Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 12/1 p. 5-6
  • Sino ang may Pagsang-ayon ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang may Pagsang-ayon ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Matataas na mga Pamantayan ng Diyos
  • Maaaring Makamit Natin ang Pagsang-ayon ng Diyos
  • Anong Uri ng mga Tao ang Pinahahalagahan Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Mas Pinapaboran ba ng Diyos ang Ilang Bansa Kaysa sa Iba?
    Gumising!—2005
  • Ikaw ba ay “Mayaman sa Diyos”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ang Pag-asa Mo—Ang Diyos o ang Kayamanan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 12/1 p. 5-6

Sino ang may Pagsang-ayon ng Diyos?

NAIS nating lahat na magustuhan tayo ng ating mga kasamahan. Sa isang Kristiyano ang isang lalong matinding naisin ay makasumpong ng biyaya buhat sa Diyos. Tungkol sa Diyos na Jehova, sinasabi sa Awit 84:11: “Biyaya at kaluwalhatian ang kaniyang ibinibigay. Si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa nagsisilakad na walang kapintasan.” Nang isilang si Jesus, ang may kagalakang awit ng makalangit na mga anghel ay nangako ng “kapayapaan sa lupa sa mga tao na kaniyang kinalulugdan!”​—Lucas 2:14, Moffatt.

Subalit sino ang may pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga pamantayan ba ng Diyos ay kagaya rin ng sa tao? Hindi, gaya ng mauunawaan, ayon sa ipinahiwatig ng tinalakay sa naunang artikulo. Sa katunayan, yamang ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na “magsitulad sa Diyos,” bawat isa sa atin ay mabuting magtanong, Ako ba ay nagpapahalaga sa mga taong may pagsang-ayon ng Diyos, o ang sinusunod ko ba ay ang makasanlibutang mga pamantayan sa aking paghatol sa mga tao? (Efeso 5:1) Upang kamtin ang pagsang-ayon at pagkalugod ni Jehova, malasin natin ang mga bagay-bagay buhat sa kaniyang pananaw.

Mas Matataas na mga Pamantayan ng Diyos

“Ang Diyos ay hindi nagtatangi,” ang sabi ni apostol Pedro, “kundi sa bawat bansa ang taong maytakot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” Bukod dito, si apostol Pablo ay nagpapatotoo na “ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 10:34, 35; 17:26) Samakatuwid, makatuwiran lamang na manghinuha na lahat ng tao ay magkakapantay sa paningin ng Diyos anuman ang kanilang pisikal na mga katangian. Yamang gayon nga, hindi nababagay sa isang Kristiyano na magpakita ng pabor sa isa dahil lamang sa ang isang iyon ay nanggagaling sa isang partikular na rehiyon o may ibang kulay ang kaniyang balat o galing sa ibang lahi. Bagkus, makabubuting tularan niya ang kaniyang sinusunod na Uliran, si Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya’y maging ang mga kaaway ay nagsabi na siya’y walang pagtatangi.​—Mateo 22:16.

Ang pananalitang “pang-ibabaw” ay kung minsan ginagamit upang ilarawan ang isang bagay na mababaw o hindi mahalaga. Ganiyang-ganiyan ang kulay ng balat; ito ay pang-ibabaw lamang. Ang kulay ng balat ng isang tao ay hindi kababanaagan ng kaniyang personalidad o panloob na mga katangian. Kung tungkol sa pagpili ng mga taong makakasama, makakasalo sa pagkain, o makakamayan, tiyakang hindi tayo dapat na tumingin lalo na sa kulay ng balat. Tandaan, ang dalagang nagsilbing inspirasyon sa sulat ng pinakamagaganda at pinakaromantikong mga tula ay nagsabi tungkol sa kaniyang sarili: “Ako’y babaing maitim, ngunit kahali-halina, . . . ako’y kayumanggi sapagkat sinunog ako ng araw.” (Awit ni Solomon 1:5, 6) Ang lahi o kulay ay hindi nararapat na batayan para sa pagpapakita ng pagsang-ayon. Ang lalong mahalaga ay kung ang isang tao ay natatakot sa Diyos at gumagawa ng matuwid.

Ano ba naman ang saloobin ng Diyos tungkol sa pagkakaroon ng materyal na kayamanan? Sa lahat ng iniibig at sinasang-ayunan ng Diyos, ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang pangunahin. Gayunman, nang narito sa lupa, si Jesus ay “wala man lamang mapaghiligan ng kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Siya’y walang ari-ariang mga lupa, bahay, bukid, mga punungkahoy na nagbubunga, o mga hayop. Gayumpaman, siya’y pinarangalan ni Jehova sa isang puwesto na mataas kaysa kanino pa man sa sansinukob maliban sa Diyos mismo.​—Filipos 2:9.

