Masaganang mga Pagpapala sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong mga Kombensiyon
MGA 2,700 taon na ang lumipas, sumulat ang propetang si Isaias: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng pusikit na dilim ang mga bayan.” (Isaias 60:2) Anong pagkatotoo nga ng mga salitang iyan! Subalit, may pag-asa, sapagkat pinapangyari ni Jehova na sumikat ang liwanag. Noong nakalipas na taon, yaong mga umiibig sa liwanag ng Diyos ay buong-init na inanyayahang dumalo sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong mga Kombensiyon.
Ang programa sa kombensiyon ay unang itinanghal noong Hunyo sa Hilagang Amerika. Nang sumunod na mga buwan, iyon ay naitanghal din sa Silangan at Kanlurang Europa, Sentral at Timog Amerika, Aprika, Asia, at mga kapuluan sa karagatan. Ang mga nagsidalo ay umabot sa bilang na milyun-milyon. At anong pagkasaganang espirituwal na piging ang kanilang tinamasa!
“Malugod Kayong Tinatanggap, Lahat ng mga Tagapagdala ng Liwanag!”
Sa karamihan ng lugar ang kombensiyon ay nagsimula ng Biyernes at nagtapos ng Linggo ng hapon. Habang ang mga kombensiyonista ay panatag na nangakaupo noong Biyernes ng umaga, sila’y masayang nakarinig ng isang maikling repaso kung papaano ang ilaw ni Jehova ay lalong nagniningning sa mga huling araw na ito. Pagkatapos ang chairman ng kombensiyon ang gumanap ng bahagi. Kaniyang idiniin na ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na maging tagapagdala ng liwanag at masiglang nagsabi: “Malugod kayong tinatanggap, lahat ng mga tagapagdala ng liwanag!” Ang programa ng kombensiyon ay tutulong sa mga delegado na patuloy na pasikatin ang liwanag ni Jehova.
Ang pinakapaksang pahayag ang nagtatag ng pangkalahatang kaayusan ng buong kombensiyon. Ipinaalaala ng tagapagpahayag na ito sa mga kombensiyonista na namatayan ng mga ilaw ang sangkatauhan noon pa sa halamanan ng Eden. Sapol noon, binulag ni Satanas ang mga tao sa liwanag ng katotohanan. (2 Corinto 4:4) Gayunman, si Jesus ay pumarito bilang “isang ilaw ng mga bansa.” (Isaias 42:1-6) Kaniyang ibinunyag ang mga kabulaanan ng relihiyon, ipinakilala ang mga maling gawain ng kadiliman, itinaguyod ang soberanya ni Jehova, at ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Gayundin ang ginawa ng mga tagasunod ni Jesus—at ginagawa pa rin nila iyon! (Mateo 28:19, 20) Nakapupukaw ang sinabi ng tagapagpahayag: ‘Tayo, tulad ni Jesus, ay maaaring maging tagapagdala ng liwanag. Wala nang ibang gawain na higit na mahalaga sa ating kaarawan. At wala nang hihigit pa ritong pribilehiyo.’
Samantalang patapos na ang unang sesyon ng kombensiyon, nagkaroon ng isang sorpresa. Ang chairman ng kombensiyon ay bumalik sa plataporma at ipinabatid ang paglalabas ng sunud-sunod na apat na mga bagong tract. Masiglang palakpakan ang kasunod nito, at isang kopya ng bawat tract ang ipinamahagi sa bawat dumalong delegado.
Noong Biyernes ng hapon, ang programa ng kombensiyon ay may kinalaman sa saligang payo para sa mga Kristiyanong tagapagdala ng liwanag. Ang unang dalawang pahayag ay nagbigay ng mainam na payo kung papaano maiiwasang mahawa sa kadiliman ng sanlibutan. Yamang si Satanas ay nakapag-aanyong isang anghel ng liwanag, mahalaga na manatiling may espirituwal na pangmalas upang huwag tayong mahila ng maruruming bagay ng sanlibutan. (2 Corinto 11:14) Ipinayo ni Pablo: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Narinig ng mga delegado sa kombensiyon na ang pagbabago ng isang Kristiyano ay patuluyan. Ang ating mga isip ay palaging nalilinis at nahuhubog habang tayo’y nag-aaral ng Salita ng Diyos at ikinakapit ang ating natututuhan. Sa gayon, tayo ay higit at higit na nakakatulad ni Jesus, na “punô ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob at katotohanan.”—Juan 1:14.
