Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 5/1 p. 28-31
  • “Narito Ako! Suguin Mo Ako”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Narito Ako! Suguin Mo Ako”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Maagang Pasiya
  • Paglilingkod sa Singapore
  • Naatasan Ako sa Shanghai
  • Sa Hong Kong at Pagkatapos ay sa Burma
  • Sa Pagbabalik Ko sa Australia
  • Balik Uli sa Pinagsimulan
  • Masaya Kong Ginugol ang Aking Buhay sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Singapore—Ang Pumusyaw na Hiyas ng Asia
    Gumising!—1997
  • Sinasapatan ni Jehova ang Bawat Kailangan Ko
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Si Jehova, ang Aking Pinagtitiwalaan Mula Pa sa Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 5/1 p. 28-31

“Narito Ako! Suguin Mo Ako”

AYON SA PAGKALAHAD NI WILFRED JOHN

Armadong mga guwardiyang militar na taga-Burma ang umatake sa amin buhat sa magkabilang panig ng ilog. Nakahanda ang mga bayoneta at nakapuntirya ang mga riple, sila’y lumusong sa tubig na hanggang baywang at pinalibutan kami sa ilalim ng tulay sa haywey.

KAMI ng aking kasama ay nangilabot. Ano ba ito? Bagaman hindi namin naiintindihan ang wika, madali naming naintindihan ang mensahe​—kami’y inaaresto. Samantalang kami’y nakatapi lamang ng tuwalya, walang abug-abog na dinala kami sa isang karatig na istasyon ng pulisya at pinagtatanong ng isang opisyal na nagsasalita ng Ingles.

Noon ay 1941, panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, at kami’y pinaghinalaan na gumagawa ng pagsasabotahe. Matapos ipaliwanag ang aming gawaing pangangaral bilang mga Kristiyano na naunawaan naman ng opisyal, kami’y sinabihan na mapalad kami at nakaligtas nang buhay sa sagupaang iyon. Karamihan ng mga pinaghihinalaan, aniya, ay binabaril, hindi na tinatanong. Kami’y nagpasalamat kay Jehova at nakinig sa payo ng opisyal na huwag kami uli-uling tatayu-tayo roon sa kapaligiran ng mga tulay.

Papaano ba ako napalagay sa gayong kalagayan sa Burma (ngayon ay Myanmar)? Hayaan ninyong ipaliwanag ko at magbigay ako ng ilang impormasyon tungkol sa aking sarili.

Isang Maagang Pasiya

Ako’y isinilang sa Wales noong 1917 at sa edad na anim na taon ay lumipat sa New Zealand, kasama ng aking mga magulang at nakababatang kapatid na lalaki, at doon ako lumaki sa bakahan ng aking ama. Isang araw siya ay may uwing maraming lumang aklat na binili niya sa isang tindahan ng mga segunda-mano. Kasali na roon ang dalawang tomo ng Studies in the Scriptures, inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ito ang pinakaiingatang mga pag-aari ng aking ina, at tulad ng ina ni Timoteo, si Eunice, sa akin ay itinanim niya ang pagnanasang gamitin ang aking kabataan sa paglilingkod sa kapakanan ng Kaharian ni Jehova.​—2 Timoteo 1:5.

Noong 1937 dalawang bagay ang napaharap sa akin upang pagpilian: ang mangasiwa sa bakahan ng aking ama o ang sabihin kay Jehova ang gaya ng sinabi ng propeta ng Diyos na si Isaias, “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Ako noon ay nasa kabataan, malusog, at malaya sa ibang mga pananagutan. Natikman ko na ang buhay sa bakahan at nagustuhan ko naman. Sa kabila nito, ako’y walang karanasan sa pagiging isang buong-panahong ministro, o payunir. Ano kaya ang pipiliin ko​—pagtatrabaho sa bakahan o paglilingkod bilang isang payunir?

Ang mga tagapagsalita buhat sa tanggapang sangay sa Australia ng mga Saksi ni Jehova ang nagbigay ng pampatibay-loob sa akin. Sila’y dumalaw sa amin sa New Zealand at hinimok ako na gamitin ang aking kabataan sa paglilingkod sa Diyos. (Eclesiastes 12:1) Ipinakipag-usap ko ang bagay na iyan sa aking mga magulang, at sila’y sumang-ayon sa kapantasan ng pag-una muna sa kalooban ng Diyos. Akin ding binulay-bulay ang mga salita ni Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa iyo.”​—Mateo 6:33.

