Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 10/15 p. 20-23
  • Matatanda—Mag-atas!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matatanda—Mag-atas!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kahalagahan ng Pagsasanay sa Iba
  • Ano ba ang Ibig Sabihin ng Mag-atas?
  • Kung Papaano Mag-aatas
  • Pag-aatas—Bakit at Paano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Nagsasanay at Nag-aatas ang mga Mapagpakumbaba
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2020
  • Matatanda—Sanayin ang Iba na Dalhin ang Pasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • “Ang mga Bagay na Ito ay Ipagkatiwala Mo sa mga Taong Tapat”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 10/15 p. 20-23

Matatanda​—Mag-atas!

SIYA ay isang lalaking matiyaga, mapagpakumbaba, na lubhang makatarungan at mahinahon dahil sa kaniyang mga karanasan sa buhay. Kaya naman, mahigit na tatlong milyong lalaki, mga babae, at mga bata ang may tiwalang umaasa sa kaniya ng payo. Kaniyang sinikap na huwag silang biguin. Mula umaga hanggang gabi, siya’y nakinig sa kanilang mga suliranin at matiyagang tinulungan sila upang malaman kung papaano kumakapit ang mga batas ng Diyos sa kanilang kalagayan. Oo, sa loob ng maikling panahon, mga 3,500 taon na ang lumipas, ang 12 tribo ng Israel ay hinatulan ng isang tao lamang​—si Moises.

Gayunman, si Jethro, na biyenang lalaki ni Moises, ay nabahala. Papaano nga magagawa ni Moises na magpatuloy sa gayong kalagayan? Kaya sinabi ni Jethro: “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti. Tunay na ikaw ay manghihina, ikaw at ang bayang ito na kasama mo, sapagkat ang gawaing ito ay totoong mabigat na pasanin para sa iyo. Hindi mo makakaya itong mag-isa.” (Exodo 18:17, 18) Ang solusyon? Pinayuhan ni Jethro si Moises na hatian ang iba ng kaniyang pananagutan. (Exodo 18:19-23) Mabuting payo!

Sa loob ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon, maraming matatanda, tulad ni Moises, ay sumusubok na mag-asikaso ng higit kaysa posible nilang asikasuhing mag-isa. Sila ay nag-oorganisa ng mga pulong at gayundin naghahanda at pagkatapos ay gumaganap ng mga bahagi sa programa sa isang paraang maayos, at epektibo. (1 Corinto 14:26, 33, 40; 1 Timoteo 4:13) Inaasikaso rin ng matatanda ang pangangailangan ng bawat miyembro ng kongregasyon. (Galacia 6:1; 1 Tesalonica 5:14; Santiago 5:14) Sila ang nangunguna sa pinakamahalagang gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14; Hebreo 13:7) Sila ay nagsasaayos din ng suplay ng literatura na kailangan ng kongregasyon para sa pamamahagi sa madla.

Karagdagan pa, may matatanda na inaatasan ng mga bahagi sa mga programa sa pansirkitong asamblea at pandistritong kombensiyon. Sila ay naglilingkod sa mga organisasyon ng mga asamblea at sa mga komite na nakikipagtalastasan sa mga ospital. Ang iba ay tumutulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. At sa lahat ng ito ay kasali ang kanilang pampamilyang pananagutan at ang kanilang pangangailangan na pakanin ang kanilang sarili sa espirituwal. (Ihambing ang Josue 1:8; Awit 110:3; 1 Timoteo 3:4, 5; 4:15, 16.) Papaano nagagawa ng gayong mga lalaking Kristiyano ang lahat ng ito? Katulad ni Moises sila ay nangangailangan ng tulong. Sila ay kailangang matutong mag-atas. Oo, ang isang taong hindi nag-aatas ay hindi mabuting organisador.

Ang Kahalagahan ng Pagsasanay sa Iba

Mayroon pang higit na mga dahilan para sa pananagutan ng pag-aatas. Sa ilustrasyon ni Jesus ng mga talento, bago umalis ang panginoon patungo sa mahabang paglalakbay, ipinatawag niya ang kaniyang mga alipin at inatasan sila ng sari-saring antas ng pananagutan. (Mateo 25:14, 15) Sa gayon, nagtagumpay ang panginoon sa maraming tunguhin. Una, habang siya ay wala, hinalinhan siya ng kaniyang mga alipin at nagpatuloy ang kinakailangang gawain gaya rin ng dati. Pangalawa, yamang mas malakas mangusap ang kilos kaysa salita, ang panginoon ay makapagmamasid sa mga kakayahan at katapatan ng kaniyang mga alipin. Ikatlo, binigyan ng panginoon ang kaniyang mga alipin ng pagkakataon na magkamit ng karanasan na lubhang kinakailangan.

