Pagparito ni Jesus o Pagkanaririto ni Jesus—Alin?
“Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—MATEO 24:3.
1. Anong papel ang ginampanan ng mga tanong sa ministeryo ni Jesus?
ANG mahusay na paggamit ni Jesus ng mga tanong ay nag-udyok sa kaniyang mga tagapakinig upang pag-isipan, isaalang-alang pa nga ang mga bagay buhat sa bagong pangmalas. (Marcos 12:35-37; Lucas 6:9; 9:20; 20:3, 4) Makapagpapasalamat tayo na sinagot din niya ang mga tanong. Nililiwanag ng kaniyang mga sagot ang mga katotohanan na kung hindi gayon ay hindi sana natin nalaman o naunawaan.—Marcos 7:17-23; 9:11-13; 10:10-12; 12:18-27.
2. Anong tanong ang dapat nating bigyang-pansin ngayon?
2 Sa Mateo 24:3, masusumpungan natin ang isa sa pinakamahahalagang tanong na sinagot kailanman ni Jesus. Yamang malapit na noon ang wakas ng kaniyang buhay sa lupa, kabibigay lamang ni Jesus ng babala na mawawasak ang templo sa Jerusalem, na siyang tanda ng katapusan ng Judiong sistema. Idinagdag pa ng ulat ni Mateo: “Samantalang siya ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, ang mga alagad ay lumapit sa kaniya nang sarilinan, na nagsasabi: ‘Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [“pagparito,” King James Version] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?’ ”—Mateo 24:3.
3, 4. Anong mahalagang pagkakaiba ang mayroon sa kung paano isinalin sa mga Bibliya ang susing salita sa Mateo 24:3?
3 Milyun-milyong mambabasa ng Bibliya ang nagtanong, ‘Bakit kaya ibinangon ng mga alagad ang tanong na iyan, at paano dapat makaapekto sa akin ang sagot ni Jesus?’ Sa kaniyang sagot ay bumanggit si Jesus ng tungkol sa pagsibol ng mga dahon na nagpapakitang “malapit na” ang tag-araw. (Mateo 24:32, 33) Dahil dito, itinuturo ng maraming simbahan na ang mga apostol ay humihingi ng tanda ng “pagparito” ni Jesus, ang tanda na nagpapatunay na napipinto na ang kaniyang pagbabalik. Naniniwala sila na ang “pagparito” ang siyang magiging eksaktong panahon na kaniyang dadalhin sa langit ang mga Kristiyano at pagkatapos ay pasasapitin ang katapusan ng sanlibutan. Naniniwala ka ba na ito ay wasto?
4 Sa halip na ang saling “pagparito,” ginamit ng ilang bersiyon ng Bibliya, kasali na ang New World Translation of the Holy Scriptures, ang salitang “pagkanaririto.” Maaari kayang ang itinanong ng mga alagad at ang isinagot ni Jesus ay naiiba sa itinuturo ng mga simbahan? Ano bang talaga ang itinanong? At ano ang isinagot ni Jesus?
Ano ang Itinanong Nila?
5, 6. Ano ang mahihinuha natin tungkol sa iniisip ng mga apostol nang itanong nila ang mababasa natin sa Mateo 24:3?
5 Kung isasaalang-alang ang sinabi ni Jesus tungkol sa templo, malamang na ang iniisip ng mga alagad ay ang Judiong sistema nang humiling sila ng ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto [o, “pagparito”] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay [sa literal, “panahon”].’—Ihambing ang “sanlibutan” sa 1 Corinto 10:11 at Galacia 1:4, KJ.
6 Sa panahong ito ay limitado lamang ang pagkaunawa ng mga apostol sa mga turo ni Jesus. Bago nito ay inakala nilang “kaagad na magpapakita ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 19:11; Mateo 16:21-23; Marcos 10:35-40) At kahit na pagkatapos ng pag-uusap sa Bundok ng mga Olibo, ngunit bago pahiran ng banal na espiritu, itinanong nila kung isasauli ni Jesus sa panahong iyon ang Kaharian sa Israel.—Gawa 1:6.
