Ang Bibliya—Isang Praktikal na Giya Para sa Modernong Tao
“Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at may kapakinabangang magagamit . . . bilang patnubay sa buhay ng tao.”—2 Timoteo 3:16, “The Jerusalem Bible.”
IPINALILIWANAG ng talatang ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang Bibliya ay praktikal para sa ating kaarawan. Ito ay kinasihan ng Diyos. Yamang ang Diyos ang lumalang sa atin, siya, higit sa lahat, ang may kaalaman tungkol sa ating mga katawan, isip, damdamin, at pangangailangan. Ang hari ng Israel na si David ay minsan nagsabi tungkol sa Diyos na Jehova: “Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang napasulat ang lahat ng bahagi.” (Awit 139:16) Kung alam na alam ng ating Maylikha ang tungkol sa atin, makatuwiran kung gayon na ang kaniyang paalaala at payo tungkol sa kung papaano tayo liligaya at magtatagumpay sa buhay ay karapat-dapat suriin.
Ipinakikita ng karanasan na ang mga simulain ng Bibliya ay kapuwa praktikal at makatotohanan para sa ating kaarawan. Ang mga ito ay may katiyakan din. Ang sumusunod ay apat na halimbawa na nagpapakita na praktikal na maikakapit sa araw-araw ang turo ng Bibliya.
Kaugnayan ng Tao sa Kapuwa at Personal na Paggawi: Ang Bibliya ay nagtataguyod ng isang mabuting kalipunan ng personal na etika na maaaring magbunga ng malusog, matagumpay na kaugnayan sa iba. Halimbawa, iniutos sa bansang Israel: “Huwag kayong maghihiganti o magtatanim man ng galit sa kapuwa . . . at iibigin ninyo ang inyong kapuwa gaya ng inyong sarili.” (Levitico 19:18) Bagaman tayo ay wala sa ilalim ng kautusang Israelita, ang pagsunod sa mga simulain nito sa Bibliya ay makatutulong sa atin na makipagpayapaan sa ating kapuwa. Gunigunihin, halimbawa, kung ilang mga suliranin ang malulutas kung bawat isa’y magsisikap na pagyamanin ang espirituwal na mga katangiang nasa Galacia 5:22, 23: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa gayong mga bagay ay walang kautusan.”—Ihambing ang Roma 8:5, 6.
Ang masama lamang, pagka ang mga kagipitan sa buhay ay patuloy na naragdagan, ang tensiyon at pag-iiringan ay malimit na bumabangon. Sa gayong mga kalagayan, ang pagkakapit ng ingat sa pagsasalita na ipinapayo sa Kawikaan 29:11 ay makapagliligtas sa atin sa maraming suliranin. “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya, ngunit ang pantas ay nagpipigil at natitiwasay.”—Ihambing ang Kawikaan 15:1; Mateo 7:12; Colosas 3:12-14.
Mabuting payo—subalit iyan ba ay maikakapit sa tunay na buhay? Nariyan ang halimbawa ng isang lalaki sa Pransiya na may malubhang suliranin tungkol sa ugali niyang pagkabugnutin. Madalas na siya’y napapasangkot sa basag-ulo, hanggang sa siya’y mapiit, dahil sa pagkasangkot sa mga gulo. Ang kaniyang pagiging mahusay na boksingero ay lalo lamang nagpalubha sa kaniyang kalagayan. Minsan, ang taong ito ay nakaaway ng kaniyang ama. Bago man lamang niya namalayan, kaniya palang napatulog ang kaniyang ama sa pamamagitan ng isang suntok. Ang nangyari ay humantong sa isang mapait na pagkasira ng kanilang relasyon.
Samantala, ang taong ito ay may nakilalang mga Saksi ni Jehova at nagsimulang mag-aral ng tungkol sa mga simulain ng Bibliya. Ito ang nagpakilos sa kaniya upang masinsinang suriin ang paraan ng kaniyang pakikitungo sa iba. Sa pamamagitan ng malaking pagsisikap ang kaniyang personal na paggawi ay nagsimulang magbago, at siya’y lalong napahilig na maging tahimik. Isang araw ang lalaki ay nagbalik sa kaniyang ama upang makipagpayapaan. Ang kaniyang ama ay lubhang humanga sa mga pagbabagong ginawa ng kaniyang anak na anupat napasauli ang kanilang dating relasyon.
Ito’y isa sa maraming halimbawa na nagpapatunay sa katotohanan ng sinabi ni apostol Pablo: “Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa ang lakas at matalas kaysa anumang tabak na dalawang-talim . . . at napagkikilala nito ang mga kaisipan at mga hangarin ng puso.”—Hebreo 4:12.
Buhay Pampamilya: Maligaya ba ang iyong pamilya? Maraming pamilya ang hindi gayon. “Tiyak ngayon na pinagbabantaan ang buhay pampamilya bilang isang institusyon,” ang sabi ng The Natal Witness, isang pahayagan sa Timog Aprika, anupat isinusog na “ang mga bata sa ngayon ay ipinanganganak sa isang nagbabagong lipunan.”
