Hindi si Jehova ang Dapat Sisihin
“Kung papaanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.”—AWIT 103:13, 14.
1, 2. Sino ba si Abraham, at papaano nangyaring ang kaniyang pamangking si Lot ay tumahan sa balakyot na siyudad ng Sodoma?
HINDI si Jehova ang may kagagawan ng mga kahirapan na maaaring dinaranas natin dahilan sa ating mga pagkakamali. Sa bagay na ito, isaalang-alang ang nangyari mga 3,900 taon na ngayon ang lumipas. Ang kaibigan ng Diyos na si Abraham (Abram) at ang kaniyang pamangking si Lot ay umunlad na mainam ang kabuhayan. (Santiago 2:23) Sa katunayan, ang kanilang mga ari-arian at mga hayupan ay napakarami na anupat ‘hindi makayanan ng lupain na sila’y manahang magkasama.’ Isa pa, nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga pastol ng dalawang lalaki. (Genesis 13:5-7) Ano ang maaaring gawin tungkol dito?
2 Upang matapos ang di-pagkakaunawaan, iminungkahi ni Abraham na sila’y maghiwalay, at hinayaan niyang si Lot ang unang pumili. Bagaman si Abraham ang nakatatanda at magiging angkop naman na pumayag ang kaniyang pamangkin na sa kaniya mapapunta ang pinakamagaling na lugar, ang pinili ni Lot ay ang pinakamagaling na rehiyon—ang buong patubigang distrito ng Kapatagan ng Jordan. Ang panlabas na hitsura ay mapandaya, sapagkat karatig niyaon ang imoral na mga siyudad ng Sodoma at Gomora. Si Lot at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa Sodoma nang bandang huli, at isinapanganib nito ang kanilang espirituwalidad. Isa pa, sila’y naging bihag nang magapi ni Haring Chedorlaomer at ng kaniyang mga kaalyada ang hari ng Sodoma. Sila’y iniligtas ni Abraham at ng kaniyang mga tauhan, subalit si Lot at ang kaniyang pamilya ay bumalik sa Sodoma.—Genesis 13:8-13; 14:4-16.
3, 4. Ano ang nangyari kay Lot at sa mga miyembro ng kaniyang pamilya nang puksain ng Diyos ang Sodoma at Gomora?
3 Dahilan sa seksuwal na kahalayan at napakababang moral ng Sodoma at Gomora, ipinasiya ni Jehova na puksain ang mga siyudad na iyon. May kaawaang nagsugo siya ng dalawang anghel na umakay kay Lot, sa kaniyang asawa at sa kanilang dalawang anak na babae upang makalabas sa Sodoma. Sila’y sinabihan na huwag lilingon, subalit ang asawa ni Lot ay lumingon, marahil siya’y nanghihinayang sa materyal na mga bagay na naiwan doon. Sa mismong sandaling iyon, siya’y naging isang haligi ng asin.—Genesis 19:1-26.
4 Anong laking kalugihan ang dinanas ni Lot at ng kaniyang mga anak na babae! Kinailangang iwan ng mga dalaga ang mga lalaking kanilang magiging asawa. Si Lot ngayon ay nawalan ng kaniyang asawa at ng kaniyang kayamanan. Sa katunayan, sa wakas ay namuhay na lamang siya sa isang yungib kasama ang kaniyang mga anak na babae. (Genesis 19:30-38) Ang sa tingin niya noon ay isang bagay na mabuti ay kabaligtaran pala. Kahit na maliwanag na siya’y nakagawa ng ilang malulubhang pagkakamali, nang bandang huli siya’y tinawag na ang “matuwid na si Lot.” (2 Pedro 2:7, 8) At tunay na hindi ang Diyos na Jehova ang dapat sisihin sa mga pagkakamali ni Lot.
“Mga Pagkakamali—Sino ang Makatatalos?”
