Matatanda—Muling Ituwid ang Iba Taglay ang Espiritu ng Kahinahunan
ANG puso ng isang tunay na Kristiyano ay maihahalintulad sa isang espirituwal na halamanan na nagbibigay ng mainam na bunga. Ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili ay normal na uunlad doon. At bakit hindi? Sa ibabaw ng lahat, ito ay mga bunga ng banal na espiritu na ibinigay ng Diyos na Jehova sa kaniyang nag-alay na mga lingkod. (Galacia 5:22, 23) Gayunman, ang bawat Kristiyanong nagnanasang magpatuloy sa mabuting kalagayan ang halamanan ng kaniyang puso bilang isang dakong nakalulugod sa kaniyang makalangit na Ama ay kailangang gumawa ng isang puspusan, patuluyang pakikipagbaka laban sa di-kanais-nais na mga bunga ng minanang kasalanan.—Roma 5:5, 12.
Manaka-naka, may isang di-kanais-nais na bagay na nagsisimulang lumaki sa isang di-sakdal na puso ng isang taong maka-Diyos. Siya ay maaaring may napakahusay na ulat sa espirituwalidad. Subalit walang anu-ano ay may bumangong isang suliranin, posible na nagsimula iyon sa di-kanais-nais na mga pakikihalubilo o sa isang di-matalinong desisyon. Papaano matutulungan ng matatanda sa kongregasyon ang gayong tao sa kaniyang espirituwalidad?
Payo ng Apostol
Sa pagtulong sa isang Kristiyano na nagkasala, kailangang sundin ng matatanda ang payo ni apostol Pablo: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling ituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili baka kayo man ay matukso rin.” (Galacia 6:1) Pagka ang isang kapananampalataya ay “nagkasala bago niya namalayan iyon,” ang matatanda ay may pananagutan na mag-alok ng tulong sa pinakamadaling panahon hangga’t maaari.
Si Pablo ay tumutukoy sa “isang tao” na nagkakasala. Subalit, ang salitang Griego (anʹthro·pos) na ginagamit dito ay maaaring kumapit sa isang lalaki o sa isang babae. At ano ba ang ibig sabihin ng “muling ituwid” ang isang tao? Ang salitang Griegong ito (ka·tar·tiʹzo) ay nangangahulugang “ilagay sa tamang ayos.” Ang salita ring iyan ang ginagamit sa paghahayuma ng mga lambat. (Mateo 4:21) Kumakapit din iyan sa pagsasauli sa nabaling paa o bisig ng isang tao. Maingat na ginagawa ito ng isang doktor upang ang kaniyang pasyente ay hindi makaramdam ng kirot na maaari namang iwasan. Gayundin, sa pagtulong sa isang kapatid na lalaki o babae upang malagay ang espirituwalidad sa tamang ayos tayo’y nangangailangan ng ingat, pamamaraan, at habag.
Ang matatanda ay nagpapatotoo ng kanilang sariling espirituwalidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng espiritu ng kahinahunan pagka sinisikap na muling ituwid ang isang tao. Tunay, ang mahinahong si Jesus ay makikitungo nang may kahinahunan sa gayong mga bagay. (Mateo 11:29) Nararapat sa matatanda na ipakita ang katangiang ito sa pakikitungo sa isang lingkod ni Jehova na nagkasala sapagkat sila mismo ay maaari ring madaig ng kasalanan, bagaman hindi gayon ang intensiyon nila sa kanilang puso. Ito ay maaaring mangyari sa hinaharap kung hindi man nangyari noong nakaraan.
Ang kuwalipikado sa espirituwal na mga lalaking ito ay maibiging ‘papasan ng mga pasanin’ ng kanilang mga kapananampalataya. Oo, taglay ng matatanda sa kanilang puso ang hangaring tulungan ang isang kapatid na lalaki o babae upang makipagbaka kay Satanas, sa mga tukso, sa mga kahinaan ng laman, at sa mga kagipitan na dulot ng kasalanan. Tunay na ito’y isang paraan upang “matupad [ng mga tagapangasiwang Kristiyano] ang kautusan ng Kristo.”—Galacia 6:2.
Ang mga taong may tunay na kuwalipikasyon sa espirituwal ay mapagpakumbaba, yamang batid nila na “kung inaakala ng sinuman na siya’y kung sino gayong wala naman siyang kabuluhan, dinaraya niya ang kaniyang sariling isip.” (Galacia 6:3) Gaano mang kasikap ang matatanda na gawin ang matuwid at makatulong sa iba, sila ay hindi pa rin makapapantay sa sakdal at mapagmahal at mahabaging Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ngunit iyan ay hindi dahilan upang hindi nila gawin ang pinakamagaling na magagawa nila.