Ang ilustrasyong ito ay may kahulugan para sa atin sa ngayon. Nang lisanin ni Jesus ang lupa, siya’y nagkatiwala ng pananagutan sa kaniyang pinahirang mga alagad. Ang mga natitira pa ay may pananagutan para sa pambuong-daigdig na mga kapakanan ng Kaharian. (Lucas 12:42) Sa modernong panahon sa pagganap ng pinahiran ng tungkulin ng pagiging katiwala, ang pagpapala ni Jehova ay makikita sa kaniyang organisasyon. Kaya naman, ang pagsulong nito ay kahanga-hanga. Aba, sa loob lamang ng nakalipas na limang taon, sinagisagan ng mahigit na isang milyong baguhan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig! Ito’y nagbunga ng libu-libong bagong kongregasyon at daan-daang bagong mga sirkito.

Kung papaano nag-atas si Jesu-Kristo ng mga pananagutan sa “tapat at maingat na alipin,” sila naman ay nag-atas ng pangkongregasyong mga pananagutan sa matatanda at ministeryal na mga lingkod ng “mga ibang tupa.” (Mateo 24:45-47; Juan 10:16) Gayumpaman, higit na mga lalaking nag-alay ang kinakailangan upang mag-asikaso ng kaylaki-laking pagsulong. Saan sila manggagaling? Kailangan silang sanayin ng matatanda. Subalit papaano masasanay ng matatanda ang gayong mga lalaki kung hindi sila mag-aatas ng naaangkop na mga pananagutan sa mga indibiduwal na nagpapakitang sila’y may kakayahan? Papaano pa magkakaroon ang matatanda ng pagkakataon na obserbahan ang mga kakayahan at katapatan ng nakababatang mga lalaki?

Ano ba ang Ibig Sabihin ng Mag-atas?

Sa iba, ang “pag-aatas” ay nangangahulugan ng pagdidiskarga, pag-iwas, pagpapabaya, o pagbibitiw ng kanilang mga pananagutan. Subalit, kung tumpak na gagamitin, ang “pag-aatas” ay tunay na isang paraan ng pagganap ng mga pananagutan. Ang pandiwa sa Tagalog na “mag-atas” ay salin sa Ingles na “to delegate,” na may kahulugan na, “ipagkatiwala sa iba; hirangin bilang kinatawan ng isa; mag-atas ng pananagutan o autoridad.” Gayumpaman, ang nag-atas ay siya pa ring sa wakas may pananagutan sa ginawa.

Ang iba ay baka umiiwas ng pag-aatas sapagkat sila’y natatakot na mawalan ng kapangyarihan. Subalit, ang pag-aatas ay hindi naman nangangahulugan ng pagkawala ng kapangyarihan. Bagaman di-nakikita at naghahari buhat sa langit, si Kristo Jesus ay may lubos na kapangyarihan sa kongregasyong Kristiyano. Sa kabilang dako, kaniyang ipinagkakatiwala ang kongregasyon sa pangangalaga ng mga lalaking may karanasan.​—Efeso 5:23-27; Colosas 1:13.

Ang iba naman ay baka ayaw mag-atas sapagkat inaakala nilang mas mabilis kung sila ang gagawa ng trabaho. Datapuwat, nakita ni Jesus ang kahalagahan ng pagsasanay sa iba. Walang sinuman sa lupa ang nagturo na lalong mabisa kaysa kay Jesus. (Juan 7:46) Gayunman, pagkatapos na magbigay ng kaniyang mga tagubilin sa 70 ng kaniyang mga alagad, kaniyang isinugo sila sa pangangaral. Bagaman hindi nila mapantayan si Jesus sa kahusayang magturo, sila’y nangagbalik na may labis na kagalakan sa kanilang tagumpay. Si Jesus ay nakigalak sa kanila at binigyan sila ng komendasyon, sapagkat batid niya na kanilang ipagpapatuloy ang gawain pagkaalis niya at sa wakas ay higit pa ang magagawa nila kaysa kaniya na nag-iisa nang gumawa.​—Lucas 10:1-24; Juan 14:12.

Ang pag-aatas ay nangangahulugan din ng pagtanggap ng tulong sa kinakailangang mga detalye. Nang araw bago mamatay si Jesus, kaniyang inatasan si Pedro at si Juan na gumawa ng kinakailangang mga kaayusan para sa kaniyang huling hapunan ng Paskua. (Lucas 22:7-13) Hindi kinailangan na mag-alala si Jesus kung tungkol sa pagbili ng isang kordero, ng alak, ng tinapay na walang lebadura, at ng mapapait na gulay; ni kinailangan man niya na likumin pa ang mga gamit, ang panggatong, at iba pa. Sina Pedro at Juan ang nangasiwa ng mga detalyeng iyon.

