Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 1/1 p. 18-24
  • Pagpapastol Kasama ng Ating Dakilang Manlalalang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapastol Kasama ng Ating Dakilang Manlalalang
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kasamang Pastol ni Jehova
  • Pagtatamasa ng “Kapayapaan ng Diyos”
  • Mga Katulong na Pastol Manguna Kayo!
  • Teokratikong Pagpapastol
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
  • Maging Masunurin sa mga Pastol ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Ang Malumanay na Pagpapastol sa Mahalagang mga Tupa ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 1/1 p. 18-24

Pagpapastol Kasama ng Ating Dakilang Manlalalang

“Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinananariwa. Inakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.”​—AWIT 23:1, 3.

1. Anong kaginhawahan ang mapagmahal na inilalaan ni Jehova?

ANG ika-23 ng Awit, “isang awit ni David,” ay nagdala ng kaginhawahan sa maraming nahahapong mga kaluluwa. Ito’y nagpalakas-loob sa kanila na magkaroon ng tiwala na ipinahayag sa Aw 23 talatang 6: “Tunay na ang kabutihan at ang kagandahang-loob ay susunod sa akin sa lahat ng kaarawan ng aking buhay; at ako ay tatahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.” Iyan ba ang nais mo, tumahan sa lahat ng panahon sa bahay ni Jehova ng pagsamba, kaisa ng kaniyang bayan na ngayon ay tinitipon buhat sa lahat ng bansa sa lupa? “Ang pastol at tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa,” ang ating Dakilang Manlalalang, ang Diyos na Jehova, ay tutulong sa iyo na marating ang tunguhing iyan.​—1 Pedro 2:25.

2, 3. (a) Papaano maibiging nagpapastol si Jehova sa kaniyang bayan? (b) Papaano nagkaroon ng mabilis na pagdaming “kawan” ni Jehova?

2 Ang Manlalalang ng “mga bagong langit at bagong lupa” ang siya ring Organisador at Kataas-taasang Tagapangasiwa ng kongregasyong Kristiyano, “ang sambahayan ng Diyos.” (2 Pedro 3:13; 1 Timoteo 3:15) Siya’y lubhang interesado sa pagpapastol sa kaniyang bayan, gaya ng malinaw na sinasabi ng Isaias 40:10, 11: “Narito! Ang Soberanong Panginoong Jehova ay darating na gaya ng isang makapangyarihan, at ang kaniyang bisig ay magpupunò para sa kaniya. Narito! Ang kaniyang gantimpala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya. Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan na gaya ng isang pastol. Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang mga kamay; at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan. Yaong mga nagpapasuso ay kaniyang maingat na papatnubayan.”

3 Sa isang pinalawak na diwa, kasali sa “kawan” na ito yaong matagal nang panahong nagsisilakad sa katotohanang Kristiyano at yaong “mga kordero” na tinipon kamakailan lamang​—tulad halimbawa ng marami na ngayon ay binabautismuhan sa Aprika at Silangang Europa. Ang makapangyarihan, nagsasanggalang na bisig ni Jehova ang tumitipon sa kanila sa kaniyang sinapupunan. Bagaman sila ay naging mistulang nangaligaw na tupa, sila ngayon ay nasa isang matalik na kaugnayan sa kanilang minamahal na Diyos at Pastol.

Ang Kasamang Pastol ni Jehova

4, 5. (a) Sino “ang mabuting pastol,” at papaano siya itinuro ng hula? (b) Anong gawaing pagbubukud-bukod ang pinangasiwaan ni Jesus, at ano ang mahalagang resulta?

4 Samantalang naglilingkod sa kanan ng kaniyang Ama sa langit, “ang mabuting pastol,” si Jesu-Kristo, ay nagbibigay rin ng maawaing atensiyon sa “mga tupa.” Kaniyang inihandog ang kaniyang buhay upang ang unang makinabang ay ang “munting kawan” ng mga pinahiran at pagkatapos, sa ngayon, ang malaking pulutong ng kaniyang mga “ibang tupa.” (Lucas 12:32; Juan 10:14, 16) Ang Dakilang Pastol, ang Diyos na Jehova, ay nangungusap sa lahat ng mga tupang ito, na nagsasabi: “Narito, ako’y humahatol . . . sa pagitan ng tupa at tupa. At ako’y maglalagay sa kanila ng isang pastol, at kaniyang pakakanin sila, samakatuwid ang aking lingkod na si David. Siya ang magpapakain sa kanila, at siya mismo ang magiging kanilang pastol. At ako mismo, si Jehova, ay magiging kanilang Diyos, at ang aking lingkod na si David ay siyang pinunò sa kanila. Ako, si Jehova, ang nagsalita.”​—Ezekiel 34:20-24.

