Ang Paggagamot Batay sa Pananampalataya—Ito ba’y Nanggagaling sa Diyos?
ANG lalaki ay may 38 taon nang maysakit. “Ibig mo bagang gumaling?” ang tanong ni Jesus. Kung ikaw ang taong ito, hindi ka kaya may kasabikang sumagot ng opo? Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Ano ba ang naging epekto ng mga salitang iyan? “At pagdaka’y gumaling ang lalaki, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad.”—Juan 5:5-9.
Ang ganitong pambihirang banal na pagpapagaling ay isa lamang sa maraming ginawa ni Jesus noong siya’y nagsasagawa ng kaniyang makalupang ministeryo. (Mateo 11:4, 5) Ang mga faith healer ngayon ay nagsasabing gumagawa pa rin ang Diyos ng gayong mga pagpapagaling, at sila’y itinataguyod ng libu-libong nagpapatotoo na sila’y napagaling.
Mahalagang mga Pagkakaiba
Sa pag-aaral ng Bibliya ay nahahayag ang maraming mahalagang mga pagkakaiba ng pagpapagaling na iniulat ng Bibliya at niyaong iniulat naman ng mga faith healer ngayon. Halimbawa, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi kailanman nagpabayad sa kanilang ginawang pagpapagaling. “Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad,” ang itinuro ni Jesus. (Mateo 10:8) Sa ganoo’y tinularan nila ang halimbawa ni Eliseo, na tumangging tumanggap ng regalo sa isang lalaking nagngangalang Naaman na ang ketong ay pinagaling ni Eliseo. (2 Hari 5:1, 14-16) Samakatuwid, pagka ang mga faith healer ay sumisingil ng bayad, kanilang nilalabag ang halimbawang ito ng Kasulatan.
Kapuna-puna rin na ang mga pagpapagaling noong panahon na tinutukoy sa Bibliya ay nangyari sa isang kisap-mata o naganap sa loob ng isang maigsing yugto ng panahon. Nang makita ni apostol Pedro ang isang taong “pilay na buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina,” sinabi niya sa taong iyon: “Sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!” Isinisiwalat ng ulat: “Pagdaka ang mga sakong ng mga paa [ng lalaking pilay] at ang kaniyang mga bukung-bukong ay lumakas; at, siya’y lumundag, tumayo nga at nagpasimulang lumakad.” (Gawa 3:1-8) Basahin para sa iyong sarili ang iba pang halimbawa sa Gawa 5:15, 16 at 14:8-10.
Datapuwat, ang pagpapagaling ngayon batay sa pananampalataya ay kadalasang tumatagal ng mga araw, mga linggo, o mga buwan pa nga bago gumana! Kapuna-puna rin naman ang bagay na ang mga faith healer ay nakatuon ang pansin sa functional na mga sakit, tulad baga ng pagkabulag, paralisis, o pagkabingi—mga sakit na kung minsan ay may sikolohikong batayan. Ganito ang puna ng seruhanong si Paul Brand: “Minsang ang isang organikong pangyayari ay naging isang bagay na hindi maaaring salungatin—pagkawala ng mga paa, mata, hair follicles—bihirang may mangyaring mga himala.” Datapuwat, pinagaling ni Jesus ang “bawat uri ng sakit at bawat uri ng karamdaman,” kasali na ang mga kapansanan na maliwanag na may depekto ang isang sangkap, tulad baga ng isang tuyot na kamay.—Mateo 9:35; Marcos 3:3-5.
‘Kulang Ka ng Pananampalataya!’
Nakalulungkot sabihin, maraming mga taong may malulubhang karamdaman ang nagpupunta sa mga ‘krusada ng panggagamutan’ at umuuwi na may sakit pa rin. Ang mga faith healer ay nagpapaliwanag ng dahilan ng gayong hindi paggaling sa pagsasabi, ‘Sila’y kulang ng pananampalataya!’ Subalit, dito’y mahahalata mo ang pandaraya. Gaya ng sabi ni Dr. William Nolen: “Di-tulad ng isang karaniwang doktor, ang isang psychic healer ay hindi tatanggap ng pananagutan sa kaniyang pagkabigo pagka hindi niya napagaling ang pasyente. Inaamin ko na ibig ko na gamitin ang gayong pagdadahilan pagka nagkaroon ako ng pasyente na hindi ko mapagaling.”
Maging ang mga propeta man ng Diyos, si Jesus, o ang mga alagad ni Jesus ay hindi gumamit ng pagdadahilan na ang pasyente ay hindi gumaling dahil sa kulang siya ng pananampalataya. Totoo, dahil sa kakulangan ng pananampalataya ay maaaring limitado ang bilang ng mga tao na naparoon upang sila’y mapagaling. Subalit para sa mga taong naparoon doon, laging sila’y lubusang napagagaling!—Marcos 6:5, 6.
