Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/15 p. 22-27
  • Pamamalakaya ng mga Tao sa Karagatan ng Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pamamalakaya ng mga Tao sa Karagatan ng Daigdig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pamamalakaya ng mga Tao, Isang Pandaigdig na Hamon
  • Pagsulong sa Pandaigdig na Pamamalakaya
  • Lahat ay May Bahagi
  • Mga Salik na Dahilan ng Paglago
  • Tayo ba’y Maaari Pang Sumulong?
  • Ang Pagiging mga Mamamalakaya ng mga Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Pangingisda
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pangingisda sa Dagat ng Galilea
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/15 p. 22-27

Pamamalakaya ng mga Tao sa Karagatan ng Daigdig

“Kung, ngayon, ay naghahayag ako ng mabuting balita, walang dahilan na ako’y magmalaki, sapagkat nakaatang sa akin ang pangangailangan. Talaga naman, sa aba ko kung hindi ko inihayag ang mabuting balita!”​—1 CORINTO 9:16.

1, 2. (a) Sino bang talaga ang humarap sa hamon na ipinahihiwatig sa 1 Corinto 9:16, at bakit gayon ang sagot ninyo? (b) Anong pananagutan ang tinanggap ng mga Saksi ni Jehova?

SINO sa ika-20 siglong ito ang humarap sa hamon na iniharap ng mga salita ni Pablo sa itaas? Sino ba ang humayo sa daigdig sa daming milyun-milyon upang mamalakaya ng mga lalaki at mga babae na “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan”? (Mateo 5:3) Sino ang napasuong sa panganib na mabilanggo at mamatay, at sino ang dumanas ng gayon sa maraming bansa dahil sa pagtupad sa utos ni Kristo sa Mateo 24:14?

2 Ang rekord ay sumasagot: ang mga Saksi ni Jehova. Noon lamang nakalipas na taon ay mahigit na apat na milyong Saksi ang nagbahay-bahay sa ‘pangangaral ng mabuting balita’ sa 211 bansa at mga teritoryo at sa mahigit na 200 wika. Ang mga ito ay hindi lamang isang piniling grupo ng sinanay na mga misyonero. Hindi, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nakadarama ng pananagutan na mangaral at magturo sa bahay-bahay at sa bawat angkop na okasyon. Bakit nila nadarama ang pangangailangang iyan na ibahagi sa iba ang kanilang paniniwala? Sapagkat kanilang kinikilala na ang kaalaman ay nagdadala ng pananagutan.​—Ezekiel 33:8, 9; Roma 10:14, 15; 1 Corinto 9:16, 17.

Pamamalakaya ng mga Tao, Isang Pandaigdig na Hamon

3. Kailangang maging gaanong kalawak ang gawaing pamamalakaya?

3 Ang malaganap na pamamalakayang ito ay hindi lamang doon matatagpuan, wika nga, sa isang ilog o look o kahit sa isang malawak na karagatan. Hindi, gaya ng iniutos ni Jesus, ito ay gaganapin “sa lahat ng bansa.” (Marcos 13:10) Bago umakyat sa kaniyang Ama, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! Ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 28:19, 20.

4. (a) Sa ano nagtaka ang mga unang Judiong alagad ni Jesus? (b) Ano ang pagkakilala ng mga Saksi ni Jehova sa lawak ng kanilang pangangaral?

4 Sa mga Judiong tagasunod ni Jesus, iyan ay isang utos na nakasindak sa kanila. Kaniyang sinabi noon sa kaniyang mga alagad na Judio na sila ngayon ay kailangang humayo sa “karumal-dumal” na mga Gentil sa lahat ng bansa at turuan sila. Nangailangan ng medyo pagbabagay ng kanilang sarili upang matanggap ang epekto at makakilos ayon sa atas na iyon. (Gawa 10:9-35) Subalit wala nang ibang magagawa pa; sinabihan sila ni Jesus sa isang talinghaga na “ang bukid ay ang sanlibutan.” Sa gayon, minamalas ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang buong sanlibutan bilang ang eksena ng kanilang mga karapatan sa pamamalakaya. Doon ay walang “20-kilometrong hangganan” o “teritoryong karagatan” na naglalagay ng hangganan sa utos sa kanila ng Diyos. Kung minsan ay kailangan ang pagpapakaingat kung walang umiiral na kalayaan sa relihiyon. Gayunman, sila’y namamalakaya na may diwa ng pagkaapurahan. Bakit ganiyan? Sapagkat ang mga pangyayari sa daigdig at ang katuparan ng hula na nasa Bibliya ay nagpapakita na tayo’y nasa huling bahagi ng pandaigdig na pamamalakaya.​—Mateo 13:38; Lucas 21:28-33.

