Ang Pagkanaririto ng Mesiyas at ang Kaniyang Paghahari
“Ang Jesus na ito na tinanggap sa langit mula sa inyo ay paparito sa paraang gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.”—GAWA 1:11.
1, 2. (a) Papaano inaliw ng dalawang anghel ang mga apostol ni Jesus nang siya’y umakyat sa langit? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon ng pag-asang babalik si Kristo?
LABING-ISANG lalaki ang nakatayo roon sa silanganang libis ng Bundok ng Olibo, na nakamasid sa kalangitan. Mga ilang saglit lamang ang lumipas nang si Jesu-Kristo ay pumagitna sa kanila, ang kaniyang anyo ay unti-unting napaparam hanggang sa ito’y matakpan ng isang ulap. Sa mga taon na siya’y kasama nila, nasaksihan ng mga lalaking ito ang pagbibigay ni Jesus ng saganang patotoo na siya ang Mesiyas; kanila pa man ding naranasan ang kadalamhatian na dulot ng kaniyang kamatayan at ang walang kahulilip na kaligayahan sa kaniyang pagkabuhay-muli. Ngayon ay wala na siya.
2 Dalawang anghel ang biglang lumitaw at bumigkas ng nakaaaliw na mga salitang ito: “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayong tumitingin sa langit? Ang Jesus na ito na tinanggap sa langit mula sa inyo ay paparito sa paraang gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.” (Gawa 1:11) Anong laking katiyakan—ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay hindi nangangahulugan na wala na siyang pagmamalasakit sa lupa at sa sangkatauhan! Sa halip, si Jesus ay babalik. Tiyak na sa mga salitang ito ay napuspos ang mga apostol ng pag-asa. Milyun-milyong mga tao sa ngayon ang lubhang nagpapahalaga rin sa pangako ng pagbabalik ni Kristo. Ang tawag dito ng iba ay “Ikalawang Pagparito” o “Pagdating.” Subalit, karamihan ay waring nalilito tungkol sa kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagbabalik ni Kristo. Sa papaano bumabalik si Kristo? Kailan? At papaano naaapektuhan nito ang ating buhay sa ngayon?
Ang Paraan ng Pagbabalik ni Kristo
3. Ano ang paniniwala ng maraming tao tungkol sa pagbabalik ni Kristo?
3 Sang-ayon sa aklat na An Evangelical Christology, “sa ikalawang pagparito o pagbabalik ni Kristo (parousia) itinatatag ang kaharian ng Diyos, sa wakas, hayagan, at sa walang-hanggan.” Marami ang naniniwala na sa pagbabalik ni Kristo ay hayagang makikita siya, literal na makikita ng lahat na nasa planeta. Upang umalalay sa paniniwalang ito, binabanggit ng marami ang Apocalipsis 1:7, na kababasahan: “Narito! Siya’y pumaparito sa mga alapaap, at makikita siya ng bawat mata, at ng nagsiulos sa kaniya.” Subalit ang talata bang ito ay dapat ipakahulugan nang literal?
4, 5. (a) Papaano natin nalalaman na ang Apocalipsis 1:7 ay hindi dapat ipakahulugan na literal? (b) Papaano pinatutunayan ng sariling pananalita ni Jesus ang ganitong pagkaunawa?
4 Tandaan, ang aklat ng Apocalipsis ay inihaharap “sa pamamagitan ng mga tanda.” (Apocalipsis 1:1) Kung gayon, ang talatang ito ay tiyak na makasagisag; sapagkat kung hindi, papaano makikita ang pagbabalik ni Kristo “ng nagsiulos sa kaniya”? Sila’y halos 20 siglo nang patay! Isa pa, sinabi ng mga anghel na si Kristo ay babalik “sa paraang gaya rin” ng kaniyang pag-alis. Buweno, papaano ba siya lumisan? Milyun-milyon ba ang nagmamasid? Hindi, iilan lamang na mga tapat ang nakasaksi sa pangyayari. At nang makipag-usap sa kanila ang mga anghel, ang mga apostol ba ay literal na nagbabantay kay Kristo sa paglalakbay patungo sa langit? Hindi, isang alapaap ang tumakip upang hindi makita si Jesus. Pagkaraan ng sandali, tiyak na siya’y pumasok na sa espiritung kalangitan bilang isang kinapal na espiritu, di-nakikita ng mga mata ng tao. (1 Corinto 15:50) Sa gayon, sa kalakhan, ang nakita lamang ng mga apostol ay ang pasimula ng paglalakbay ni Jesus; hindi nila maaaring bantayan ang katapusan niyaon, ang kaniyang pagbabalik sa makalangit na presensiya ng kaniyang Ama, si Jehova. Ito’y mauunawaan lamang nila sa pamamagitan ng kanilang mga mata ng pananampalataya.—Juan 20:17.