Si Jesu-Kristo ay sinang-ayunan ng Diyos sapagkat siya’y mayaman hindi sa materyal na mga ari-arian kundi sa mabubuting gawa. (Ihambing ang 1 Timoteo 6:17, 18.) Kaniyang pinayuhan ang mga tagasunod niya na: “Tumigil na kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tangà at kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw. Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit, na kung saan hindi sumisira ang tangà o ang kalawang man, at kung saan hindi nakapapasok ang magnanakaw at nagnanakaw.” (Mateo 6:19, 20) Sa gayon, imbes na magpakita ng pabor tangi lamang sa mga mayayaman sa mga bagay ng sanlibutang ito, ang mga Kristiyano ay hindi gagawa ng mga pagtatangi salig sa makasanlibutang mga ari-arian. Ang kanilang hahanapin ay yaong mayayaman sa Diyos sila man ay mayaman o dukha sa materyal na paraan. Huwag kalilimutan na “pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging mga tagapagmana ng Kaharian.” (Santiago 2:5) Kung susundin mo ang pananaw ng Diyos, ikaw ay hindi kailanman magiging biktima ng karaniwang ugali na pagpapakita ng pabor o pagsisikap na kamtin ang pagsang-ayon ng mayayaman.

Kung tungkol naman sa edukasyon, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na tayo’y hinihimok ng Diyos na kumuha ng kaalaman at karunungan at na si Jesu-Kristo ang pinakadakilang guro na nabuhay sa lupa. (Kawikaan 4:7; Mateo 7:29; Juan 7:46) Subalit hindi ang makasanlibutang karunungan o edukasyon ang nagdadala ng pagsang-ayon ng Diyos. Bagkus, sinasabi sa atin ni Pablo na “hindi maraming marurunong sa laman ang tinawag, . . . kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutan, upang hiyain niya ang marurunong.”​—1 Corinto 1:26, 27.

Sinasang-ayunan ng Diyos yaong mga may pinag-aralan, hindi sa sekular na mga asignatura na itinuturo sa mga pamantasan, kundi sa “dalisay na wika” ng katotohanan na masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (Zefanias 3:9) Sa katunayan, si Jehova mismo ang nagtuturo sa kaniyang bayan ngayon sa pamamagitan ng isang programa sa edukasyon na umaabot hanggang sa mga dulo ng lupa. Gaya ng inihula ni propeta Isaias, ang mga tao ng lahat ng bansa ay tumutugon sa pamamagitan ng pagsasabi: “Umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” Samakatuwid, sa halip na luwalhatiin ang sekular na edukasyon, ang hahanapin ng mga Kristiyano ay yaong mga nagpapatotoo sa pamamagitan ng kanilang mga salita at mga gawa na sila’y talagang ‘mga taong tinuruan ni Jehova.’ Sa paggawa ng gayon, sila’y magtatamasa ng ‘saganang kapayapaan’ na ibinibigay ng Diyos.​—Isaias 2:3; 54:13.

Maaaring Makamit Natin ang Pagsang-ayon ng Diyos

Oo, ang mga pamantayan ng Diyos sa pagpapakita sa iba ng pagsang-ayon ay ibang-iba kaysa tao. Gayumpaman, pagsikapan natin na maakay tayo sa kaniyang mga daan kung nais nating makamit ang kaniyang pagsang-ayon. Iyan ay nangangahulugan na kailangang matutuhan natin na malasin ang iba buhat sa pangmalas ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng pamantayan ng tao, na maaaring naimpluwensiyahan ng kaimbutan at pagtatangi-tangi. Papaano natin magagawa iyan?

Sinusuri ng Diyos na Jehova ang puso ng isang tao at sinasang-ayunan yaong mga nagpapakita ng mga katangian na gaya ng pag-ibig, kabutihan, kabaitan, at pagbabata. Ganiyan din ang dapat nating gawin. (1 Samuel 16:7; Galacia 5:22, 23) Dapat na malasin natin ang pagkataong loob, hanggang sa abot ng ating kaya bilang mga tao, at hindi ang kulay ng kaniyang balat o ang kaniyang lahing pinagmulan. Imbes na ang hanapin ay yaong mayayaman sa materyal na mga bagay, makabubuting isaisip ang pananaw ng Diyos tungkol sa kayamanan at magsikap na “maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas-palad, handang magbigay.” (1 Timoteo 6:18) Upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, tayo’y magpatuloy ng paghanap ng tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, magkaroon ng malawak na edukasyon sa dalisay na wika ng katotohanan. (Juan 17:3, 17) Sa paggawa ng gayon, tayo man ay makakabilang sa mga may pagsang-ayon ng Diyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share