Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/1 p. 24-26
  • Si Jehova—Kakilala ba Ninyo o Inyong Kaibigan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova—Kakilala ba Ninyo o Inyong Kaibigan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikipagkaibigan sa Diyos
  • Mga Kahilingan Para sa Pagkakaibigan
  • Gaano Kahalaga sa Iyo ang Pakikipagkaibigan kay Jehova?
  • Pagpapaunlad ng Pinakamainam na Pagkakaibigan sa Buong Sansinukob
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kung Paano Ka Magkakaroon ng mga Kaibigan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Bakit Ako Nawawalan ng mga Kaibigan?
    Gumising!—1996
  • “Tinatawag Ko Kayong mga Kaibigan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/1 p. 24-26

Si Jehova​—Kakilala ba Ninyo o Inyong Kaibigan?

“JOHN, puwede bang ipakilala kita sa aking kaibigan? Siya si​—ipagpaumanhin mo, ano nga uli ang pangalan mo?”

Narinig mo na ba ang ganitong uri ng kamalian sa pakikipag-usap? Ito’y isang halimbawa kung papaanong may mga taong maling ginagamit ang salitang “kaibigan.” Sa totoo ay “kakilala” lamang ang ibig nilang tukuyin o kung minsan ay hindi pa nga iyan. Ang pagiging kakilala ni G. Juan De la Cruz na tagariyan sa kabila ng kalsada ay isang bagay; ang pagiging kaniyang kaibigan ay iba naman.

Isang diksyunaryo ang nagbibigay ng katuturan sa “kakilala” bilang “isang tao na mayroon kang sosyal na pakikitungo ngunit wala kang matatag na kaugnayang personal.” Ito’y nagpapakita ng “di-gaanong pagkapamilyar, pagkamalapít, walang-gaanong pagsasamahan, at mabuting-hangarin kaysa KAIBIGAN.”

Ang kakulangang ito ng matibay na personal na kaugnayan ang tumutulong sa pagpapaliwanag kung bakit kalimitan hindi natin gaanong pansin ang nangyayari sa mga kakilala, samantalang tayo’y magiliw na napapasangkot sa buhay ng ating mga kaibigan. Tayo’y kahati nila sa kanilang kagalakan at sa kanilang kalungkutan, na pinapayagan sila na lubhang makaimpluwensiya sa ating buhay. Mangyari pa, pakaingatan natin na huwag hayaang dahilan sa emosyon ay maakay tayo na manghimasok sa kanilang pribadong pamumuhay.​—1 Pedro 4:15.

Ang pagkakaroon ng isang matibay na personal na kaugnayan sa ating mga kaibigan ay nagpapaliwanag din kung bakit karaniwan nang sinisikap natin na palugdan sila. Kung isang kakilala ang makapansin sa ating asal na pangit o di-tama para sa kanila, ang gayong di-pagkalugod ay malamang na hindi aakay sa atin na magbago. Subalit ang isang kaibigan ay maaaring magkaroon ng isang malakas na impluwensiya nga, maging sa pananamit, ugali, o saloobin.

Kung tungkol sa pagtitiwala, pagmamahal, paggalang, at katapatan, ang pagkakaibigan ay humihingi ng isang lalong mataas na pananagutan kaysa pagiging magkakilala lamang. Ang isang humihiling ng pakikipagkaibigan, wika nga, na walang pananagutang nasasangkot, sa katunayan ay naghahangad lamang ng isang kakilala, hindi isang kaibigan. Ang matalik na magkaibigan ay maligayang tumutupad ng mga pananagutan na likha ng isang matibay na personal na kaugnayan, sa pagkatanto na ang mga ito ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang patunayan ang kanilang pagkakaibigan.

Pakikipagkaibigan sa Diyos

Bilang ang Maylikha, si Jehova ang makalangit na Ama ng sangkatauhan at karapat-dapat mahalin, sundin, at igalang. Subalit nais niyang gawin ito ng mga tao dahilan sa isang matibay na personal na kaugnayan, hindi lamang dahil sa pagkadama na dapat niyang gawin ito. (Mateo 22:37) Ibig din niya na kanilang ibigin siya bilang isang Kaibigan. (Awit 18:1) Yamang “siya muna ang umibig sa atin,” siya mismo ang naglatag ng sakdal na saligan para sa gayong pagkakaibigan.​—1 Juan 4:19.

Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nakakakilala kay Jehova. Ang tanong ay: Kanila bang tatanggapin ang kaniyang alok ng pagkakaibigan? Malungkot mang sabihin, hindi nila tinanggap. Ang kanilang mapag-imbot na paghahangad ng kasarinlan buhat sa Diyos ay nagpahiwatig ng kakulangan ng matibay na personal na kaugnayan sa kaniya. Bagaman handa silang tanggapin ang mga pagpapala ng pagkakaibigan na kaniyang iniaalok, sila’y walang naisin na tupdin ang taglay na pananagutan niyaon. Para bang ibig nilang tamasahin ang mga kaginhawahan at katiwasayan ng kanilang maalwang tahanang Paraiso nang hindi sila handang magbayad ng renta.

Lahat tayo, ang iba’y sa lalong malaking antas kaysa iba, ay nagmana ng ganitong espiritu ng di-pagpapahalaga at pagkamalasarili. (Genesis 8:21) Ang ibang mga kabataan, halimbawa, ay nagpadala sa kanilang likas na paghahangad ng pagsasarili na anupat hindi nila pinahahalagahan ang kanilang mga magulang. Ang resulta nito ay ang pagkasira ng pinakamahalagang pagkakaibigan na dapat umiral sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang sa buong buhay nila. Gayunman, bagaman ito’y isang malungkot na pangyayari, ang pagkasira ng ating pakikipagkaibigan sa ating makalangit na Ama ay lalong malubha. Sa katunayan, ito’y maaaring humantong sa kamatayan!

Mga Kahilingan Para sa Pagkakaibigan

Kung walang pagtitiwala, walang tatagal na mga ugnayan, maging sa pagitan ng mga tao o ng Diyos. Ito’y naunawaan ng patriyarkang si Abraham, kaya naman siya’y paulit-ulit na nagpakita ng lubos na pagtitiwala sa Diyos. Basahin ang Genesis 12:1-5 at 22:1-18, at tingnan ang dalawang litaw na mga halimbawa ng kaniyang pagtitiwala kay Jehova. Oo, “si Abraham ay sumampalataya kay Jehova, at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” Kaya naman “siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ”​—Santiago 2:23.

Ang isa pang kahilingan para sa pakikipagkaibigan sa Diyos ay ang matugunan ang mga obligasyon na taglay ng pagkakaibigang ito. Dahilan sa ating mababang katayuan may kaugnayan kay Jehova, ang mga obligasyong ito ay makatuwirang sabihing lalong malaki kaysa sa pakikipagkaibigan sa isang tao. Ang mga ito’y lampas pa sa ating pagnanasang palugdan siya sa ilang mga bagay​—gaya ng ating gagawin sa isang kaibigang tao. Kasali na rito ang ating pagnanasang palugdan siya sa lahat ng bagay. Si Jesus, ang Anak ng Diyos at Kaniyang pinakamatalik na kaibigan, ang nagpakita nito nang kaniyang sabihin tungkol kay Jehova: “Laging ginagawa ko ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya.”​—Juan 8:29.

Sa gayon, ang pakikipagkaibigan kay Jehova, o sa kaniyang Anak, ay hindi maaaring walang kasamang kondisyon; ito ay depende sa ating pagtupad ng mga kahilingan para sa pakikipagkaibigan na kanilang itinakda. (Tingnan ang Awit 15:1-5.) Ito’y maliwanag na ipinakita ni Jesus sa pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad. “Kayo’y aking mga kaibigan,” aniya sa kanila, “kung inyong ginagawa ang iniuutos ko sa inyo.”​—Juan 15:14.

Ang isa pang kahilingan para sa pakikipagkaibigan ay ang malaya at prangkahan na pakikipagtalastasan. Nang araw ng kaniyang kamatayan, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat ang alipin ay walang alam sa ginagawa ng kaniyang panginoon. Ngunit tinawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.” (Juan 15:15) Nang bahaginan niya ang kaniyang mga kaibigan ng kaniyang mga kaisipan, ang sinunod ni Jesus ay ang halimbawa ng kaniyang makalangit na Ama, na tungkol sa kaniya ay sinasabi ng Amos 3:7: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.”

Hindi ba ito ang karaniwang nangyayari sa gitna ng mga magkakaibigan? Baka wala tayong nadaramang hangaring ibahagi ang ating mga karanasan kay G. Juan dela Cruz diyan sa kabila ng kalsada. At tiyak na hindi natin ibig na sabihin sa kaniya ang ating kaloob-loobang mga kaisipan at damdamin. Tandaan, siya’y isa lamang kakilala. Subalit kung sa ating mga kaibigan, aba, malimit na halos hindi tayo makapaghintay para sabihin sa kanila ang gayong mga bagay!