5 Itinuturo ng Bibliya na si Jesus ay bumabalik sa ganoon ding paraan. Si Jesus mismo ay nagsabi mga ilang saglit lamang bago siya namatay: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” (Juan 14:19) Sinabi rin niya na “ang kaharian ng Diyos ay hindi paririto na magpapakita.” (Lucas 17:20) Sa anong diwa, kung gayon, ‘makikita siya ng bawat mata’? Upang masagot iyan, ang kailangan muna natin ay isang malinaw na pagkaunawa sa salita na ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod may kaugnayan sa kaniyang pagbabalik.
6. (a) Bakit ang mga salitang gaya ng “pagbabalik,” “pagdating,” “pagdatal,” at “pagparito” ay hindi sapat na mga pagkasalin ng salitang Griego na pa·rou·siʹa? (b) Ano ang nagpapakita na ang pa·rou·siʹa, o “pagkanaririto,” ay lalong matagal kaysa isang pangyayaring saglit lamang?
6 Ang totoo ay, higit pa ang ginagawa ni Kristo kaysa basta “pagbabalik” lamang. Ang salitang iyan, gaya ng “pagparito,” “pagdatal,” o “pagdating,” ay nagpapahiwatig ng isang nag-iisang pangyayari sa isang saglit. Subalit ang salitang Griego na ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod ay higit pa ang ibig sabihin. Ang salita ay pa·rou·siʹa, na ang literal na kahulugan ay “pagiging magkakaagapay” o “pagkanaririto.” Karamihan ng mga iskolar ay sumasang-ayon na sa salitang ito ay nagkakasama hindi lamang ang pagdating kundi pati ang kasunod na presensiya—tulad halimbawa sa isang opisyal na pagdalaw ng isang may maharlikang katungkulan. Ang presensiyang ito ay hindi lamang isang saglit na pangyayari; ito ay isang natatanging panahon, isang palatandaang yugto ng panahon. Sa Mateo 24:37-39, sinabi ni Jesus na ang “pagkanaririto [pa·rou·siʹa] ng Anak ng tao” ay makakatulad ng “mga araw ni Noe” na humantong sa Baha. Si Noe ay gumagawa ng daong at nagbababala sa mga balakyot sa loob ng mga dekada bago sumapit ang Baha at lumipol sa balakyot na sistemang iyon ng sanlibutan. Kung gayon, ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo ay tatagal din nang isang yugto ng mga dekada bago humantong ito sa isang malawakang pagkapuksa.
7. (a) Ano ang nagpapatunay na ang pa·rou·siʹa ay hindi makikita ng mga mata ng tao? (b) Papaano at kailan matutupad ang mga kasulatan na bumabanggit sa pagbabalik ni Kristo bilang makikita ng “bawat mata”?
7 Walang alinlangan, ang pa·rou·siʹa ay hindi literal na makikita ng mga mata ng tao. Kung magkagayon, bakit gugugol si Jesus ng malaking panahon, gaya ng makikita natin, sa pagbibigay sa kaniyang mga tagasunod ng isang tanda na tutulong sa kanila na makilala ang pagkanariritong ito?a Subalit, pagparito ni Kristo upang puksain ang sistema ng sanlibutan ni Satanas, ang katunayan ng kaniyang pagkanaririto ay lubus-lubusang mahahayag sa lahat. Kung magkagayon ay “makikita siya ng bawat mata.” Kahit ang mga kaaway ni Jesus, kasabay ng malaking pagkasindak, ay makahahalata na tunay na nagaganap ang paghahari ni Kristo.—Tingnan ang Mateo 24:30; 2 Tesalonica 2:8; Apocalipsis 1:5, 6.
Kailan Ito Nagsisimula?
