Anong Uri ng mga Tao ang Pinahahalagahan Mo?
“NAGHAHANAP NG ASAWA. Dapat na maputi at balingkinitan, nakapagtapos o lalong magaling kung nakapag-master. Buhat sa mataas-ang-uring pamilya na may mga ari-arian. Mas magaling kung kauri.”
GANIYAN ang isang karaniwang anunsiyo sa paghahanap ng asawa na makikita mo sa isang pahayagan sa India. Malamang, makakakita ka ng nahahawig na anunsiyo sa maraming panig ng daigdig. Sa India ang anunsiyo ay karaniwan nang ipinalalathala ng mga magulang ng isang mag-aasawang lalaki. Ang mga kasagutan naman ay maaaring may kalakip na litrato ng isang babaing nakapanamit ng matingkad na pulang sari at may suot na maraming alahas na ginto. Kung sang-ayon ang pamilya ng lalaki, magsisimula na ang pag-uusap tungkol sa kasal.
Karaniwang Minamahalagang Pamantayan
Sa India ay lubhang karaniwan ang paghahanap ng isang nobyang may maputing kutis. Ito’y dahilan sa isang malalim ang pagkakaugat na paniwala na ang umano’y nakabababang uri ng tao sa lipunang Hindu ay maiitim ang balat. Kamakailan, isang programa sa telebisyon sa India ang naglahad ng isang kuwento tungkol sa dalawang babae, ang isa’y maputi at iyon namang isa ay maitim. Ang babaing maputi ay malupit at may pangit na asal; at ang babaing maitim ay mabait at mahinhin. Isang nakapagtatakang kabaligtaran ang naganap, at ang maputing babae ay naging maitim bilang kaparusahan, samantalang ang maitim na babae ay pumuti. Ang leksiyon na matututuhan sa kuwento ay na bagaman nagtatagumpay sa wakas ang kabutihan, ang maputing balat ay isang ninanasang kagantihan.
Ang ganiyang mga pagtatangi ng lahi ay malimit na mas malalim ang pagkakaugat kaysa natatalos ng sinuman. Halimbawa, isang taga-Asia ang maaaring dumalaw sa isang bansa sa Kanluran at nagreklamo na siya’y pinagpakitaan ng masama dahilan sa kulay ng kaniyang balat o sa kaniyang singkit na mga mata. Ang gayong mga kilos ay nakaliligalig sa kaniya, at kaniyang inaakala na siya’y inaapi. Subalit pagbabalik niya sa kaniyang sariling bansa, baka ganoon din ang pagtrato niya sa mga taong may naiibang lahi. Kahit na ngayon ang kulay ng balat at ang lahing pinagmulan ay gumaganap ng pangunahing bahagi sa pagkakilala ng maraming tao sa halaga ng isang tao.
“Ang salapi ay sumasagot sa lahat ng bagay,” isinulat ni Haring Solomon noong sinaunang panahon. (Eclesiastes 10:19) Totoong-totoo iyan! Ang kayamanan ay may epekto rin sa pagkakilala sa mga tao. Ang pinagmulan ng kayamanan ay bahagya na lamang pinag-aalinlanganan. Ang isang tao ba ay yumaman dahilan sa pagpapagal o maingat na pamamanihala o pandaraya? Halos hindi na pinag-uusapan iyan. Ang kayamanan, nakuha man sa masamang paraan o hindi, ay umaakay sa maraming tao na humingi ng pabor sa mayayaman.
Ang mataas na edukasyon din naman ay totoong pinakukundanganan sa daigdig na ito ng mga nagkukompetensiya. Sa sandaling ipanganak ang isang sanggol, ang mga magulang ay hinihimok na magsimula ng pagtatabi ng malaking halaga para sa edukasyon. Pagka siya’y dalawa o tatlong taóng gulang na, sila ay naliligalig tungkol sa pagpapaaral sa kaniya sa mahusay na paaralan ng nursery o kindergarten bilang pangunang hakbang sa mahabang paglalakbay sa pagkakamit ng titulo sa unibersidad. May mga taong waring nag-iisip na ang isang diplomang may prestihiyo ay may taglay na karapatang tumanggap ng pabor at paggalang buhat sa iba.