Ganiyan din kung tungkol sa ating pakikipagkaibigan sa Diyos. Halos hindi tayo makapaghintay upang lumapit sa kaniya sa panalangin, na inihahayag sa kaniya ang ating mga pangangailangan, ang ating mga naisin, at ang ating kaloob-loobang damdamin. Mangyari pa, kung ang komunikasyon ay isang panig lamang, hindi magtatagal at ang pagkakaibigan ay mamamatay. Kaya kailangan ding hayaan nating kausapin tayo ng Diyos. Ito’y gagawin natin sa pamamagitan ng maingat na pakikinig sa kaniyang nasusulat na Salita, na binubulay-bulay ang kaniyang payo, at pagkatapos ay ikinakapit iyon sa pinakamagaling na paraang magagawa natin.

Gaano Kahalaga sa Iyo ang Pakikipagkaibigan kay Jehova?

Upang matulungan ka na sagutin ang tanong na ito, isaalang-alang ang isang natatanging uri ng pakikipagkaibigan ng tao. Kung ikaw ay isang kabataan, marahil ay interesado ka sa isang pakikipagkaibigan na hahantong sa pag-aasawa. Mangyari pa, alam mo na ang pagiging kakilala lamang ng isang binabalak na maging asawa ay hindi siyang nararapat na batayan ng pag-aasawa. Ang pagiging magkakilala ay kailangan munang mauwi sa pagkakaibigan. Ang pagkakaibigang ito ay maaaring paunlarin at hubugin upang maging isang lalong matalik na ugnayan na sa wakas ay magsisilbing nararapat na batayan ng isang maligayang pag-aasawa.

Ngayon, isaalang-alang. Gaanong pagpapagal ang ginagawa ng karamihan ng mga tao sa pagpapaunlad ng ganitong uri ng pagkakaibigan? Gaanong panahon at salapi ang ginugugol nila sa pagtatatag at pagkatapos ay pagpapanatili nito? Gaanong panahon ang ginugugol nila sa pagbubuhos ng isip dito? Hanggang saan sila gumagawa ng mga plano​—o nagpapakita ng pagiging handang baguhin ang mga plano​—​upang lalo pang mapahusay o mapanatili ang relasyong ito?

Saka tanungin ang iyong sarili: ‘Papaano ito maihahambing sa aking mga pagpapagal na paunlarin ang pakikipagkaibigan sa aking Maylikha o mapahusay pa at mapatibay ito? Gaanong panahon ang ginugugol ko sa paggawa ng gayon? Hanggang saan umuokupa ng aking araw-araw na mga kaisipan ang pakikipagkaibigan kay Jehova? Hanggang saan ako gumagawa ng mga plano​—o nagpapakita ng pagiging handang baguhin ang mga plano​—​sa layuning higit pang mapahusay at mapanatili ang relasyong ito?’

Ang mga kabataang Kristiyano ay dapat lubusang maging palaisip na lahat ng pakikipagkaibigan ng tao, kasali na yaong sa wakas ay humahantong sa pag-aasawa, ay pangalawa lamang sa kahalagahan sa pakikipagkaibigan na kailangang umiral sa pagitan nila at ng kanilang Maylikha. Kaya naman sila ay pinapayuhan ng Eclesiastes 12:1: “Alalahanin, ngayon, ang iyong Dakilang Manlilikha sa mga kaarawan ng iyong kabataan.” Marami ang gumagawa nito sa pamamagitan ng pangmadlang paglilingkod bilang mga ministro ng Diyos, at patuloy na dumarami sila bilang buong-panahong mga mángangarál, o mga payunir.

Sa kabila ng lumalaganap na kawalang-pakundangan at kawalang-pananampalataya sa palibot nila, buong-katapangang ipinagtatanggol ng mga ito si Jehova pagka sila’y nakaririnig ng mga pangungutya at mga pagpaparatang sa kaniya. Hindi ba ito ang may-katuwiran si Jehova na asahan sa kaniyang mga kaibigan? Hindi ba ito rin ang ating aasahan sa ating mga kaibigan? At hindi ba pagagalakin nito ang ating mga puso pagka natuklasan natin na ginagawa ito ng ating mga kaibigan nang buong sigasig at nang may kombiksiyon?​—Ihambing ang Kawikaan 27:11.

Oo, ang pakikipagkaibigan sa Diyos​—gaya rin sa mga tao​—​ay nagdadala ng mga pananagutan na kailangang tupdin kung ibig na manatili ang pagkakaibigan. Ang isang taong ayaw tumanggap ng mga pananagutan, o hindi handang gumawa ng pag-aalay ng sarili sa Diyos at saka tupdin iyon, ay maaari ngang nakakakilala kay Jehova. Gayunman, kailangan pa niyang maranasan ang mga kagalakan ng pagiging isang Kaibigan Niya.

[Larawan sa pahina 25]

Si Abraham ay nagtiwala sa Diyos kaya tinawag na kaibigan ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share