Subalit, ang Bibliya ay punô ng praktikal na payo na nilayong tumulong sa mga pamilya upang magtagumpay kahit na bumangon ang mga suliranin. Halimbawa, tungkol sa ginagampanang papel ng mga asawang lalaki, sinasabi ng Bibliya: “Nararapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa gaya ng kanilang sariling katawan.” Pagka ginanap ng asawang lalaki ang kahilingang ito, nalulugod naman ang kaniyang asawa na gumanti ng karampatan sa pamamagitan ng “matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:25-29, 33) Ang kaugnayan ng mga magulang at mga anak ay tinutukoy sa Efeso 6:4: “At kayo, mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.” Ito, sa kabilang panig, ay lumilikha ng ugnayang pampamilya na nagpapadali para sa mga anak na sumunod sa utos ng Bibliya at maging masunurin sa kanilang mga magulang.—Efeso 6:1.
Ang nauna ay isa lamang halimbawa ng komentaryo ng Bibliya tungkol sa buhay pampamilya. Sa pamamagitan ng pagtugon sa patnubay ng Diyos, marami ang nagtagumpay at nagtatamasa ng kaligayahan sa tahanan. Si Edward, may dalawang anak, ay nagpapaliwanag tungkol sa tinamasa niyang pakinabang sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. “Noon ay nasisira na ang aming pagsasamang mag-asawa,” nagunita niya. “Wala akong panahon na magkaroon ng isang makabuluhang kaugnayan sa aking mga anak. Ang tanging nagdala sa amin na magkaisa ay ang aming pagkakapit ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa buhay pampamilya.”—Kawikaan 13:24; 24:3; Colosas 3:18-21; 1 Pedro 3:1-7.
Kalusugan ng Isip, Katawan, at Damdamin: Ipinakikita ng pananaliksik na sa papaano man ang kalusugan ng katawan ng isang tao ay may kaugnayan sa kalusugan ng kaniyang isip at damdamin. “Ang karaniwang palatandaan ng kaigtingan,” anang The World Book Encyclopedia, “ay isang mabilis na tibok ng puso, tumaas na presyon ng dugo, tensiyon ng kalamnan, panlulumo ng isip, at ang kawalang-kaya na magpako ng atensiyon.” Gayunman, may paniniwala ang iba na ang pagkilos nang may karahasan ang isang paraan upang maibsan ang kaigtingan. “Ang boksing ay nakatutulong upang mabawasan ang kaigtingan,” sabi ng isang pahayagan sa Timog Aprika na The Star. Sinisipi nito ang mga salita ng kasangguni sa kalusugan na si Jannie Claasens: “Kung ang isang babae ay nakaranas ng maghapong kaigtingan ng kalooban, ito’y maiibsan sa pamamagitan ng pagsuntok-suntok sa isang bag.”
Hindi ba lalong mabuti na alamin ang ugat na dahilan ng pagkasira ng loob? Sa lathalaing Stress—The Modern Scourge, binanggit ni Dr. Michael Slutzkin na “mahalaga . . . na makilala ang kaigtingan, sapagkat marami sa mga sanhi nito ang nagagamot.” Kaniyang isinusog na “ang pagkontrol sa kaigtingan . . . ay maaari pa ngang magpadali sa paggaling sa gitna ng sari-saring kalagayan.”
Ipinaliliwanag ng Bibliya ang isang napakabisang paraan upang makontrol ang kaigtingan: “Huwag kayong mabalisa sa ano mang bagay, kundi sa lahat ng bagay . . . ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang pagkontrol sa kaigtingan sa ganitong paraan ay maraming kabutihan—maging sa katawan. Ganito ang pagkasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Isa pang kawikaan ang nagsasabi: “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan, ngunit ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.”—Kawikaan 17:22.
Sa pagtatangkang makaiwas sa kaigtingan at kagipitan, marami ang umaasa sa tabako, alak, droga. Ang pinsala na nagagawa ng gayong pagkasugapa ay maraming patotoo. Subalit, sa tuwina’y ipinapayo ng Bibliya ang pananatiling malinis buhat “sa bawat karumihan ng laman.” (2 Corinto 7:1; ihambing ang Kawikaan 23:29-35.) Tiyak, ang pag-iwas sa gayong nakapipinsalang mga gawain ay isang praktikal na pananggalang laban sa kasalukuyang sanlibutan.