5. Ano ang nadama ni David tungkol sa mga pagkakamali at mga kapalaluan?
5 Palibhasa di-sakdal at makasalanan, lahat tayo ay nagkakamali. (Roma 5:12; Santiago 3:2) Tulad ni Lot, baka tayo ay madaya ng panlabas na hitsura at magkamali sa paghatol. Sa gayon, ang salmistang si David ay nanalangin: “Mga pagkakamali—sino ang makatatalos? Ako’y iyong pawalang-sala sa mga kubling kasalanan. At sa mga gawang kapalaluan ay pigilin mo ang iyong lingkod; ang mga yaon ay huwag mong pagtaglayin ng kapangyarihan sa akin. Kaya naman ako’y magiging sakdal, at magiging malinis ako sa malaking pagsalansang.” (Awit 19:12, 13) Batid ni David na baka siya’y magkasala nang hindi man lamang niya namamalayan. Kaya naman, siya’y nanalangin na pawalang-sala sa mga kubling kasalanan. Nang siya’y gumawa ng isang malubhang pagkakamali dahilan sa ang kaniyang di-sakdal na laman ang nag-udyok sa kaniya na gumawa ng mali, lubhang hinangad niya ang tulong ni Jehova. Nais niyang pigilin siya ng Diyos sa mga gawang kapalaluan. Ayaw ni David na ang kapalaluan ang mangibabaw sa kaniya. Bagkus, ang nais niya ay maging sakdal ang kaniyang debosyon sa Diyos na Jehova.
6. Anong kaaliwan ang makukuha sa Awit 103:10-14?
6 Bilang kasalukuyang nag-alay na mga lingkod ni Jehova, tayo rin naman ay di-sakdal at samakatuwid ay nakagagawa ng mga pagkakamali. Halimbawa, katulad ni Lot, baka tayo ay makagawa ng isang di-mabuting pasiya tungkol sa ating lugar na tirahan. Marahil ay pinalampas natin ang isang pagkakataon na mapalawak ang ating banal na paglilingkod sa Diyos. Bagaman nakikita ni Jehova ang gayong mga pagkakamali, batid niya na yaong may pusong nakahilig sa katuwiran. Kahit na kung tayo’y magkasala nang malubha subalit nagsisi, tayo’y pinatatawad ni Jehova at tinutulungan at patuloy na kinikilala tayo bilang mga taong maka-Diyos. “Siya’y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan; ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan,” ang pahayag ni David. “Sapagkat kung papaano ang mga langit ay mas mataas kaysa lupa, gayong kalaki ang kaniyang maibiging-awa sa mga natatakot sa kaniya. Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilayo niya sa atin ang mga pagsalansang natin. Kung papaano ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.” (Awit 103:10-14) Maaari rin namang pangyarihin ng ating maawaing Ama sa langit na maiwasto natin ang ating pagkakamali o maaaring pagkalooban tayo ng isa pang pagkakataon na mapalawak ang ating banal na paglilingkod, sa kaniyang ikapupuri.
Ang Kamalian ng Paninisi sa Diyos
7. Bakit tayo dumaranas ng mga kahirapan?
7 Pagka napasamâ ang mga bagay, likas na sa tao na sisihin ang iba o ang isang bagay dahil sa nangyari. May iba na sinisisi pati ang Diyos. Subalit si Jehova ay hindi nagdadala ng gayong mga kahirapan sa mga tao. Siya’y gumagawa ng mabuti, hindi ng nakapipinsalang mga bagay. Aba, “pinasisikat niya sa mga taong balakyot at pati sa mabubuti ang kaniyang araw at nagpapaulan sa mga taong matuwid at di-matuwid”! (Mateo 5:45) Ang isang pangunahing dahilan kung bakit tayo dumaranas ng mga kahirapan ay sapagkat namumuhay tayo sa isang sanlibutan na kumikilos batay sa mapag-imbot na mga simulain at nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas na Diyablo.—1 Juan 5:19.