8. Anong pangyayari ang tanda ng pasimula ng pagkanaririto ni Kristo, at saan naganap ito?
8 Ang pagkanaririto ng Mesiyas ay nagsisimula sa isang pangyayari na tumutupad sa paulit-ulit na tema ng mga hulang Mesianiko. Siya’y pinuputungan ng korona bilang Hari sa langit. (2 Samuel 7:12-16; Isaias 9:6, 7; Ezekiel 21:26, 27) Ipinakita ni Jesus mismo na ang kaniyang pagkanaririto ay kaugnay ng kaniyang paghahari. Sa maraming ilustrasyon, kaniyang inihalintulad ang kaniyang sarili sa isang panginoon na nag-iiwan ng kaniyang sambahayan at mga alipin, naglalakbay nang mahabang panahon sa isang “malayong lupain” na kung saan siya’y tumatanggap ng “kapangyarihang maghari.” Kaniyang ibinigay ang isa sa gayong ilustrasyon bilang bahagi ng kaniyang sagot sa tanong ng kaniyang mga apostol tungkol sa kung kailan magsisimula ang kaniyang pa·rou·siʹa; isa pa ang kaniyang ibinigay sapagkat “kanilang inaakala na pagdaka’y mahahayag ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 19:11, 12, 15; Mateo 24:3; 25:14, 19) Samakatuwid nang siya’y nasa lupa bilang isang tao, ang pagpuputong sa kaniya ay matagal pa, magaganap sa “malayong lupain” ng langit. Kailan iyon magaganap?
9, 10. Ano ang patotoo na si Kristo ay kasalukuyang naghahari na sa langit, at kailan niya pinasimulan ang kaniyang paghahari?
9 Nang tanungin si Jesus ng kaniyang mga alagad: “Ano ang tanda ng iyong pagkanaririto at ang katapusan ng sistema ng mga bagay?” Si Jesus ay tumugon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang detalyadong paglalarawan ng hinaharap na panahong iyon. (Mateo, kabanata 24; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21; tingnan din ang 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis, kabanata 6.) Ang tandang ito ay isang kabuuan ng isang detalyadong larawan ng isang maligalig na kapanahunan. Iyon ay isang panahon ng mga digmaang pandaigdig, lumulubhang krimen, gumuguhong buhay pampamilya, epidemya ng mga sakit, taggutom, at mga lindol—hindi bilang lokal na mga suliranin kundi bilang mga krisis na laganap sa buong mundo. Ito ba’y karaniwang nababalitaan? Bawat lumilipas na araw ay nagpapatunay na tamang-tama sa paglalarawan ni Jesus ang ika-20 siglo.
10 Sumasang-ayon ang mga historyador na ang 1914 ay isang panahon ng napakalaking pagbabago sa kasaysayan ng sangkatauhan, isang palaikutang taon na pagkatapos nito marami sa mga problemang ito ang nagsimulang hindi na masupil, patuloy na lumulubha sa buong daigdig. Oo, ang pisikal na mga pangyayari sa daigdig bilang katuparan ng mga hula sa Bibliya ay pawang nakatutok sa 1914 bilang ang taon na sinimulan ni Jesus ang pagpupunò bilang Hari sa langit. Isa pa, isang hula sa Daniel kabanata 4 ang nagbibigay ng kronolohikal na patotoo na umaakay sa atin sa mismong taon ding iyan—1914—bilang ang panahon nang magsimula ng kaniyang pamamahala ang hinirang na Hari ni Jehova.b
Bakit Isang Panahon ng Kabagabagan?
11, 12. (a) Bakit nahihirapan ang iba na maniwalang si Kristo ay naghahari na sa langit sa mismong sandaling ito? (b) Papaano natin maipaghahalimbawa ang naganap pagkatapos na si Jesus ay putungan bilang Hari?
