Pagbibigay-Liwanag sa Pagkanaririto ni Kristo
“Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, . . . ang mga tao ay pagbubukdin-bukdin niya.”—MATEO 25:31, 32.
1. Ano ang pagpapakahulugan ng klero ng Sangkakristiyanuhan sa mga salita sa Mateo 24:3?
TATLONG araw bago namatay si Jesus, apat sa kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya at nagtanong nang may kataimtiman: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito [Griego, pa·rou·siʹa], at ng katapusan ng sanlibutan?” Sa loob ng daan-daang taon ipinakahulugan ng klero ng Sangkakristiyanuhan at ng mga manunulat ang mga salitang ito na binigkas ni Jesus sa Mateo 24:3 (King James Version) na siya’y muling makikita bilang tao sa paningin ng sangkatauhan. Sa gayon, kanilang itinuro na ang pagbabalik ni Kristo ay may kasabay na dakilang pagtatanghal at nakikitang karangyaan. Ang tawag nila rito ay ikalawang pagparito ni Kristo. Subalit tama kaya ang kanilang mga palagay?
2, 3. (a) Anong pagkakaiba ang ipinakita ng Tomo 2 ng Studies in the Scriptures tungkol sa mga salitang “pagparito” at “pagkanaririto”? (b) Ano ang naunawaan ng bayan ni Jehova tungkol sa kahulugan ng pa·rou·siʹa ni Kristo?
2 Nang sumapit ang 1889, ang mga pinahiran ni Jehova, bilang mga tagapagdala ng liwanag noong ika-19 na siglo, ay tumanggap na ng pagtutuwid tungkol sa pagbabalik ni Kristo. Sa Tomo 2 ng Studies in the Scriptures, pahina 158 hanggang 161, si Charles T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay sumulat: “Ang parousia . . . ay nangangahulugang pagkanaririto, at hindi dapat isalin na pagparito, tulad sa karaniwang Bibliyang [Tagalog] . . . Ang ‘Emphatic Diaglott,’ isang napakahalagang salin ng Bagong Tipan, ay tama ang pagkasalin sa parousia, na pagkanaririto . . . , hindi pagparito, bilang paparitó na, kundi pagkanaririto, yamang pagkatapos dumating . . . [si Jesus] ay nagsasabi, ‘Gaya nang mga araw ni Noe, magiging ganoon din ang parousia [pagkanaririto] ng Anak ng tao.’ Pansinin, na ang paghahambing ay hindi tungkol sa pagparito ni Noe at sa pagparito ng ating Panginoon . . . Kung gayon, ang pagkakaiba ay tungkol sa panahon ng pagkanaririto ni Noe sa gitna ng mga tao ‘bago sumapit ang baha,’ at sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo sa sanlibutan, sa kaniyang ikalawang pagparito, ‘bago sumapit ang sunog’—ang sukdulang kabagabagan na dala ng Araw ng Panginoon [si Jehova] na katapusan ng panahong ito.”—Mateo 24:37.
3 Kaya nga tama ang pagkaunawa ng bayan ni Jehova noong ika-19 siglo na ang pa·rou·siʹa ni Kristo ay hindi makikita. Kanila ring naunawaan na ang katapusan ng mga Panahong Gentil ay magaganap sa taglagas ng 1914. Samantalang sumusulong ang espirituwal na kaliwanagan, nang magtagal ay kanilang naunawaan na si Jesu-Kristo ay iniluklok sa langit bilang Hari ng Kaharian noong taon ding iyan, 1914.—Kawikaan 4:18; Daniel 7:13, 14; Lucas 21:24; Apocalipsis 11:15.
“Ang Pagkanaririto ng Ating Panginoon”
4. “Ang pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo” ay tumutukoy sa ano?
4 Kung gayon, sa ating kaarawan, ano ang kahulugan ng pananalita sa Bibliya na “ang pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo”? (1 Tesalonica 5:23) Isang awtoridad ang nagkomento na ang terminong “pagkanaririto,” pa·rou·siʹa, “ang naging opisyal na termino para sa pagdalaw ng isang taong may mataas na ranggo, lalo[ng lalo na] ng mga hari at mga emperador na dumadalaw sa isang lalawigan.” Kaya ang pananalitang ito ay tumutukoy sa maharlikang pagkanaririto ng Panginoong Jesu-Kristo bilang Hari, buhat at pagkatapos ng 1914, kasunod ng kaniyang pagkaluklok sa langit. Siya ay naririto nang di-nakikita upang ‘manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway,’ aktibong nagpupuno bilang Hari upang tuparin ang makahulang utos na ito. (Awit 110:2) Sa loob ng mga 79 na taon, nararanasan ng mga tao sa lupa ang mga epekto ng di-nakikitang maharlikang pagkanaririto ni Kristo.
