Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Gerasa—Dakong Tagpuan ng Judio at ng Griego
SI APOSTOL Pablo ay sumulat na sa tunay na binhi ni Abraham, “walang Judio ni Griego man.” (Galacia 3:26-29) Oo, ang pinagmulang bansa o kultura ay walang anuman kung tungkol sa pagtanggap ng Diyos sa isang tao.
Ang mga salitang yaon ay waring angkop sa mga Kristiyanong nakakalat sa lalawigang Romano, tulad sa lalawigan ng Galacia, na doo’y halu-halo ang mga Judio, mga Griego, mga Romano, at lokal na mga bayan-bayan. Subalit kumusta naman ang mga bahagi ng Israel mismo, tulad halimbawa ng Gilead?
Ang rehiyon na iyan ay nasa silangan ng Jordan, sa pagitan ng Dagat Alat (Patay) at ng Dagat ng Galilea. Sa halos kalagitnaan ng mataba ang lupang talampas na ito, ang Ilog Jabbok ay bumababa sa gawi ng Jordan. Sa larawan sa itaas ay makikita ang ilan sa mahalagang kaguhuan ng Gerasa, ngayo’y tinatawag na Jerash, na malapit na sa Jabbok sa gawing itaas.
Ang sinaunang pahilagang-timog na mga ruta sa pangangalakal na tinatawag na “daan ng hari” ay bumabagtas sa Gilead. Sa paglisan sa Haran, si Jacob at ang kaniyang pamilya ay waring naglakbay sa daang ito patungo sa Jabbok. Siya’y nakipagbuno sa isang anghel at nasalubong niya si Esau malapit na sa pagtatayuan ng Gerasa. (Genesis 31:17-25, 45-47; 32:22-30; 33:1-17) Nang maglaon, ang mga Israelita ay naglakbay mula sa timog pataas sa daan ng hari nang sila’y papunta na sa Lupang Pangako. Dalawa at kalahating tribo ang nanirahan sa gawing hilaga at timog ng Jabbok sa tabi ng daang pangkalakal.—Bilang 20:17; Deuteronomio 2:26, 27.
Ang mga Griego ba ay may kaugnayan sa lugar na ito, at kung mayroon, sa papaano? Oo, gayon nga nang sakupin ni Alejandrong Dakila ang rehiyong ito. Sang-ayon sa tradisyon, siya ang nagtatag sa Gerasa para sa mga beterano ng kaniyang hukbo. Unti-unti, tumibay ang impluwensiya ng Griego. Sampu sa koloniyang-lunsod sa gawing silangan ng Jordan at ng Dagat ng Galilea ang bumuo ng kompederasyon na kilala sa tawag na Decapolis. Marahil ay napansin mo ang pangalang iyan sa Bibliya, na nag-uulat na “ang lubhang karamihan ay sumunod [kay Jesus] mula sa Galilea at Decapolis at Jerusalem at Judea at mula sa kabilang ibayo ng Jordan.” Ang Gerasa ay isa sa mga lunsod ng Decapolis.—Mateo 4:25.
‘Bahagi ng plano ni Alejandro na makilala ang mga Griego sa lahat ng panig ng imperyo. Ang Lower Syria [kasali na ang Decapolis], lalung-lalo na, bilang isa sa estratehikong sentro, ay tumanggap ng malaking populasyong Heleniko. Magpahanggang sa araw na ito walang bahagi ng silangang daigdig ang makapagpapakita ng napakarami at ng gayong dakilang mga kaguhuang Griego na gaya ng bansa sa gawing silangan ng Jordan. Ang mga lunsod Griego ay makikitaan, bagaman sa pang-ibabaw lamang, ng hustong pagkatayo ng mga institusyon at mga kaugaliang Griego—mararangyang templo sa mga diyos at diyosang Griego, gymnasia, mga paliguang pampubliko, taunang mga selebrasyon ng mga laro, at sa maraming kaso pilosopikong mga paaralan at mga akademiya.’—Hellenism, ni Norman Bentwich.
Kung dadalaw ka sa mga kaguhuan ng Gerasa, makasusumpong ka ng sapat na patotoo niyan. Malapit sa pasukan sa gawing timog, may isang pabilog na forum, o pamilihang publiko, na makikita sa larawan. Malamang na ikaw ay manggigilalas sa mga paliguan, mga templo, teatro, at mga gusaling publiko, marami sa mga ito ang konektado ng mga aspaltadong kalye na may nakahilerang malalaking haliging konkreto. Sa labas ng lunsod, makakakita ka ng mga milyahe o mga palatandaan sa kahabaan ng sinaunang daan na nagkakatnig sa Gerasa sa mga ibang lunsod sa Decapolis at sa mga puwerto sa Mediteraneo.
Kahit na pagkatapos na sakupin ng Roma ang Gerasa noong 63 B.C.E., naroon pa rin ang impluwensiyang Helenistiko. Maguguniguni mo kung papaanong iyon ay nakaimpluwensiya sa mga Judiong naninirahan sa Gerasa at sa rehiyon. Ang aklat na Hellenism ay may ganitong puna: “Unti-unti ngunit may kasiguruhan na ang mga Judio ay nagsimulang tumanggap ng relihiyosong mga idea ng mga taong nasa palibot nila, at malasin ang Kasulatan sa ilalim ng impluwensiya ng mga ideang iyon.”
Bagaman si Jesus ay maaaring hindi nangaral sa lunsod, siya’y pumasok sa distrito ng Gerasa, na maaaring umabot hanggang sa Dagat ng Galilea. Siya’y nagpalabas ng mga demonyo buhat sa isang tao sa distritong iyon, at pinapasok ang mga iyon sa mga baboy. (Marcos 5:1-17) Malamang, ang kaniyang unang mga alagad ay nangaral sa mga Judio sa mga siyudad ng Decapolis, at makalipas ang 36 C.E., ang mabuting balita ay maaaring ibahagi sa mga Griego sa Gerasa. Kung ang isang tao na tumatanggap sa Kristiyanismo ay naging isang panatikong tagasunod ng Judaismo, isang Helenistikong Judio, o isang Griego, siya’y maaaring tanggapin ng tunay na Diyos bilang bahagi ng espirituwal na binhi ni Abraham.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dion
Gerasa (Jarash)
Philadelphia (Rabbah)
King’s Road
Salt Sea
Jerusalem
Jordan
Jabbok
Pella
Scythopolis (Beth-shean)
Gadara
Sea of Galilee
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na ang may tanging karapatan ay ang Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. at ang Survey of Israel.
[Larawan sa pahina 24]
Ang larawan sa itaas ay nasa malaking format sa 1992 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.