11 Gayunman, ang iba ay nagtatanong, ‘Bakit ang daigdig ay lubhang nababagabag kung ang Mesiyas ay naghahari na sa langit? Hindi ba mabisa ang kaniyang paghahari?’ Marahil ay makatutulong ang isang ilustrasyon. Ang isang bansa ay pinamamahalaan ng isang masamang pangulo. Siya’y nagtayo ng isang tiwaling sistema na may impluwensiyang mapanupil sa lahat ng sulok ng bansa. Subalit nagdaos ng isang eleksiyon; isang mabuting tao ang nanalo. Ano ang mangyayari ngayon? Tulad sa mga nangyayari sa ilang bansang demokratiko, isang panahon ng transisyon na mga ilang buwan ang lumilipas bago pasinayaan ang bagong pangulo. Papaano kikilos ang dalawang lalaking ito sa loob ng gayong yugto ng panahon? Ang mabuting tao ba ay kikilos kaagad at lalansagin ang lahat ng kasamaan na nagawa sa buong bansa ng hinalinhan niya? Hindi ba’t sa halip ay itututok niya ang kaniyang atensiyon sa kabiserang lunsod, magtatayo ng isang bagong gabinete at puputulin niya ang lahat ng koneksiyon sa likong mga kasapakat at mga alipores ng dating pangulo? Sa ganiyang paraan, pagka siya’y may lubos na kapangyarihan na, maaari siyang magsimula sa isang malinis, mahusay na pinagmumulan ng kapangyarihan. Para sa likong pangulo, hindi ba ang maikling panahong natitira pa ay kaniyang sasamantalahin upang pigain ang lahat ng mapipiga niyang mga mananakaw sa bansa bago tuluyang hubaran siya ng lahat ng kapangyarihan?
12 Sa totoo, ganiyan din ang tungkol sa pa·rou·siʹa ni Kristo. Ipinakikita ng Apocalipsis 12:7-12 na nang si Kristo ay gawing Hari sa langit, pinalayas muna niya sa langit si Satanas at ang mga demonyo, sa gayo’y nililinis ang kinaroroonan ng Kaniyang pamahalaan. Pagkatapos dumanas nitong malaon nang hinihintay na pagkatalo, papaano kumikilos si Satanas sa loob ng “maikling yugto ng panahon” bago gamitin ni Kristo ang kaniyang buong kapamahalaan dito sa lupa? Katulad ng likong pangulong iyon, sinisikap niyang kamkamin ang lahat ng makukuha niya sa matandang sistemang ito. Hindi salapi ang hangad niya; ang hangad niya ay mga buhay ng tao. Ang ibig niya ay pinakamaraming tao ang maihiwalay kay Jehova at sa Kaniyang nagpupunong Hari hangga’t magagawa niya.
13. Papaano ipinakikita ng Kasulatan na ang pasimula ng paghahari ni Kristo ay magiging isang maligalig na panahon dito sa lupa?
13 Kung gayon, hindi kataka-taka na ang pasimula ng paghahari ng Mesiyas ay isang panahon ng “kaabahan para sa lupa.” (Apocalipsis 12:12) Gayundin, sa Awit 110:1, 2, 6 ay ipinakikita na pinasimulan ng Mesiyas ang kaniyang paghahari ‘sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ Sa bandang huli lamang niya lubusang dudurugin “ang mga bansa,” kasama ang lahat ng bahagi ng likong sistema ni Satanas, upang pumanaw magpakailanman!
Pagka Naghahari Na sa Lupa ang Mesiyas
14. Ano ang magagawa ng Mesiyas pagkatapos na kaniyang puksain ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas?
14 Pagkatapos na kaniyang mapuksa ang sistema ni Satanas at lahat ng mga tumatangkilik dito, ang Haring Mesianiko, si Jesu-Kristo, ay sa wakas mapapalagay na sa katayuan na tumupad sa kamangha-manghang mga hula sa Bibliya na naglalarawan sa kaniyang Sanlibong-Taóng Paghahari. Tinutulungan tayo ng Isaias 11:1-10 upang makita kung magiging anong uri ng tagapamahala ang Mesiyas. Sinasabi sa atin ng Isa 11 talatang 2 na siya’y magkakaroon ng “espiritu ni Jehova . . . , ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan.”
15. Ano ang magiging resulta ng ‘espiritu ng kalakasan’ sa paghahari ng Mesiyas?
15 Pag-isipan kung ano ang magiging resulta ng ‘espiritu ng kalakasan’ sa paghahari ni Jesus. Nang siya’y narito sa lupa, siya ay may antas ng kalakasan na nanggagaling kay Jehova, kaya siya’y nakagagawa ng himala. At siya’y nagpakita ng isang taos-pusong pagnanasa na tumulong sa mga tao, na nagsasabi, “nais ko.” (Mateo 8:3) Subalit ang kaniyang mga himala nang mga araw na iyon ay isa lamang patiunang tanawin ng gagawin niya pagka naghahari na buhat sa langit. Pambuong-daigdig na mga himala ang gagawin ni Jesus! Ang mga taong maysakit, bulag, bingi, baldado, at pilay ay pagagalingin magpakailanman. (Isaias 35:5, 6) Dahil sa kasaganaan ng pagkain na ipamamahagi sa lahat, mawawala na magpakailanman ang gutom. (Awit 72:16) Kumusta naman iyong milyun-milyon sa libingan na nalulugod ang Diyos na alalahanin? Sa “kalakasan” ni Jesus ay kasali ang kapangyarihang sila’y buhaying-muli, at bigyan ang bawat isa ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa Paraiso! (Juan 5:28, 29) Gayunman, kahit na taglay ang lahat ng kalakasang ito, ang Mesianikong Hari ay laging magiging lubos na mapagpakumbaba. Ang kaniyang “kaluguran ay . . . ang pagkatakot kay Jehova.”—Isaias 11:3.