Tunay, sa mga ilang kaso napagaling ang mga taong maliwanag na kulang ng pananampalataya. Halimbawa, si Naaman, na puno ng hukbo ng Sirya, ay hindi lubusang naniniwala na siya’y mapagagaling sa kaniyang ketong batay sa itinagubilin ni propeta Eliseo. Pagkatapos lamang na siya’y gumaling saka niya inamin: “Narito, ngayon, akin ngang natatalastas na walang Diyos saanman sa lupa kundi sa Israel.” (2 Hari 5:11-13, 15) Ang marupok na mga pagdadahilan ng mga faith healer ay nawawalang-saysay kung gayon.
Pagpapagaling—Isang Kaloob na Naparam Na
Subalit hindi ba totoo na ang kahima-himalang mga kaloob ng pagpapagaling ay ginagawa ng mga unang Kristiyano? (1 Corinto 12:9) Oo, subalit may mabuting dahilan ang mga himala na naganap noong panahong iyon. Sa loob ng isang milenyo at kalahati, ang bansa ng likas na Israel ang siyang piniling bayan ng Diyos; subalit noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang Israel ay itinakwil dahilan sa kaniyang kakulangan ng pananampalataya at hinalinhan siya ng bagong kongregasyong Kristiyano. Ang mga sinaunang Kristiyanong iyon ay nangailangan ng higit sa karaniwang tulong upang mapalakas ang kanilang pananampalataya at upang patunayan sa panlabas na daigdig na sila’y itinataguyod ng Diyos na Jehova.
Sa gayon, ang bata pang kongregasyong Kristiyano ay binigyan ng kahima-himalang mga kaloob, kasali na ang pagpapagaling. Ito’y nagsilbing “isang tanda” sa mga di-sumasampalataya at naging isang paraan ito ng pagpapatibay ng pananampalataya ng mga mananampalataya. (1 Corinto 14:22) Gayunman, pagkaraan ng halos dalawang libong taon, ang Kristiyanismo ay wala na sa kaniyang kabataan. (Ihambing ang 1 Corinto 13:9-13.) Ang Bibliya ay matagal nang natapos at ang sirkulasyon nito ay umaabot sa angaw-angaw na sipi. Kaya naman ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay dagling makapagbubuklat ng mga pahina nito upang ipakita sa mga di-sumasampalataya ang sumusuporta sa kanilang itinuturo. Hindi na kailangan ngayon ang mga paghihimala.
Ipinakita pa rin ni Pablo na ang kahima-himalang mga kaloob ay “mapaparam.” (1 Corinto 13:8) Ang gayong mga paghihimala ay mga apostol lamang ni Kristo Jesus ang tuwirang gumawa o dili kaya’y naganap iyon samantalang sila’y presente. (Gawa 8:18-20; 10:44-46; 19:6) Pagkamatay ng mga apostol, ang kahima-himalang mga kaloob ay naparam na.
Binanggit ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature nina McClintock and Strong (Tomo VI, pahina 320) na “isang di-matututulang pangungusap na noong unang sandaang taon pagkamatay ng mga apostol tayo’y nakakarinig ng bahagya o wala tayong naririnig na anuman tungkol sa paggawa ng mga himala ng mga sinaunang Kristiyano.”
May Dahilan na Mag-ingat
Si Jesu-Kristo ay nagbabala na darating ang panahon na marami ang magsasabi sa kaniya: “Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nagpalayas kami ng mga demonyo, at gumawa kami ng maraming makapangyarihang gawa sa iyong pangalan?” Subalit sasabihin sa kanila ni Jesus: “Hindi ko kayo nakikilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Kung gayon, ano ang nagpapaliwanag sa waring tagumpay sa pagsasagawa ng mga “makapangyarihang gawa” kung iyon ay hindi ang espiritu ng Diyos?
Sa mga ilang kaso, lumilitaw na iyon ay isang tuwirang panlilinlang. Halimbawa, nag-ulat ang The Herald, isang pahayagan sa Zimbabwe, tungkol sa tatlong tao na ipinamalita ng isang tanyag na faith healer bilang napagaling. Ito’y ibinilad ng pahayagang iyon bilang isang panlilinlang: “Ang isang bata ay hindi pa rin makarinig ni makapagsalita; ang isa namang bata ay hindi naman pala bingi o pipi; at ang isang babae, na talagang bingi, ay hindi pa rin makarinig.”
Kung minsan, ang paggagamot batay sa pananampalataya ay waring may epekto ng isang mistulang gamot sa maysakit. Sa mga ibang kaso naman—lalo na kung isang mahabang panahon ang lumipas bago makitang nagkakabisa ang paggamot—wari nga na dito’y gumana ang natural na paggaling na sangkap ng katawan. Sa aklat na Science and the Paranormal, binanggit ni Dr. William Nolen na “humigit-kumulang 80 porsiyento ng mga pasyente na kumukunsulta sa [isang karaniwang doktor] ang may limitado-sa-sarili na mga sakit—samakatuwid baga, mga sakit na doo’y kusang gagaling sila.” Kung gayon, sa paglipas ng panahon ang isang gumagamot batay sa pananampalataya ay maaaring mag-angkin na siya ang nakapagpagaling.
