Ang mga Pagpapala ng Edukasyon sa Gilead ay Lumalaganap sa Buong Daigdig
ANG edukasyon sa matandang sanlibutang ito ay limitado lamang. Palibhasa’y nakasalig ang karamihan nito sa mga idea ng tao sa halip na sa katotohanan ng Diyos, hindi ito makapagturo ng tunay na layunin sa buhay. Subalit ang Paaralang Gilead ay naiiba. Sa kaniyang pambungad na mga ipinahayag sa pagtatapos ng ika-93 klase ng Gilead, binanggit ni Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala na ang paaralang ito ay nagbibigay ng edukasyon na may tunay na kahulugan. Sa Awit 119:160 ay sinasabi, “ang kahulugan ng salita ng [Diyos] ay katotohanan.” Kaya taglay ang malaking kasayahan halos ang 6,000 nagsidalo ay nakapakinig sa programa ng gradwasyon noong Setyembre 13, 1992.
Ang unang pahayag sa umaga, ni Lon Schilling ng Watchtower Farms Committee, ay pinamagatang “Magpatuloy ng Pananaig sa Sanlibutan at sa Tagapamahala Nito.” Si Brother Schilling ay nagtutok ng pansin sa Apocalipsis 12:11 at binanggit na ipinakikita ng talata ang tatlong paraan ng pananaig: (1) sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, (2) sa pamamagitan ng pagpapatotoo, at (3) sa pamamagitan ng pagkakaroon ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Kaniyang ipinaalaala sa mga estudyante na marami sa mga lingkod ni Jehova ang nagpakita ng gayong espiritu at kusang humarap pa sa kamatayan upang maingatan ang kanilang katapatan at integridad.
“Ingatan ang Mainam na Ipinagkatiwala sa Inyo” ang tema na binuo ni John E. Barr ng Lupong Tagapamahala. Sa kaniyang likas na mainit na paraan ng pagsasalita, ang pagtitiwala sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang mga lingkod ay inihambing niya sa pagtitiwalang nabubuo sa isang mabuting pag-aasawa. Sa paggamit ng mga punto mula sa 2 Timoteo 1:12, 13, kaniyang hinimok ang mga estudyante na ingatan ang sa kanila’y ipinagkatiwala sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa “uliran ng magagaling na salita” sa Bibliya. Kaniyang idiniin na ang personal na pag-aaral ay kailangang gawing mahalagang bahagi ng araw-araw na iskedyul at may kabaitang pinayuhan ang mga estudyante na huwag hayaan ang kanilang mga komento sa mga pulong na maging pinagkagawian na lamang kundi laging gawing makabuluhan.
Si William Van De Wall ng Service Department Committee ang sumunod na nagpahayag, “Magpakita ng Maibiging Pagkabahala sa Tulad-Tupang mga Tao.” Kaniyang tinanong ang mga estudyante kung ano ang kanilang hahanapin sa isang doktor ng pamilya at hinimok sila na linangin ang gayon ding empatiya, pagkamaawain, at habag na kanilang pahahalagahan.
Si Daniel Sydlik ng Lupong Tagapamahala ay masiglang nagpahayag sa temang “Lahat ng Bagay Ay Posible sa Diyos.” Kaniyang ipinaalaala sa mga estudyante na si Abraham at si Sara ay nagtawa sa waring imposibleng pag-aanak sa kanilang katandaan. Marami sa mga pangako ng Diyos ang waring imposible kung sa pananaw ng tao; ngunit gaya ng tanong ng anghel kay Abraham, “mayroon bang hindi kayang gawin si Jehova?” (Genesis 18:14) Pinayuhan ni Brother Sydlik ang mga estudyante na magpakita ng pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na gawin ang imposible, huwag hayaang kumupas o manghina ang pananampalataya, anumang mga pagsubok ang mapaharap sa kanila.