16. Magiging anong uri ng Hukom ang Haring Mesianiko, at papaano maiiba iyan sa rekord ng mga hukom na tao?
16 Ang Haring ito ay magiging isang sakdal na Hukom din. Siya ay “hindi hahatol ayon sa basta nakikita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon sa naririnig lamang ng kaniyang mga tainga.” Sino bang hukom na tao, noong nakaraan o sa kasalukuyan, ang masasabing ganiyan nga? Kahit na ang isang napakatalinong tao ay makahahatol lamang sa pamamagitan ng kaniyang nakikita at naririnig, na ginagamit ang anumang karunungan o talino na taglay niya. Sa gayon ang mga hukom at mga hurado ng matandang sanlibutang ito ay maaaring maimpluwensiyahan o malito ng tusong pangangatuwiran, mga katawa-tawang kilos sa hukuman, o nagkakasalungatang ebidensiya. Kadalasan ang mayayaman at makapangyarihan lamang ang may kayang kumuha ng isang manananggol, sa aktuwal ay kanilang binibili ang hustisya. Hindi magkakaganiyan sa ilalim ng Mesianikong Hukom! Kaniyang nababasa ang mga puso. Walang makatatalilis sa kaniyang pansin. Ang katarungan, na may kasamang pag-ibig at awa, ay hindi ipagbibili. Ito ay laging iiral.—Isaias 11:3-5.
Kung Papaano Ka Apektado ng Kaniyang Paghahari
17, 18. (a) Anong kinabukasan ng sangkatauhan ang makabagbag-damdaming inilalarawan sa Isaias 11:6-9? (b) Kanino pangunahing kumakapit ang hulang ito, at bakit gayon? (c) Papaano magkakaroon ng literal na katuparan ang hulang ito?
17 Mauunawaan, ang paghahari ng Mesiyas ay may matinding impluwensiya sa mga sakop nito. Binabago nito ang mga tao. Ipinakikita ng Isaias 11:6-9 kung gaano kalawak ang gayong mga pagbabago. Ang hulang ito ay makabagbag-damdaming naglalarawan ng mapanganib, maninilang mga hayop—mga oso, lobo, leopardo, leon, kobra—kasama ng di-nananakit na maaamong hayop at pati mga bata. Subalit ang mga maninila ay hindi na mapanganib! Bakit? Sinasagot iyan ng Isa 11 talatang 9: “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”
18 Mangyari pa, ang “kaalaman tungkol kay Jehova” ay hindi magkakaroon ng epekto sa literal na mga hayop; samakatuwid ang mga talatang ito ay unang-unang kumakapit sa mga tao. Ang paghahari ng Mesiyas ay magtataguyod ng isang pandaigdig na programa sa edukasyon, tuturuan ang mga tao tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan, tuturuan ang lahat na makitungo sa kanilang kapuwa tao na taglay ang pag-ibig, paggalang, at karangalan. Sa darating na Paraiso, makahimalang ibabangon ng Mesiyas ang sangkatauhan tungo sa pisikal at moral na kasakdalan. Ang maninila, makahayop na mga ugali na sumisira sa di-sakdal na kalikasan ng tao ay mawawala na. At, sa literal na paraan, ang sangkatauhan ay magkakaroon ng pakikipagpayapaan sa mga hayop—sa wakas!—Ihambing ang Genesis 1:28.