Pagsulong sa Pandaigdig na Pamamalakaya

5. Anong uri ng mga tao ang tumutugon sa pandaigdig na pamamalakaya?

5 Karamihan ng pinahirang mga tagapagmana ng Kaharian ay “nahuli” sa pamamalakaya sa mga bansa bago sumapit ang 1935, kaya ang kanilang buong bilang ay kumpleto na. Samakatuwid, lalo na sapol noong 1935, hinahanap ng mga Saksi ni Jehova yaong mapagpakumbabang mga tao na masasabing “mga maaamo” na “magmamana ng lupa.” (Awit 37:11, 29) Ito ay mga taong “nagbubuntunghininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa.” Sila’y gumagawa ng pagkilos sa pagtataguyod ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos bago sumapit ang “malaking kapighatian” sa ubod-sama at balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas at ang kaniyang mga mananamba ay nakatakdang ibulid sa “nag-aapoy na pugon” ng pangwakas na pagkapuksa.​—Ezekiel 9:4; Mateo 13:47-50; 24:21.

6, 7. (a) Anong mga hakbang ang kinuha noong 1943 kung tungkol sa pangangaral? (b) Ano ang naging resulta?

6 Nagtatagumpay ba naman hanggang ngayon ang pandaigdig na pamamalakaya? Hayaang ang mga pangyayari ang magsalita. Noong 1943, samantalang nagaganap pa ang Digmaang Pandaigdig II, nakini-kinita na ng tapat na pinahirang mga kapatid sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, na isang malawak na pamamalakaya sa buong daigdig ang kailangang maganap. Kaya, anong mga hakbang ang ginawa?a​—Apocalipsis 12:16, 17.

7 Noong 1943 ang Watchtower Society ay nagtatag ng isang paaralang misyonero na tinatawag na Gilead (Hebreo, “Bunton ng Patotoo”; Genesis 31:47, 48) na nagsimula ng pagsasanay sa isandaang misyonero tuwing anim na buwan upang sila’y maipadala bilang simbolikong mga mamamalakaya sa buong lupa. Noon, mayroon lamang 126,329 na mga Saksi na aktibong namamalakaya ng mga tao sa 54 na mga bansa. Sa loob ng sampung taon ang bilang na iyan ay halos umakyat hanggang 519,982 Saksi sa 143 bansa! Tunay, ang Paaralang Gilead ay nagbubunga ng malalakas-ang-loob na mamamalakayang mga lalaki at mga babae, na handang pumunta sa mga taong may banyagang mga kultura at makibagay sa bagong mga karagatan sa pamamalakaya. Kaya naman, libu-libo sa tapat-pusong mga tao ang tumugon. Ang mga misyonero, at lokal na mga Saksi na kanilang nakasama sa paggawa, ang naglatag ng saligan para sa kamangha-manghang pagsulong na nagaganap ngayon.

8, 9. (a) Anong mga halimbawa ang maaaring banggitin tungkol sa litaw na mga gawaing misyonero? (b) Papaano nasaksihan ng mga misyonero ang mahalagang pagsulong sa kani-kanilang larangan? (Tingnan din ang 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses.)

8 Maraming tapat na mga beterano buhat sa mga unang klase ng Gilead ang naglilingkod pa rin sa ibang mga bansa, kahit na sila ngayon ay mahigit na 70 o 80 taońg gulang. Ang isang halimbawa ng marami sa kanila ay ang 82-taóng gulang na si Eric Britten at ang kaniyang maybahay, si Christina, na nagtapos sa ika-15 klase ng Gilead noong 1950 at naglilingkod pa rin sa Brazil. Nang sila’y pumaroon upang maglingkod sa Brazil, mayroon lamang mga 3,000 Saksi sa bansang iyan. Ngayon ay may mahigit na 300,000! Tunay, ang ‘munti ay naging isang makapangyarihang bansa’ sa Brazil, sapagkat naging mabunga ang pamamalakaya.​—Isaias 60:22.

9 At ano ang masasabi natin tungkol sa mga misyonero sa Aprika? Karamihan ay nakababagay na sa isang ibang-ibang kultura at napamahal na sa kanila ang mga Aprikano. Isa na rito ang magkapatid na si John at si Eric Cooke at ang kani-kanilang asawa, si Kathleen at si Myrtle, na sa kasalukuyan ay naglilingkod sa Timog Aprika. Si John at si Eric ay kabilang sa nagtapos sa ikawalong klase noong 1947. Kabilang sa mga bansang pinaglingkuran ng alinman sa kanilang dalawa ay ang Angola, Zimbabwe, Mozambique, at Timog Aprika. Ang ibang mga misyonero ay namatay sa Aprika dahilan sa sakit, at ang iba naman ay dahilan sa digmaan at pag-uusig, tulad ni Alan Battey at ni Arthur Lawson, na namatay noong kamakailang gera sibil sa Liberia. Gayunman, ang karagatan sa Aprika ay napatunayang napakamabunga. Mayroon na ngayong mahigit na 400,000 Saksi na nakakalat sa malawak na kontinenteng iyan.

