Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—GAWA 10:34, 35.
1. Paano tumugon ang isang propesor nang tanungin kung ano ang palagay niya sa Bibliya, at ano ang naipasiya niyang gawin?
ISANG Linggo ng hapon ang propesor ay nasa bahay, at wala siyang inaasahang bisita. Ngunit nang dumalaw sa kaniyang tahanan ang isa sa ating mga Kristiyanong kapatid na babae, siya’y nakinig. Binanggit nito ang tungkol sa polusyon at ang kinabukasan ng lupa—mga paksang nagugustuhan niya. Subalit, nang ipasok nito sa usapan ang Bibliya, waring may alinlangan siya. Kaya tinanong siya nito kung ano ang palagay niya sa Bibliya.
“Mabuting aklat iyan na isinulat ng matatalinong tao,” ang sagot niya, “ngunit hindi dapat masyadong dibdibin ang Bibliya.”
“Nabasa na po ba ninyo ang Bibliya?” tanong ng sister.
Sa pagkabigla, inamin ng propesor na hindi pa.
Sa gayon ay nagtanong ang sister: “Ano’t nakapagsalita kayo ng ganiyan sa isang aklat na hindi pa naman ninyo nababasa?”
May katuwiran ang ating sister. Ipinasiya ng propesor na basahin ang Bibliya at saka bumuo ng isang opinyon tungkol dito.
2, 3. Bakit ang Bibliya ay isang saradong aklat para sa maraming tao, at naghaharap ito sa atin ng anong hamon?
2 Hindi lamang ang propesor na ito ang may ganiyang pangmalas. Marami ang mga taong halos hindi na kayang baguhin ang kanilang palagay tungkol sa Bibliya gayong hindi pa naman nila personal na nababasa ito. Maaaring mayroon silang Bibliya. Maaaring kinikilala pa man din nila ang kahalagahan nito sa panitikan o sa kasaysayan. Ngunit para sa marami, ito’y isang saradong aklat. ‘Wala akong panahon para basahin ang Bibliya,’ sabi ng ilan. Iniisip ng iba, ‘Paanong ang isang sinaunang aklat ay maaaring maging makabuluhan sa aking buhay?’ Isang tunay na hamon para sa atin ang gayong mga palagay. Ang mga Saksi ni Jehova ay buong-tibay na naniniwalang ang Bibliya “ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Timoteo 3:16, 17) Ngunit paano natin makukumbinsi ang iba na dapat nilang suriin ang Bibliya anuman ang kanilang pinagmulang lahi, bansa, o lipi?
3 Talakayin natin ang ilang dahilan kung bakit nararapat na suriin ang Bibliya. Ang ganitong pagtalakay ay makatutulong sa atin na mangatuwiran sa mga nakakatagpo natin sa ating ministeryo, anupat marahil ay kinukumbinsi sila na dapat nilang isaalang-alang kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Kasabay nito, ang pagrerepasong ito ay dapat magpatibay sa ating sariling pananampalataya na ang Bibliya ay tama sa sinasabi nito—“ang salita ng Diyos.”—Hebreo 4:12.
Ang Pinakamalaganap na Aklat sa Daigdig
4. Bakit masasabi na ang Bibliya ang siyang pinakamalaganap na aklat sa daigdig?
4 Una, karapat-dapat isaalang-alang ang Bibliya sapagkat ito ang pinakamalaganap at may pinakamaraming salin na aklat sa buong kasaysayan ng tao. Mahigit na 500 taon na ang nakalilipas, ang unang edisyon na inimprenta sa kumikilos na tipo ay inilabas mula sa palimbagan ni Johannes Gutenberg. Mula noon, tinatayang apat na bilyong Bibliya, ang kabuuan o bahagi nito, ang nailimbag na. Noong 1996, ang kumpletong Bibliya o mga bahagi nito ay naisalin na sa 2,167 wika at diyalekto.a Mahigit sa 90 porsiyento ng sangkatauhan ay nakakakuha kahit man lamang bahagi ng Bibliya sa kanilang sariling wika. Walang ibang aklat—relihiyoso man o hindi—ang nakaabot man lamang dito!