7. Bakit magtatanong ang mga apostol kay Jesus tungkol sa kaniyang papel sa hinaharap?
7 Subalit, alam nila na aalis siya, sapagkat sinabi niya kamakailan: “Ang liwanag ay mapapasa-gitna ninyo nang kaunting panahon pa. Lumakad kayo habang taglay ninyo ang liwanag.” (Juan 12:35; Lucas 19:12-27) Kaya malamang na naisip nila, ‘Kung aalis si Jesus, paano natin malalaman ang kaniyang pagbabalik?’ Nang siya’y lumitaw bilang ang Mesiyas, hindi siya kinilala ng karamihan. At pagkaraan ng mahigit na isang taon, namamalagi pa rin ang mga tanong kung tutuparin kaya niya ang lahat ng dapat na gawin ng Mesiyas. (Mateo 11:2, 3) Kaya may dahilan ang mga apostol upang magtanong tungkol sa hinaharap. Ngunit, muli, ang itinatanong ba nila ay isang tanda na siya ay malapit nang dumating o iba pang bagay?
8. Malamang na anong wika ang sinasalita ng mga apostol kay Jesus?
8 Gunigunihin na ikaw ay isang ibon na nakikinig sa usapan sa Bundok ng mga Olibo. (Ihambing ang Eclesiastes 10:20.) Malamang ay naririnig mo si Jesus at ang mga apostol na nagsasalita ng Hebreo. (Marcos 14:70; Juan 5:2; 19:17, 20; Gawa 21:40) Gayunpaman, malamang na marunong din sila ng wikang Griego.
Kung Ano ang Isinulat ni Mateo—Sa Griego
9. Sa ano ibinatay ang karamihan sa modernong mga salin ng Mateo?
9 Ang mga rekord na may petsang ikalawang siglo C.E. ay nagpapakita na unang isinulat ni Mateo ang kaniyang Ebanghelyo sa wikang Hebreo. Maliwanag na isinulat niya iyon sa wikang Griego nang dakong huli. Maraming manuskrito sa Griego ang naingatan hanggang sa ating panahon at nagsilbing batayan sa pagsasalin ng kaniyang Ebanghelyo sa mga wika sa ngayon. Ano ang isinulat ni Mateo sa wikang Griego tungkol sa pag-uusap na iyon sa Bundok ng mga Olibo? Ano ang isinulat niya tungkol sa “pagparito” o “pagkanaririto” na itinanong ng mga alagad at na sinagot naman ni Jesus?
10. (a) Anong Griegong salita para sa “pumarito” ang malimit na gamitin ni Mateo, at ano ang maaaring mga kahulugan nito? (b) Ano pang ibang Griegong salita ang kapansin-pansin?
10 Sa unang 23 kabanata ng Mateo, mahigit na 80 beses nating masusumpungan ang isang pangkaraniwang Griegong pandiwa para sa “pumarito,” na erʹkho·mai. Madalas itong nagpapahiwatig ng idea ng pagdating o paglapit, gaya sa Juan 1:47: “Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya.” Depende sa paggamit, ang pandiwang erʹkho·mai ay maaaring mangahulugan ng “dumating,” “pumaroon,” “makarating sa,” “makarating,” o “pumunta sa.” (Mateo 2:8, 11; 8:28; Juan 4:25, 27, 45; 20:4, 8; Gawa 8:40; 13:51) Ngunit sa Mateo 24:3, 27, 37, 39, gumamit si Mateo ng ibang salita, isang pangngalan na hindi matatagpuan sa iba pang bahagi ng Mga Ebanghelyo: ang pa·rou·siʹa. Yamang kinasihan ng Diyos ang pagsulat ng Bibliya, bakit niya pinakilos si Mateo na piliin ang Griegong salitang ito sa mga talatang ito nang isinusulat ang kaniyang Ebanghelyo sa Griego? Ano ang ibig sabihin niyaon, at bakit natin nanaising malaman?
11. (a) Ano ang diwa ng pa·rou·siʹa? (b) Paano pinatutunayan ng mga halimbawa buhat sa mga isinulat ni Josephus ang ating pagkaunawa sa pa·rou·siʹa? (Tingnan ang talababa.)