8. Ano ang ginawa ni Adan nang hindi mapatugma para sa kaniya ang mga bagay-bagay?
8 Ang paninisi sa Diyos na Jehova dahilan sa mga kahirapan na dulot sa atin ng ating mga pagkakamali ay hindi matalino at mapanganib pa nga. Ang paggawa ng gayon ay maaaring magpahamak pa sa ating buhay. Ang unang tao, si Adan, ay dapat sanang sa Diyos nagbigay ng kapurihan dahil sa lahat ng mabubuting bagay na kaniyang tinanggap. Oo, si Adan ay dapat sanang kumilala ng malaking utang na loob kay Jehova dahil sa buhay mismo at sa mga pagpapalang kaniyang tinamasa sa isang tulad-parkeng tahanan, ang halamanan ng Eden. (Genesis 2:7-9) Ano ang ginawa ni Adan nang hindi mapatugma para sa kaniya ang mga bagay-bagay dahilan sa siya’y sumuway kay Jehova at kinain ang ibinawal na bungangkahoy? Si Adan ay nagreklamo sa Diyos: “Ang babaing ibinigay mo upang aking makasama, siya ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at aking kinain.” (Genesis 2:15-17; 3:1-12) Oo, hindi natin dapat sisihin si Jehova, gaya ng ginawa ni Adan.
9. (a) Kung tayo’y napapaharap sa mga kahirapan dahilan sa ating pagkilos nang may kamangmangan, saan tayo makakukuha ng kaaliwan? (b) Sang-ayon sa Kawikaan 19:3, ano ang ginagawa ng iba pagka dinudulutan nila ng mga kahirapan ang kanilang sarili?
9 Kung tayo’y napapaharap sa mga kahirapan dahilan sa ating pagkilos na may kamangmangan, tayo’y makakakuha ng kaaliwan buhat sa kaalaman na ang ating mga kahinaan ay mas nauunawaan ni Jehova kaysa nauunawaan natin at ililigtas tayo sa gayong mga kahirapan kung pag-uukulan natin siya ng bukud-tanging debosyon. Dapat nating pasalamatan ang banal na tulong na ating tinatanggap, na hindi sinisisi ang Diyos sa mga kalagayan at mga kahirapan na idinudulot natin sa ating sarili. Tungkol dito isang pantas na kawikaan ang nagsasabi: “Ang kamangmangan ng makalupang tao ang sumisira ng kaniyang lakad, at ang kaniyang puso ay nagagalit laban kay Jehova mismo.” (Kawikaan 19:3) Isa pang pagkasalin ang nagsasabi: “May mga taong nagpapahamak sa kanilang sarili nang dahil sa kanilang sariling kamangmangan sa pagkilos at pagkatapos ay sinisisi ang PANGINOON.” (Today’s English Version) Isa pa ring salin ang nagsasabi: “Ang kawalang-muwang ng isang tao ang nagpapagulo sa kaniyang pamumuhay at siya’y nagngangalit laban kay Jehova.”—Byington.
10. Papaanong ang kamangmangan ni Adan ay ‘nagpasamâ sa kaniyang lakad’?
10 Sa pagsunod sa simulain ng kawikaang ito, si Adan ay kumilos nang may pag-iimbot at ang kaniyang mangmang na kaisipan ang ‘naglihis sa kaniyang lakad.’ Ang kaniyang puso ay humiwalay sa Diyos na Jehova, at siya’y lumakad nang ayon sa kaniyang sariling mapag-imbot, mapagsariling landasin. Oo, si Adan ay naging isang taong sukdulan ang kawalang utang na loob na anupat kaniyang sinisi ang kaniyang Maylikha at sa gayo’y ginawa niya ang kaniyang sarili na kaaway ng Kataas-taasan! Ang pagkakasala ni Adan ang nagpahamak sa kaniyang sariling lakad at pati sa kaniyang pamilya. Anong inam na babala ang taglay nito! Ang mga mahilig na sisihin si Jehova sa di-kanais-nais na mga kalagayan ay makabubuting magtanong sa sarili: Binibigyan ko ba ng kapurihan ang Diyos sa mabubuting bagay na tinatamasa ko? Ako ba’y napasasalamat na mayroon akong buhay bilang isa sa kaniyang mga nilalang? Maaari kayang ang aking sariling pagkakamali ang nagdulot ng kahirapan sa akin? Ako ba’y karapat-dapat sa pagpapala o tulong ni Jehova dahilan sa pagsunod sa kaniyang patnubay, ayon sa nasusulat sa kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya?