Ang mga Instruktor ay Nagbigay ng Payo
Ang dalawang instruktor sa Gilead ang sumunod na nagsalita. Una, binuo ni Jack D. Redford ang temang “Paggawa ng Isang Mabuting Pangalan sa Diyos.” Ang nagpapabuti o nagpapasamâ sa isang pangalan, ang kaniyang pangangatuwiran, ay ang taong may taglay nito. Ang mga pangalan na gaya ng kay Adan, Nimrod, Jezebel, Saul, at Judas ay ipinakita niya ang pakakaiba sa pangalan na gaya ng kay Noe, Abraham, Ruth, Pablo, at Timoteo. Bawat pangalan ay may taglay na napakaraming kaugnayan sa naging buhay ng may taglay niyaon. Kaniyang tinanong sa mga estudyante kung anong uri ng pangalan ang tataglayin nila sa hinaharap pagkatapos ng 10, 100, o kahit 1,000 taon—yaong sa isang umuurong o sa reklamador o sa isang tapat na misyonero? Magtutok ng pansin sa mga solusyon at mga layunin imbes na sa mga suliranin, ang kaniyang ipinayo sa kanila.
“Gaano Bang Kahusay Mo Iniingatan ang Iyong Pananampalataya?” ang nakapupukaw na temang binuo ni Ulysses V. Glass. Ang matibay na pananampalataya ay kaniyang inihambing sa isang mahusay na compass na laging nakaturo sa tamang direksiyon. Ang isang compass sa isang auto ay maaaring maapektuhan ng ibang larangan ng bato-balani bukod sa taglay ng lupa, at ang gayong mga larangan ay kailangang maiuwi sa pagkaneutral. Sa katulad na paraan, ang matandang sanlibutang ito ay lumilikha ng maraming impluwensiya na maaaring makapagpabago o makapagpahina ng ating pananampalataya kung tayo ay padadala sa mga iyon. Samantalang kaniyang pinapag-iingat ang klase laban sa gayong mga impluwensiya, sila’y binigyan ng komendasyon ni Brother Glass dahil sa kanilang maingat na kabatiran sa mga saloobin at damdamin ng iba.
Ang huling nagpahayag sa umaga ay si Albert D. Schroeder, isang kagawad ng Lupong Tagapamahala. Kaniyang pinatibay-loob ang mga estudyante na “Manatiling May Espiritu ng Pagmimisyonero,” anupat binigyan sila ng komendasyon sa pagpapakita ng espiritu ng pagmimisyonero na gaya ng ipinakita ng unang klase noong 1943, nang siya ang rehistrador ng paaralan. Kaniyang napansin na sila’y palaisip tungkol sa mga tao, likas na mga mangangaral, na ibig paakay sa espiritu ng Diyos. Patuloy na paunlarin ang espiritung iyan, na lubusang ginagamit ang New World Translation sa personal na pag-aaral, ang kaniyang payo. Siya’y nagtapos sa pamamagitan ng talata por talatang pagtalakay sa Awit 24 bilang halimbawa.
Pagkatapos, ang mga estudyante sa Gilead ay naging mga nagtapos sa Gilead! Iniabot sa kanila ang mga diploma nila habang binabasa nang malakas ang kanilang atas misyonero, kasabay ng matinding palakpakan ng mga dumalo.
Noong hapon, si Calvin Chyke ng Factory Committee ang naging konduktor ng Pag-aaral sa Bantayan. Isang nakalulugod na programa ng mga estudyante ang kasunod, na sumaklaw sa karanasan sa larangan ng mga estudyante sa panahon ng limang-buwang kursong ito at nagpakita rin ng mga slide ng ilan sa mga bansang pupuntahan nila. Bukod dito, kinapanayam ang isang may-edad nang mag-asawa, at kanilang ibinahagi ang karunungan at karanasan na natamo nila sa maraming taon ng kanilang pagmimisyonero. Ang hapon ay natapos sa isang napapanahong drama na pinamagatang Huwag Padaya o Tuyain ang Diyos.