Mga Kabataang Tagapagdala ng Liwanag
Ang ikalawang bahagi ng Biyernes ng hapon ay nakatutok sa mga kabataan. Ang unang pahayag (“Mga Kabataan—Ano ang Inyong Itinataguyod?”) ay nagbigay ng komendasyon sa mga kabataang Kristiyano na naging magandang halimbawa ng katapatan. Subalit ipinaalaala sa kanila na sila lalo na ang tudlaan ni Satanas. Kahit na ang isang sanáy na sanáy na manlalaro ay nangangailangan ng isang coach. Sa katulad na paraan, ang mga kabataan ay nangangailangan ng tulong ng kanilang mga magulang at ng kongregasyon upang patuloy na lumakad sa liwanag.
Ito ay idiniin ng napakainam na dramang Paggawa ng Matuwid sa Paningin ni Jehova, na tumapos sa programa noong Biyernes. Itinampok ang halimbawa ni Haring Josias. Kahit mula pa sa pagkabata, siya’y desidido nang maglingkod kay Jehova. May masasamang impluwensiya sa kaniyang palibot, subalit sa patnubay ng mataas na saserdoteng si Hilkias at dahilan sa kaniyang sariling pag-ibig sa Kautusan ng Diyos, ginawa ni Josias ang matuwid sa paningin ni Jehova. Marami sanang kabataang Kristiyano ang kumilos sa katulad na paraan.
Pasikatin ang Liwanag
Pagkaraan ng magdamag na pamamahinga, ang mga delegado ay dumating sa kombensiyon noong Sabado ng umaga na handa para sa pagtanggap ng higit pang nakapagpapatibay na payo ng Kasulatan. Sila ay hindi nabigo. Pagkatapos talakayin ang teksto sa araw na iyon, ang programa ay nagpatuloy sa isang simposyum na bumabalangkas ng iba’t ibang paraan kung papaano mapasisikat ng isang Kristiyano ang kaniyang liwanag. (Mateo 5:14-16) Ang pangangaral ay isang mahalagang paraan, at ang mabuting asal ay gumaganap din ng mahalagang bahagi. Gaya ng sinabi ng tagapagpahayag, “ang pangangaral ang nagsasabi sa iba kung ano ang ating pinaniniwalaan, subalit ang pag-ibig na may kalakip na mga gawa ang nagtatanghal nito.”
Isang mahalagang tulong sa pangangaral ang itinawag-pansin sa mga kombensiyonista—mga tract. Samantalang sariwa pa sa isip ang patalastas noong unang araw, ang mga delegado ay nakarinig ng mga karanasan na nagpapatunay ng pagkamabisa ng maliliit na mga kagamitang ito. Ang mga delegado ay hinimok na laging magdala ng mga tract, upang ipamahagi sa bawat pagkakataon.
Sumunod na pinag-ukulan ng pansin ang mga payunir, yaong buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian na nagpapagal nang puspusan sa pagdadala ng liwanag. Anong laki ng ating pagpapahalaga sa ating masisipag na payunir! At sila’y dumarami. Kahit sa mga bansa na bago lamang pinagkalooban ng kalayaan ng pagsamba, dumarami rin ang mga payunir. Ang mga payunir ay hinimok na pagyamanin ang kanilang pribilehiyo. Yaong hindi pa nagpapayunir ay pinayuhan na isaalang-alang ang kanilang kalagayan. Marahil sila man ay makapagsasaayos ng kanilang pamumuhay upang ang kanilang liwanag ay mapasikat sa buong-panahong paglilingkod.