Trabaho, Salapi, at Di-Pagdaraya: Ang katamaran ay hindi kailanman nakabubuti sa isang tao. “Ang tamad ay hindi mag-aararo dahil sa tagginaw; siya’y magpapalimos sa panahon ng pag-aani, ngunit hindi magkakaroon ng anuman,” ang sabi ng Kawikaan 20:4. Ang kasipagan, sa kabilang panig naman, ay nakabubuti. “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa,” ang sabi ng Efeso 4:28. Isinususog ng talatang ito na mas mabuti pa na ang isa’y “magpagal, na ginagamit ang kaniyang mga kamay sa mabuting gawa, upang siya’y may maibigay sa isang nangangailangan.”—Ihambing ang Kawikaan 13:4.
Alam mo ba na ang mga simulain ng Bibliya ay maikakapit kahit na sa mga kasama sa trabaho? Ang mga manggagawa, tulad ng “mga alipin” noong panahon ng Bibliya, ay makabubuting “maging masunurin sa [kanilang] mga panginoon sa laman.” Ang mga manedyer, o “mga panginoon,” sa kabilang panig, ay dapat “patuloy na makitungo [sa kanilang mga manggagawa] nang ayon sa matuwid at makatarungan.”—Colosas 3:22-24; 4:1; ihambing ang 1 Pedro 2:18-20.
Maraming sinasabi sa Bibliya tungkol sa walang-dayang pagnenegosyo. Bagaman nakalulungkot at kulang nito ngayon, ang hindi pagdaraya ay kadalasan kinikilala at pinahahalagahan bilang isang kanais-nais na katangian. Ito ang idiniriin ng Bibliya. Minsan ay sinabi ni Jesus: “Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami, at ang di-matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.”—Lucas 16:10; ihambing ang Kawikaan 20:10; 22:22, 23; Lucas 6:31.
Sa isang bansa sa Aprika, sa industriyang may kinalaman sa brilyante ay may maraming pagnanakawan at katiwalian. Ipinasiya na maglagay ng ibang tao upang mangasiwa. Ang mga ministro ng gobyerno ay hinilingan na magpasok ng mga pangalan ng mga taong inaakala nilang nababagay sa puwestong iyon. Nang magpulong ang gabinete upang magpasiya, ang mga pangalang ipinasok ay isa-isang kinaltas, sa kalakhan ay dahil sa katiwalian. Sa wakas, sila’y sumapit sa huling pangalan na nasa listahan—ang kandidato ng pangulo.
“Ngunit siya’y hindi isang kagawad ng partido!” ang tutol ng isang ministro.
Tumugon ang pangulo na ito ay hindi isang pulitikal na puwesto.
“Siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi naman ng isa pa.
“At iyan ang dahilan kung bakit siya ang kukunin,” ang sabi ng pangulo. Pagkatapos ay isinusog niya: “Batid natin na sila ay mapagtapat, at ito ang uri ng tao na kailangan natin. Batid natin na siya’y ating mapagkakatiwalaan.”
Oo, kalimitan napatutunayan ng mga nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya na ito’y nagdadala sa kanila ng kapakinabangan maging sa kasalukuyang sanlibutan.
Pakaingatan ang Praktikal na Karunungan
Ang natalakay natin ay kaunti lamang kung tungkol sa ibig sabihin ng “masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.” (Kawikaan 2:1-9) Isang kayamanan ng nauugnay, praktikal na payo ang masusumpungan sa Bibliya. Mga simulaing may kaugnayan sa kalinisan, kasipagan, komunikasyon, sekso, diborsiyo, pagbabayad ng mga buwis, pakikitungo sa mga pagkakaiba ng personalidad, at pagtatagumpay sa karalitaan ang ilan lamang sa mga pitak ng buhay na isinaalang-alang sa tulong ng Bibliya. Angaw-angaw ang magpapatotoo na ang pagkakaiba sa pagitan ng tagumpay at pagkabigo sa kanilang buhay ay depende sa kung gaano nila ikinapit ang mga simulain ng Bibliya.
Samantalang ginagarantiyahan ang pagkapraktikal ng Bibliya sa iba’t ibang pitak ng buhay, ito’y nagbibigay rin ng maraming pangmatagalang kapakinabangan. Halimbawa, ang Bibliya ay nangangako na ang ugat na sanhi ng hirap at pagdurusa sa kasalukuyang sanlibutan ay pagkalapit-lapit nang maalis pagka nakialam na ang Diyos.—Daniel 2:44; 2 Pedro 3:11-13; Apocalipsis 21:1-5.
Kung gayon, ikaw ay hinihimok namin na mag-aral hanggat maaari ng maaari mong matutuhan tungkol sa Bibliya. Kung wala kang kopya ng Bibliya, kumuha ka ng isa. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay malugod na tutulungan ka. Gaya ng maraming mga nakinabang sa pamamagitan ng pagkakapit ng praktikal na mga mungkahi buhat sa Bibliya, ikaw man ay matutulungan na makita ang kahalagahan ng Salita ng Diyos, ngayon at sa hinaharap.
[Larawan sa pahina 7]
Ang Bibliya ay isang praktikal na giya sa pagpapaligaya sa buhay pampamilya