Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/15 p. 28-30
  • Inatake ni Diocletian ang Kristiyanismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inatake ni Diocletian ang Kristiyanismo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paganismo Laban sa Kristiyanismo
  • Ang mga Utos
  • Ang Kristiyanismo Noong Ikaapat na Siglo
  • Diocletian
    Glosari
  • Mga Pag-atake sa Bibliya
    Gumising!—2011
  • Kung Papaano Naging Bahagi ng Sanlibutang Ito ang Sangkakristiyanuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Hindi Nag-isip na Makipagkompromiso!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/15 p. 28-30

Inatake ni Diocletian ang Kristiyanismo

SA KAPISTAHAN ng diyos na Romanong si Terminus noong Pebrero 23, 303 C.E., ginanap sa Nicomedia sa Asia Minor, ang bagong kabisera ng imperyo, nagpasikatan ang mga lalaki upang maipahayag ang kanilang pagkamakabayan. Subalit ang malaki rin namang komunidad Kristiyano ay kapuna-puna na wala roon.

Buhat sa kanilang kinatatanawang lugar sa palasyo, tinanaw ni Emperador Diocletian at ng nasasakupang si Galerius Caesar ang dakong pulungan ng lokal na mga Kristiyano. Sa isang hudyat, ang mga sundalo at mga opisyales ng gobyerno ay puwersahang pumasok sa gusaling Kristiyano, nilooban iyon, at sinunog ang mga kopya ng Bibliya na kanilang natagpuan. Sa wakas, kanilang sinilaban ang gusaling iyon hanggang sa maging abo.

Ganiyan nagsimula ang isang panahon ng pag-uusig na nagsilbing mantsa sa paghahari ni Diocletian. Ang tawag dito ng mga historyador ay “ang huling napakalaking pag-uusig,” “ang pinakamarahas na pag-uusig,” anupat “halos napawi ang pangalang Kristiyano.” Ang pagmamasid sa kasaysayan ng dramatikong mga pangyayaring ito ay marami ang isisiwalat.

Ang Paganismo Laban sa Kristiyanismo

Si Diocletian, isinilang sa Dalmatia, isang rehiyon na naging ang Yugoslavia, ay napatanyag sa tulong ng mga ranggo ng hukbong Romano. Tinanggap bilang emperador noong 284 C.E., siya’y napatanyag dahilan sa repormang pulitikal nang kaniyang itatag ang isang tetrarkiya, isang sama-samang liderato ng apat, upang mangulo sa imperyo. Hinirang ni Diocletian si Maximian, isang dating kapuwa sundalo, upang magsilbing pangalawang emperador, isang pangalawang Augustus, na may natatanging pananagutan sa kanlurang bahagi ng imperyo. Kapuwa si Diocletian at si Maximian ay may nasasakupang Caesar na pinagkalooban ng mga karapatan ng paghalili. Si Constantius Chlorus ay nagsilbing Caesar kay Maximian, samantalang si Galerius na taga-Thrace ay humawak ng kapangyarihan sa ilalim ni Diocletian.

Si Galerius Caesar, tulad ni Diocletian, ay isang masigasig na mananamba sa mga diyos na pagano. Palibhasa’y ambisyoso na humalili sa emperador, nagkunwari sa Galerius na natatakot na may magtaksil sa hukbo. Hindi niya nagustuhan ang lumalaking impluwensiya ng mga sundalo na nagpapakilalang sila’y mga Kristiyano. Buhat sa punto de vista ng emperador, ang kanilang pagtangging sumali sa pagsambang pagano ay katumbas ng paghamon sa kaniyang autoridad. Kaya hinimok ni Galerius si Diocletian na gumawa ng mga hakbang upang lipulin ang Kristiyanismo. Sa wakas, noong taglamig ng 302/303 C.E., ang emperador ay sumuko sa anti-Kristiyanong damdamin ni Caesar at pumayag na alisin sa hukbo at sa palasyo ang gayong mga indibiduwal. Subalit ipinagbawal ni Diocletian ang pamamaslang, sa pangambang ang mga magmamartir sa kapakanang Kristiyano ay mag-uudyok sa iba na magmatigas ng paglaban.

Gayumpaman, palibhasa’y hindi nasisiyahan sa ganitong pagsisikap na malutas ang suliranin, si Diocletian ay kumunsulta sa mga komandante at mga opisyales ng militar, kasali na si Hierocles, gobernador ng Bithynia. Ang masugid na Hellenistang ito ay nagtaguyod ng marahas na pagkilos laban sa lahat ng Kristiyano. Ang pagtangkilik ni Diocletian sa tradisyonal na mga diyos ng Roma ay humantong sa pakikipag-alitan sa Kristiyanismo. Ang kinalabasan, sang-ayon sa Diocletian and the Roman Recovery, ni Stephen Williams, ay “lubusang paglalaban hanggang sa magkaubusan ang mga diyos ng Roma at ang diyos ng mga Kristiyano.”