5. Bakit natin dapat asahan na ang Bibliya ay magagamit ng mga tao sa buong daigdig?
5 Ang mga estadistika sa ganang sarili ay hindi nagpapatunay na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Gayunman, tiyak na dapat nating asahan na ang isang nasusulat na ulat na kinasihan ng Diyos ay magagamit ng mga tao sa buong daigdig. Tutal, ang Bibliya mismo ay nagsasabi sa atin na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Di-tulad ng alinmang ibang aklat, ang Bibliya ay nakatawid na sa mga hangganan ng bansa at nalampasan na nito ang mga hadlang na panlahi at panlipi. Oo, ang Bibliya ay isang aklat para sa lahat ng tao!
Isang Pambihirang Ulat ng Pag-iingat
6, 7. Bakit hindi nakapagtataka na walang nalalamang mga orihinal na sulat ng Bibliya ang umiiral ngayon, at anong tanong ang ibinabangon nito?
6 May isa pang dahilan kung bakit nararapat suriin ang Bibliya. Nakaligtas ito sa mga hadlang kapuwa mula sa tao at sa kalikasan. Ang ulat kung paano ito naingatan sa kabila ng waring di-malalampasang mga hadlang ay tunay na pambihira sa mga sinaunang sulat.
7 Maliwanag na isinulat ng mga manunulat ng Bibliya ang kanilang mga salita sa papiro (gawa sa halaman sa Ehipto na may gayunding pangalan) at pergamino (gawa sa balat ng mga hayop).b (Job 8:11) Subalit ang gayong mga materyales sa pagsulat ay may mga likas na kaaway. Ganito ang paliwanag ng iskolar na si Oscar Paret: “Ang dalawang materyales na ito sa pagsulat ay parehong nanganib mula sa halumigmig, amag, at iba’t ibang umok. Alam natin mula sa pang-araw-araw na karanasan kung gaano kadaling masira ang papel, at maging ang matibay na katad, kapag nasa hanginan o nasa mamasa-masang lugar.” Kaya hindi nga kataka-taka na walang nalalamang mga orihinal na sulat ng Bibliya ang umiiral ngayon; malamang na napakatagal nang nagkapira-piraso ang mga ito. Ngunit kung inubos na nga ng mga likas na kaaway ang mga orihinal, paano nakaligtas ang Bibliya?
8. Sa paglipas ng mga siglo, paano naingatan ang mga sulat ng Bibliya?
8 Di-nagtagal matapos isulat ang mga orihinal, sinimulan ang paggawa ng sulat-kamay na mga kopya. Sa katunayan, ang pagkopya ng Kautusan at iba pang bahagi ng Banal na Kasulatan ay naging isang propesyon sa sinaunang Israel. Halimbawa, ang saserdoteng si Ezra ay inilarawan bilang “isang bihasang tagakopya ng kautusan ni Moises.” (Ezra 7:6, 11; ihambing ang Awit 45:1.) Ngunit ang mga kopyang ginawa ay nasisira rin; sa malao’t madali ang mga ito’y kinailangang palitan ng iba namang sulat-kamay na mga kopya. Ang prosesong ito ng muli’t muling pagkopya ay nagpatuloy sa loob ng maraming siglo. Yamang hindi naman sakdal ang mga tao, lubha bang nabago ang teksto ng Bibliya dahil sa mga pagkakamali ng mga tagakopya? Ang malaking bunton ng ebidensiya ay nagsasabing hindi!
9. Paano inilalarawan ng halimbawa ng mga Masorete ang matinding pag-iingat at ganap na kawastuan ng mga tagakopya ng Bibliya?