Sa wakas, ang Bibliya ay nagbibigay-babala na “si Satanas mismo ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag” sa pagtatangka na makapanlinlang. (2 Corinto 11:14) Sa 2 Tesalonica 2:9, 10, ipinapaliwanag pa rin ni Pablo: “Ang pagkanaririto ng tampalasan ay ayon sa paggawa ni Satanas na taglay ang bawat makapangyarihang gawa [“lahat ng uri ng mga himala,” The Jerusalem Bible] at kabulaanang mga tanda at babala at taglay ang bawat daya ng kalikuan para sa mga napapahamak.” Kaya mag-ingat! Kadalasang kasangkot sa paggagamot batay sa pananampalataya ang mga demonyo! “Hindi ko ibig na kayo’y maging mga kabahagi ng mga demonyo,” ang babala ni Pablo. “Kayo’y hindi maaaring uminom sa saro ni Jehova at sa saro ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:20, 21.
Pagka ang Isang Kristiyano ay Maysakit
Totoo, pagka ang isa ay maysakit, ang isang makahimalang pampagaling ay waring kaakit-akit. Subalit, pansinin na ang kamanggagawa ni apostol Pablo na si Epafrodito ay nagkasakit halos hanggang sa bingit ng kamatayan. (Filipos 2:25-27) Ang malimit na kasama ni Pablo na si Timoteo ay dumanas din ng “malimit na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Gayunman, hindi ginamot ni Pablo ang alinman sa mga taong ito sa paraang makahimala. At nang si Pablo mismo ay mangailangan na magpagamot, marahil ay nagpagamot siya kay Lucas, “ang minamahal na manggagamot,” na kasa-kasama niya sa paglalakbay.—Colosas 4:14.
Gayundin sa ngayon, ang isang Kristiyanong maysakit ay maaaring magpatingin sa isang kuwalipikadong manggagamot o terapista, at iwasan ang paggamit ng anumang panggagamot na kinasihan ng mga demonyo o ang pagpapagamot sa mga albularyo na palasak sa maraming lupain ngayon. Maaari rin naman siyang manalangin, hindi na siya’y pagalingin sa kahima-himalang paraan, kundi para bigyan siya ng karunungan kung paano ang dapat niyang gawin sa pagkakasakit niyang iyon. (Santiago 1:5) Maaari ring idalangin niya na “alalayan siya [ni Jehova] sa banig ng karamdaman.”—Awit 41:3.
Ipagpalagay natin, totoong nakasisira ng loob pagka ang siyensiya ng medisina ay hindi nakapagpagaling ng isang partikular na sakit. Gayumpaman, kahit na kung siya’y may sakit ang isang Kristiyano ay kinakailangang magsikap na “tiyakin kung ano ang lalong mahalagang mga bagay,” at huwag pahintulutan na ang espirituwal na mga kapakanan ay lubusang mapangibabawan ng pagkabalisa tungkol sa kalusugan. (Filipos 1:10) Maaari niyang palakasin ang kaniyang sarili sa pag-asang mabubuhay siya sa ilalim ng Kaharian ng Diyos kung saan “walang nananahan doon ang magsasabi: ‘Ako’y maysakit.’ ”—Isaias 33:24; 65:17-19.
Totoo naman, ang pag-asang ito sa isang matuwid na bagong sanlibutan ay lalong higit na mahalaga kaysa walang saysay na mga pangako ng mga faith healer. Nariyan si Peter, isang lalaking bulag na nakatira sa Akumadan, Ghana. Siya’y gumugol ng lahat-lahat ay 26 na taon sa iba’t ibang mga relihiyon na kung saan may panggagamot batay sa pananampalataya sa pag-asang mapagagaling ang kaniyang pagkabulag. Subalit walang faith healer na nakapagpadilat ng kaniyang paningin. Pagkatapos, bagaman nagsisimba pa rin siya sa isang simbahan na may gayong uri ng panggagamot, siya’y natagpuan ng mga Saksi ni Jehova.
Ipinaliwanag ng mga Saksi buhat sa Bibliya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos lubusang pagagalingin ang lahat ng sakit. Ito ang nagbukas sa mga mata ng unawa ni Peter. Dahil sa lubos na pagpapahalaga sa kahanga-hangang mga katotohanan ng Bibliya, siya’y naging isang buong-panahong tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos at mahigit nang tatlong taon na naglilingkod nang gayon! Kaniyang inaasam-asam ang panahon na, sa literal na paraan, “ang mga mata ng mga bulag ay makakakita, at ang mismong pandinig ng mga bingi ay makakarinig.”—Isaias 35:5, 6.
Sa tulong ng Salita ng Diyos, libu-libong mga iba pa ang nakalaya na rin buhat sa maling pagtitiwala sa mga faith healer.
[Larawan sa pahina 5]
Ang mga faith healer ay pambihirang nagpapagaling ng mga tao na may mga kapansanan sa mga sangkap ng katawan
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang isang Kristiyanong may sakit ay nananalangin upang humingi ng lakas na makapagtiis. Kaniya ring inaasam-asam ang buhay sa bagong sanlibutan, na kung saan “walang nananahan doon ang magsasabi: ‘Ako’y maysakit’ ”