5. Anong mga pangyayari sa panahon ng pa·rou·siʹa ang tatalakayin sa tatlong araling artikulo ng magasing ito?
5 Sa sunud-sunod na tatlong artikulong ito, ating rerepasuhin ang kapuna-punang ebidensiya ng mga nagawa ng Kaharian ni Kristo sa loob ng panahong ito. Una, tayo’y maghaharap ng maraming hula sa Bibliya tungkol sa mga pangyayaring naganap na o kahit ngayon ay nagaganap. Ikalawa, ating ilalarawan ang dakilang gawaing ginaganap ng uring tapat at maingat na alipin na ginagamit ni Jesus sa buong panahong ito ng kaniyang maharlikang pagkanaririto. (Mateo 24:45-47) Sa ikatlong artikulo ay ilalarawan para sa atin ang dakilang pagwawakas, ang panahon ng “malaking kapighatian.” Iyan ang panahon na si Jesus ay pumaparito bilang hinirang ni Jehova na Tagapuksa upang puksain ang balakyot na mga tao at iligtas ang mga matuwid. (Mateo 24:21, 29-31) Ang panahong iyan ng pagpuksa ay inilalarawan ni apostol Pablo bilang nagdadala “sa inyo na mga nagtitiis ng kapighatian, ng ginhawa na kasama namin sa pagkahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus.”—2 Tesalonica 1:7, 8.
Ang Tanda
6. Anong kabuuang tanda ang inilalarawan sa Mateo kabanatang 24 at 25?
6 May labing-siyam na raang taon na, ang mga alagad ni Jesus na tagapagdala ng liwanag ay humingi sa kaniya ng isang tanda, o ebidensiya, ng kaniyang hinaharap na pagkanaririto na nasa kapangyarihan ng Kaharian. Ang kaniyang tugon, na nasusulat sa ika-24 at ika-25 kabanata ng Mateo 24-25, ay nagbigay ng isang kabuuang tanda, na lahat ng bahagi ay natutupad na ngayon sa buong daigdig. Ang katuparan ng tanda na iyan ay isang panahon ng kagipitan at malaking pagsubok. Nagbabala si Jesus: “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ninuman; sapagkat marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Ako ang Kristo,’ at ililigaw ang marami. At makaririnig kayo ng mga digmaan at mga balita ng digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan. Sapagkat kailangang mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ang wakas.”—Mateo 24:4-6.
7. Anong mga bahagi ng tanda ang nakita nating natupad na buhat noong 1914?
7 Humula pa rin si Jesus na magkakaroon ng mga digmaan na wala pang katulad. Sa katuparan, dalawa sa mga ito ang tinawag na mga digmaang pandaigdig, ang isa ay mula 1914 hanggang 1918 at ang pangalawa ay mula 1939 hanggang 1945. At, sinabi niya na magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at mga lindol sa maraming lugar. Ang tunay na mga Kristiyano ay mahigpit na pag-uusigin. Bilang katuparan ng hula, ang mga Saksi ni Jehova, na makabagong mga tagapagdala ng liwanag, ay dumanas ng pag-uusig noong nakalipas na walumpung taon samantalang ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:7-14) Bawat Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nagdaragdag ng ebidensiya na ang mga bahaging ito ng tanda ay natutupad.
8, 9. (a) Ano ba ang nasasangkot sa maharlikang pagkanaririto ni Jesus? (b) Ano ang ipinakikita ng hula ni Jesus tungkol sa mga bulaang Kristo kung tungkol sa lugar at paraan ng kaniyang pagkanaririto?
8 Yamang ang buong lupa ang sakop ng paghahari ni Jesus, ang tunay na pagsamba ay lumalaganap sa lahat ng kontinente. Ang kaniyang maharlikang pagkanaririto (pa·rou·siʹa) ay isang panahon ng pagsisiyasat sa buong globo. (1 Pedro 2:12) Subalit mayroon bang isang kabiserang lunsod, o sentro, na kung saan maaaring kunsultahin si Jesus? Ito’y sinasagot ni Jesus sa pamamagitan ng paghula na yamang inaasahan ang kaniyang pagkanaririto, may babangon na mga bulaang Kristo. Siya ay nagbabala: “Kung sabihin sa inyo ng mga tao, ‘Narito! Siya [si Kristo] ay nasa ilang,’ huwag kayong magsilabas; ‘Narito! Siya ay nasa mga silid sa loob,’ huwag kayong maniwala. Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa mga panig ng silangan at lumiliwanag hanggang sa mga panig ng kanluran, gayundin naman ang pagkanaririto [pa·rou·siʹa] ng Anak ng tao.”—Mateo 24:24, 26, 27.