9 Hindi lamang bihasang-bihasa ang mga tagakopya kundi napakalaki rin ng kanilang pagpipitagan sa mga salitang kinokopya nila. Ang Hebreong salita para sa “tagakopya” ay may kaugnayan sa pagbilang at pag-uulat. Upang ilarawan ang matinding pag-iingat at ganap na kawastuan ng mga tagakopya, isaalang-alang ang mga Masorete, mga tagakopya ng Hebreong Kasulatan na nabuhay sa pagitan ng ikaanim at ikasampung siglo C.E. Ayon sa iskolar na si Thomas Hartwell Horne, tinuos nila “kung ilang ulit lumitaw ang bawat titik ng alpabeto[ng Hebreo] sa buong Hebreong Kasulatan.” Isip-isipin ang ibig sabihin nito! Upang maiwasan na may makaligtaan kahit isang titik, binilang ng debotong mga tagakopyang ito hindi lamang ang mga salita na kinopya nila kundi pati ang mga titik din naman. Aba, ayon sa pagbilang ng isang iskolar, iniuulat na nakabilang sila ng 815,140 indibiduwal na titik sa Hebreong Kasulatan! Ang gayong marubdob na pagsisikap ay tumitiyak ng isang mataas na antas ng katumpakan.
10. Ano ang matibay na ebidensiya na ang Hebreo at Griegong mga teksto na pinagbatayan ng modernong mga salin ay buong-kawastuang kumakatawan sa mga salita ng orihinal na mga manunulat?
10 Sa katunayan, may matibay na ebidensiya na ang Hebreo at Griegong mga teksto na pinagbatayan ng modernong mga salin ay buong-kawastuang kumakatawan sa mga salita ng orihinal na mga manunulat. Ang patotoo ay binubuo ng libu-libong sulat-kamay na kopya ng mga manuskrito ng Bibliya—tinatayang 6,000 ng kabuuan o mga bahagi ng Hebreong Kasulatan at mga 5,000 ng Kristiyanong Kasulatan sa Griego—na nailigtas hanggang sa ating kaarawan. Ang maingat at pahambing na pagsusuri sa maraming umiiral na manuskrito ay nagpangyari sa mga iskolar sa teksto na matagpuan ang anumang mga pagkakamali ng mga tagakopya at matiyak ang orihinal na pagbasa. Sa pagkokomento tungkol sa teksto ng Hebreong Kasulatan, masasabi kung gayon ng iskolar na si William H. Green: “Ligtas na masasabing walang ibang sinaunang kasulatan ang naihatid sa atin nang gayon na lamang ang kawastuan.” Ganito ring pagtitiwala ang maaari nating iukol sa teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
11. Sa liwanag ng 1 Pedro 1:24, 25, bakit nakaligtas ang Bibliya hanggang sa ating panahon?
11 Kay dali sanang naglaho ang Bibliya kung hindi dahil sa sulat-kamay ng mga kopyang humalili sa mga orihinal, taglay ang mahalagang mensahe ng mga ito! May isa lamang dahilan sa pagkaligtas nito—si Jehova ang Tagapag-ingat at Tagapagsanggalang ng kaniyang Salita. Gaya ng sinasabi ng Bibliya mismo, sa 1 Pedro 1:24, 25: “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay tulad ng bulaklak ng damo; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, ngunit ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”
Isinalin sa Buháy na mga Wika ng Sangkatauhan
12. Bukod pa sa muli’t muling pagkopya sa loob ng maraming dantaon, anong iba pang hadlang ang napaharap sa Bibliya?
12 Ang makaligtas sa kabila ng mga dantaon ng muli’t muling pagkopya ay isa nang tunay na hamon, ngunit isa pang hadlang ang hinarap ng Bibliya—ang pagsasalin nito sa makabagong mga wika. Kailangang magsalita ang Bibliya sa wika ng mga tao upang maabot ang kanilang mga puso. Ngunit ang pagsasalin ng Bibliya—na may mahigit na 1,100 kabanata at 31,000 talata—ay isang napakabigat na gawain. Gayunman, sa nakalipas na mga siglo, bukal-sa-loob na hinarap ng mga debotong tagapagsalin ang hamon, kung minsan sa kabila ng waring pagkalaki-laking mga hadlang.