11 Sa tuwiran, ang pa·rou·siʹa ay nangangahulugan ng “pagkanaririto.” Sinasabi ng Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine: “Ang PAROUSIA, . . . sa literal, isang pagkanaririto, para, kasama, at ousia, pagiging (buhat sa eimi, maging), ay nagpapahiwatig kapuwa ng pagdating at ng kasunod na pagkanariritong kasama. Halimbawa, sa isang liham na papiro ay binanggit ng isang babae na kailangan ang kaniyang parousia sa isang lugar upang maasikaso ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang pag-aari.” Ipinaliliwanag ng ibang leksikon na ang pa·rou·siʹa ay nagpapakilala ng ‘pagdalaw ng isang tagapamahala.’ Samakatuwid, hindi lamang iyon basta ang mismong sandali ng pagdating, kundi ng isang patuluyang pagkanaroroon mula nang dumating. Kapansin-pansin, ganiyan ang paggamit ng Judiong istoryador na si Josephus, isang kapanahon ng mga apostol, sa pa·rou·siʹa.a
12. Paanong ang Bibliya mismo ay tumutulong sa atin upang matiyak ang kahulugan ng pa·rou·siʹa?
12 Ang kahulugan na “pagkanaririto” ay maliwanag na pinatunayan ng sinaunang literatura, gayunma’y lalo nang interesado ang mga Kristiyano kung paano ginagamit sa Salita ng Diyos ang pa·rou·siʹa. Ang sagot ay gayundin—pagkanaririto. Mauunawaan natin iyan buhat sa mga halimbawa sa mga liham ni Pablo. Halimbawa, isinulat niya sa mga taga-Filipos: “Sa paraan na kayo ay laging sumusunod, hindi lamang sa panahon ng aking pagkanaririyan, kundi lalo pa ngang higit ngayon sa panahon ng aking pagiging wala riyan, patuloy ninyong isagawa ang inyong sariling kaligtasan.” Bumanggit din siya tungkol sa pamamalaging kasama nila upang sila’y magbunyi ‘sa pamamagitan ng kaniyang pagkanaroroong [pa·rou·siʹa] muli na kasama nila.’ (Filipos 1:25, 26; 2:12) Mababasa sa ibang bersiyon ang “aking pagiging kasama ninyong muli” (Weymouth; New International Version); “kapag ako’y kasama ninyong muli” (Jerusalem Bible; New English Bible); at “kapag minsan pa’y kapiling ninyo ako.” (Twentieth Century New Testament) Sa 2 Corinto 10:10, 11, ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng “kaniyang pagkanaririto sa pisikal” at ng pagiging “wala riyan.” Sa mga halimbawang ito ay maliwanag na hindi siya nagsasalita tungkol sa kaniyang paglapit o pagdating; ginamit niya ang pa·rou·siʹa sa diwa ng pagiging naroroon.b (Ihambing ang 1 Corinto 16:17.) Subalit, kumusta naman ang mga pagtukoy tungkol sa pa·rou·siʹa ni Jesus? Ang mga ito ba ay may diwa ng kaniyang “pagparito,” o ipinahihiwatig ng mga ito ang isang patuluyang pagkanaririto?
13, 14. (a) Bakit natin tiyak na mahihinuha na ang isang pa·rou·siʹa ay magpapatuloy nang mahabang panahon? (b) Ano ang tiyak na masasabi tungkol sa lawig ng pa·rou·siʹa ni Jesus?
13 Interesado sa pa·rou·siʹa ni Jesus ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano noong kaarawan ni Pablo. Ngunit binabalaan sila ni Pablo na huwag silang ‘mayanig mula sa kanilang katinuan.’ Kailangang lumitaw muna “ang taong tampalasan,” na napatunayang ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Isinulat ni Pablo na “ang pagkanaririto ng isa na tampalasan ay alinsunod sa pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda.” (2 Tesalonica 2:2, 3, 9) Maliwanag, ang pa·rou·siʹa, o pagkanaririto, ng “taong tampalasan” ay hindi lamang isang panandaliang pagdating; magpapatuloy iyon nang mahabang panahon, na doo’y lilitaw ang kasinungalingang mga tanda. Bakit makahulugan ito?
14 Isaalang-alang ang talata bago nito: “Ang isa na tampalasan ay isisiwalat, na siyang papatayin ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig at dadalhin sa wala sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang pagkanaririto.” Kung paanong ang pagkanaririto ng “taong tampalasan” ay sa loob ng isang yugto ng panahon, ang pagkanaririto ni Jesus ay magpapatuloy rin sa loob ng ilang panahon at aabot sa kasukdulan sa pagkalipol ng tampalasang “anak ng pagkapuksa.”—2 Tesalonica 2:8.
Mga Katangian ng Wikang Hebreo
15, 16. (a) Anong partikular na salita ang ginamit sa maraming salin ng Mateo sa wikang Hebreo? (b) Paano ginamit ang bohʼ sa Kasulatan?
