Ang Sangkatauhan ba ay Talagang Nangangailangan ng Isang Mesiyas?
“ANG DAIGDIG AY NANGANGAILANGAN NG ISANG MESIYAS, SABI NG OPISYAL”
Ang paulong balitang iyan ay napalathala sa The Financial Post ng Toronto, Canada, noong 1980. Ang siniping opisyal ay si Aurelio Peccei, pangulo at pundador ng isang kilalang think tank na tinawag na Klub ng Roma. Sang-ayon sa Post, si Peccie ay may paniwala na ang “isang karismatikong lider—sa siyensiya, pulitika, o relihiyon—ang magiging tanging kaligtasan ng daigdig buhat sa mga kaguluhan sa lipunan at sa kabuhayan na nagbabantang magwawasak sa sibilisasyon.” Ano ang palagay mo? Ang daigdig bang ito ay talagang nasa gayong malalang kalagayan kung kaya nangangailangan ng isang Mesiyas ang sangkatauhan? Isaalang-alang ang isa lamang sa mga suliranin na nakaharap sa daigdig na ito—gutom.
DALAWANG malalaking matang kayumanggi ang nakatitig sa iyo buhat sa isang larawan sa isang pahayagan o magasin. Iyan ay mga mata ng isang bata, isang munting batang babae na wala pang limang taóng gulang. Subalit ang mga matang ito ay hindi umaakay sa iyo na ngumiti. Ang mga ito ay walang simpleng kinang, hindi nakadarama ng masayang panggigilalas, walang pagtitiwala ng isang walang malay. Sa halip ay punô ito ng nakalilitong pasakit, bahagyang kirot, walang pag-asang kagutuman. Ang bata ay nagugutom. Kirot at gutom ang tanging nakikilala niya.
Marahil, katulad ng marami, hindi mo ibig na paglaruin sa iyong isip ang ganiyang mga larawan, kaya dagling binubuklat mo sa susunod na pahina. Hindi ibig sabihin na wala kang malasakit, kundi ang iyong nadarama ay pagkabigo sapagkat naghihinala ka na napakahuli na iyon para sa batang babaing ito. Butu’t balat na mga braso at ang malaking tiyan ay mga tanda na nagsimula nang lamunin ng kaniyang katawan ang ganang sarili. Sa sandaling makita mo ang kaniyang larawan, baka siya ay patay na. Ang masama pa nito, alam mo na hindi na bago ang kaniyang kaso.
Gaano nga ba kalaganap ang suliraning iyan? Buweno, maguguniguni mo ba ang 14 na milyong bata? Hindi kayang gunigunihin iyan ng karamihan sa atin; ang bilang ay totoong napakalaki upang isip-isipin. Kung gayon, gunigunihin ang isang istadyum na may upuan para sa 40,000 katao. Ngayon ay gunigunihin na iyon ay punúng-punô ng mga bata—sa bawat hilera, sa bawat andana, iyon ay mistulang dagat na siksik ng mga mukha. Kahit na iyan ay mahirap na ilarawan. Gayunman, kakailanganin ang 350 ng gayong mga istadyum na punô ng mga bata upang magkasiya ang 14 na milyon. Sang-ayon sa UNICEF (United Nations Children’s Fund), iyan ang nakagigimbal na dami ng wala pang limang taóng gulang na namamatay sa malnutrisyon at madaling iwasang mga sakit bawat taon sa umuunlad na mga bansa. Iyan ay katumbas ng halos isang istadyum ng mga batang namamatay bawat araw! Idagdag dito ang bilang ng nagugutom na mga adulto, at ang makukuha mo ay isang pambuong-daigdig na kabuuang mga isang bilyon na mga biktima ng malnutrisyon.
Bakit Katakut-takot ang Nagugutom?