Batid ng matatanda na maling pagwikaan nang may pagmamataas ang isang kapananampalataya, na para bang pinakamagaling ka sa kaninuman! Tiyak na hindi naman gagawin iyan ni Jesus. Oo, ibinigay niya ang kaniyang buhay hindi lamang para sa kaniyang mga kaibigan kundi kahit na para sa kaniyang mga kaaway! Ang matatanda ay nagsisikap na magpakita ng nakakatulad na pag-ibig sa pagtulong sa mga kapatid na mga lalaki o mga babae man sa kanilang mga suliranin at mailapit sila nang lalong higit sa kanilang makalangit na Ama at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Ano ang ilang mga hakbang na tutulong sa matatanda na muling ituwid ang mga kapananampalataya?
Ilang mga Hakbang na Tutulong
Magtiwala kay Jehova kasama ang panalangin samantalang nagsasalita at kumikilos sa paraang mahinahon. Si Jesus ay mahinahon, puspusang nanalangin sa kaniyang makalangit na Ama upang pumatnubay sa kaniya, at sa tuwina’y ginawa niya ang mga bagay na makalulugod sa Kaniya. (Mateo 21:5; Juan 8:29) Ang matatanda ay dapat gumawa ng ganiyan din pagka sinisikap na muling ituwid ang isang tao na nagkasala. Bilang isang maamong katulong na pastol, ang isang matanda ay makapagpapalakas at makapagpapatibay-loob sa pananalita, hindi nananakot. Sa pakikipag-usap, sisikapin niya na lumikha ng isang kapaligiran na kung saan ay madarama ng Kristiyanong nangangailangan ng tulong ang kaalwanan sa pagpapahayag ng kaniyang mga kaisipan. Sa bagay na iyan, ang taus-pusong pambungad na panalangin ay magiging isang malaking tulong. Ang isa namang pinapayuhan nang may kahinahunan ay lalong madaling magpapahayag ng kaniyang niloloob kung batid niya na, katulad ni Jesus, nais ng tagapayo na gawin ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Ang pangwakas na panalangin ay malamang na magkintal sa isip ng indibiduwal ng pangangailangan na ikapit ang payo na ibinigay sa kaniya sa gayong maibigin, mahinahong paraan.
Pagkatapos ng panalangin, magbigay ng taimtim na komendasyon. Ito’y maaaring may kaugnayan sa maiinam na mga katangian ng indibiduwal, tulad halimbawa ng kabaitan, pagkamaaasahan, o kasipagan. Maaaring tukuyin ang kaniyang rekord ng tapat na paglilingkod kay Jehova, marahil sa maraming taon na. Sa ganitong paraan, ating ipinakikita na tayo’y may malasakit at tulad-Kristong pagtingin sa taong iyon. Pinasimulan ni Jesus ang kaniyang mensahe sa kongregasyon ng Tiatira sa komendasyon, na nagsasabi: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa sa mga nauna.” (Apocalipsis 2:19) Ang mga salitang iyon ay nagbigay-katiyakan sa mga miyembro ng kongregasyon na may kamalayan si Jesus sa kanilang mabubuting gawa. Bagaman ang kongregasyon ay may mga pagkukulang—pinababayaang umiral doon ang impluwensiya ng isang “Jesebel”—sa ibang mga bagay naman ay gumagawa ito ng mabuti, at ibig ni Jesus na malaman ng mga kapatid na iyon na napapansin ang kanilang sigasig. (Apocalipsis 2:20) Sa katulad na paraan ang matatanda ay dapat magbigay ng komendasyon kung saan nararapat iyon.
Ang isang pagkakamali ay huwag pakitunguhan nang may higit na kalubhaan kaysa hinihiling ng mga kalagayan. Ipagsasanggalang ng matatanda ang kawan ng Diyos at pananatilihing malinis ang kaniyang organisasyon. Subalit ang ilang espirituwal na mga pagkakamali na nangangailangan ng matinding payo ay maaaring pakitunguhan sa pamamagitan ng tulong ng isang matanda o ng dalawa nang hindi na idinaraan sa paglilitis. Sa maraming kaso, ang kahinaan ng tao imbes na ang sinasadyang pagpapakasamâ ang sanhi ng pagkakasala ng isang Kristiyano. Dapat na tratuhin ng matatanda nang malumanay ang kawan at tandaan ito: “Ang paghuhukom ay walang awa doon sa hindi nagpakita ng awa. Ang awa ay lumuluwalhati laban sa paghuhukom.” (Santiago 2:13; Gawa 20:28-30) Kung gayon, sa halip na palakihin ang mga bagay-bagay, ang nagsisising mga kapananampalataya ay dapat pakitunguhan ng matatanda sa paraang mahinahon, tulad ng ating mahabagin at maawaing Diyos, si Jehova.—Efeso 4:32.