Lahat ay May Bahagi

10. Bakit at sa papaano gumagawa ang mga payunir ng isang kapuri-puring gawain?

10 Gayumpaman, dapat kilalanin na bagaman umabot na sa libu-libo ang mga misyonerong banyaga, ang lokal na mga mamamahayag at mga payunirb ay umabot na sa milyun-milyon. Sila ang gumagawa ng kalakhang bahagi ng pangangaral sa buong lupa. Noong 1991 ay may katamtamang bilang na mahigit na 550,000 payunir at naglalakbay na mga ministro. Totoong kahanga-hanga ang bilang na iyan pagka ating pinag-isipan na lahat ng tapat na mga Saksing ito ay gumagawa ng pantanging pagsisikap na makibahagi sa dakilang pamamalakaya, na sa katamtaman ay nakapaglilingkod mula 60 hanggang 140 oras sa pangangaral bawat buwan. Marami ang gumagawa nito kapalit ng malaking personal na sakripisyo at gastos. Subalit bakit? Sapagkat kanilang iniibig si Jehova na kanilang Diyos nang kanilang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas, at kanilang iniibig ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili.​—Mateo 22:37-39.

11. Ano ang tiyak na patotoo na ang espiritu ni Jehova ay gumagawa sa gitna ng kaniyang bayan?

11 Ano ang masasabi natin tungkol sa mahigit na tatlo at kalahating milyong mga Saksi na wala sa buong-panahong paglilingkod ngunit gayumpaman ay nagbibigay ng 100 porsiyentong pagtangkilik sa paglilingkod kay Jehova, ayon sa kanilang kalagayan? Ang iba ay mga asawang babae, mayroon pang mga ina na nag-aasikaso ng maliliit na mga anak, na bagaman gayon ay gumugugol ng ilang bahagi ng kanilang mahalagang panahon sa pandaigdig na pamamalakaya. Marami ang mga asawang lalaki o mga ama na may buong-panahong hanapbuhay; subalit, sila’y gumugugol ng panahon kung mga dulo ng sanlinggo at mga gabi upang magturo ng katotohanan sa mga di-kakilala. At nariyan din ang malaking pulutong ng mga binata at mga dalaga at mga kabataan na nakikibahagi sa pangangaral at nakaaakit ng iba sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang ugali. Ano pang ibang grupong relihiyoso ang may mahigit na apat na milyong di-binabayarang mga boluntaryo na sa buwan-buwan ay nangangaral ng mabuting balita ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos? Tunay na ito’y patotoo na gumagawa ang espiritu ni Jehova!​—Awit 68:11; Gawa 2:16-18; ihambing ang Zacarias 4:6.

Mga Salik na Dahilan ng Paglago

12. Bakit at gaano karami ang mga taong tumutugon sa katotohanan?

12 Ang malawak na pangangaral na ito ay nagdudulot ng kahanga-hangang resulta taun-taon. Noong 1991 mahigit na 300,000 bagong mga Saksi ang nabautismuhan sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa tubig. Iyan ay katumbas ng mahigit na 3,000 kongregasyon na may 100 Saksi ang bawat isa! Papaano nangyayari ang lahat ng ito? Tandaan natin na sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin maliban nang ang Ama na nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin . . . Nasusulat sa Mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Ang bawat nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin.” Samakatuwid, hindi lamang sa pamamagitan ng sikap ng tao nangyayaring ang isa’y tumugon sa pandaigdig na pamamalakaya. Nakikilala ni Jehova ang kalagayan ng puso at inilalapit sa kaniyang sarili yaong mga karapat-dapat.​—Juan 6:44, 45; Mateo 10:11-13; Gawa 13:48.

13, 14. Anong magandang saloobin ang ipinakikita ng maraming Saksi?

13 Gayunman, mga taong mamamalakaya ang mga kinatawan na ginagamit ni Jehova upang mailapit sa kaniya ang mga tao. Samakatuwid, ang kanilang saloobin sa pakikitungo sa mga tao at sa teritoryo na kung saan sila namamalakaya ay mahalaga. Totoong nakagagalak na makitang ang lubhang karamihan ng mga tao ay nagsapuso ng mga salita ni Pablo sa mga taga-Galacia: “Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.”​—Galacia 6:9.