Ang mga dumalo ay nagsiuwi na nasisiyahan, nagagalak na makita ang nagagawa ng edukasyon sa katotohanan ng Diyos at nalulugod na maalaman na ang mga kapakinabangan ng gayong edukasyon ay magpapatuloy na madarama sa buong daigdig. Sa paghihiwa-hiwalay ng 48 misyonerong ito patungo sa kanilang mga atas, maraming panalangin ang kasunod nila, na nagpapahayag ng taos-pusong pag-asa at pagtitiwala na ang tapat na mga ito ay magiging isang pagpapala sa bayan ng Diyos saanman sila pumaroon.
[Kahon sa pahina 19]
Istadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 7
Bilang ng mga bansang atas: 18
Bilang ng mga estudyante: 48
Bilang ng mga mag-asawa: 24
Katamtamang edad: 32.8
Katamtamang mga taon sa katotohanan: 15.3
Katamtamang mga taon sa buong-panahong ministeryo: 10.4
[Kahon sa pahina 20]
NAGTAPOS ANG GILEAD EXTENSION CLASS
Noong Hunyo 21, 1992, isang grupo ng 24 na misyonero ang nagtapos sa ikaapat na klase ng Gilead Extension School sa Selters/Taunus, Alemanya. Ang klase, na binubuo ng 11 mag-asawa at 2 dalaga na galing sa pitong bansa, ay may katamtamang edad na 32 anyos, 14 na taon sapol nang mabautismuhan, at 8.5 taon ng paglilingkod bilang buong-panahon na mga ebanghelisador. Mahigit na 2,000 ang dumalo sa gradwasyon.
Pinasimulan ni Brother Jaracz ang programa sa pagtalakay ng Kawikaan 11:24, na nagsasabi: “May nagsasabog at tumutubo pa.” Binanggit niya na ang mga estudyante ay halos isasabog na lamang at tunay na magdadala ng marami.
Nakapagpapatibay na mga pahayag sa kasulatan ang binigkas ni Richard Kelsey, coordinator ng German Branch Committee; ni Wolfgang Gruppe ng Service Department; ni Werner Rudtke at Edmund Anstadt, mga kagawad din ng Branch Committee; at ng dalawang instruktor, sina Dietrich Förster at Lothar Kaemmer. Si Albert Schroeder ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng interesanteng diskurso na pinamagatang “Patuloy na Maging mga Mananaliksik ng Espirituwal na mga Hiyas.” Ang kasukdulan ng programa ay ang pagbibigay ng mga atas sa 11 bansa sa Aprika, Central Amerika, at Silangang Europa, pagkatapos isang nagtapos ang bumasa ng isang liham buhat sa klase para sa Lupong Tagapamahala na nagpapahayag ng taos-pusong pagpapahalaga.
[Larawan sa pahina 18]
Ika-93 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School Of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hilera ay ninumeruhan mula sa harap palikod at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa pakanan sa bawat hilera.
(1) Hitesman, C.; West, P.; Evans, D.; Hipps, M.; Simonelli, N.; Wood, S.; Corkle, M.; Flores, C.; Thomas, J. (2) Jones, M.; Nissinen, J.; Sponenberg, M.; Zachary, K.; Ravn, G.; Backman, M.; Wettergren, A.; Evans, D.; Flores, R.; Caporale, G. (3) Simonelli, N.; Rechsteiner, M.; Rechsteiner, M.; Ruiz-Esparza, L.; Gerbig, B.; Simpson, C.; Zanewich, C.; Zachary, B.; Ricketts, L.; (4) Simpson, J.; Backman, J.; Corkle, G.; Gerbig, M.; Ricketts, B.; Bagger-Hansen, L.; Jones, A.; Zanewich, K.; Ravn, J.; Hipps, C. (5) Sponenberg, S.; Hitesman, A.; Caporale, L.; Ruiz-Esparza, S.; Thomas, R.; Bagger-Hansen, B.; Wood, M.; West, M.; Wettergren, C.; Nissinen, E.