Magpakita ng unawa tungkol sa mga bagay na maaaring umakay tungo sa pagkakasala. Ang matatanda ay kailangang makinig nang buong ingat habang malayang nagpapahayag ang kanilang kapananampalataya ng mga bagay na nasa kaniyang puso. Yamang ‘hindi naman niwawalang-kabuluhan ng Diyos ang isang pusong bagbag at nagsisisi,’ gayundin ang kailangan nilang gawin. (Awit 51:17) Marahil dahilan sa walang asawang nakikiramay sa kaniyang suliranin ang gayon ay makaaapekto sa ugat ng problema. Dahil sa matindi at matagal na panlulumo ng kaisipan na dinaranas ay baka naagnas na ang lakas ng kalooban ng taong iyon na dating matatag o naging lalong mahirap na gumawa ng matalinong desisyon. Isasaalang-alang ng mapagmahal na matatanda ang ganiyang mga salik, sapagkat bagaman pinayuhan ni Pablo ang kaniyang mga kapatid na “paalalahanan ang magugulo,” kaniya rin namang ipinayo: “Palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mahihina, maging matiisin sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Bagaman hindi dapat pahinain ng matatanda ang puwersa ng matuwid na pamantayan ng Diyos, dapat na isaalang-alang din nila ang mga bagay na magpapagaang ng kaso, gaya ng ginagawa ng Diyos.—Awit 103:10-14; 130:3.
Huwag sirain ang mabuting pagkakilala ng iyong kapuwa Kristiyano sa kaniyang sarili. Ayaw nating nakawan ng karangalan ang sinumang kapatid o bigyan ng impresyon na siya ay walang kabuluhan. Bagkus, ang pagbibigay ng katiyakan na tayo’y nagtitiwala sa mga katangiang Kristiyano ng taong iyon at ang pag-ibig sa Diyos ay nagsisilbing pampalakas-loob sa tao upang ituwid ang isang pagkakamali. Malamang, ang mga taga-Corinto ay pinatibay-loob na maging bukas-palad nang sabihin sa kanila ni Pablo na kaniyang ipinagmalaki sa iba ang tungkol sa kanilang “pagkahanda ng kaisipan” at “sigasig” sa bagay na ito.—2 Corinto 9:1-3.
Ipakita na ang suliranin ay mapagtatagumpayan sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova. Oo, taimtim na tulungan ang indibiduwal na makitang ang pagtitiwala sa Diyos at pagkakapit ng payo ng Kaniyang Salita ay tutulong upang maisagawa ang kinakailangang pagtutuwid. Sa layuning iyan, ang ating mga pangungusap ay kailangang batay sa Kasulatan at sa salig-Bibliyang mga lathalain. Dalawa ang ating tunguhin: (1) tulungan ang isang nangangailangan ng tulong na makita at maunawaan ang punto de vista ni Jehova at (2) ipakita sa indibiduwal kung papaano nakaligtaan niya o hindi niya nasunod sa anumang paraan ang banal na mga alituntuning ito.
Ang maka-Kasulatang payo ay lahukan ng may kabaitan ngunit may kaugnayang mga tanong. Ito’y lubhang epektibo upang maabot ang puso. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, si Jehova ay gumamit ng isang tanong upang ipaunawa sa Kaniyang bayan kung papaano sila napaligaw. “Nanakawan ba ng makalupang tao ang Diyos?” ang tanong niya, na sinusugan pa: “Ngunit ninanakawan ninyo ako.” (Malakias 3:8) Ang hindi pagkakaloob ng Israel ng ikasampung bahagi ng kanilang ani na hinihiling ng Kautusang Mosaiko ay katulad na rin ng pagnanakaw kay Jehova. Upang malunasan ang ganitong kalagayan, ang mga Israelita ay kailangang tumupad ng kanilang mga obligasyon may kinalaman sa tunay na pagsamba taglay ang pananampalataya na sila’y saganang pagpapalain ng Diyos. Sa pamamagitan ng pumupukaw-isip at makonsiderasyon na mga katanungan, maidiriin din ng matatanda na sa paggawa ng tama sa ngayon ay kasangkot ang pagtitiwala sa ating makalangit na Ama at ang pagsunod sa kaniya. (Malakias 3:10) Ang paghahatid ng kaisipang iyan sa puso ay malaki ang magagawa sa pagtulong sa ating kapatid upang gumawa ng ‘matuwid na mga landas para sa kaniyang mga paa.’—Hebreo 12:13.