15 Gaya nang nabanggit, maliwanag na isinulat muna ni Mateo sa wikang Hebreo ang kaniyang Ebanghelyo. Kaya, anong Hebreong salita ang ginamit niya sa Mateo 24:3, 27, 37, 39? Ang mga bersiyon ng Mateo na isinalin sa modernong Hebreo ay may anyo ng pandiwang bohʼ, kapuwa sa tanong ng mga apostol at sa itinugon ni Jesus. Maaari itong umakay sa pagbasa na gaya ng: “Ano ang magiging tanda ng iyong [bohʼ] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” at, “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang [bohʼ] ng Anak ng tao.” Ano ang ibig sabihin ng bohʼ?
16 Bagaman may iba’t ibang diwa, ang Hebreong pandiwa na bohʼ ay may saligang kahulugan na “pumarito.” Ganito ang sabi ng Theological Dictionary of the Old Testament: ‘Palibhasa’y lumilitaw nang 2,532 beses, ang bohʼ ay isa sa pinakamadalas na gamiting mga pandiwa sa Hebreong Kasulatan at ang pangunahing pandiwa na nagpapahiwatig ng pagkilos.’ (Genesis 7:1, 13; Exodo 12:25; 28:35; 2 Samuel 19:30; 2 Hari 10:21; Awit 65:2; Isaias 1:23; Ezekiel 11:16; Daniel 9:13; Amos 8:11) Kung gumamit si Jesus at ang mga apostol ng isang salita na may gayon karaming kahulugan, maaaring pagtalunan ang diwa. Subalit gumamit nga ba sila?
17. (a) Bakit ang modernong Hebreong mga salin ng Mateo ay maaaring hindi laging nagpapahiwatig ng talagang sinabi ni Jesus at ng mga apostol? (b) Saan pa natin masusumpungan ang palatandaan kung anong salita ang maaaring ginamit ni Jesus at ng mga apostol, at ano pa ang ibang dahilan kung kaya interesado tayo sa pinagkukunang ito ng impormasyon? (Tingnan ang talababa.)
17 Tandaan na ang mga modernong bersiyon sa Hebreo ay mga salin na maaaring hindi naghaharap ng eksaktong isinulat ni Mateo sa Hebreo. Ang totoo ay maaaring gumamit si Jesus ng isang salita maliban sa bohʼ, isa na aangkop sa diwa ng pa·rou·siʹa. Makikita natin ito buhat sa 1995 na aklat na Hebrew Gospel of Matthew, ni Propesor George Howard. Ang aklat ay nagtuon ng pansin sa isang ika-14-na-siglong argumento laban sa Kristiyanismo na isinulat ng Judiong manggagamot na si Shem-Tob ben Isaac Ibn Shaprut. Iniharap ng dokumentong iyon ang isang Hebreong teksto ng Ebanghelyo ni Mateo. May katibayan na sa halip na isinalin buhat sa Latin o Griego noong panahon ni Shem-Tob, ang tekstong ito ng Mateo ay napakaluma na at orihinal na isinulat sa Hebreo.c Sa gayo’y maipakikita nito sa atin kung ano talaga ang sinabi sa Bundok ng mga Olibo.
18. Anong kapuna-punang Hebreong salita ang ginamit ni Shem-Tob, at ano ang kahulugan nito?
18 Sa Mateo 24:3, 27, 39, hindi ginamit sa teksto ng Mateo ni Shem-Tob ang pandiwang bohʼ. Sa halip, ginamit nito ang kaugnay na pangngalang bi·ʼahʹ. Ang pangngalang iyan ay lumilitaw lamang sa Hebreong Kasulatan sa Ezekiel 8:5, kung saan iyon ay nangangahulugan ng “pasukang-daan.” Sa halip na ipahayag ang akto ng pagparito, ang bi·ʼahʹ doon ay tumutukoy sa pasukan ng isang gusali; kapag ikaw ay nasa pasukang-daan o nasa bungad, ikaw ay nasa gusali. Gayundin, malimit na gamitin ng di-Biblikal na relihiyosong mga dokumento na kasama sa Dead Sea Scrolls ang bi·ʼahʹ may kinalaman sa pagdating o pagsisimula ng makasaserdoteng mga tungkulin. (Tingnan ang 1 Cronica 24:3-19; Lucas 1:5, 8, 23.) At ang isang 1986 na salin sa Hebreo ng sinaunang Siriac (o, Aramaico) na Peshitta ay gumamit ng bi·ʼahʹ sa Mateo 24:3, 27, 37, 39. Kaya may ebidensiya na noong sinaunang panahon ang pangngalang bi·ʼahʹ ay maaaring may diwa na medyo naiiba sa pandiwang bohʼ na ginamit sa Bibliya. Bakit kapansin-pansin ito?
