Mga Salin ng Bibliya sa Aprikano
Ang pinakamaaagang salin ng buong Bibliya sa wikang Aprikano ay ginawa sa Ehipto. Kilala bilang mga bersiyong Coptic, may paniwala na ang petsa ng mga ito ay mula sa ikatlo o ikaapat na siglo C.E. Mga tatlong siglo ang nakalipas, ang Bibliya ay isinalin sa Ethiopic.
Ang daan-daang wikang di-nasusulat na ginagamit sa timog ng Ethiopia at ng Sahara ay kinakailangang maghintay sa pagdating ng mga misyonero noong ika-19 na siglo. Noong 1857 ay nagkaroon ng malaking pagsulong nang matapos ni Robert Moffat ang isang salin ng Bibliya sa Tswana, isang wika sa timugang Aprika. Siya’y naglimbag din ng mga bahagi nito sa isang palimbagang de mano. Ito ang unang kumpletong Bibliya na nilimbag sa Aprika at ito rin ang unang kumpletong salin sa isang dating di-nakasulat na wikang Aprikano. Kapuna-puna, ginamit ni Moffat ang banal na pangalang Yehova sa kaniyang salin. Sa bersiyon noong 1872 na inilathala ng British at Foreign Bible Society, ang pangalang Yehova ay ginagamit sa mga pangunahing pangungusap ni Jesus ayon sa pagkasulat sa Mateo 4:10 at Marcos 12:29, 30.
Noong 1990 ang buong Bibliya ay naisalin na sa 119 na mga wikang Aprikano, na ang mga bahagi ay makukuha sa karagdagang 434.