19. Papaano apektado ng paghahari ng Mesiyas ang mga buhay ng mga tao sa mga huling araw na ito?
19 Subalit, tandaan na ang Mesiyas ay naghahari na ngayon. Kahit na ngayon, ang mga sakop ng kaniyang Kaharian ay natututong mamuhay nang may pakikipagpayapaan sa isa’t isa, na tinutupad ang Isaias 11:6-9 sa isang diwa. Bukod dito, sa loob halos ng 80 taon, tinutupad ni Jesus ang Isaias 11:10: “At mangyayari sa araw na iyon na ang ugat ni Jesse ay tatayong isang tanda sa mga bayan. Sa kaniya babaling na nagtatanong kahit na ang mga bansa, at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati.” Ang mga tao sa bawat bansa ay bumabaling sa Mesiyas. Bakit? Sapagkat magbuhat nang siya’y magsimulang maghari, siya’y ‘tumatayong isang tanda.’ Kaniyang ipinaaalam sa buong daigdig ang kaniyang pagkanaririto sa pamamagitan ng malawak na programa sa pagtuturo na inilarawan sa itaas. Sa katunayan, inihula ni Jesus na isang pandaigdig na gawaing pangangaral ang isang mahalagang tanda ng kaniyang pagkanaririto bago magwakas ang matandang sistemang ito.—Mateo 24:14.
20. Anong saloobin ang dapat iwasan ng lahat ng sakop ng paghahari ng Mesiyas, at bakit?
20 Samakatuwid ang pagkanaririto ni Kristo sa kapangyarihan ng Kaharian ay hindi isang malayo, na bungang-isip, isa lamang paksang pinagtatalu-talunan ng marurunong na teologo. Ang kaniyang paghahari ay may epekto at bumabago sa mga buhay ng mga naririto sa lupa, gaya ng inihula ni Isaias. Inaakay ni Jesus ang milyun-milyong sakop para sa kaniyang Kaharian upang lumabas sa balakyot na sistemang ito ng sanlibutan. Ikaw ba ay isa sa gayong sakop? Kung gayon ay maglingkod ka nang buong kasiglahan at kagalakan na karapat-dapat sa ating Hari! Ipagpalagay natin, napakadali na manghinawa, na makitulad sa mapanlibak na sigaw ng sanlibutan: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya?” (2 Pedro 3:4) Subalit gaya ng sinabi mismo ni Jesus, “ang magtiis hanggang wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
21. Papaanong lahat tayo ay makapagpapasulong ng ating pagpapahalaga sa Mesianikong pag-asa?
21 Sa paglipas ng bawat araw tayo ay palapít nang palapít sa dakilang araw na uutusan ni Jehova ang Kaniyang Anak na ihayag ang kaniyang pagkanaririto sa buong daigdig. Kailanman ay huwag hayaang lumabo ang iyong pag-asa sa araw na iyon. Bulay-bulayin ang pagka-Mesiyas ni Jesus at ang kaniyang mga katangian bilang nagpupunong Hari. Puspusang pag-isipan din ang tungkol sa Diyos na Jehova, ang autor at may obra maestra ng dakilang pag-asang Mesianiko na binalangkas sa Bibliya. Habang ginagawa mo iyan, tiyak na madarama mo nang higit at higit ang gaya ng nadama ni apostol Pablo nang siya’y sumulat: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!”—Roma 11:33.
[Mga talababa]
a Noong 1864 ay ganito ang pagkasabi rito ng teologong si R. Govett: “Sa akin ito ay waring napakaselan. Ang pagbibigay ng tanda ng Pagkanaririto ay nagpapakita na lihim iyon. Tayo ay hindi nangangailangan ng isang palatandaan upang ipaalam sa atin na naririto ang ating nakikita.”
b Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” pahina 133-9.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa papaanong paraan nagbabalik si Kristo?
◻ Papaano natin nalalaman na ang pa·rou·siʹa ni Kristo ay di-nakikita at tumatagal sa loob ng mahaba-habang yugto ng panahon?
◻ Kailan nagsisimula ang pagkanaririto ni Kristo, at papaano natin nalalaman ito?
◻ Anong uri ng makalangit na Hari ang Mesiyas?
◻ Sa anong mga paraan naaapektuhan ng paghahari ni Kristo ang mga buhay ng mga sakop niyaon?
[Larawan sa pahina 15]
Ang pag-asa na magbabalik si Jesus ay may malaking epekto sa kaniyang tapat na mga apostol
[Larawan sa pahina 17]
Samantalang naghahari buhat sa langit, si Jesus ay magsasagawa ng mga himala na pambuong-daigdig
[Credit Line]
Ang Lupa: Ayon sa NASA photo