19. Kung ginamit ni Jesus at ng mga apostol ang bi·ʼah,ʹ ano ang maaari nating mahinuha?
19 Maaaring ginamit ng mga apostol sa kanilang tanong at ni Jesus sa kaniyang sagot ang pangngalang ito na bi·ʼah.ʹ Kahit na ang nasa isip lamang ng mga apostol ay ang idea ng pagdating ni Jesus sa hinaharap, maaaring ginamit ni Kristo ang bi·ʼahʹ upang maglakip ng higit pa sa kanilang iniisip. Maaaring ang tinutukoy ni Jesus ay ang kaniyang pagdating upang simulan ang isang bagong tungkulin; ang kaniyang pagdating ay siyang magiging pasimula ng kaniyang bagong papel. Ito ay katugma ng diwa ng pa·rou·siʹa, na siyang sumunod na ginamit ni Mateo. Mauunawaan naman, ang gayong paggamit ng bi·ʼahʹ ay magpapatunay sa matagal nang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova, na ang kabuuang “tanda” na ibinigay ni Jesus ay nagpapakita na siya ay naririto na.
Hinihintay ang Kasukdulan ng Kaniyang Pagkanaririto
20, 21. Ano ang matututuhan natin buhat sa komento ni Jesus tungkol sa mga araw ni Noe?
20 Ang pag-aaral natin tungkol sa pagkanaririto ni Jesus ay nararapat na tuwirang makaapekto sa ating buhay at sa ating mga inaasahan. Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maging mapagbantay. Naglaan siya ng isang tanda upang mapansin ang kaniyang pagkanaririto, bagaman karamihan ay hindi magbibigay-pansin: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
21 Noong mga araw ni Noe, karamihan sa mga tao ng salinlahing iyon ay nagpatuloy lamang sa kanilang normal na mga gawain. Inihula ni Jesus na magiging gayundin sa “pagkanaririto ng Anak ng tao.” Maaaring nadama ng mga tao sa paligid ni Noe na walang anumang mangyayari. Alam ninyo kung ano talaga ang nangyari. Ang mga araw na iyon, na sumaklaw sa isang yugto ng panahon, ay sumapit sa kasukdulan, “dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Nagharap si Lucas ng katulad na salaysay na doo’y inihambing ni Jesus “ang mga araw ni Noe” sa “mga araw ng Anak ng tao.” Ipinaalaala ni Jesus: “Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isisiwalat.”—Lucas 17:26-30.
22. Bakit tayo dapat na maging lalo nang interesado sa hula ni Jesus sa Mateo kabanata 24?
22 Lahat ng ito ay nagkakaroon ng pantanging kahulugan para sa atin sapagkat nabubuhay tayo sa panahon na napapansin natin ang mga pangyayari na inihula ni Jesus—mga digmaan, lindol, salot, kakapusan sa pagkain, at pag-uusig sa kaniyang mga alagad. (Mateo 24:7-9; Lucas 21:10-12) Ang gayon ay kitang-kita sapol nang maganap ang bumago-ng-kasaysayang alitan na makahulugang pinanganlang Digmaang Pandaigdig I, bagaman itinuturing ng maraming tao na ang mga ito ay normal na bahagi ng kasaysayan. Gayunman, nauunawaan ng mga tunay na Kristiyano ang kahulugan ng mahahalagang pangyayaring ito, kung paanong nauunawaan ng mga taong mapagbantay na ang pagsibol ng mga dahon sa punong igos ay nangangahulugang malapit na ang tag-araw. Ipinayo ni Jesus: “Sa ganitong paraan kayo rin, kapag nakita ninyong nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”—Lucas 21:31.