Ang pagiging isang tagapagdala ng liwanag ay kalimitang nangangailangan ng pagsasakripisyo, at ito ay itinampok sa sumunod na pahayag na, “Paglilingkod kay Jehova Taglay ang Espiritu ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili.” Si Pablo ay namanhik: “Iharap ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos.” (Roma 12:1) Ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay ipinakikita niyaong mga nagtitiis ng pag-uusig. Ang mga payunir ay nagsasakripisyo araw-araw upang makapanatili sa buong-panahong paglilingkod. Oo, lahat ng tunay na mga Kristiyano ay nagsasakripisyo, okupado ng paglilingkod kay Jehova imbes ng mapag-imbot, materyalistikong mga tunguhin ng sanlibutang ito. Ang gayong landasin ay nagbubunga ng masaganang mga pagpapala buhat kay Jehova.
Ang diskursong iyan ay nagsilbing isang angkop na pambungad sa kasunod—ang pahayag sa bautismo. Yaong mga nabautismuhan sa mga “Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon ay tiyak na hindi makalilimot sa pahayag na ito. Ang kanilang bautismo ay laging magiging isang mahalagang bahagi ng kanilang buhay. Sa kanila’y ipinaalaala na sila’y tumutulad sa halimbawa ni Jesu-Kristo, na nabautismuhan sa edad na 30 taon. Isa pa, ang mga kandidato sa bautismo ay nagalak na alalahanin na kanilang “iniwaksi ang mga gawa ng kadiliman” at nagpasiyang maging “alipin ni Jehova.” (Roma 12:11; 13:12) Taglay ang kagalakan sila’y tumayo sa harap ng mga naroroon sa kombensiyon at gumawa ng isang naririnig na pangmadlang deklarasyon bago magtungo sa bautismo. (Roma 10:10) Ating idinadalangin na pagpalain ni Jehova ang lahat ng gumawa ng pag-aalay sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong mga Kombensiyon.
Ang Sabado ng hapon ay panahon para sa tuwirang mga babala. Ito’y ginawa sa pamamagitan ng mga pahayag na pinamagatang “Iwasan ang mga Silo ng Kasakiman,” “May Sumisira ba ng Inyong Kapaki-pakinabang na mga Pag-uugali?” at “Mag-ingat Laban sa Bawat Uri ng Idolatriya.” Ang tatlong pahayag na ito ay nagpakilala sa ilan sa mga paraang ginagamit ni Satanas upang pahinain ang isang Kristiyano. Si Judas Iscariote ay isang apostol, subalit kaniyang ipinagkanulo si Jesus dahil sa salapi. Ang kabataang si Samuel ay lumaki doon mismo sa pambansang sentro ng pagsamba kay Jehova, subalit hindi niya naiwasan na mapahantad sa ilang napakasasamang kasama. (1 Samuel 2:12, 18-20) Maaaring makasali sa idolatriya ang mga bagay na katulad ng seksuwal na imoralidad at kaimbutan. (Efeso 5:5; Colosas 3:5) Oo, ang kasakiman, masasamang kasama, at idolatriya ay mapanganib at kailangang iwasan.
Ngayon ang programa sa kombensiyon ay nagbago ng takbo, wika nga. Ang sumunod na pahayag ay nagbangon ng ilang kawili-wiling mga katanungan sa Bibliya at sinagot ang mga iyon. Halimbawa, maipaliliwanag ba ninyo kung ang mga taong ayaw tumanggap sa katotohanan at namatay bago sumapit ang malaking kapighatian ay bubuhaying-muli? Ano ang magagawa ng isang Kristiyano kung hindi siya makakita ng isang nababagay maging asawa? Upang palawakin ang kanilang kaalaman sa Bibliya, ang mga delegado ay hinimok na gamiting lubusan ang Watch Tower Publications Index, lalung-lalo na sa ilalim ng paulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa.”