Ang matatanda sa ngayon ay maaaring magtamasa ng nakakatulad na mga kapakinabangan kung kanilang tutularan si Jesus. Halimbawa, ang nag-aasikaso ng literatura ay maaaring hilingan na pumidido ng kinakailangang mga gagamitin para sa isang napipintong kampaniya. Maaaring sabihan siya na suriin ang kaniyang mga rekord upang alamin kung papaano ginamit sa nakalipas na kampaniya ang nahahawig na mga bagay. Kaniya ring maisasaalang-alang ang mga katangian ng teritoryo ng kongregasyon bago ihanda ang angkop na porma para sa pagpedido. Pagkatapos ay maisusumite niya ang porma sa kalihim ng kongregasyon para alamin kung tama. Minsang matutuhan ng lingkod ng literatura ang kaniyang trabaho, hindi na kailangan para sa kalihim na i-double check ang nakaraang mga rekord kung ang mga total naman sa order form ay makatuwiran. Maliwanag, ang simpleng gawain ng pag-aatas ay magpapadali sa pagpapasok ng literature order at magiging simple para sa lahat ng kinauukulan.

Sa liwanag ng gayong potensiyal na mga kapakinabangan, papaano makapag-aatas nang mabisa ang isa?

Kung Papaano Mag-aatas

Liwanagin ang trabaho. Una sa lahat, liwanagin kung anong mga resulta ang inaasahan. “Mangalakal hanggang sa ako’y dumating” ang sabi ng “mahal na tao” sa kaniyang sampung alipin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga mina. (Lucas 19:12, 13) Inaasahan ng panginoon na ang mga alipin ay mangangalakal upang magtubo ang kaniyang mina at pagkatapos ay iuulat ang kanilang tinubo sa kaniyang pagbabalik. Batid nila kung ano ang kailangan nilang gawin. Papaano kakapit ang simulaing ito sa isang modernong proyekto ng Kingdom Hall? Bilang isang halimbawa, ang kapatid na naatasan na magkumpuni ng bubong ay karaniwan nang pagsasabihan kung anong mga materyales ang gagamitin, kung saan makabibili nito, at kung kailan pasisimulan ang trabaho, kung ipahihintulot ng lagay ng panahon. Ang gayong espesipikong mga panuntunan ay nagbubunga ng mabuting organisasyon.

Mahalaga na liwanagin hindi lamang kung ano ang kasali sa isang trabaho kundi pati kung ano ang mga desisyon na pinapayagang gawin ng isang tao at kung anong mga bagay naman ang dapat na ipagbigay-alam muna kung kanino man. Sinabi ni Moises sa kaniyang mga inatasan na sila’y hahatol sa maliliit na kaso, ngunit ang mahihirap na kaso ay kailangang dalhin sa kaniya.​—Exodo 18:22.

Sa pag-aatas ng mga pananagutan, iwasan ang pag-aatas sa dalawang tao ng iisang gawain. Pagka higit sa isang tao ang inatasan ng iisang gawain, ang resulta ay gulo. Gunigunihin kung ano ang mangyayari kung sa isang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, kapuwa ang Cleaning Department at ang Food Service Department ay binigyan ng pananagutan na maglinis ng mga lugar na pinagkakainan, o kung kapuwa ang Attendant Department at ang Immersion Department ay inatasan na magdirekta sa mga tagapagmasid sa panahon ng bautismo.

Pumili ng may kakayahan na mga lalaki. Ipinayo ni Jethro kay Moises: “Ikaw mismo ang hahanap ng may kakayahan, may takot sa Diyos na mga lalaki sa gitna ng buong bayan, tapat at di-nasusuhulang mga lalaki, at hirangin sila sa mga tungkulin sa bayan.” (Exodo 18:21, The New English Bible) Maliwanag, ang isang lalaki ay kailangang makatugon muna sa espirituwal na mga kuwalipikasyon. Upang matiyak kung ang isa ay “may kakayahan” sa paggawa ng gawaing kinakailangan, dapat isaalang-alang ang mga bagay na gaya ng mga katangian ng personalidad, karanasan, kasanayan, at mga talento. Sa gayon, ang isang Kristiyano na lalong higit na magiliw, kawili-wiling kasama, matulungin ay malamang na mas angkop ilagay sa magazine counter o magsilbing isang attendant. Sa katulad na paraan, sa pagpili ng isa na tutulong sa kalihim ng kongregasyon, makatuwirang isaalang-alang kung gaano siya kaayos gumawa. Siya ba ay nagbibigay-pansin sa mga detalye, siya ba’y maaasahan, at mapagkakatiwalaan? (Lucas 16:10) Ang pagsasaalang-alang sa ganiyang mga bagay bukod sa kinakailangang espirituwal na mga kuwalipikasyon ay tutulong upang ibagay sa trabaho ang lalaking karapat-dapat.