Isang Panganib Maging sa mga Lingkod ng Diyos
11. Kung tungkol sa Diyos, ang mga lider ng relihiyong Judio noong unang siglo ay nagkasala ng ano?
11 Ang mga lider ng relihiyong Judio noong unang siglo C.E. ay nag-angkin na naglilingkod sa Diyos subalit nagpabaya sa kaniyang salita ng katotohanan at sumandig sa kanilang sariling unawa. (Mateo 15:8, 9) Dahilan sa ibinunyag ni Jesu-Kristo ang kanilang maling kaisipan, siya’y kanilang pinatay. Pagkatapos, sila’y lubhang nagngalit laban sa kaniyang mga alagad. (Gawa 7:54-60) Napakasama ang lakad ng mga taong iyon anupat aktuwal na nagngalit sila laban kay Jehova mismo.—Ihambing ang Gawa 5:34, 38, 39.
12. Anong halimbawa ang nagpapakita na maging ang ilan sa mga kaugnay sa kongregasyong Kristiyano ay nagtangkang sisihin si Jehova sa kanilang kahirapan.
12 Maging ang ilan sa kongregasyong Kristiyano ay nagkaroon ng mapanganib na kaisipan, tinangka nila na panagutin ang Diyos sa mga kahirapan na kanilang nakaharap. Halimbawa, sa isang kongregasyon ay napag-alaman ng hinirang na matatanda na kailangang bigyan ang isang kabataang babaing may asawa ng may kabaitan ngunit may katatagang payo buhat sa Kasulatan laban sa pagsama-sama sa isang lalaking makasanlibutan. Minsan nang tinatalakay ang tungkol doon, kaniyang sinisi ang Diyos sa hindi pagtulong sa kaniya na malabanan ang tukso na dulot sa kaniya ng kaniyang patuloy na pagsama-sama sa lalaki. Aktuwal na sinabi niya na siya’y galit na galit sa Diyos! Ang pangangatuwiran buhat sa Kasulatan at ang paulit-ulit na pagsisikap na matulungan siya ay nawalan ng kabuluhan, at ang paggawa ng imoralidad nang bandang huli ang nagbunga ng kaniyang pagkatiwalag sa kongregasyong Kristiyano.
13. Bakit dapat iwasan ang pagrereklamo?
13 Ang pagrereklamo ay maaaring makaakay sa isang tao na sisihin si Jehova. “Mga taong liko” na nagsipasok nang lihim sa kongregasyon noong unang siglo ang may ganiyang masamang espiritu, at iyon ay may kasama pang ibang uri ng masamang kaisipan sa espirituwal. Gaya ng sinabi ng alagad na si Judas, “ginagawang dahilan ng mga taong ito ang di-sana nararapat na awa ng ating Diyos sa paggawa ng kahalayan at nagtatatwa sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” Sinabi rin ni Judas: “Ang mga taong ito ay mga mapagbulong, mga mareklamo tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay.” (Judas 3:4, 16) Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay may katalinuhang mananalangin na sila’y magkaroon ng espiritu ng pagpapahalaga, hindi ng saloobin ng pagrereklamo na maaaring balang araw ay ikasamâ ng loob nila hanggang sa sukdulang sila’y mawalan ng pananampalataya sa Diyos at manganib ang kanilang kaugnayan sa kaniya.
14. Papaano maaaring maapektuhan ang isa kung nagdamdam sa isang kapuwa Kristiyano, subalit bakit hindi ito nararapat gawin?