Ang Pagkanaririto at Pagkahayag ni Kristo
Ang katapusang bahagi ng programa noong Sabado ay bumaling sa hula sa simposyum na pinamagatang “Pagbibigay-Liwanag sa Pagkanaririto at Pagkahayag ni Kristo.” Nirepaso ang mga bahagi ng “tanda” na nagpapatotoo sa pagkanaririto ni Jesu-Kristo. (Mateo 24:3) Sa ikalawang bahagi, ang modernong gawain ng “tapat at maingat na alipin” ay tinalakay. (Mateo 24:45-47) Ipinaliwanag na buhat noong 1919 ang uring alipin ay may-katapatang nanguna sa gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Pagkatapos ay isang malaking pulutong ang tinipon buhat sa lahat ng bansa upang makibahagi sa pinahirang mga Kristiyano sa pagpapasikat ng liwanag ni Jehova. Nagtapos ang tagapagpahayag: “Hayaang lahat ay masigasig na magpatuloy na suportahan ang tapat at maingat na alipin. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito balang araw at kaylapit-lapit nang lahat ng tulad-tupang mga tao ay makaririnig ng masasayang salita: ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula nang pagkatatag ng sanlibutan.’ ”—Mateo 25:34.
Ang katapusang tagapagpahayag ang tumalakay ng kahulugan at ang mga ipinahihiwatig ng pagkahayag ni Jesu-Kristo. (1 Corinto 1:7) Anong pambihirang karanasan ang pagkahayag na iyon! Ang Babilonyang Dakila ay pupuksain. Ang dakilang labanan ng sanlibutan ni Satanas at ni Jesus at ng kaniyang mga anghel ay magwawakas sa katapusan ng sistemang ito. Sa wakas, si Satanas mismo ay ibubulid sa kalaliman at hindi na makagagawa ng ano pa man. Subalit magdudulot iyon ng kaginhawahan sa bayan ng Diyos, sa kasal ng Kordero sa langit at sa pagpapasimula ng isang bagong lupa. Pinasaya ng tagapagpahayag ang kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng paglalabas ng bagong brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? Anong inam na tulong ito para sa mapagpakumbabang mga tao na nangangailangang makakilala sa mapagmahal nating Manlalalang at sa kaniyang mga layunin para sa atin!
Mga Sambahayang Kristiyano
Sumapit na ngayon ang Linggo, ang katapusang araw ng kombensiyon. Gayunman, marami pang dapat iharap. Pagkatapos talakayin ang teksto para sa araw na iyon, ang pamilyang Kristiyano ang binigyang-pansin sa simposyum na “Pangangalaga sa Isa’t Isa sa Sambahayang Kristiyano.” Ang unang bahagi ay tumulong sa mga kombensiyonista na makilala ang lihim ng pagkakaroon ng isang matagumpay na pamilyang Kristiyano: unahin muna ang espirituwal na mga bagay. Ang ikalawang bahagi ay nagpatibay-loob sa mga pamilya na magsama-sama sa paggawa ng mga bagay-bagay, maging iyon man ay ang pagdalo sa mga pulong, paglilingkod sa larangan, pampamilyang pag-aaral, o paglilibang. At ang ikatlong bahagi ng simposyum ay nagpaalaala sa mga delegado ng kanilang pribilehiyo at pananagutan na mangalaga sa matatanda na. “Ang ating nakatatandang mga kapatid ay isang kapurihan sa kongregasyon,” ang sabi ng tagapagpahayag. Pagyamanin natin ang kanilang karanasan at tularan ang kanilang katapatan.
Ang kahulugan ng pananalitang “katinuan ng isip” ang sumunod na sinuri. (1 Pedro 4:7) Ang taong may katinuan ng isip ay timbang, may sentido komun, makatuwiran, mapagpakumbaba, at nakapangangatuwiran. Kaniyang nakikilala ang pagkakaiba ng tama at mali, ng totoo at ng di-totoo. Isa pa, sinisikap niyang mapanatili ang mabuting espirituwal na kalusugan.
Ang pangkatapusang pahayag sa programa noong Linggo ng umaga ay tumalakay sa ating pagpapasakop sa Diyos at kay Kristo. “Ang kahalagahan ng tapat na pagpapasakop sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay hindi kalabisang idiin,” sabi ng nagpahayag. Kaniyang ipinakita kung papaano ito may epekto sa bawat pitak ng ating buhay. Ano ang tutulong sa atin na manatiling napasasakop? Apat na katangian: pag-ibig, maka-Diyos na takot, pananampalataya, at pagpapakumbaba.
