“Magandang Umaga! Alam ba Ninyo ang Pangalan ng Diyos?”
SA TANGGAPANG sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil, tinanggap ang sumusunod na liham buhat sa 12-anyos na magkakambal na parehong babae sa siyudad ng Fortaleza:
“Noong 1990 nang kami ay nasa ikalimang grado, ang aming paaralan ay nag-organisa ng isang tanghalan sa siyensiya, sining, at kultura. Aming ipinaliwanag sa guro na ibig naming ang aming presentasyon ay mapaiba sa binabalak ng mga ibang estudyante na ihanda. Yamang kaniyang narinig kami na nagsasalita tungkol kay Jehova at sa Bibliya bago pa noon, siya’y nagmungkahi: ‘Kung gayon ay maaari kayong sumulat tungkol sa inyong Diyos!’
“Nakita namin na ito’y isang pagkakataon na magbigay ng patotoo at nagpasiyang magtulung-tulong sa pagtatanghal ng literatura sa Bibliya na nakatutok sa pangalan ni Jehova. Kami’y naghanda ng isang pinalaking reproduksiyon ng mga salita ng Awit 83:18 at idinikit namin iyon sa larawan ng isang nakabukas na Bibliya. At, naglagay kami sa mesa ng iba’t ibang mga salin ng Bibliya na mayroon ng pangalang Jehova. Sa mesa ring iyon, kami’y naglagay ng sari-saring literatura sa Bibliya. Sa dulo ng mesa, kami’y naglagay ng isang VCR at TV set upang ipakita sa mga bisita ang isang halimbawa na kung saan ang pangalang Jehova ay ginamit sa isang totoong popular na pelikula.
Sa panahon ng tanghalan, pagka ang isang tao ay naparoon sa aming mesa, sasabihin namin: ‘Magandang Umaga! Alam ba ninyo ang pangalan ng Diyos?’ Pagkatapos bigyan ang bisita ng pagkakataong tumugon, kami’y nagpapatuloy ng pagsasalita: ‘Tingnan po ninyo! Maraming salin ng Bibliya ang nagpapakitang ang kaniyang pangalan ay Jehova,’ saka ituturo ang pangalan sa iba’t ibang Bibliya, tulad niyaong kay Joāo Ferreira de Almeida, The Jerusalem Bible, at ang New World Translation. Pagkatapos ay aming pinalalabas ang eksena kung saan itinatampok ng pangunahing karakter sa pelikula ang Jehova bilang pangalan ng Diyos. Pagka nagpakita ng interes ang mga tao, amin silang binibigyan ng isang magasin o isang tract na may higit pang impormasyon.
“Isa sa mga kabataan na lumapit sa aming mesa ang humingi ng aklat na Ang Mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Sinuri ng aming guro ang aklat na Pinaliligaya Ang Inyong Buhay Pampamilya at bumulalas: ‘Aba! Isang aklat na kawili-wiling basahin!’ Sa katapusan ng pagtatanghal, kami ay nakapagpasakamay ng 7 aklat, 18 tract, at 67 magasin. Kami ang nakakuha ng ikatlong puwesto sa pagtatanghal. Subalit higit sa lahat, kami ay maligayang-maligaya dahil sa pribilehiyong maipakilala ang banal na pangalan, na Jehova.”