9 Higit kaysa kanino man dito sa lupa, si Jesus, “ang Anak ng tao,” ang nakakaalam kung siya’y nasaan pagka aktuwal na nagsimula na ang kaniyang pagkanaririto. Hindi siya pupunta dito o doon sa anumang partikular na lugar sa lupa. Hindi siya pakikita sa isang liblib na lugar, “sa ilang,” upang ang mga humahanap sa Mesiyas ay makakunsulta sa kaniya nang hindi nakikita ng mga pinuno ng pamahalaan ng bansa, sa isang lugar na kung saan ang mga tagasunod ay makapagsasanay sa ilalim ng kaniyang pangunguna, na naghahandang agawin ang pamahalaan at iluklok siya bilang ang Mesiyanikong Hari ng sanlibutan. Isa pa, hindi siya magtatago sa “mga silid sa loob,” na ilan lamang na mga pinili ang nakaaalam sa kaniyang kinaroroonan, upang doon, walang nakakakita at nakamamanman, siya ay maaaring makipagsabuwatan at bumuo ng lihim na mga plano sa mga kasabuwat para maibagsak ang mga pamahalaan ng daigdig at pagkatapos ay ihalal siya bilang ang ipinangakong Mesiyas. Hindi!
10. Papaano sumikat sa buong daigdig ang liwanag ng katotohanan ng Bibliya?
10 Sa kabaligtaran, walang dapat ikubli tungkol sa pagkanaririto ni Jesus bilang Hari, sa pasimula ng kaniyang maharlikang pagkanaririto. Gaya ng inihula ni Jesus, sa buong daigdig, ang liwanag ng katotohanan sa Bibliya ay patuloy na sumisikat sa malalawak na mga lugar mula sa mga bahaging silangan hanggang sa mga bahaging kanluran. Oo, bilang makabagong mga tagapagdala ng liwanag, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapatunay na “isang ilaw sa mga bansa, upang ang pagliligtas [ni Jehova] ay umabot hanggang sa kaduluduluhan ng lupa.”—Isaias 49:6.
Ang Gawain ng mga Anghel
11. (a) Papaano ginagamit ang mga hukbo ng mga anghel sa pagbibigay-liwanag tungkol sa Kaharian? (b) Kailan at sa anong grupo tinipon ang mga kabilang sa uring trigo?
11 Ang ibang mga teksto na may kaugnayan sa pagkanaririto ni Jesus ay naglalarawan sa kaniya bilang kasama, o ‘nagsusugo,’ ng mga hukbo ng mga anghel. (Mateo 16:27; 24:31) Sa ilustrasyon ng trigo at ng pansirang damo, sinabi ni Jesus na “ang bukid ay ang sanlibutan” at na “ang pag-aani ay ang katapusan ng isang sistema ng mga bagay, at ang mga mang-aani ay mga anghel.” Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na sa panahon ng kaniyang pagkanaririto na nasa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Kaharian, ang tanging ginagamit niya ay mga sugong anghel sa makalupang mga gawain. Pasimula noong 1919, mga anghel sa ilalim ng patnubay ni Jesus ang nagbukud-bukod sa uring trigo ng inianak-sa-espiritung mga pinahiran sa lupa, na nagsipangalat dahil sa mga pangyayari ng Digmaang Pandaigdig I, at ang mga ito ay inihanda para sa higit pang gawain sa pangalan ng Hari. (Mateo 13:38-43) Noong dekada ng 1920 karagdagan pang libu-libo ng mga tao ang nanindigan sa panig ng natatag na Kaharian ng Diyos at pinahiran ng espiritu ng Diyos. Ang mga pinahirang ito ay mabisang naparagdag sa mga ranggo ng orihinal na nalabi. Bilang isang grupo, sila ang bumubuo ng uring tapat at maingat na alipin ukol sa kaarawan natin.