5 Ang katawagan na “aking lingkod na si David” ay makahulang nakaturo kay Kristo Jesus, ang “binhi” na magmamana ng trono ni David. (Awit 89:35, 36) Sa araw na ito ng paghuhukom sa mga bansa, ang kasamang Pastol at Hari ni Jehova, na si Kristo Jesus, ang Anak ni David, ay nagpapatuloy ng pagbubukud-bukod sa “mga tupa” ng sangkatauhan buhat sa mga nag-aangking “mga tupa” ngunit sa aktuwal ay “mga kambing.” (Mateo 25:31-33) Ang “kaisa-isang pastol” na ito ay ibinabangon din upang magpakain sa mga tupa. Anong ningning na katuparan ng hulang ito ang ating nasasaksihan sa ngayon! Samantalang ang mga pulitiko ay nangag-uusap tungkol sa pagkakaisa sa sangkatauhan sa pamamagitan ng isang bagong sanlibutang kaayusan, aktuwal na pinagkakaisa ng kaisa-isang Pastol ang mga tupa sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng isang maraming-wikang kampanya ng pagpapatotoo na tanging ang organisasyon lamang ng Diyos sa lupa ang makapagsisimula ng paggawa.

6, 7. Papaano pinangyari ng “tapat at maingat na alipin” na mapaglaanan ang mga tupa ng “pagkain sa tamang panahon?”

6 Habang ang mensahe ng Kaharian ay patuloy na lumalaganap sa mga bagong teritoryo, “ang tapat at maingat na alipin” ng pinahirang mga Kristiyano, ayon sa iniutos ng kaisa-isang Pastol, ay gumagawa ng lahat ng paglalaan upang makapagpadala ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Marami sa 33 tagapaglimbag na mga sangay ng Watch Tower Society sa buong lupa ay nagpapabilis ng produksiyon upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng higit at lalong maiinam na mga magasin at mga aklat-aralin sa Bibliya.

7 Ginagawa ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng magagawa upang mapahusay pa ang uri ng pagsasalin sa humigit-kumulang 200 wika at upang makapagpasimula ng pagsasalin sa karagdagang mga wika pa na kailangan upang malaganapan ang buong larangan ng sanlibutan. Ito ay bilang pagsuporta sa iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa Gawa 1:8: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Bukod dito, ang New World Translation of the Holy Scriptures, na nakalimbag na ang buo o ang ilang bahagi sa 14 na wika, ay isinasalin ngayon sa 16 na iba pang mga wika sa Europa, Aprika, at Oriente.

Pagtatamasa ng “Kapayapaan ng Diyos”

8. Papaano saganang pinagpala ang mga tupa ng tipan ng kapayapaan na ginawa sa kanila ni Jehova?

8 Sa pamamagitan ng kaniyang kaisa-isang Pastol, si Kristo Jesus, si Jehova ay gumawa ng isang “tipan ng kapayapaan” sa Kaniyang mga tupa na pinakakain nang sagana. (Isaias 54:10) Palibhasa’y may pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, ang mga tupa ay nakalalakad sa liwanag. (1 Juan 1:7) Kanilang tinatamasa ang ‘kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng pag-iisip at nag-iingat ng kanilang mga puso at kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ (Filipos 4:7) Gaya ng patuloy na inilalarawan ng Ezekiel 34:25-28, si Jehova ay nagpapastol sa kaniyang mga tupa sa espirituwal na paraiso, isang nakalulugod na kalagayan ng katiwasayan, nakagiginhawang kaunlaran, at pagkamabunga. Ang maibiging Pastol na ito ay nagsasabi tungkol sa kaniyang mga tupa: “Kanilang malalaman na ako’y si Jehova pagka aking binali ang mga baras ng kanilang pamatok at aking nailigtas sila sa mga kamay ng mga umaalipin sa kanila. At sila’y hindi na magiging pinakasamsam sa mga bansa; . . . at sila’y aktuwal na tatahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila.”

9. Anong mga pagkakataon ang binuksan sa bayan ng Diyos ng ‘pagkabali ng mga baras’?

9 Nangyari na nga, noong nakalipas na mga taon, ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa ay nakaranas na ng pagbali ng “mga baras ng kanilang pamatok.” Sila’y malaya na ngayong mangaral. At harinawang lahat tayo, sa bawat bansa, ay gumamit na mainam ng katiwasayan na ibinibigay ni Jehova samantalang tayo’y patuloy na nagsusumikap na matapos ang gawain. Anong tiyak na kasiguruhan ang ibinibigay sa atin ni Jehova samantalang tayo’y papalapit sa panahon ng pinakamalaking kapighatian na masasaksihan ng sangkatauhan!​—Daniel 12:1; Mateo 24:21, 22.