Ang mga Utos

Upang maipagpatuloy ang kampanyang ito ng pag-uusig, si Diocletian ay bumuo ng apat na sunud-sunod na mga utos. Nang araw pagkatapos na salakayin ang Nicomedia, kaniyang iniutos na lahat ng mga dakong pinagtitipunan ng mga Kristiyano pati kanilang ari-arian ay wasakin at isuko ang mga sagradong aklat at sunugin. Ang mga Kristiyanong opisyal ng Estado ay dapat ibaba sa tungkulin.

Nang dalawang sunog ang maganap doon mismo sa loob ng palasyo ng emperador, ang sinisi ay yaong mga Kristiyanong doon nagtatrabaho. Ito’y nagbigay-daan sa pangalawang utos, na arestuhin at ibilanggo ang lahat ng mga obispo, presbitero, at diakono. Sa pagpapahintulot na gamitin ang pagpapahirap kung kinakailangan, tinangka ng ikatlong utos na gawing mga apostata ang mga lalaking ito, anupat hiniling na sila’y maghain sa mga diyos na Romano. Lampas pa riyan ang ikaapat na utos at ginawa niyaon na isang kasalanang karapat-dapat sa bitay ang sinumang magpapakilalang siya’y Kristiyano.

Ang ibinungang daluyong ng kalupitan ay lumikha ng isang pangkat na tinaguriang mga traditores (ang ibig sabihin, “yaong mga sumuko”), mga traidor sa Diyos at kay Kristo na nagtangkang makaseguro ng kanilang buhay sa pamamagitan ng pagsusuko ng kanilang mga kopya ng Kasulatan. Sang-ayon sa historyador na si Will Durant, “libu-libong Kristiyano ang umatras . . . Subalit karamihan ng mga pinag-usig ay nanindigang matatag; at ang pagkakita o pagkabalita ng may kabayanihang pananatiling tapat sa kabila ng pagpapahirap ay nagpalakas sa pananampalataya ng mga di-matatag at maraming mga bagong miyembro ang umanib sa pinaghahanap na mga kongregasyon.” Ang mga Kristiyano sa Phrygia, Cappadocia, Mesopotamia, Phoenicia, Ehipto, at sa karamihan ng mga iba pang panig ng Imperyo Romano ay dumanas ng pagkamartir.

Ang historyador ng iglesiya na si Eusebius ng Caesarea ay may paniwala na libu-libong Kristiyano ang nasawi noong panahon ng pag-uusig. Sa kabilang panig, si Edward Gibbon, autor ng The Decline and Fall of the Roman Empire, ay naniniwalang ang bilang ay wala pang dalawang libo. “Marami sa mga istoryang ito ang hindi lubusang pinaniniwalaan ni Gibbon, palibhasa’y nanggaling ang mga ito sa mukhang may kinikilingang mga Kristiyano na desididong magparangal sa mga martir at magpatibay naman sa mga tapat,” paliwanag ng isang manunulat. “Walang alinlangan,” patuloy niya, “ang pagpapasobra ng mga manunulat na madaling gawing ‘lubhang karamihan’ ang ilang mga nasawi, na hindi ipinakikita ang pagkakaiba ng taimtim na pagmamartir at niyaong resulta ng kusang paghahamon; at mga naglahad kung papaanong mapusok na pinagluray-luray ng mababangis na hayop sa mga ampiteatro ang lahat ng iba pang mga kriminal ngunit pinahinto ng isang ‘mahiwagang kapangyarihan’ sa pananakit sa mga Kristiyano. Subalit, kahit na haluan pa ito ng inimbentong kuwento-kuwento, ang matitira ay kakila-kilabot pa rin.” Tunay na isang napakalupit na pag-uusig ang naganap sa pamamagitan ng mga pagpapahirap, pagpaso, pagtatalop ng balat, at paggamit ng mga pansipit para sa pagpapahirap.