Ako’y nakapili na! Yamang noon ay wala pang sangay ang mga Saksi ni Jehova sa New Zealand, ako’y inanyayahang maglingkod sa sangay sa Australia sa Sydney. Kaya, noong 1937, sumakay ako sa isang barko patungo sa Australia upang maging isang buong-panahong ministro ng Diyos na Jehova.

‘Ano kayang atas ang ibibigay sa akin?’ ang naisip ko. Subalit, para ano pa? Sa katunayan, sinabi ko kay Jehova, ‘Narito ako. Gamitin mo ako saanman na ibig mo.’ May dalawang taon na tumulong ako sa paggawa ng mga ponograpo na ginagamit noong mga araw na iyon ng mga Saksi ni Jehova upang patugtugin ang isinaplakang mga pahayag sa Bibliya sa mga maybahay. Gayunman, sa sangay ay sinanay ako lalung-lalo na para sa trabaho sa bodega ng literatura.

Paglilingkod sa Singapore

Noong 1939, tumanggap ako ng isang atas sa Dulong Silangan​—upang maglingkod sa bodega ng Samahan sa Singapore. Ang bodega ay nagsilbing pinakasentro para sa pagtanggap at pagpapadala ng literatura buhat sa Australia, Britanya, at sa Estados Unidos sa maraming bansa sa Asia.

Ang Singapore ay isang siyudad na maraming wika na kung saan nagkakahalo ang mga kultura ng Silangan at ng Europa. Ang wikang Malay ang karaniwang paraan ng komunikasyon, at upang makapangaral sa bahay-bahay, kaming mga tagaibang bansa ay kailangang matuto niyaon. Sa maraming wika, kami’y may tinatawag na mga testimony card. Ang mga ito ay may nakalimbag na maiikling presentasyon ng mensahe ng Kaharian.

Bilang pagpapasimula ay isinaulo ko ang Malay testimony card at saka unti-unting pinalago ko ang aking talasalitaan sa wikang iyan. Subalit kami ay may dala ring literatura sa Bibliya sa maraming iba pang wika. Halimbawa, para sa populasyong Indian, mayroon kaming mga publikasyon sa Bengali, Gujarati, Hindi, Malayalam, Tamil, at Urdu. Isang bagong karanasan para sa akin na makilala ang mga taong may iba’t ibang wika.

Tandang-tanda ko pa ang nakakakilabot na patalastas noong Setyembre 1939, ang deklarasyon ng giyera sa Europa. Naisip namin, ‘Ito kaya’y unti-unting lálalâ at mapapasangkot ang Dulong Silangan?’ Sa wari ko ay ito na ang pasimula na hahantong sa Armagedon​—sa palagay ko ay ito ang tamang panahon! Ako’y nasiyahan na ginagamit kong lubusan at sa nararapat na paraan ang aking kabataan.

Kasama ng aking gawain sa bodega, nagkaroon ako ng malaking bahagi sa mga pulong sa kongregasyon at sa ministeryo sa larangan. Nagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya, at ang ilang mga tao ay tumugon at napabautismo sa tubig. Sila’y dinala sa isang malapit na tabing-dagat at inilubog sa mainit-init na tubig ng daungan sa Singapore. Kami’y nagpasiya rin na magdaos ng isang asamblea, at tahimik na nagbigay ng mga paanyaya sa mga interesado. Sa aming kagalakan, mga 25 ang dumalo sa noon ay inaakala namin na aming huling asamblea bago mag-Armagedon.

Ang komunikasyon sa pagitan ng mga sangay ng Samahan ay lubhang napigil ng digmaan. Halimbawa, ang aming bodega sa Singapore ay tumanggap ng maikling patalastas na tatlong payunir na Aleman ang nakatakdang dumating sa Singapore bukas-makalawa sakay ng isang di-pinanganlang barko na patungo sa isang di-ipinaalam na atas. Makalipas ang ilang linggo sila’y dumating at maligayang nakaniig namin nang sampung oras. Bagaman ang wika ay naging isang suliranin, naunawaan namin na sila’y inatasang magtungo sa Shanghai.

Naatasan Ako sa Shanghai

Makalipas ang isang taon tumanggap din ako ng atas na maglingkod sa Shanghai. Hindi ako binigyan ng direksiyon ng kalye, kundi isa lamang numero ng post office box. Pagkatapos na lubusang siyasatin sa post office, nagawa ko na mapatunayan kung ano ako upang mabigyan ng residential address ng Samahan. Gayunman, ipinaalam sa akin ng Intsik na naroroon na ang sangay ay lumipat na, at walang ibinigay na direksiyon.