10. Sino ang inilaan ni Jehova na tumulong sa Mabuting Pastol, si Kristo Jesus, at papaano nagpahayag si apostol Pablo sa ilan sa mga ito?

10 Bilang paghahanda para sa araw na iyan ng kaniyang paghihiganti laban sa mga balakyot, si Jehova ay nagbigay ng katulong na mga pastol upang tumulong sa Mabuting Pastol, si Kristo Jesus, sa pag-aasikaso sa kawan. Ang mga ito ay inilalarawan sa Apocalipsis 1:16 bilang isang kumpletong bilang ng “pitong bituin” sa kanang kamay ni Jesus. Noong unang siglo, si apostol Pablo ay nagpahayag sa isang kumakatawang kalipunan ng mga katulong na pastol na ito, na nagsasabi: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Sa ngayon, sampu-sampung libong katulong na mga pastol ang naglilingkod sa 69,558 kongregasyon sa buong lupa.

Mga Katulong na Pastol Manguna Kayo!

11. Papaano ang ilan sa mga pastol ay nagtagumpay ng pangunguna sa mga teritoryo na malimit magawa?

11 Sa maraming lugar ang mga pastol na ito ay kailangang manguna sa mga teritoryo na paulit-ulit na nagagawa sa mga huling araw na ito. Papaano nila mapananatiling laging masigla ang kawan? Ang mga pastol ay totoong kapuri-puri ang ginagawa, at ang isa sa mga paraan na nagbigay sa kanila ng tagumpay ay ang pagpapasigla sa gawaing pag-a-auxiliary at pagre-regular pioneer. Maraming mga pastol ang nakibahagi na rin sa ganitong paglilingkod, at kahit yaong mga mamamahayag na hindi makagawa ng gayon ay nagpakita ng espiritu ng pagpapayunir, na naglilingkod na may kagalakan sa pagtulong na madaig ang kawalang-interes ng mga tao sa teritoryo. (Awit 100:2; 104:33, 34; Filipos 4:4, 5) Sa gayon, habang ang kabalakyutan at ang masalimuot na kaguluhan ay lumalaganap sa daigdig, maraming tulad-tupang mga tao ang nagigising sa pag-asa sa Kaharian.​—Mateo 12:18, 21; Roma 15:12.

12. Anong malubhang suliranin ang umiiral sa mabilis-lumagong mga larangan, at papaano ito nilulunasan kung minsan?

12 Ang isa pang suliranin ay kadalasan kulang ng kuwalipikadong mga pastol upang mag-asikaso sa kawan. Pagka mabilis ang paglago sa isang lugar, gaya sa Silangang Europa, nagkakaroon ng maraming bagong mga kongregasyon na walang isa mang hinirang na matanda. Nagkusang-loob na mga tupa ang bumabalikat sa pasanin, subalit sila’y walang gaanong karanasan, at kailangan ang tulong upang masanay ang mga tupa na humuhugos sa mga kongregasyon. Sa mga lupain na gaya ng Brazil, Mexico, at Zaire, na doo’y napakabilis ang paglago, mas nakababatang mga Saksi ang kinailangang gamitin sa pag-oorganisa ng paglilingkod at pagsasanay sa iba pang mga baguhan. Ang mga payunir ay nagbibigay ng mahusay na tulong, at narito ang isang larangan na dito’y maaaring sanayin ng mga kapatid na babae ang bagong mga sister. Pinagpapala ni Jehova ang resulta sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Nagpapatuloy ang paglago.​—Isaias 54:2, 3.

13. (a) Yamang napakarami ang aanihin, ano ang dapat ipanalangin ng lahat ng mga Saksi? (b) Papaano sinagot ang mga panalangin ng bayan ng Diyos bago at sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig?