Bigyan ng sapat na magagamit. Ang isang naglilingkod ay nangangailangan ng mga bagay na magagamit upang matapos ang gawaing iniatas sa kaniya. Baka siya ay mangailangan ng kagamitan, pondo, o tulong. Bigyan siya ng sapat na magagamit. Halimbawa, ang isang kapatid na lalaki ay baka inatasan na gumawa ng ilang kinakailangang pagkukumpuni sa Kingdom Hall. Maliwanag, kailangang sabihin sa kaniya kung ano ang kailangang gawin, ngunit baka siya’y mangailangan din ng kaunting pera upang ibili ng magagamit na materyales. Baka siya ay mangailangan ng katulong. Kaya maaaring ang iba ay atasan ng matatanda upang tumulong sa kaniya o gumawa ng isang patalastas na ‘Si Brother Ganoo’t-ganito ay gagawa ng ganoo’t-ganitong trabaho sa bulwagan, at marahil lalapit siya sa ilan sa inyo upang humingi ng tulong.’ Sa ganiyang patiunang pagsasaalang-alang ay maiiwasan ng isa ang pag-aatas ng isang trabaho nang hindi naglalaan ng sapat na mga pangangailangan. “Huwag gumawa ng kulang na pag-aatas” ang paraan ng pagkasabi ng isang kasangguni ng pangasiwaan.

Sa pag-aatas ng pananagutan, ipabatid sa iba na ang taong iyon ay kumakatawan sa iyo. Ang autoridad na kumilos bilang kinatawan mo ay kailangan din. Si Josue ay isinugo bilang ang bagong lider ng Israel sa harap ng “buong asamblea.” Ibinilin kay Moises na “lagyan siya ng [kaniyang] karangalan.” (Bilang 27:18-23) Sa kongregasyon, ganiyan din ang maaaring maisagawa sa pamamagitan ng pagpapaskil lamang sa information board ng isang listahan ng mga inatasan ng dapat gawin.

Suportahan ang kanilang mga desisyon. Ngayon ang isang inatasan ay maaari nang magpatuloy sa gawaing iniatas. Subalit, tandaan na ikaw ay maaaring magsilbing isang tunay na pampatibay-loob kung iyong susuportahan ang kaniyang mabubuting desisyon. Halimbawa, bilang isang matanda baka ikaw ay may sariling paraan tungkol sa pagpupuwesto ng mga mikropono at mga muwebles sa plataporma ng Kingdom Hall, marahil medyo naiiba sa paraan ng paggawa niyaon ng inatasang kapatid. Gayunman, kung ang kapatid na nag-aasikaso ng plataporma ay binigyan ng kaunting kalayaan sa kaniyang paggawa, malamang na siya’y magkakaroon ng kompiyansa at karanasan. Bukod dito, baka mapahusay pa niya ang mga bagay-bagay. Sabi ng isang kasangguni sa negosyo: “Iatas ang trabaho, hindi kung papaano iyon gagawin. . . . Malimit, dito nahahayag ang talento sa paglikha.”

Isa pa, ang kapatid na aktuwal na gumagawa ng trabaho, sa madali’t sabi, ang kalimitan na lalong napapahantad sa isang partikular na situwasyon at sa gayon ay may mas mainam na unawa sa kaugnay na mga suliranin niyaon. Malamang na kaniyang haharapin ang mga suliranin sa pamamagitan ng mga solusyon na talagang praktikal. Marahil ay nakikita niya ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tagapagmasid. Kaya naman, isang tagapangasiwang Kristiyano ang nagsabi ng ganito tungkol sa isang may karanasang kapatid na tumulong sa kaniya: “Kung kaniyang sasabihin na siya’y may ilang problema, ako’y maniniwala sa kaniyang sinasabi.”

Oo, ang isang napakahalagang katulong ng Kristiyanong matatanda ay ang nag-alay na mga lalaki at mga babaing magkukusa at makatutulong sa anumang paraan na sila’y hinihilingan niyaon. Matatanda, gamitin ninyo ang napakahusay na kagamitang ito! Ang pag-aatas ay isang tanda ng kahinhinan at maaaring magpagaang ng kagipitan at ng kabiguan. Sa gayon ikaw ay hindi lamang makagagawa ng higit pa kundi bibigyan mo ang iba ng pagkakataon na magkamit ng kinakailangang karanasan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share