Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pinagpala ang mga Batang Nag-aaral sa Nigeria Dahilan sa Katapatan
SUMULAT si apostol Pablo: “Kung maaari, hangga’t magagawa ninyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Ang mga batang nag-aaral na mga Saksi ni Jehova sa Nigeria ay nagkakapit ng payong ito, kahit na sila’y pinag-uusig. Kaya naman, sila’y pinagpapala ni Jehova.
◻ Isang guro ang ayaw na ayaw sa mga Saksi ni Jehova. Minsan sa pagtitipon isang umaga, pinapunta niya sa harap ang lahat ng Saksi at iniutos na awitin nila ang pambansang awit. Sila’y tumanggi, at sinabing ibig nilang iukol sa Diyos ang bukud-tanging debosyon. Kaya lahat sila ay dinala ng guro sa labas at iniutos na putulin nila ang damo. Samantala, ang ibang mág-aarál ay nagpatuloy sa kani-kanilang klase.
Isang adultong Saksi na may dalang School and Jehovah’s Witnesses brosyur ang nag-abot niyaon sa guro, at ipinaliwanag ang pagkaneutral ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang guro ay tumanggi na pag-usapan ang bagay na iyon o tanggapin ang brosyur. Sa katunayan, agad niyang pinag-ibayo ang pagpaparusa sa mga bata.
Ang mga batang Saksi ay nagpatuloy na tiisin ang parusang ito at patuloy sa kanilang pagputol ng damo kahit na wala roon ang guro. Isang araw, nagkubli ang guro at lingid sa kanilang kaalaman ay kaniyang pinagmasdan sila samantalang sila’y patuloy na nagtatrabaho at umaawit ng mga awiting pang-Kaharian. Ganiyan na lamang ang kaniyang paghanga kung kaya sila’y pinabalik sa klase, anupat ipinakita ang kaniyang pagkamangha sa kanilang iginawi. Ano ang resulta? Ang guro ay nakikipag-aral na ngayon sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova!
Tunay na ang mga batang nag-aaral na ito ay pinagpala dahil sa kanilang katapatan kay Jehova at sa kaniyang mga simulain.—Kawikaan 10:22.
◻ Si Ruth at ang kaniyang mga kaibigan ay pinagpala rin dahilan sa kanilang katapatan sa kahilingan sa kanila ni Jehova na sila’y ‘huwag maging bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 17:16) Si Ruth, na 18 anyos, ay nagsimulang magpayunir nang siya’y 12. Siya at ang ibang mga Saksi ay sinalansang ng mga kawani ng paaralan dahilan sa pagtangging awitin ang pambansang awit. Isang guro ang humiling na makausap ang mga magulang ng mga batang babae. Pagkatapos na kanilang paliwanagan siya sa brosyur na School, nasiyahan naman ang guro at hindi na ginambala ang mga mág-aarál.
Ngunit, isang araw, isang guro na taga-India ang uminsulto at nagparusa sa isa sa mga batang babae sa harap ng klase nang hindi nito awitin ang pambansang awit. May katapangang ipinagtanggol ng bata ang kaniyang pananampalataya at dinala siya ng guro sa prinsipal ng paaralan. Nang sila’y naroroon na, nakita ng batang Saksi na ang assistant principal ay naroon din. Sa laki ng kaniyang pagtataka, ang prinsipal at ang assistant principal ay nagtawanan. Pagkatapos na bumaling sa guro, sinabi ng prinsipal: “Madam, huwag kang mag-alala tungkol sa mga batang ito. Kahit na patayin mo sila, pipiliin pa nilang mamatay kaysa bigkasin ang pananalita ng awiting iyon. Hindi mo ba sila nababalitaan?” Siya at ang kaniyang assistant ay nagsalita pagkatapos nito ng tungkol sa pananampalataya at tibay ng loob ng mga Saksi ni Jehova. Kinausap ng prinsipal ang bata, at humingi ng paumanhin dahil sa pagkainsulto niya rito. At saka isinusog: “Magpatuloy kayo sa inyong mga gawa ng pananampalataya. Ako’y hanga sa inyong relihiyon at sa inyong matapang na paninindigan sa labas at loob ng paaralan.” Nang bandang huli, ang guro na sumalansang ay humingi ng paumanhin sa Saksi, at sinabing ngayon ay naiintindihan na niya ang neutral na paninindigan ng mga Saksi.
Ang mga batang ito ay sumunod sa halimbawa ng tatlong Hebreo na hindi nasira sa kanilang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng pagyukod sa isang imahen, at gayundin ang halimbawa ni Daniel, na tumangging huminto ng pananalangin kay Jehova. Ang mga lalaking ito ay pinagpala ni Jehova dahilan sa sila’y tapat sa matuwid na mga batas ng Diyos.—Daniel, kabanata 3 at 6.