13, 14. (a) Anong hamon ang napaharap sa tagapagsalin ng Bibliya na si Robert Moffat sa Aprika noong pagsisimula ng ika-19 na siglo? (b) Paano tumugon ang mga taong nagsasalita ng Tswana nang magkaroon ng Ebanghelyo ni Lucas sa kanilang wika?
13 Halimbawa, isaalang-alang kung paano naisalin ang Bibliya sa mga wika sa Aprika. Noong taóng 1800, mayroon lamang mga isang dosena ng naisusulat na mga wika sa buong Aprika. Daan-daang iba pang binibigkas na wika ang walang sistema ng pagsulat. Ito ang hamon na nakaharap ng tagapagsalin ng Bibliya na si Robert Moffat. Noong 1821, sa edad na 25, itinatag ni Moffat ang isang misyon sa gitna ng mga taong nagsasalita ng wikang Tswana mula sa katimugang Aprika. Upang matutuhan ang kanilang di-naisusulat na wika, nakisalamuha siya sa mga tao. Pinagtiyagaan ito ni Moffat at, kahit walang tulong ng mga panimulang aklat o mga diksyunaryo, nang maglaon ay nakasanayan niya ang wika, nakabuo ng isang anyo ng pagsulat nito, at nakapagturo sa ilang Tswana na basahin ang sulat na iyon. Noong 1829, pagkatapos gumawa kasama ng mga Tswana sa loob ng walong taon, natapos niya ang pagsasalin sa Ebanghelyo ni Lucas. Nang maglaon ay sinabi niya: “May kilala akong ilang indibiduwal na naglakbay ng daan-daang milya upang makakuha ng mga kopya ng San Lucas. . . . Nakita ko sila nang tanggapin ang mga bahagi ng San Lucas, at napaiyak sila dahil sa mga ito, at niyakap ang mga ito sa kanilang dibdib, at pumatak ang luha ng pasasalamat, hanggang sa sabihin ko sa ilan, ‘Mababasâ ng luha ninyo ang inyong mga aklat.’ ” Ikinuwento rin ni Moffat ang tungkol sa isang Aprikano na nakakita sa ilang tao na nagbabasa ng Ebanghelyo ni Lucas at tinanong kung ano ang taglay nila. “Ito ang salita ng Diyos,” tugon nila. “Nagsasalita ba iyan?” ang tanong ng lalaki. “Oo,” sabi nila, “naaabot nito ang puso.”
14 Ang mga debotong tagapagsalin na gaya ni Moffat ay nagbigay sa maraming Aprikano ng kanilang unang pagkakataon na makipagtalastasan sa pamamagitan ng sulat. Subalit isang mas mahalagang kaloob ang ibinigay ng mga tagapagsalin sa mga mamamayan ng Aprika—ang Bibliya sa kanilang sariling wika. Karagdagan pa, ipinakilala ni Moffat ang banal na pangalan sa mga Tswana, at ginamit niya ang pangalang iyon sa kaniyang buong salin.c Dahil dito, tinukoy ng mga Tswana ang Bibliya bilang “ang bibig ni Jehova.”—Awit 83:18.
15. Bakit buháy na buháy ang Bibliya sa ngayon?
15 Kahawig na mga hadlang ang kinaharap ng ibang tagapagsalin sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Isinapanganib pa man din ng ilan ang kanilang buhay upang maisalin ang Bibliya. Pag-isipan ito: Kung ang Bibliya ay nanatili lamang sa sinaunang Hebreo at Griego, baka matagal na itong “namatay,” sapagkat ang mga wikang iyon ay halos nakalimutan na ng mga tao at hindi kailanman nakilala sa maraming bahagi ng lupa. Gayunman, buháy na buháy ang Bibliya sapagkat, di-tulad ng iba pang aklat, ito’y “nakapagsasalita” sa mga tao sa buong daigdig sa kanilang sariling wika. Bunga nito, ang mensahe nito ay nananatiling “gumagana sa mga mananampalataya [nito].” (1 Tesalonica 2:13) Ganito ang pagkasalin ng The Jerusalem Bible sa mga salitang ito: “Ito ay isa pa ring buháy na kapangyarihan sa gitna ninyo na naniniwala rito.”