‘Ano ngayon ang kailangan kong gawin?’ naisip ko. Walang-imik na nanalangin ako upang humingi ng patnubay. Sa aking pagtingala, nasulyapan ko ang tatlong lalaki, medyo mataas kaysa karaniwang tao at medyo naiiba ang hitsura. Sila’y kahawig ng tatlong Aleman na huminto sa Singapore nang mga ilang oras. Mabilis, sinalubong ko sila.

“Mawalang galang na po,” ang sinabi ko nang pautal. Huminto sila at pinagmasdan akong mabuti. “Singapore. Mga Saksi ni Jehova. Natatandaan ba ninyo ako?” ang tanong ko.

Makalipas ang ilang saglit, sila’y tumugon, “Ja! Ja! Ja!” Kusang nagyakapan kami, at mga luha ng kagalakan ang tumulo sa aking mukha. Sa milyun-milyong mga tao, papaano nga nangyari na ang tatlong lalaking iyon ay nagkataong dumaan doon sa ganoong panahon? Wala akong masabi kundi, “Salamat po sa inyo, Oh Jehova.” Tatlong pamilyang Intsik, ang tatlong Aleman, at saka ako ang tanging mga Saksi noon sa Shanghai.

Sa Hong Kong at Pagkatapos ay sa Burma

Matapos maglingkod sa Shanghai nang mga ilang buwan, ako’y naatasan sa Hong Kong. Nang ang inaasahan kong makakasama sa pagpapayunir na taga-Australia ay hindi dumating, nag-iisa na lamang ako, ang tanging Saksi sa kolonya. Muli, kinailangang ipaalala ko sa aking sarili na sinabi ko kay Jehova, “Narito ako! Suguin mo ako.”

Ang aking paggawa ay nakatutok lalung-lalo na sa mga Intsik na nagsasalita ng Ingles, subalit nahirapan ako na makalampas sa tarangkahan ng mga tirahan, yamang ang mga utusan na nakabantay roon ay Intsik lamang ang wika. Kaya ako’y nag-aral ng kaunting wikang Intsik sa dalawa sa pinakakaraniwang diyalekto na ginagamit. At naging mabisa naman! Lalapitan ko muna ang mga utusang nagbabantay, ipiprisinta ko ang aking business card, magsasalita ako ng ilang salitang Intsik, at pagkatapos kadalasan ay pinapapasok na ako.

Minsan nang dumadalaw ako sa isang paaralan, ganito ring paraan ang ginamit ko sa pagsisikap na makausap ang punong-guro. Isang nakabababang guro ang sumalubong sa akin sa hintayang lugar. Sinundan ko siya sa ilang mga silid-aralan, tumugon ako sa pagbibigay-galang ng mga bata, at naghanda na ako para ipakilala sa punong-guro. Ang guro ay kumatok, binuksan ang pinto, bahagyang umurong, at sinenyasan ako na lumapit. Sa laki ng aking pagtataka na may kahalong pagkayamot, doon sa palikuran pala magalang na dinala niya ako! Wari ko’y mali ang pagkaintindi sa aking sinabi sa wikang Intsik at, gaya ng sinabi sa akin nang malaunan ng punong-guro, pinagkamalan ako na isang inspektor ng mga instilasyon sa tubo at imburnal.

Makalipas ang apat na buwan na paggawa, ipinaalam sa akin ng pulisya ng Hong Kong na ibinawal na ang ating pangangaral at kailangang huminto na ako ng pangangaral o kung hindi ay ipatatapon ako. Ang pinili ko’y pagpapatapon sa akin upang makapagpatuloy ng pangangaral hanggat bukás pa ang pagkakataon sa ibang lugar. Samantalang nasa Hong Kong, ako’y nakapagpasakamay ng 462 aklat at natulungan ko ang dalawa pa upang makibahagi sa ministeryo.

Mula sa Hong Kong, ako’y inatasan sa Burma. Doon ay nagpayunir ako at tumulong sa gawain sa bodega sa Rangoon (ngayo’y Yangon na). Isa sa pinakakawili-wiling karanasan ay ang pangangaral sa mga bayan at mga nayon na nakakalat sa prinsipal na ruta mula Rangoon hanggang Mandalay at lampas pa sa bayan ng Lashio na nasa hangganan ng Tsina. Kami ng aking kasama ay pumirmi sa komunidad ng mga Ingles ang wika, anupat nakakuha kami ng daan-daang mga suskrisyon sa Consolation (na ang magasing Gumising! ngayon). Siyanga pala, ang malaking daan na ito mula Rangoon hanggang Mandalay ay makikilala sa tawag na Burma Road, ang ruta na dinaraanan ng mga pandigmang suplay ng Amerika na ipinadadala sa Tsina.