12. Sa anong paglilinis nakibahagi ang mga anghel, at ano ang resulta sa lupa?
12 Ang isa pang halimbawa ng pakikibahagi ng mga anghel sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus pagkatapos na siya’y iluklok noong 1914 ay iniuulat ng Apocalipsis 12:7-9: “Si Miguel [si Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka ngunit hindi nanganalo, ni nakasumpong pa man ng dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Sa gayon, ang langit sa itaas ay nalinis na ngayon, anupat ang natitira na lamang ay ang makalupang sakop ng Kaharian na kailangan pang lubusang linisin ukol sa pagbanal sa pangalan ni Jehova. Sa taóng ito ng 1993, ang banal na babala ay nagpapatuloy na matupad: “Sa aba ng lupa . . . sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:12.
Pagkabuhay-muli sa Langit
13, 14. (a) Ano ang ipinakikita ng Kasulatan bilang nagaganap mula noong 1918 at patuloy? (b) Ano ang isinisiwalat nina Pablo at Juan tungkol sa pinahirang nalabi sa ngayon?
13 Ang isa pang kagila-gilalas na pangyayari sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo ay ang pasimula ng makalangit na pagkabuhay-muli. Ipinakita ni apostol Pablo na yaong pinahirang mga Kristiyano na matagal nang natutulog sa kanilang mga libingan ang unang bubuhayin at mabubuhay na kasama ni Kristo Jesus sa dako ng mga espiritu. Nagharap ng ebidensiya noong mga taóng lumipas upang ipakita na ito’y lumilitaw na naganap mula 1918 at patuloy. Sumulat si Pablo: “Sa Kristo ang lahat ay bubuhayin. Datapuwat ang bawat isa’y sa kaniyang sariling katayuan: si Kristo ang pangunahing bunga, pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto [pa·rou·siʹa].” (1 Corinto 15:22, 23) Ang pagkabuhay-muli ng mga pinahiran sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo ay pinatutunayan sa 1 Tesalonica 4:15-17: “Ito’y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto [pa·rou·siʹa] ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga nakatulog sa kamatayan . . . Silang mga namatay kaisa ni Kristo ay unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na natitira ay, kasama nila, aagawin sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin.” May 144,000 na kaisa ni Kristo bilang mga pinahiran ang sa wakas ay tatanggap ng kamangha-manghang gantimpalang ito.—Apocalipsis 14:1.
14 Gaya ng ipinakikita ni Pablo, yaong pinahirang nalabi na buháy sa ngayon ay hindi nauuna sa Kaharian kaysa sinaunang tapat na pinahirang mga martir at mga alagad na Kristiyano. Inilalarawan pa rin ni apostol Juan yaong mga pinahiran na namamatay sa ngayon na ganito: “Maligaya ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon. Oo, sinasabi ng espiritu, hayaan silang magpahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang mga bagay na kanilang ginawa ay sumusunod sa kanila,” samakatuwid nga, pagkatapos na sila’y buhaying-muli. (Apocalipsis 14:13) At si Pablo ay nagsasabi: “Narito! Sinasabi ko sa inyo ang isang banal na lihim: Hindi tayong lahat ay matutulog sa kamatayan, ngunit tayong lahat ay babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay bubuhayin na walang pagkasira, at tayo’y babaguhin.” (1 Corinto 15:51, 52) Anong kagila-gilalas na himala!
15, 16. (a) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus sa Lucas 19:11-15, at bakit? (b) Papaano natutupad ang hulang ito?
15 Minsan nang nangangaral si Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos sa isang grupo ng kaniyang mga tagasunod, siya’y gumamit ng isang ilustrasyon upang tulungan sila na maituwid ang kanilang maling mga idea. Mababasa sa ulat: “Kanilang inaakala na mahahayag pagdaka ang Kaharian ng Diyos. Sinabi nga niya: ‘Isang mahal na tao ang naparoon sa isang malayong lupain upang tumanggap ng kapangyarihan sa kaharian para sa kaniyang sarili at magbalik. Matapos tawagin ang sampu sa kaniyang mga alipin binigyan niya sila ng sampung mina at sinabi sa kanila, “Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako’y dumating.” . . . At nangyari nang siya’y magbalik pagkatapos matanggap ang kapangyarihan sa kaharian, kaniyang ipinatawag sa harapan niya ang mga aliping ito na pinagbibigyán niya ng salaping pilak, upang alamin kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.’ ”—Lucas 19:11-15.