23. Kanino may pantanging kahulugan ang mga salita ni Jesus sa Mateo kabanata 24, at bakit?
23 Itinuon ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang malaking bahagi ng kaniyang sagot sa Bundok ng mga Olibo. Sila ang makikibahagi sa nagliligtas-buhay na pangangaral ng mabuting balita sa buong lupa bago dumating ang wakas. Sila ang makauunawa ng tungkol sa “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal.” Sila ang mga tutugon sa pamamagitan ng ‘pagtakas’ bago ang malaking kapighatian. At sila ang partikular na maaapektuhan ng mga idinagdag na salita: “Malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.” (Mateo 24:9, 14-22) Subalit ano nga bang talaga ang kahulugan ng pumupukaw-isip na mga salitang ito, at bakit masasabi na naglalaan ang mga ito ng saligan para magkaroon tayo ng ibayong kaligayahan, pagtitiwala, at sigasig ngayon? Ang susunod na pag-aaral sa Mateo 24:22 ay maglalaan ng mga sagot.
[Mga talababa]
a Halimbawa buhat kay Josephus: Ang kidlat at kulog sa Bundok Sinai “ay nagpahayag na ang Diyos ay naroroon [pa·rou·siʹa].” Ang nakikitang himala sa tabernakulo “ay nagpapamalas ng pagkanaroroon [pa·rou·siʹa] ng Diyos.” Sa pagpapakita sa lingkod ni Eliseo ng nakapaligid na mga karo, ang Diyos “ay nagpatunay sa kaniyang lingkod ng kaniyang kapangyarihan at pagkanaroroon [pa·rou·siʹa].” Nang sikapin ng Romanong opisyal na si Petronio na payapain ang mga Judio, sinabi ni Josephus na ‘talagang ipinakita ng Diyos kay Petronio ang kaniyang pagkanaroroon [pa·rou·siʹa]’ sa pamamagitan ng pagpapaulan. Hindi ikinapit ni Josephus ang pa·rou·siʹa sa isa lamang paglapit o panandaliang pagdating. Nangahulugan iyon ng patuloy, di-nakikita pa nga, na pagkanaroroon. (Exodo 20:18-21; 25:22; Levitico 16:2; 2 Hari 6:15-17)—Ihambing ang Antiquities of the Jews, Aklat 3, kabanata 5, parapo 2 [80]; kabanata 8, parapo 5 [202]; Aklat 9, kabanata 4, parapo 3 [55]; Aklat 18, kabanata 8, parapo 6 [284].
b Sa A Critical Lexicon and Concordance to the English and Greek New Testament, tinukoy ni E. W. Bullinger na ang pa·rou·siʹa ay nangangahulugan ng ‘pagiging naririto o pagkanaririto, samakatuwid ng pagkanaririto, pagdating; pagparito na nagpapahiwatig ng permanenteng paninirahan sapol nang pagparitong iyon patuloy.’
c Ang isang ebidensiya ay na ito ay naglalaman ng Hebreong pananalitang “Ang Pangalan,” na isinulat nang buo o dinaglat, nang 19 na beses. Sumulat si Propesor Howard: “Ang pagbasa ng Banal na Pangalan sa isang Kristiyanong dokumento na sinipi ng isang sumasalungat na Judio ay kapansin-pansin. Kung ito ay isang Hebreong salin ng isang Griego o Latin na Kristiyanong dokumento, aasahan ng isa na masusumpungan ang adonai [Panginoon] sa teksto, hindi ang sagisag para sa di-dapat-bigkasing banal na pangalang YHWH. . . . Di-maipaliwanag ang paglalakip niya ng di-dapat-bigkasing pangalan. Matibay na ipinahihiwatig ng ebidensiya na natanggap ni Shem-Tob ang kaniyang kopya ng Mateo na mayroon nang Banal na Pangalan sa teksto at malamang na pinanatili niya iyon sa halip na manganib na magkasala ng pag-aalis niyaon.” Ginamit ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References ang Mateo (J2) ni Shem-Tob bilang suporta sa paggamit ng banal na pangalan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit mahalaga na makita ang kaibahan kung paano isinalin sa mga Bibliya ang Mateo 24:3?
◻ Ano ang kahulugan ng pa·rou·siʹa, at bakit dapat na pagtuunan ito ng pansin?
◻ Ano ang posibleng pagkakatulad ng Mateo 24:3 sa Griego at sa Hebreo?
◻ Anong salik hinggil sa panahon ang kailangan nating malaman sa pag-unawa sa Mateo kabanata 24?
[Larawan sa pahina 10]
Ang Bundok ng mga Olibo, na mula rito’y matatanaw ang Jerusalem