Oo, ang kulay ng balat, edukasyon, salapi, lahi—ang mga ito ang mga pamantayan na ginagamit ng maraming tao sa paghatol o, bagkus, batayan ng paghatol sa iba. Dito nakasalig kung sino ang kanilang pinahahalagahan at sino naman ang pinagkakaitan nito. Kumusta ka naman? Sino ang iyong pinahahalagahan? Itinuturing mo ba na ang sinumang may salapi, maputi ang balat, o may mataas na edukasyon ay higit na karapat-dapat pahalagahan at igalang? Kung gayon, kailangang pag-isipan mong mabuti ang batayan ng iyong damdamin.
Ito ba ay Matatag na mga Pamantayan?
Ang aklat na Hindu World ay may ganitong puna: “Sino man na nasa nakabababang uri ng kalagayan na pumatay sa isang brāhmin ay maaaring pahirapan hanggang sa mamatay at kumpiskahin ang kaniyang ari-arian, at ang kaniyang kaluluwa ay parusahan nang walang-hanggan. Ang isang brāhmin na nakamatay ay maaari lamang pagmultahin at hindi kailanman parusahan ng kamatayan.” Bagaman ang tinutukoy ng aklat ay ang sinaunang mga panahon, kumusta naman sa ngayon? Ang pagtatangi ng lahi at ang tensiyon sa pamayanan ang dahilan ng pagdanak ng dugo kahit na sa ika-20 siglo. At ito ay hindi lamang sa India nangyayari. Ang pagkakapootan at karahasan na likha ng apartheid sa Timog Aprika, pagtatangi ng lahi sa Estados Unidos, ang makabansang pagtatangi sa Baltics—walang katapusan ang mga nakatala—ay pawang likha ng palagay na likas na magaling ang isang lahi kaysa iba. Tunay, ang gayong higit na pagpapahalaga ng isang tao kaysa iba dahilan sa lahi o pinagmulang bansa ay hindi nagbunga ng kabutihan at ng kapayapaan.
Kumusta naman ang kayamanan? Walang alinlangan, marami ang yumaman nang walang halong daya, na pagpapagal. Subalit, malaking kayamanan ang sumakamay ng pusakal na mga kriminal, mga mapagsamantala sa negosyo, malalaking sindikato sa droga, ilegal na mga negosyante ng armas, at iba pa. Totoo, ang ilan sa mga ito’y nag-aabuloy sa mga kawanggawa o sumusuporta sa mga panukala na tutulong sa mga dukha. Gayunman, ang kanilang napakasasamang gawa ay nagdulot ng di-mailarawang pagdurusa at paghihirap sa kanilang mga biktima. Kahit na ang maliliit na mandaraya kung ihahambing sa iba, tulad halimbawa niyaong mga tumatanggap ng suhol o nakikibahagi sa mga pandaraya sa negosyo, ay nagiging sanhi ng pagkabigo, kapinsalaan, at kamatayan pagka ang kanilang mga produkto at mga serbisyo ay nabigo at nasira. Oo, ang pagiging mayaman lamang ay hindi sapat na batayan upang husgahan na ang isa’y mabuti.
Kung gayon, kumusta naman ang edukasyon? Ang isang mahabang listahan ba ng natapos na mga kurso at mga titulo na kakabit ng pangalan ng isang tao ay garantiya na siya ay mapagtapat at matuwid? Ibig bang sabihin na siya ay dapat pagpakitaan ng pabor? Ipagpalagay nang ang edukasyon ay makapagpapalawak ng karanasan ng isang tao, at marami na ginagamit ang kanilang edukasyon sa kapakinabangan ng iba ay karapat-dapat na parangalan at igalang. Subalit ang kasaysayan ay punô ng mga halimbawa ng pagsasamantala at paniniil sa masa ng mga edukado. At isaalang-alang ang mga nangyayari sa kolehiyo o unibersidad sa ngayon. Laganap sa mga paaralan ang mga suliranin sa pag-aabuso sa droga at sa mga sakit na nakahahawa sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, at maraming mag-aarál ang walang ibang layunin sa pag-aaral kundi ang pagkita ng salapi, pagkakaroon ng kapangyarihan, at katanyagan. Ang edukasyon ng isang tao ay hindi masasabing isang mapanghahawakang pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na ugali.
Hindi, ang kulay ng balat, edukasyon, salapi, lahing pinagmulan, o iba pang nakakatulad na mga salik ay hindi isang matatag na batayan ng paghatol sa halaga ng isang tao. Ang mga Kristiyano ay hindi dapat mapalulong sa mga bagay na ito upang kamtin ang pagpapahalaga sa kanila ng iba. Kung gayon, sa ano dapat maging interesado ang isang tao? Anong mga pamantayan ang dapat sundin ng isa?