Karapat-dapat Pagtiwalaan
16, 17. (a) Upang mapagtiwalaan ang Bibliya, anong ebidensiya ang dapat umiral? (b) Magbigay ng isang halimbawa na nagpapakita ng pagiging prangka ng manunulat ng Bibliya na si Moises.
16 ‘Talaga nga bang mapagtitiwalaan ang Bibliya?’ maaaring isipin ng ilan. ‘Ito ba’y tumutukoy sa aktuwal na mga tao, mga lugar na talagang umiral, at mga pangyayaring totoong naganap?’ Kung ibig nating magtiwala rito, dapat na may ebidensiya na ito ay isinulat ng maiingat at tapat na mga manunulat. Ito’y nagbibigay sa atin ng isa pang dahilan upang suriin ang Bibliya: May matibay na ebidensiya na ito’y tumpak at mapagtitiwalaan.
17 Iniuulat ng tapat na mga manunulat hindi lamang ang mga tagumpay kundi pati na rin ang mga kabiguan, hindi lamang ang mga kakayahan kundi pati na rin ang mga kahinaan. Ang mga manunulat ng Bibliya ay nagpamalas ng gayong nakawiwiling katapatan. Halimbawa, isaalang-alang ang pagiging prangka ni Moises. Kabilang sa mga bagay na prangkahang iniulat niya ay ang kaniyang sariling kahinaan sa pagsasalita, na sa palagay niya ay dahilan kung bakit hindi siya nararapat na maging lider ng Israel (Exodo 4:10); ang malubhang pagkakamali na naging hadlang sa pagpasok niya sa Lupang Pangako (Bilang 20:9-12; 27:12-14); ang paglihis ng kaniyang kapatid na si Aaron, na nakipagtulungan sa mga rebelyosong Israelita sa paggawa ng isang imahen ng gintong guya (Exodo 32:1-6); ang paghihimagsik ng kaniyang kapatid na si Miriam, at ang nakahihiyang parusa rito (Bilang 12:1-3, 10); ang kalapastanganan ng kaniyang mga pamangking sina Nadab at Abihu (Levitico 10:1, 2); at ang paulit-ulit na pagrereklamo at pagbubulung-bulungan ng sariling bayan ng Diyos. (Exodo 14:11, 12; Bilang 14:1-10) Hindi ba ang gayong prangkahan at tahasang pag-uulat ay nagpapahiwatig ng taimtim na pagmamalasakit sa katotohanan? Yamang ang mga manunulat ng Bibliya ay handang mag-ulat ng negatibong impormasyon tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay, sa kanilang mga kababayan, at maging sa kanilang sarili, hindi ba ito isang magandang dahilan upang pagtiwalaan ang kanilang mga isinulat?
18. Ano ang nagbibigay ng katiyakan na ang isinulat ng mga manunulat ng Bibliya ay mapagtitiwalaan?
18 Ang pagkakasuwato ng mga manunulat ng Bibliya ay nagbibigay rin ng katiyakan na ang kanilang mga isinulat ay mapagtitiwalaan. Totoong kapansin-pansin na ang 40 lalaki na sumulat sa loob ng 1,600 taon ay nagkasundo, maging sa kaliit-liitang detalye. Gayunman, ang pagkakasuwatong ito ay hindi naman buong-ingat na isinaayos para magbangon ng paghihinala na may lihim na pagsasabuwatan. Sa kabaligtaran, maliwanag na walang intensiyong magkasundo sa iba’t ibang detalye; malimit na ang pagkakasuwato ay maliwanag na hindi sinasadya.
19. Paano isinisiwalat ng mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa pagkakaaresto kay Jesus ang pagkakasuwatong maliwanag na di-sinasadya?