14 Marahil ay aakalain mo na ito’y hindi mangyayari sa iyo. Subalit, ang mga bagay na napapasamâ dahilan sa mga pagkakamali natin o ng iba ay maaaring sa bandang huli maging dahilan ng paninisi natin sa Diyos. Halimbawa, ang isang tao ay baka magdamdam sa sinabi o ginawa ng isang kapananampalataya. Ang nagdamdam na tao—marahil isang nakapaglingkod nang may katapatan kay Jehova sa loob ng maraming taon—ay baka magsabi: ‘Habang ang taong iyan ay nasa kongregasyon, hindi ako dadalo sa mga pulong.’ Ang isang tao ay baka lubhang magdamdam anupat sinasabi niya sa kaniyang puso: ‘Kung magpapatuloy ang ganitong mga bagay, hindi ko na ibig maging bahagi ng kongregasyon.’ Subalit ang isang Kristiyano ba ay dapat magkaroon ng gayong saloobin? Kung nagdamdam nang dahil sa isang taong di-sakdal, bakit magagalit at sasamâ ang loob sa isang buong kongregasyon ng mga taong tinatanggap naman ng Diyos at naglilingkod sa kaniya nang may katapatan? Bakit ang sinumang nag-alay kay Jehova ay hihinto sa paggawa ng banal na kalooban at sa gayo’y sa Diyos ibubunton ang galit? Matalino ba na payagang sirain ng sinumang tao o ng mga kalagayan ang mabuting kaugnayan ng isa kay Jehova? Tunay, isang kamangmangan at kasalanan na huminto ng pagsamba sa Diyos na Jehova sa anumang kadahilanan.—Santiago 4:17.
15, 16. Ano ang kasalanan ni Diotrephes, subalit papaano gumawi si Gayo?
15 Gunigunihin na ikaw ay kakongregasyon ng maibiging Kristiyanong si Gayo. Siya’y “gumagawa ng isang tapat na gawain, sa pagmamagandang-loob sa dumadalaw na mga kapananampalataya—at mga di-kilala pa nga! Subalit maliwanag na sa kongregasyon ding iyon, naroon ang mayabang na taong si Diotrephes. Ayaw niyang tumanggap ng anuman na may kinalaman kay Juan, isa sa mga apostol ni Jesu-Kristo. Sa katunayan, si Diotrephes ay naghatid-dumapit pa tungkol kay Juan sa pagpaparatang ng masasamang salita. Sinabi ng apostol: “Palibhasa‘y hindi nasisiyahan sa mga bagay na ito, ni hindi man niya [ni Dioptrephes] tinatanggap nang may paggalang ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan pa niya at pinalalayas sila sa kongregasyon.”—3 Juan 1, 5-10.
16 Pagka nagpunta si Juan sa kongregasyon, ibig niyang itawag-pansin ang ginawa ni Diotrephes. Samantala, papaano naapektuhan si Gayo at ang iba pang mapagpatuloy na mga Kristiyano sa kongregasyong iyon? Walang ipinakikita ang Kasulatan na sinuman sa kanila ay nagsabi: ‘Habang si Diotrephes ay nasa kongregasyon, hindi ko ibig maging bahagi nito. Hindi ninyo ako makikita sa mga pagpupulong.’ Tiyak na si Gayo at ang iba pang katulad niya ay nanindigang matatag. Hindi nila pinayagang sila’y pahintuin ng anuman sa paggawa ng banal na kalooban, at tiyak na hindi sila nagngalit laban kay Jehova. Hindi, hindi nga, at hindi sila napadala sa tusong mga pakana ni Satanas na Diyablo, na kaipala’y magagalak kung sila’y tumalikod kay Jehova at sinisi ang Diyos.—Efeso 6:10-18.