13 Sa mga lupain na ang pangangaral ay matatag na, sa mga lupain na doo’y inalis kamakailan ang mga paghihigpit, at sa bagong kabubukas na mga teritoryo, ang mga salita ni Jesus sa Mateo 9:37, 38 ay kumakapit pa rin: “Oo, marami ang aanihin, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Kung gayon, idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” At, tayo’y kailangan ding manalangin, na sana si Jehova ay magbangon ng higit pang mga pastol. Kaniyang ipinakita na magagawa niya ito. Bago at sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ang malulupit na tulad-Asiryanong mga diktador ay nagsikap na lipulin ang mga Saksi ni Jehova. Subalit bilang sagot sa kanilang mga panalangin, dinalisay ni Jehova ang kanilang organisasyon, ginawa ito na talagang teokratiko, at nagbigay siya ng kinakailangang “mga pastol.”a Ito ay kasuwato ng hula: “Pagka ang taga-Asirya ay papasok sa ating lupain at pagka siya’y tutuntong sa ating tirahang mga palasyo, tayo nga ay magtitindig laban sa kaniya ng pitong pastol, oo, walong taong pinaka-pangulo”​—marami pa kaysa sapat na dami ng nag-alay na matatanda na mangunguna.​—Mikas 5:5.

14. Anong mahalagang pangangailangan ang umiiral sa organisasyon, at anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa mga kapatid na lalaki?

14 May mahalagang pangangailangan na lahat ng bautismadong mga lalaking Saksi ay magsikap na makaabot sa higit pang mga pribilehiyo. (1 Timoteo 3:1) Kailangan ang madaliang pagkilos. Ang wakas ng sistemang ito ay mabilis na dumarating. Ang Habacuc 2:3 ay nagsasabi: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa pagkatapos, at hindi magbubulaan. . . . Walang pagsalang darating. Hindi na magtatagal.” Mga kapatid na lalaki, kayo ba’y makapagsisikap na makaabot upang maging kuwalipikado para sa higit pang mga pribilehiyo sa gawaing pagpapastol na ito​—bago sumapit ang wakas?​—Tito 1:6-9.

Teokratikong Pagpapastol

15. Papaano isang teokrasya ang bayan ni Jehova?

15 Upang lubusang makibahagi sa pagpapalawak ng organisasyon ni Jehova, ang kaniyang bayan ay kailangang maging teokratiko sa kanilang pananaw. Papaano nila magagawa ito? Buweno, ano ba ang ibig sabihin ng terminong “teokratiko”? Sa Webster’s New Twentieth Century Dictionary ay ibinibigay ang kahulugan ng “teokrasya” bilang “ang pagpupunò ng Diyos sa isang estado.” Sa diwang ito kung kaya ang “banal na bansa” ng bayan ni Jehova ay isang teokrasya. (1 Pedro 2:9; Isaias 33:22) Bilang mga miyembro o mga kasamahan ng teokratikong bansang iyon, ang tunay na mga Kristiyano ay kailangang mamuhay at maglingkod ayon sa Salita ng Diyos at sa mga simulain nito.

16. Papaano, sa maikli, maipakikita natin na tayo’y teokratiko?

16 Malinaw na ipinaliliwanag ni apostol Pablo kung papaano dapat maging teokratiko ang mga Kristiyano. Una, kaniyang sinasabi na sila’y “dapat magbihis ng bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.” Ang pagkataong Kristiyano ay kailangang mahubog ayon sa matuwid na mga simulain ng Diyos na nasa kaniyang Salita. Siya’y kailangang maging tapat kay Jehova at sa Kaniyang mga batas. Pagkatapos ipaghalimbawa kung papaano ito magagawa, ipinayo ni Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang minamahal na mga anak.” (Efeso 4:24–5:1) Tulad ng masunuring mga anak, tayo’y kailangang tumulad sa Diyos. Iyan ay tunay na teokrasya na kumikilos, nagpapakita na tayo’y talagang pinamamahalaan na ng Diyos!​—Tingnan din ang Colosas 3:10, 12-14.

17, 18. (a) Anong pangunahing katangian ng Diyos ang tinutularan ng teokratikong mga Kristiyano? (b) Sa kaniyang mga salita kay Moises, papaano idiniin ni Jehova ang Kaniyang pangunahing katangian, subalit anong babala ang ibinigay Niya?

17 Ano ang pangunahing katangian ng Diyos na dapat nating tularan? Si apostol Juan ay sumasagot sa 1 Juan 4:8 nang kaniyang sabihin: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Pagkatapos ng walong talata, sa talatang 16, kaniyang inulit ang mahalagang simulaing ito: “Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili na kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.” Ang Dakilang Pastol, si Jehova, ang sagisag ng pag-ibig. Ang teokratikong mga pastol ay tumutulad sa kaniya sa pagpapakita ng matinding pag-ibig sa mga tupa ni Jehova.​—Ihambing ang 1 Juan 3:16, 18; 4:7-11.