Dahil sa paglalakad namin sa makapal na alikabok inakala namin na kailangan ang paliligo. Ang resulta nito ay ang nasabing pangyayari na inilahad sa pasimula nang kami’y arestuhin samantalang naliligo sa isang ilog sa ilalim ng tulay. Hindi nagtagal pagkatapos dahil sa mga operasyong militar at sa pagkakasakit, kami ay napilitang bumalik sa Rangoon. Ako’y lumagi sa Burma hanggang 1943, nang dahil sa mabilisang mga operasyon sa digmaan ay napilitan akong bumalik sa Australia.

Sa Pagbabalik Ko sa Australia

Samantala, ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa Australia. Gayunman, hindi nagtagal at inalis ang pagbabawal, at sa wakas ako’y muling inanyayahang magtrabaho sa tanggapang sangay. Nang kalaunan, noong 1947, pinakasalan ko si Betty Moss, na nagtatrabaho sa sangay ng Samahan sa Australia. Ang ama at ina ni Betty ay mga payunir, at kanilang hinimok siya at ang kaniyang kapatid na si Bill na gawing karera ang pagpapayunir. Si Betty ay nagsimulang nagpayunir nang siya’y huminto sa pag-aaral, sa edad na 14. Napag-isip ko na kami’y magkatugmâ, sapagkat siya man, sa katunayan, ay nagsabi kay Jehova, “Narito ako! Suguin mo ako.”

Pagkatapos na kami’y makasal nang may isang taon, ako’y inanyayahan na maglingkod sa gawaing pansirkito, dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang paggawa sa mga liblib na lugar ng Australia ay isang talagang hamon. Ang mga biglaang pagbaha ay malimit na nagbabangon ng mga suliranin sa paglalakbay, lalo na sa madudulas at mapuputik na mga daan. Ang temperatura sa tag-araw ay umaabot sa 43 digri Centigrade sa lilim. Palibhasa’y namumuhay kami sa mga toldang lona, halos hindi kami makaagwanta sa napakainit na tag-araw at sa napakatinding lamig kung taglamig.

Isang kagalakan na maglingkod bilang tagapangasiwa ng distrito noong may dalawang distrito pa lamang sa Australia. Si Donald MacLean ay naglingkod sa isang distrito, at ako naman ay doon sa isa. Pagkatapos ay nagpapalit kami ng distrito. Isang lubos na kagalakan na magbasa tungkol sa mga kongregasyon na umiiral ngayon doon sa mga lugar na noon ay pinaglilingkuran namin. Ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya ay tiyak na sumibol na at nagbunga!

Balik Uli sa Pinagsimulan

Noong 1961, nagkapribilehiyo ako na mapabilang sa unang klase ng paaralang misyonero ng Gilead pagkatapos na ito’y ilipat sa Brooklyn, New York. Tumanggap ako ng mga imbitasyon noon na mag-aral sa paaralan ngunit hindi ko maaaring tanggapin dahil sa suliranin sa kalusugan. Sa pagtatapos ng sampung-buwang kurso, ako’y inanyayahan na tanggapin ang New Zealand bilang atas sa akin.

Kaya buhat noong Enero 1962, kami ni Betty ay narito sa New Zealand, isa sa mga lupain sa gawing timog. Ito ay malimit na tinutukoy bilang isa sa mga perlas ng Pasipiko. Sa teokratikong paraan, naging isang kagalakan ang makapaglingkod kapuwa sa gawaing pansirkito at pandistrito. Sa nakalipas na 14 na taon, buhat noong Abril 1979, kami’y naglilingkod sa tanggapang sangay ng New Zealand.

Kami ni Betty ngayon ay kapuwa nasa kalagitnaan ng edad 70, at sa pagitan namin ay nakapaglingkod na ng 116 taon ng tuluy-tuloy na buong-panahong paglilingkuran sa Kaharian. Si Betty ay nagsimulang magpayunir noong Enero 1933, at ako naman ay noong Abril 1937. Marami ang nalasap naming kagalakan habang aming pinagmamasdan ang aming espirituwal na mga anak at mga apo sa paggawa ng gawaing ginawa namin nang kami’y nasa kabataan, samakatuwid nga, ang sundin ang payo sa Eclesiastes 12:1: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha sa kaarawan ng iyong kabataan.”

Anong laking pribilehiyo na gugulin ang halos buong buhay namin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa paggawa ng mga alagad, gaya ng iniutos ng ating Panginoong Jesu-Kristo! (Mateo 24:14; 28:19, 20) Maligayang-maligaya kami na aming tinugon ang paanyaya ng Diyos gaya ni propeta Isaias noong sinaunang panahon na, “Narito ako! Suguin mo ako.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share