19 Upang ilarawan, tingnan ang isang pangyayari na naganap noong gabing arestuhin si Jesus. Ang lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ay nag-ulat na isa sa mga alagad ang bumunot ng tabak at tinaga ang isang alipin ng mataas na saserdote, anupat natagpas ang tainga ng lalaki. Subalit si Lucas lamang ang nagsabi na “hinipo [ni Jesus] ang tainga at pinagaling siya.” (Lucas 22:51) Ngunit hindi ba ganiyan ang aasahan natin sa isang manunulat na kilala bilang “ang iniibig na manggagamot”? (Colosas 4:14) Sinasabi sa atin ng ulat ni Juan na sa lahat ng alagad na naroroon, ang isa na gumamit ng tabak ay si Pedro—isang bagay na hindi nakapagtataka kung isasaalang-alang ang pagiging padalus-dalos at mapusok ni Pedro. (Juan 18:10; ihambing ang Mateo 16:22, 23 at Juan 21:7, 8.) Iniulat ni Juan ang isa pang waring di-kailangang detalye: “Ang pangalan ng alipin ay Malco.” Bakit si Juan lamang ang bumanggit sa pangalan ng lalaki? Ang paliwanag ay inilaan sa pamamagitan ng isang maliit na detalye na binanggit nang pahapyaw tangi lamang sa salaysay ni Juan—si Juan ay “kilala ng mataas na saserdote.” Kilala rin siya ng sambahayan ng mataas na saserdote; kilala siya ng mga tagapaglingkod, at kilala niya sila.d (Juan 18:10, 15, 16) Natural lamang, kung gayon, na banggitin ni Juan ang pangalan ng lalaking nasugatan, samantalang hindi iyon binanggit ng ibang manunulat ng Ebanghelyo, na maliwanag na hindi nakakakilala sa lalaki. Ang pagkakasuwato sa lahat ng detalyeng ito ay kapansin-pansin, ngunit maliwanag na di-sinasadya. Napakaraming kahawig na halimbawa sa buong Bibliya.
20. Ano ang kailangang malaman ng tapat-pusong mga tao tungkol sa Bibliya?
20 Kaya mapagtitiwalaan ba natin ang Bibliya? Walang-pasubali! Ang pagiging prangka ng mga manunulat ng Bibliya at ang panloob na pagkakasuwato ng Bibliya ay nagbibigay rito ng maliwanag na taginting ng katotohanan. Kailangang malaman ng tapat-pusong mga tao na maaari nilang pagtiwalaan ang Bibliya, sapagkat ito ang kinasihang Salita ni “Jehova na Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Mayroon pang mga dahilan kung bakit ang Bibliya ay isang aklat para sa lahat ng tao, gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Batay sa mga bilang na inilathala ng United Bible Societies.
b Sa kaniyang ikalawang pagkabilanggo sa Roma, hiniling ni Pablo kay Timoteo na magdala ng “mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.” (2 Timoteo 4:13) Malamang na humihiling si Pablo ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan upang mapag-aralan niya ang mga ito habang siya’y nasa bilangguan. Ang pariralang “lalo na ang mga pergamino” ay maaaring nagpapahiwatig na kapuwa ang mga balumbon ng papiro at iba pang pergamino ay ginamit noon.
c Noong 1838, nakumpleto ni Moffat ang isang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa tulong ng isang kasama, natapos niya ang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan noong 1857.
d Ang pagiging pamilyar ni Juan sa mataas na saserdote at sa sambahayan nito ay ipinakita pa sa bandang huli ng ulat. Nang magbintang ang isa pang alipin ng mataas na saserdote na si Pedro ay isa sa mga alagad ni Jesus, ipinaliwanag ni Juan na ang aliping ito ay “kamag-anak ng lalaki na pinutulan ni Pedro ng tainga.”—Juan 18:26.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit dapat nating asahan na ang Bibliya ang siyang pinakamalaganap na aklat sa daigdig?
◻ Ano ang ebidensiya na ang Bibliya ay buong-kawastuang naingatan?
◻ Anong mga hadlang ang napaharap sa mga nagsalin ng Bibliya?
◻ Ano ang nagbibigay ng katiyakan na ang mga sulat ng Bibliya ay mapagtitiwalaan?