18 Ang Dakilang Teokrata ay nagpakilala kay Moises bilang “si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa ano mang paraan ay hindi magtatangi mula sa kaparusahan, na nagdadala ng parusa ukol sa kasalanan ng mga ama sa mga anak at sa mga apo, sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi.” (Exodo 34:6, 7) Sa gayo’y idiniriin ni Jehova ang sari-saring pitak ng kaniyang pangunahing katangiang teokratiko, ang pag-ibig, samantalang mahigpit na nagbababala na kaniyang parurusahan ang kasalanan kung nararapat parusahan.

19. Kaiba sa mga Fariseo, papaano dapat kumilos sa paraang teokratiko ang mga pastol na Kristiyano?

19 Para sa mga may hinahawakang pananagutan sa organisasyon, ano ba ang ibig sabihin ng pagiging teokratiko? Sinabi ni Jesus tungkol sa mga eskriba at mga Fariseo noong kaniyang kaarawan: “Sila’y nagbibigkis ng mabibigat na pasanin at ipinapapasan nila sa mga balikat ng mga tao, datapuwat ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri ang mga ito.” (Mateo 23:4) Totoong mapaniil at salat sa pag-ibig! Sa tunay na teokrasya, o pamamahala ng Diyos, ang mga pastol ng kawan ay sumusunod sa maibiging mga simulain ng Bibliya, hindi nagpapabigat sa mga tupa ng walang katapusang gawang-taong mga alituntunin. (Ihambing ang Mateo 15:1-9.) Gayundin, ang teokratikong mga pastol ay kailangang tumulad sa Diyos sa pagdaragdag ng katatagan sa kanilang pag-ibig upang mapanatiling malinis ang kongregasyon.​—Ihambing ang Roma 2:11; 1 Pedro 1:17.

20. Anong mga kaayusan sa organisasyon ang kinikilala ng teokratikong mga pastol?

20 Kinikilala ng tunay na mga pastol na sa mga huling araw na ito, hinirang ni Jesus ang kaniyang tapat at maingat ng alipin upang mangasiwa sa lahat ng kaniyang mga pag-aari at ang banal na espiritu ang pumapatnubay sa aliping ito sa paghirang ng matatanda para sa pagpapastol ng mga tupa. (Mateo 24:3, 47; Gawa 20:28) Samakatuwid, kasangkot sa pagiging teokratiko ang pagkakaroon ng malaking paggalang sa aliping ito, sa mga kaayusan sa organisasyon na itinatag ng alipin, at sa kaayusan ng matatanda sa loob ng kongregasyon.​—Hebreo 13:7, 17.

21. Anong mabuting halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa katulong na mga pastol?

21 Si Jesus mismo ay nagpakita ng isang mabuting halimbawa, na laging umaasa ng patnubay kay Jehova at sa kaniyang Salita. Sinabi niya: “Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig, at ang paghatol ko’y matuwid, sapagkat pinaghahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) Ang katulong na mga pastol ng Panginoong Jesu-Kristo ay dapat luminang ng isang nakakatulad na saloobing mapagpakumbaba. Kung ang isang matanda ay laging sumasangguni sa Salita ng Diyos bilang patnubay, gaya ng ginawa ni Jesus, siya ay tunay na teokratiko.​—Mateo 4:1-11; Juan 6:38.

22. (a) Papaano dapat magsumikap ang lahat na maging teokratiko? (b) Anong may-kabaitang paanyaya ang ibinibigay ni Jesus sa mga tupa?

22 Kayong bautismadong mga lalaki, magsumikap na makaabot sa kuwalipikasyon para sa mga pribilehiyo sa kongregasyon! Lahat kayong mahal na mga tupa, ang gawing pakay ninyo ay maging teokratiko, tularan ang Diyos at si Kristo sa pagpapakita ng pag-ibig! Harinawang ang mga pastol at ang kawan ay kapuwa mangagalak dahil sa pagtugon nila sa paanyaya ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”​—Mateo 11:28-30.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulo sa Watchtower na pinamagatang “Organization,” sa mga labas ng Hunyo 1 at 15, 1938.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Ano ba ang “kawan” ni Jehova, at sino ang saklaw nito?

◻ Papaano kumilos si Jesus bilang “ang mabuting pastol” noong unang siglo, at sa ngayon?

◻ Anong pangunahing papel ang ginagampanan ng katulong na mga pastol sa pag-aasikaso sa kawan?

◻ Ano ang saligang kahulugan ng salitang “teokrasya”?

◻ Papaano kikilos ang isang Kristiyano​—lalo na ang isang katulong na pastol​—upang maging teokratiko?

[Larawan sa pahina 20]

Tulad ng isang nakatalagang pastol, pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang kawan

[Larawan sa pahina 23]

Ang pagtulad sa katangian ng Diyos na Jehova na pag-ibig ay teokrasya na kumikilos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share