16 Si Jesus ang ‘taong’ iyon na naparoon sa langit, ang “malayong lupain” na doon ay tatanggap siya ng isang kaharian. Ang Kahariang iyon ay kaniyang tinanggap noong 1914. Di-nagtagal pagkatapos, bilang Hari si Kristo ay nakipagtuos sa kaniyang nag-aangking mga tagasunod upang alamin kung ano ang kanilang nagawa sa pag-aasikaso sa mga kapakanan ng Kaharian na ipinagkatiwala sa kanila. Ang ilan na tapat ay napili upang tumanggap ng komendasyon ng Panginoon: “Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin! Sapagkat sa napakaliit ay pinatunayan mong tapat ka, mamahala ka sa sampung lunsod.” (Lucas 19:17) Ang yugtong ito ng pagkanaririto ni Kristo ay saklaw ang patuloy na puspusang pangangaral ng Kaharian, kasali na ang paghahayag ng mga hatol ng Diyos laban sa mga balakyot, at sa pangangasiwa sa gawaing ito ay kasali ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa “mabuting alipin.”
Pangangaral sa Buong Daigdig
17. Anong kagalakan ang kapansin-pansin sa pa·rou·siʹa?
17 Ano pa ang mangyayari sa panahon ng pa·rou·siʹa na ito? Ito’y isang panahon ng malaking kagalakan sa pangangaral at sa pagtulong sa mga baguhan na maghanda para sa kaligtasan sa dumarating na malaking kapighatian. Ang mga nasa “malaking pulutong,” na tumutulong sa nalabi, ay nagiging “mga liham na rekomendasyon.” (Apocalipsis 7:9; 2 Corinto 3:1-3) Binabanggit ni Pablo ang kagalakan sa pag-aaning ito nang kaniyang sabihin: “Ano ang aming pag-asa o kagalakan o putong na ikinatutuwa—aba, hindi baga kayo rin?—sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang pagkanaririto [pa·rou·siʹa]?”—1 Tesalonica 2:19.
Magpatuloy na Malinis at Walang-Kapintasan
18. (a) Anong panalangin ni Pablo ang tumutukoy sa pa·rou·siʹa? (b) Anong espiritu ang kailangang ipakita nating lahat sa panahong ito, at sa papaano?
18 Idinalangin din ni Pablo ang pagbanal sa mga taong buháy sa panahong ito ng pagkanaririto ni Kristo: “Pakabanalin nawa kayong lubos ng Diyos din ng kapayapaan. At ang espiritu at kaluluwa at katawan ninyo mga kapatid ay maingatan nawa na walang-kapintasan sa pagkanaririto [pa·rou·siʹa] ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Tesalonica 5:23) Oo, sa ngayon, tayo man ay kabilang sa pinahirang nalabi o sa malaking pulutong ng mga ibang tupa, ang espiritu ng pakikipagtulungan ang bumubuklod sa atin nang sama-sama upang tayo’y magpatuloy na maging malinis at walang kapintasan sa natatanging panahong ito. Gayundin, tayo’y kailangang patuloy na magtiyaga. Sumulat si Santiago: “Magtiyaga nga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto [pa·rou·siʹa] ng Panginoon. . . . Pagtibayin ninyo ang inyong puso, sapagkat malapit na ang pagkanaririto [pa·rou·siʹa] ng Panginoon.”—Santiago 5:7, 8.
19. Anong babala ang ibinigay ni Pedro tungkol sa pa·rou·siʹa, at papaano tayo dapat tumugon?
19 Ang apostol Pedro ay mayroon ding masasabi sa atin na mga nabubuhay sa kasalukuyang panahong ito. Siya’y nagbabala sa atin laban sa mga manlilibak, na marami sa buong lupa. Sinasabi ni Pedro: “Alam na ninyo ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kani-kanilang pita at magsasabi: ‘Nasaan na ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto [pa·rou·siʹa]? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.’ ” (2 Pedro 3:3, 4) Bagaman napakarami ang mga manlilibak sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, ang bayan ni Jehova ay patuloy na sumisikat bilang ang ilaw ng sanlibutan, ukol sa kaligtasan ng marami.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Papaano pasulong na naliwanagan tungkol sa pa·rou·siʹa ang bayan ni Jehova?
◻ Papaano natutupad ang Mateo 24:4-8?
◻ Papaano nakikipagtulungan ang mga anghel sa nakaluklok na Kristo?
◻ Anong kagila-gilalas na himala ang waring kasabay ng pa·rou·siʹa?
◻ Anong kagalakan ang nararanasan sa panahong ito, at sino ang nakikibahagi rito?