14 Maraming tapat na mga Saksi ang nangangaral na sa loob ng maraming taon, habang matamang nagmamasid sa mga pangyayari sa daigdig. Kanilang nasaksihan ang pagbangon at pagbagsak ng Nazismo, Fascismo, at iba pang mga sistemang totalitaryo. Ang iba ay nakasaksi ng maraming digmaan na naganap sapol noong 1914. Kanilang nasaksihan ang mga lider ng daigdig sa pagpapako ng kanilang pag-asa sa Liga ng mga Bansa at pagkatapos ay sa Nagkakaisang mga Bansa. Kanilang nasaksihan ang pagbabawal sa gawain ni Jehova at nang bandang huli ay pinayagang maging legal sa maraming bansa. Sa pagkaranas ng lahat ng ito, hindi umuurong ang mga Saksi ni Jehova sa paggawa ng mabuti, kasali na ang pagiging mga mamamalakaya ng mga tao. Anong pagkainam-inam na rekord ng katapatan!​—Mateo 24:13.

15. (a) Anong tulong ang mayroon tayo sa pakikibagay sa mga pangangailangan ng ating teritoryo sa buong daigdig? (b) Papaano nakatulong ang mga publikasyon sa pagsasagawa mo ng iyong atas?

15 Mayroon pang ibang mga salik na nakatulong sa paglagong ito sa buong daigdig. Ang isa ay ang pagkamarunong bumagay ng mga mamamalakaya ng mga tao kung tungkol sa mga pangangailangan ng teritoryo. Dahilan sa dayuhang mga mamamayan na may iba’t ibang kultura, relihiyon, at wika, pinalawak ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pagkaunawa sa iba’t ibang punto de vista ng mga ito. At ang pandaigdig na kongregasyon ay malaki ang naitulong sa pamamagitan ng paghahanda ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa mahigit na 200 wika. Ang New World Translation of the Holy Scriptures, buo man o ang ilang bahagi, ay naisalin na ngayon sa 13 wika, kasali na ang Czech at Slovak. Ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ay makukuha na ngayon sa 198 wika, mula sa Albaniano hanggang Zulu, na may nalimbag na 72 milyong kopya. Ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay makukuha na sa 69 na wika. Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, lathala sa 29 na wika, ay nagbibigay ng matalinong unawa tungkol sa pinagmulan at mga paniwala ng pangunahing mga pamamalakad na relihiyoso ng daigdig at napatutunayang isang pambihirang tulong sa pandaigdig na pamamalakaya.

16. Papaanong ang ilan ay tumugon sa mga pangangailangan sa ibang mga bansa?

16 Ano pa ang nagpalawak sa pandaigdig na pamamalakaya? Libu-libo ang handang tumugon sa ‘panawagan ng taga-Macedonia.’ Kung papaanong si Pablo ay handang lumipat buhat sa Asia Minor tungo sa Macedonia sa Europa, sa pananawagan ng Diyos, maraming mga Saksi ang lumipat sa mga bansa at mga teritoryo na kung saan may lalong malaking pangangailangan ng mga mángangarál ng Kaharian, at gayundin ng mga matatanda at ministeryal na mga lingkod. Sila’y nakatulad ng literal na mga mamamalakaya na sa kanilang sariling lugar na pinangingisdaan ay ubos na ang mahuhuling mga isda at lumilipat na sila sa mga lugar na may kakaunting mga bangka at marami ang mga isda.​—Gawa 16:9-12; Lucas 5:4-10.

17. Anong mga halimbawa mayroon tayo tungkol sa nagsitugon sa ‘panawagan ng taga-Macedonia’?

17 Sa kamakailang mga klase ng paaralang misyonero ng Gilead ay may kasaling mga estudyante buhat sa iba’t ibang mga bansa sa Europa na natuto ng Ingles at pagkatapos ay naghandog ng kanilang sarili para sa paglilingkuran sa ibang bansa at mga kultura. Gayundin, sa pamamagitan ng Ministerial Training School, maraming mga kapatid na binata ang binibigyan ng dalawang buwang puspusang pagsasanay at pagkatapos ay ipinadadala sa ibang bansa upang magpalakas sa mga kongregasyon at mga sirkito. Ang iba pang pambihirang mga lugar na mapangingisdaan ay sa mga teritoryo na ngayo’y nabubuksan sa Silangang Europa at sa dating mga republikang Sobyet.​—Ihambing ang Roma 15:20, 21.