Huwag Kailanman Magngangalit Laban kay Jehova
17. Papaano tayo dapat kumilos kung may sinuman o kalagayan na nagiging dahilan ng ating pagdaramdam o pagkagalit?
17 Kahit na kung may sinuman o kalagayan sa kongregasyon na naging dahilan ng pagkagalit o pagdaramdam ng isang lingkod ng Diyos, talagang sisirain ang kaniyang sariling lakad ng isang nagdaramdam kung siya’y hihinto ng pakikisama sa bayan ni Jehova. Ang gayong tao ay hindi kumikilos na wastong ginagamit ang kaniyang kakayahang umunawa. (Hebreo 5:14) Kaya maging desididong harapin ang lahat ng mga kahirapan bilang isang tagapag-ingat ng katapatan. Manatiling tapat sa Diyos na Jehova, kay Jesu-Kristo, at sa kongregasyong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Ang katotohanan na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan ay dito lamang matatagpuan.
18. Bagaman hindi natin laging nauunawaan ang mga pakikitungo ng Diyos, ano ang matitiyak natin tungkol sa Diyos na Jehova?
18 Alalahanin din na hindi tinutukso ni Jehova ang sinuman sa pamamagitan ng masasamang bagay. (Santiago 1:13) Ang Diyos, na siyang ulirang halimbawa ng pag-ibig ay gumagawa ng mabuti, lalo na para sa mga umiibig sa kaniya. (1 Juan 4:8) Bagaman hindi natin laging nauunawaan ang mga pakikitungo ng Diyos, tayo’y makapagtitiwala na ang Diyos na Jehova ay hindi kailanman mabibigo ng paggawa ng pinakamagaling para sa kaniyang mga lingkod. Gaya ng sinabi ni Pedro: “Magpakababa kayo, kung gayon, sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo’y kaniyang itaas sa takdang panahon; habang inyong inilalagak sa kaniya ang lahat ng kabalisahan, sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.” (1 Pedro 5:6, 7) Oo, talagang ipinagmamalasakit ni Jehova ang kaniyang bayan.—Awit 94:14.
19, 20. Papaano tayo dapat kumilos, kahit na ang mga pagsubok sa atin kung minsan ay nagdudulot sa atin ng panlulumo?
19 Kung gayon, huwag hayaang ang anuman o ang sinuman ay makatisod sa iyo. Gaya ng mainam na pagkasabi ng salmista, “saganang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig sa kautusan [ng Diyos na Jehova], at sila’y walang kadahilanang ikatitisod.” (Awit 119:165) Lahat tayo ay dumaranas ng mga pagsubok, at ang mga ito ay maaaring maging dahilan ng ating halos panlulumo at pagkasira ng loob paminsan-minsan. Subalit huwag hayaang ang samâ ng loob ay mag-usbong sa iyong puso, lalo na laban kay Jehova. (Kawikaan 4:23) Sa tulong niya at salig sa Kasulatan, lutasin ang mga suliranin na malulutas mo at pagtiisan yaong matitirang hindi pa nalulutas.—Mateo 18:15-17; Efeso 4:26, 27.
20 Huwag hayaang itulak ka ng iyong mga emosyon upang kumilos nang may kamangmangan at sa gayo’y pasamain ang iyong lakad. Magsalita at kumilos sa paraan na magpapagalak sa puso ng Diyos. (Kawikaan 27:11) Manalangin kay Jehova nang buong kataimtiman, sa pagkaalam na talagang ikaw ay ipinagmamalasakit niya bilang isa sa kaniyang mga lingkod at bibigyan ka ng unawa na kailangan upang makapanatili ka sa landas ng buhay kasama ng kaniyang bayan. (Kawikaan 3:5, 6) Higit sa lahat, huwag magngangalit laban sa Diyos. Kapag napasamâ ang mga bagay, laging alalahanin na hindi si Jehova ang dapat sisihin.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang pagkakamali ni Lot, ngunit ano ang pagkakilala sa kaniya ng Diyos?
◻ Ano ang nadama ni David tungkol sa mga pagkakamali at mga kapalaluan?
◻ Pagka napasamâ ang mga bagay, bakit hindi natin dapat sisihin ang Diyos?
◻ Ano ang tutulong sa atin upang maiwasan ang pagngangalit laban kay Jehova?
[Larawan sa pahina 15]
Nang siya’y humiwalay kay Abraham, hindi isang mabuting lugar ang pinili ni Lot na maging tirahan