Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 1/1 p. 24-25
  • Gerizim—‘Sa Bundok na Ito Kami Sumamba’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gerizim—‘Sa Bundok na Ito Kami Sumamba’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Kaparehong Materyal
  • Gerizim, Bundok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Bundok Gerizim
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Shekem—Ang Lunsod sa Libis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ebal, Bundok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 1/1 p. 24-25

Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako

Gerizim​—‘Sa Bundok na Ito Kami Sumamba’

ANG babaing Samaritana sa balon. Hindi ba ang pananalitang iyan ay nagpapagunita sa iyo ng makabagbag-damdaming ulat ng impormal na pagpapatotoo ni Jesus sa isang babae sa “balon ni Jacob” sa Sychar, isang siyudad ng Samaria? Nais mo bang makitang mabuti ang makahulugang pangyayaring iyan?​—Juan 4:5-14.

Pansinin ang dalawang bundok sa itaas, na mga 50 kilometro sa hilaga ng Jerusalem.a Sa gawing kaliwa (timog) ay nariyan ang Gerizim na natatakpan ng mga punungkahoy; ang maraming bukal ang nagbibigay rito ng matabang lupa at ng kagandahan. Sa gawing kanan (hilaga) ay naroon ang Ebal, medyo mas mataas ngunit mabato at baog.

Nasa pagitan ng mga ito ang matabang libis ng Shechem. Gunitain na nang ang kaibigan ng Diyos na si Abram (pinanganlang Abraham nang malaunan) ay naglakbay patungo sa Lupang Pangako, siya’y huminto sandali sa Shechem. Doon ay nagtayo siya ng isang dambana kay Jehova, na makalipas lamang ang ilang saglit ay nagpakita sa kaniya at nangakong ang lupaing ito ay ibibigay sa kaniyang binhi. (Genesis 12:5-7) Angkop na angkop nga ang lugar na ito para sa gayong pangako, sa pusod ng lupain! Buhat sa taluktok ng Gerizim o Ebal, maaaring tumanaw ang patriarka sa malaking bahagi ng Lupang Pangako. Ang siyudad ng Shechem (ang modernong Nablus) ay isang mahalagang sentro, palibhasa’y nasa hilagang-timog na daang-bundok malapit sa isang daan sa silangang-kanluran sa pagitan ng baybayin at ng Libis ng Jordan.

Ang dambana ni Abraham ay isa lamang sa tanyag na relihiyosong pangyayari rito. Sa kalaunan, si Jacob ay bumili ng lupa sa lugar na ito at nagpatuloy sa tunay na pagsamba. Siya ay humukay rin o nagbayad upang humukay roon ng isang malalim na balon, malapit sa paanan ng Gerizim. Makalipas ang daan-daang taon sinabi kay Jesus ng babaing Samaritana: “Ang aming ninunong si Jacob, na nagbigay sa amin ng balon . . . , ay uminom dito.” Marahil ang tubig nito ay nanggagaling sa isang batis, na nagpapaliwanag kung bakit ito’y tinagurian ni apostol Juan na ang “bukal ni Jacob.”

Ang pagbanggit sa tunay na pagsamba may kaugnayan sa Gerizim at Ebal ay maaari ring magpagunita sa iyo na dinala rito ni Josue ang Israel, gaya ng iniutos ni Moises. Si Josue ay nagtayo ng isang dambana sa Ebal. Gunigunihin na kalahati ng mga mamamayan ay nasa harap ng Gerizim at ang natitirang bahagi ay nasa harap ng Ebal habang binabasa ni Josue “ang kautusan, ang pagpapala at ang sumpa.” (Josue 8:30-35; Deuteronomio 11:29) Makalipas ang mga taon, si Josue ay bumalik at bilang katapusang payo ay sinabi niya: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, kami’y maglilingkod kay Jehova.” Ang bayan ay nakipagtipan na gumawa rin niyaon. (Josue 24:1, 15-18, 25) Subalit tunay nga kayang gagawin nila iyon?

Ang sagot ay marahil tutulong sa iyo na maunawaan ang pakikipag-usap ni Jesus sa babaing Samaritana. Alam mo, ang tunay na pagsamba na sinunod ni Abraham, Jacob, at Josue ay hindi nagpatuloy rito sa Samaria.

Pagkatapos na ang sampung tribo sa hilaga ay humiwalay, sila’y bumaling sa pagsamba sa baka. Kaya pinayagan ni Jehova ang mga taga-Asirya na sakupin ang lugar na ito noong 740 B.C.E. Marami sa mga mamamayan ang kanilang dinala, na hinalinhan ang mga ito ng mga banyaga na galing sa ibang lugar sa Imperyo ng Asirya, mga mananamba sa kakatuwang mga diyos. Ang ilan sa mga paganong iyon ay malamang na nagsipag-asawa ng mga Israelita at natuto ng ilang mga turo ng tunay na pagsamba, gaya ng pagtutuli. Subalit ang ibinungang anyo ng pagsambang Samaritano ay tunay na hindi lubusang nakalugod sa Diyos.​—2 Hari 17:7-33.

Sa kanilang haluang pagsamba, ang tinanggap ng mga Samaritano bilang Kasulatan ay yaon lamang unang limang aklat ni Moises, ang Pentateuch. Noong mga ikaapat na siglo B.C.E., sila’y nagtayo ng isang templo sa Bundok ng Gerizim, bilang kakompitensiya ng templo ng Diyos sa Jerusalem. Nang dumating ang panahon na ang templo sa Gerizim ay inialay kay Zeus (o, Jupiter) at sa wakas ay nawasak. Gayumpaman, ang pagsamba ng mga Samaritano ay nagpatuloy na nakasentro sa Gerizim.

Magpahanggang sa araw na ito, ang mga Samaritano ay gumaganap sa taun-taon ng pagdiriwang ng Paskua sa Gerizim. Kumakatay ng maraming kordero. Ang mga patay na hayop ay inilulubog sa mga bariles ng kumukulong tubig upang mahimulmulan, at pagkatapos ang karne ay iniluluto sa mga hukay sa loob ng mga ilang oras. Kung hatinggabi daan-daang Samaritano, marami ang nanggagaling sa Jerusalem, ang kumakain ng kanilang pagkain sa Paskua. Sa kaliwa ay makikita mo ang mataas na saserdoteng Samaritano, nababalutan ang kaniyang ulo, nangunguna sa selebrasyon ng Paskua sa Bundok Gerizim.

Alalahanin ang sinabi kay Jesus ng babaing Samaritana: “Ang aming mga ninuno ay sumamba sa bundok na ito.” Si Jesus ay nagbigay ng tamang paliwanag sa kaniya, at pati na rin sa atin: “Dumarating ang oras na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. . . . Gayunman, dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:20-24.

[Talababa]

a Isang lalong malaking larawan nito ang nasa 1993 Calendar of Jehovah’s Witnesses.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Garo Nalbandian

Garo Nalbandian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share