Ang ibang mga autoridad ay naniniwala na si Galerius, imbes na si Diocletian, ang nasa likod ng pag-uusig. “May matinding moral na kahalagahan,” ang sabi ni Propesor William Bright sa The Age of the Fathers, “na ang pinakamalaking pagsisikap ng paganong kapangyarihang-pandaigdig na yurakan ang buhay ng Kaharian na hindi sa sanlibutang ito ay magtaglay ng pangalan ni Diocletian, imbes na ng tunay na pinagsimulan nito na si Galerius.” Gayunman, kahit na sa loob ng tetrarkiya, taglay ni Diocletian ang kataas-taasang pagkontrol, gaya ng sabi ng manunulat na si Stephen Williams: “Walang duda na si Diocletian ang nakakontrol sa bawat pangunahing patakaran sa Imperyo hanggang noong 304, at may taglay na pangunahing responsibilidad sa pag-uusig hanggang nang petsang iyan.” Si Diocletian ay nagkasakit at sa wakas ay nagbitiw ng kapangyarihan noong 305 C.E. Sa loob ng mga anim na taon pagkaraan, ang nagpatuloy na pag-uusig ay kababanaagan ng mapait na pagkapoot ni Galerius sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pagka-Kristiyano.

Ang Kristiyanismo Noong Ikaapat na Siglo

Ang kakila-kilabot na mga pangyayaring ito nang may pasimula ng ikaapat na siglo ay nagpapatotoo sa hula ng mga apostol na sina Pablo at Pedro, at ng mga iba pang kinasihang manunulat. Ang hinulaang darating na “taong tampalasan,” ang naghaharing uring klero ng namamaraling mga Kristiyano, ay nag-ugat na nang malalim, gaya ng patotoo ng mga utos ni Diocletian, lalo na ang ikalawa. (2 Tesalonica 2:3, 4; Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:12) Nang sumapit ang ikaapat na siglo, karaniwan na ang mga gawaing apostata. Marami-rami ring namamaraling mga Kristiyano ang mga sundalo sa hukbong Romano. Wala ba noon ng mga Kristiyanong tapat sa “ulirang mga salitang magagaling” na tinanggap sa mga apostol?​—2 Timoteo 1:13.

Binanggit ni Eusebius ang ilan sa mga biktima ng pag-uusig, buong linaw na inilarawan ang kanilang dinanas na pahirap, pagdurusa, at pagkamartir sa wakas. Kung lahat ng martir na ito ay namatay nang may katapatan sa isiniwalat na katotohanang laganap na noon, sa kasalukuyan ay hindi natin alam. Walang alinlangan na isinapuso ng iba ang babala ni Jesus na umiwas sa pagsesekta-sekta, imoralidad, at anumang uri ng pakikipagkompromiso. (Apocalipsis 2:15, 16, 20-23; 3:1-3) Marahil, ang ibang mga tapat na nakaligtas ay hindi mababasa sa kasaysayan. (Mateo 13:24-30) Oo, totoong matagumpay ang mga pamamaraan upang sugpuin ang pangmadlang pagsambang Kristiyano kung kaya isang monumentong Kastila noong panahong iyon ang nagbubunyi kay Diocletian sa kaniyang ‘pagpawi ng pamahiin ni Kristo.’ Gayumpaman, ang pagsisikap na samsamin at wasakin ang mga kopya ng Kasulatan, isang pangunahing bahagi ng pag-atake ni Diocletian sa Kristiyanismo ay nabigo sa lubusang paglipol sa Salita ng Diyos.​—1 Pedro 1:25.

Sa kabiguang lubusang malipol ang Kristiyanismo, si Satanas na Diyablo, ang tagapamahala ng sanlibutan, ay nagpatuloy sa kaniyang tusong mga panlilinlang sa pamamagitan ni Emperador Constantino, na naghari mula noong 306 hanggang 337 C.E. (Juan 12:31; 16:11; Efeso 6:11, talababa) Hindi binaka ng paganong si Constantino ang mga Kristiyano. Bagkus, kaniyang minabuti na paghaluin ang pagano at Kristiyanong mga paniniwala upang maging isang bagong relihiyon ng Estado.

Isang mainam na babala nga ito para sa lahat sa atin! Pagka tayo’y napaharap sa malupit na pag-uusig, ang ating pag-ibig kay Jehova ay tutulong sa atin na umiwas sa pakikipagkompromiso alang-alang sa anumang pansamantalang kaginhawahan ng katawan. (1 Pedro 5:9) Gayundin, hindi natin papayagang sa mapayapang panahon ay manghina tayo sa ating pagka-Kristiyano. (Hebreo 2:1; 3:12, 13) Ang mahigpit na pagkapit sa mga simulain ng Bibliya ang tutulong sa atin upang maging tapat kay Jehova, ang Diyos na makapagliligtas sa kaniyang bayan.​—Awit 18:25, 48.

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Musei Capitolini, Roma

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share