18. (a) Bakit ang mga payunir ay karaniwan nang epektibong mga ministro? (b) Papaano nila matutulungan ang iba sa kongregasyon?

18 Ang isa pang karagdagang tulong sa pandaigdig na pamamalakaya ay ang Pioneer Service School na kung saan nag-aaral ang mga regular pioneer. Sa pamamagitan ng dalawang linggong puspusang pag-aaral ng publikasyong Lumiliwanag Tulad sa mga Ilaw sa Sanlibutan, na inihanda bukud-tangi para sa mga payunir, kanilang napahuhusay ang kanilang kakayahan sa ministeryo samantalang kanilang tinatalakay ang mga paksa na gaya ng “Pagtataguyod sa Daan ng Pag-ibig,” “Tularan si Jesus Bilang Isang Halimbawa,” at “Pagpapasulong sa Sining ng Pagtuturo.” Anong laking pasasalamat ng lahat ng kongregasyon na magkaroon nitong mga grupo ng kuwalipikadong mga mamamalakaya sa bahay-bahay na maaaring magsanay sa marami pa sa dakilang gawaing pamamalakayang ito!​—Mateo 5:14-16; Filipos 2:15; 2 Timoteo 2:1, 2.

Tayo ba’y Maaari Pang Sumulong?

19. Tulad ni apostol Pablo, papaano pa natin mapasusulong ang sarili sa ministeryo?

19 Tulad ni Pablo, nais nating magkaroon ng isang saloobing positibo, nakatingin sa hinaharap. (Filipos 3:13, 14) Siya’y nakibagay sa lahat ng uri ng tao at mga kalagayan. Alam niya kung papaano makasusumpong ng pagkakaisahan nila ng kaniyang kausap at kung papaano mangangatuwiran batay sa lokal na mga saloobin at kultura. Tayo’y makapagsisimula ng pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pagiging listo sa mga pagtugon ng isang maybahay sa mensahe ng Kaharian at pagkatapos ay pagbabagay ng ating presentasyon sa mga pangangailangan ng tao. Sa taglay nating maraming sari-saring pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, maiaalok natin ang isa na angkop sa pananaw ng isang tao. Ang ating pagkamarunong bumagay at pagkalisto ay mahalagang mga salik din sa mabungang pamamalakaya.​—Gawa 17:1-4, 22-28, 34; 1 Corinto 9:19-23.

20. (a) Bakit ang ating pamamalakaya ay napakahalaga ngayon? (b) Ano ang ating kani-kaniyang pananagutan ngayon?

20 Bakit ang pambihirang pamamalakayang ito ay napakahalaga ngayon? Sapagkat buhat sa mga hula sa Bibliya na naaaninag sa mga pangyayaring naganap na at kasalukuyang nagaganap, maliwanag na ang pansanlibutang pamamalakad ni Satanas ay patungo na sa isang sukdulang kapahamakan. Kung gayon, bilang mga Saksi ni Jehova, ano ang dapat na ginagawa natin? Ang tatlong araling artikulo sa magasing ito ay nagtampok sa ating pananagutan na maging masisipag at masisigasig sa ating pamamalakaya sa ating bahagi sa karagatan ng daigdig. Taglay natin ang matibay na kasiguruhan buhat sa Bibliya na hindi kalilimutan ni Jehova ang ating masigasig na pamamalakaya. Sinabi ni Pablo: “Hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan, sa paglilingkod ninyo sa mga banal at patuloy kayong naglilingkod. Ngunit ibig naming bawat isa sa inyo’y magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang katapusan.”​—Hebreo 6:10-12.

[Mga talababa]

a Tingnan ang Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 185 at 186, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b “Mamamahayag na payunir . . . Isang buong-panahong manggagawa ng mga Saksi ni Jehova.”​—Webster’s Third New International Dictionary.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na sa buong daigdig dapat silang mamalakaya?

◻ Anong pagpapala ang naidulot ng paaralang misyonero ng Gilead sa gawang pamamalakaya?

◻ Ano ang ilang salik na nakatulong sa pagtatagumpay ng mga Saksi ni Jehova?

◻ Papaano bilang mga indibiduwal ay mapasusulong pa natin ang ating ministeryong Kristiyano?

[Chart sa pahina 24]

RESULTA NG PANDAIGDIG NA PAMAMALAKAYA

Taon Bansa Saksi

1939 61 71,509

1943 54 126,329

1953 143 519,982

1973 208 1,758,429

1983 205 2,652,323

1991 211 4,278,820

[Larawan sa pahina 25]

Ang gawaing pagpapatotoo ay ginagawa pa rin sa gitna ng mga mamamalakaya na taga-Galilea

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share