Idiin ang mga pakinabang sa pagtanggap ng payo. Ang epektibong payo ay kasangkot kapuwa ang pagpapaalaala tungkol sa ibubunga ng pagsunod sa isang maling landas at ang paalaala ng mga pakinabang na matatamo buhat sa pagtutuwid ng mga bagay. Pagkatapos ng isang napapanahong babala, binigyang-katiyakan ni Jesus yaong mga nasa mahina ang espirituwalidad na kongregasyon sa Laodicea na kung sila’y magsisisi sa kanilang dating asal at magiging masisigasig na mga alagad, sila’y magtatamasa ng mahalagang pribilehiyo, kasali na ang pag-asang magharing kasama niya sa langit.—Apocalipsis 3:14-21.
Magpakita ng interes sa kung sinusunod ba ang payo. Kung papaano manaka-naka tinitingnan ng isang mabuting doktor ang kaniyang pasyente upang makita kung ang butong kaniyang itinuwid ay nasa hustong ayos, gayundin ang matatanda ay dapat magsikap na alamin kung ang payo ng Kasulatan ay ikinakapit. Maaaring itanong nila sa kanilang sarili: Kailangan ba ang higit pang tulong? Ang payo ba ay dapat na ulitin, marahil sa isang naiibang paraan? Kailangan ni Jesus na paulit-ulit payuhan na maging mapagpakumbaba ang kaniyang mga alagad tungkol sa pangangailangan. Sa mahaba-haba ring panahon, matiyagang sinikap niyang ituwid ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng payo, mga ilustrasyon, at pagpapakita ng halimbawa. (Mateo 20:20-28; Marcos 9:33-37; Lucas 22:24-27; Juan 13:5-17) Sa katulad na paraan, ang matatanda ay makatutulong upang matiyak na lubusang naituwid na nga ang isang kapatid na lalaki o babae sa pamamagitan ng pagsasaayos ng pansubaybay na mga talakayan sa Kasulatan na nilayong maitaguyod ang pag-unlad ng taong iyon sa ganap na kalusugang espirituwal.
Magbigay ng komendasyon para sa anumang nagawang pagsulong. Kung ang isang nagkasala ay taimtim na nagsisikap ikapit ang payo ng Kasulatan, bigyan siya ng mainit na komendasyon. Ito’y magpapatibay pa sa naunang payo at malamang na maging daan para sa higit pang pagsulong. Sa unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, siya’y naubligahan na bigyan sila ng matatag na payo sa ilang bagay. Hindi nagtagal pagkatapos ipabatid ni Tito sa apostol ang napakainam na tugon sa kaniyang liham, si Pablo ay sumulat upang magbigay sa kanila ng komendasyon. “Ngayon ako’y nagagalak,” aniya, “hindi dahilan sa kayo ay basta nalungkot lamang, kundi dahilan sa kayo ay nalungkot upang magsisi; sapagkat kayo ay nalungkot sa isang maka-Diyos na paraan.”—2 Corinto 7:9.
Isang Dahilan ng Kagalakan
Oo, si Pablo ay nagalak nang kaniyang mabalitaan na ang kaniyang payo ay nakatulong sa mga taga-Corinto. Sa katulad na paraan, ang kasalukuyang matatanda ay may malaking kagalakan pagka ang isang kapananampalataya ay nakabangon sa pagkadupilas sa pagkakasala dahilan sa pagtugon sa pamamagitan ng pagkakapit ng kanilang maibiging tulong. Kanila ngang maikagagalak ang pagtulong sa isang nagsising Kristiyano upang bunutin ang matinik na mga panirang damo ng kasalanan buhat sa kaniyang puso upang makaunlad doon nang sagana ang maka-Diyos na mga bunga.
Kung ang matatanda ay nagtagumpay ng muling pagtutuwid sa isang taong nagkasala, siya ay baka nasupil sa pagpapatuloy sa isang landas ng lubos na pagkapariwara ng espirituwalidad. (Ihambing ang Santiago 5:19, 20.) Para sa gayong pagtulong, ang tumanggap ng tulong ay dapat magpasalamat sa Diyos na Jehova. Ang mga salitang tunay na nagpapahalaga sa maibiging tulong, pagkahabag, at pagkamaunawain ng matatanda ay magiging angkop din. At pagka nalubos na ang espirituwal na paggaling, lahat ng kasangkot ay maaaring magalak dahil sa nangyari ang muling pagtutuwid sa tulong ng espiritu ng kahinahunan.