Apoy sa Impiyerno—Naglalagablab o Namamatay Na?
ANG Protestanteng predikador na si Jonathan Edwards ay naghahasik ng lagim sa puso ng mga Amerikano sa Kolonya noong ika-18 siglo sa pamamagitan ng kaniyang buong-linaw na paglalarawan sa impiyerno. Minsan kaniyang inilarawan ang isang tanawin na kung saan ang mga makasalanan ay ibinitin ng Diyos sa ibabaw ng naglalagablab na apoy na mistulang nakapandidiring mga gagamba. Pinagwikaan ni Edwards ang kaniyang kongregasyon: “Oh makasalanan, ikaw ay nakabitin sa pamamagitan ng isang manipis na sinulid, anupat ang banal na pagkapoot ay naglalagablab sa palibot, at handa sa bawat saglit na salabin iyon, at sunuging lubos.”
Gayunman, hindi nagtagal pagkatapos bigkasin ni Edwards ang napabantog na sermong ito, ang lagablab ng impiyerno ay nagsimula, wika nga, na umandap-andap at maparam.a Ang aklat na The Decline of Hell, ni D. P. Walker, ay bumabanggit na “pag-sapit ng ikaapat na dekada ng ika-18 siglo ang doktrina ng walang-hanggang pagpaparusa para sa mga isinumpa ay hayagang hinahamon.” Noong ika-19 siglo, ang lagablab ng impiyerno ay patuloy na namamatay, at nang kalagitnaan ng ika-20 siglo, ang opinyon ni Edwards tungkol sa impiyerno bilang isang ‘hurno ng apoy na kung saan ang mga biktima ay puspusang pinahihirapan sa kanilang mga isip at sa kanilang mga katawan nang walang-hanggan’ ay napawi na bilang isang paksa ng usapan. “Palibhasa’y inatake ng modernong isipan ng matatalino at ang kakilabutan ng Hiroshima at ng Holocaust ay mas malubha pa kaysa kakilabutan ng impiyerno,” ang banggit ng peryodistang si Jeffery Sheler, “ang paglalarawan sa impiyerno ay hindi na gaanong nakasisindak na gaya noong dati.”
Maraming predikador ang nawalan din ng kanilang gana tungkol sa apoy at asupre. Ang matitinding sermon sa mga kakilabutan ng impiyerno ay pumanaw na sa sermon sa pulpito ng tradisyonal na mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Para sa karamihan ng mga teologo, ang impiyerno ay naging isang paksang lubhang lipas na para pag-ukulan ng matamang pansin ng mga iskolar. Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas isang mananalaysay ng simbahan ang nagsasaliksik para sa isang panayam sa pamantasan tungkol sa impiyerno, at kaniyang sinuri ang mga indise ng maraming lathalain ng mga iskolar. Wala siyang matagpuan kahit isang paksa tungkol sa “impiyerno.” Sang-ayon sa magasing Newsweek, ang mananalaysay ay nagtapos: “Naparam ang impiyerno. At walang sinumang nakapansin.”
Ang Pagbabalik ng Impiyerno
Naparam? Hindi talaga. Nakapagtataka, noong nakalipas na mga taon ang doktrina ng impiyerno ay muling lumitaw sa ilang lugar. Ang mga surbey na ginawa sa Amerika ay nagpapakita na ang bilang ng mga taong nagsasabing sila’y naniniwala sa impiyerno ay dumami mula sa 53 porsiyento noong 1981 hanggang sa 60 porsiyento noong 1990. Idagdag dito ang pagdami sa buong daigdig ng mga kilusang ebangheliko na nangangaral ng impiyerno, at nahahayag na ang seryosong pagbabalik ng impiyerno sa kaisipan ng Sangkakristiyanuhan ay isang pangglobong pangyayari nga.
Subalit ang ganito bang muling pagsigla ay nakaaapekto lamang sa mga nagsisimba, o ito ba’y nakarating hanggang sa mga pulpito? Totoo na ang apoy sa impiyerno na ipinangaral ni Jonathan Edwards 250 taon na ang lumipas ay hindi nawala sa ilan sa mga konserbatibong pulpito ng Sangkakristiyanuhan. Noong 1991, ganito ang puna ng U.S.News & World Report: “Kahit sa ilang liberal na mga denominasyong tradisyonal, may mga palatandaan na ang mga teologo ay nagsisimulang matamang mag-isip tungkol sa idea ng impiyerno kaysa noong lumipas na maraming taon.” Maliwanag, makalipas ang mga taon ng pagpapabaya, ang apoy sa impiyerno ay naririto na naman sa mapa ng mga relihiyoso sa buong daigdig. Gayunman, taglay pa rin ba nito ang apoy?
Mga Tanong na Bumangon
Ang teologong si W. F. Wolbrecht ay walang mga pag-aalinlangan: “Ang impiyerno ay impiyerno, at walang hangarin o kaisipan ng mga tao ang makapagbabago sa walang-hanggang pagpaparusa.” Maraming nagsisimba ang hindi gaanong nakasisiguro tungkol diyan. Bagaman hindi sila nagdududa kung mayroon ngang impiyerno, sila’y may mga tanong tungkol sa kung ano ang impiyerno. Inamin ng isang teologo: “Kung para sa akin, ang impiyerno ay isang hindi mapag-aalinlanganan na katotohanan, malinaw na may patotoo sa Bibliya, subalit ang tiyak na kalikasan nito ay isang suliranin.” Oo, para sa dumaraming mga teologo at mga lego, ang tanong sa ngayon ay hindi na, “Mayroon bang impiyerno?” kundi, “Ano ba ang impiyerno?”
Papaano mo sasagutin iyan? Ano ang sinabi sa iyo tungkol sa kalikasan ng impiyerno? At bakit ang taimtim na mga Kristiyano ay naliligalig sa turong ito?
[Talababa]
a Noong Hulyo 8, 1741, si Edwards ay nangaral ng sermon na “Mga Makasalanan sa mga Kamay ng Isang Galit na Diyos.”
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: Doré’s illustration of Devils and Virgil for Dante’s Divine Comedy
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Ilustrasyon ni Dore ng Devils and Virgil para sa Devine Comedy ni Dante