Sa kasalukuyan ang planetang ito ay may produksiyon ng higit na pagkain kaysa nakukunsumo ngayon ng mga tao, at ito’y may kakayahan na magkaroon ng produksiyon na higit pa riyan. Gayunman, bawat minuto, 26 na mga bata ang namamatay sa malnutrisyon at sakit. Sa bawat minuto ring iyan, ang daigdig ay gumugugol ng mga $2,000,000 sa paghahanda para sa digmaan. Maguguniguni mo kaya kung ano ang magagawa ng lahat ng salaping iyan—o kahit na isang kudlit man lamang niyan—para sa 26 na mga batang iyon?
Maliwanag, ang kagutuman sa daigdig ay hindi lamang maisisisi sa kakulangan ng pagkain o salapi. Ang suliranin ay mas malalim ang pagkakaugat. Gaya ng pagkasabi ni Jorge E. Hardoy, isang propesor sa Argentina, “ang daigdig sa kabuuan ay may talamak na kawalang kaya na bahaginan ng kaaliwan, kapangyarihan, panahon, talino at kaalaman yaong higit na nangangailangan ng mga bagay na ito.” Oo, ang suliranin ay, wala sa talino ng tao, kundi sa tao mismo. Ang kasakiman at pag-iimbot ang waring nangingibabaw sa lipunan ng tao. Ang pinakamayayaman na isang-kalima ng populasyon ng lupa ay nagtatamasa ng mga 60 beses na higit pang mga kalakal at mga serbisyo kaysa tinatamasa ng pinakadukhang isang-kalimang bahagi.
Totoo, ang iba ay taimtim na nagsisikap na mabigyan ng pagkain ang nagugutom, subalit karamihan ng kanilang pagsisikap ay bigo dahilan sa mga salik na hindi nila kontrolado. Ang taggutom ay malimit na nagpapahirap sa mga bansang kinagaganapan ng gera sibil o rebelyon, at karaniwan na para sa magkakalabang hukbo na hadlangan ang panustos na mga pagkain upang huwag makarating sa nangangailangan. Ang magkabilang panig ay nangangamba na sa pagpapahintulot na makarating ang pagkain sa nagugutom na mga sibilyan sa teritoryo ng kaaway, kanilang pakakanin ang kanilang mga kaaway. Ang mga pamahalaan mismo ay gumagamit ng paggutom bilang isang makapulitikang armas.
Walang Lunas Ba?
Nakalulungkot, ang suliranin ng nagugutom na milyun-milyon ay hindi ang nag-iisang krisis na pumipighati sa modernong tao. Ang palasak na pagwasak at paglason sa kapaligiran, ang walang lubay na salot ng digmaan na lumilipol ng milyun-milyong buhay, ang marahas na mga salot ng krimen na naghahasik ng takot at pagkawalang-tiwala sa lahat ng dako, at ang patuloy na gumuguhong imoralidad na waring siyang ugat ng marami sa mga suliraning ito—lahat ng pandaigdig na mga krisis na ito ay kabit-kabit, wika nga, at nagpapatunay sa iisang di-matututulang katotohanan—hindi magtatagumpay ang tao ng pamamahala sa kaniyang sarili.
Tiyak na iyan ang dahilan kung bakit maraming tao ang nawalan ng pag-asang makita ang lunas sa mga suliranin ng daigdig. Ang iba ay nakadarama ng gaya ng nadama ni Aurelio Peccei, ang iskolar na Italyanong binanggit sa pasimula nito. Kung mayroon mang solusyon ito, ang katuwiran nila, kailangang manggaling iyon sa isang pambihira—marahil nakatataas sa tao—na pagmumulan. Sa gayon ang idea ng isang mesiyas ay may malakas na pang-aakit. Subalit makatotohanan ba na umasa sa isang mesiyas? O ang gayon bang pag-asa ay isang lunggatiin lamang?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover photos: Top: U.S. Naval Observatory photo; Bottom: NASA photo
[Picture Credit Line sa pahina 3]
WHO photo ni P. Almasy
[Picture Credit Lines sa pahina 4]
WHO photo ni P. Almasy
U.S. Navy photo