una, ang hindi paggaling ay isinisi ni Jesus sa kakulangan ng pananampalataya niyaong gumagamot!
Isa pang manggagamot ang nangakong pagagalingin ang cancer at paralysis. Ano ang nangyari? Sang-ayon sa magasing Veja, “maliwanag, hindi natupad ang ipinangako.” At pakinggan kung papaano gumawi ang gayong tao: “Sa loob ng halos dalawang oras, nilibang [ng “faith healer”] ang mga naroroong nanonood sa pamamagitan ng mga sermon, dasal, tilian, awitan—gumamit pa man din ng mga panggugulpi, sa layunin na mapalabas daw ang mga demonyo na namamahay sa katawan ng mga sumasampalataya. Sa katapusan, ang kaniyang kurbata at kaniyang panyo ay inihagis niya sa nabighaning mga tagapanood at siya’y nagpasa ng isang plato upang mangulekta ng ‘kusang loob na mga abuloy.’ ” Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay hindi kailanman humingi ng pera para sa kahima-himalang mga pagpapagaling, at sila’y hindi nagtanghal ng gayong mga palabas.
Kung gayon, maliwanag na ang makabagong mga manggagamot sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi gumagawa ng mga ginawa ni Jesus. At mahirap makita na sasang-ayunan ng Diyos ang kanilang mga ginagawa. Datapuwat, kaniya bang sinasang-ayunan ang anumang kahima-himalang pagpapagaling sa ngayon? O mayroon bang paraan na matutulungan tayo ng ating pananampalataya kung tayo o ang ating mga mahal sa buhay ay magkasakit?