Linggo ng Hapon
Walang anu-ano, sumapit ang Linggo ng hapon at panahon na para sa katapusang sesyon ng kombensiyon. Para sa marami, waring ang kombensiyon ay kasisimula pa lamang, at ngayon ay sumapit na ito sa katapusan.
Ang pahayag pangmadla ay pinamagatang “Sundan ang Ilaw ng Sanlibutan.” Ang mga naroroon ay nakarinig ng isang nakabibighaning paliwanag tungkol sa papel na ginagampanan ng pisikal na liwanag sa pagpapanatili sa buhay. Pagkatapos ay ipinakita ng tagapagpahayag ang higit na kahalagahan ng espirituwal na liwanag. Napananatili tayong buháy ng pisikal na liwanag sa loob ng ilang dekada, subalit ang espirituwal na liwanag ay makapagpapanatili sa atin na buháy magpakailanman. Ang isang tampok ng pahayag ay ang talata-por-talatang pagtalakay sa Juan 1:1-16, na doo’y ipinakikilala si Jesus bilang ang ilaw ng sanlibutan. Sa ngayon, sa katapusang mga taon ng masamang sistemang ito, may lalong malaking pangangailangan na tularan si Jesus sa kaniyang ginagampanang papel na ito.
Pagkatapos ng isang sumaryo ng araling materyal sa Pag-aaral sa Bantayan na nakatakda para sa linggong iyon, oras na para sa katapusang pahayag. Nakatutuwa naman, ipinakita ng nagpahayag na maraming bagay na maaaring asam-asamin sa darating na mga araw. Halimbawa, kaniyang ipinabatid na may isang bagong audiocassette, ang drama na Doing God’s Will With Zeal (Paggawa ng Kalooban ng Diyos Nang May Sigasig). At hindi lamang iyan. Nakatakdang magkaroon ng isang bagong serye ng mga videocassette na pinamagatang The Bible—A Book of Fact and Prophecy (Ang Bibliya—Isang Aklat ng Katotohanan at Hula), ang unang-una sa paksang The Bible—Accurate History, Reliable Prophecy (Ang Bibliya—Tumpak na Kasaysayan, Mapanghahawakang Hula).
Sa wakas, ipinatalastas ng nagpahayag na sa 1993 ay magkakaroon ng apat na araw na mga pandistritong kombensiyon, kasali na ang pantanging internasyonal na mga pagtitipon sa Aprika, Asia, Europa, at Timog Amerika. Bagaman ang mga “Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon ay nagtatapos na noon, ang mga delegado ay makapagsisimula nang magplano para sa susunod na taon.
At oras na para sa mga delegado ng kombensiyon na magsiuwi. Tiyak, sila ay lalong desidido higit kailanman na patuloy na magpasikat ng liwanag sa nadirimlang sanlibutang ito. Pagkatapos ng tatlong araw na punô ng espirituwal na mabubuting bagay, ang mga salita ng huling talatang sinipi sa katapusang pahayag ay nagkaroon ng lalong malaking kahalagahan: “Si Jehova ang Isang Banal, at tayo’y binibigyan niya ng liwanag. . . . Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao, sapagkat siya ay mabuti; sapagkat ang kaniyang kagandahang-loob ay hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 118:27, 29.
[Larawan sa pahina 15]
Programa sa kombensiyon sa Ruso
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay nagpahayag sa maraming kombensiyon
Mga delegadong Hapones ang kabilang sa mga nagtipon sa St. Petersburg, Russia
Isang nakapupukaw na drama sa Bibliya ang nagdiin sa pangangailangan na gawin ang matuwid sa paningin ni Jehova
Sinagisagan ng bagong mga tagapagdala ng liwanag ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo
Mga kombensiyonista na wiling-wili sa programa sa St. Petersburg
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga delegado ay galak na galak na tanggapin ang bagong brosyur na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?”