Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Isang Kabataang Mahilig Sumakay sa Tren ang Natuto ng Katotohanan
KUNG ang puso ng isang tao ay nakahilig sa katuwiran, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng paggamit kay Kristo Jesus at sa makalangit na mga anghel, ay kikilos upang ang gayong taong tulad-tupa ay madalhan ng mabuting balita ng Kaharian. Sa takdang panahon ang taong iyon ay maaaring mapalagay sa kanan ni Jesus na sinang-ayunang panig. (Mateo 25:31-33) Ito’y nangyari sa isang kabataang mahilig sumakay sa tren sa Austria na nakaalam ng katotohanan sa pambihirang paraan.
Ang lubhang nakatutuwang bahagi ng kinahihiligan ng binatang ito ay ang sumakay sa kab ng mga makina ng tren pagka pinayagan ng pamunuan ng perokaril. Bawat biyahe ay kinukunan niya ng mga larawan sa kaniyang video camera upang mapanood niya pagdating sa kaniyang tahanan. Sa isang pagbibiyahe niya mula sa Vienna hanggang sa Salzburg, ang inhinyero ng tren ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Ginamit niya ang pagkakataon upang maibalita ang Kaharian sa mahilig sumakay sa tren. Sa simula ay nagtaka ang binata nang marinig na ang inhinyero ay nagpapaliwanag tungkol sa Diyos at sa Bibliya, subalit sa pagbibiyahe, siya ay higit na nagtutok ng pansin sa tanawin kaysa sa sinasabi sa kaniya ng inhinyero.
Nang siya’y makauwi na, hindi lamang minsan kundi makasampung beses na pinanood ng binatang ito ang kinuha niyang mga tanawin sa video, dahil sa siya’y lubhang interesado sa paglalakbay na ito. Yamang kaniyang nairekord din ang tunog, paulit-ulit na narinig niya ang sinabi sa kaniya ng Saksi. Mientras pinanonood niya ang video, lalo siyang nagiging pamilyar sa sinabi sa kaniya. Ngayon ay sinimulan niya na pag-isipan iyon, at sa wakas ay naging interesado siya sa kahanga-hangang impormasyon buhat sa Bibliya. Ibig niya na makaalam pa nang higit.
Naalaala niya ang pangalan ng inhinyero at alam niya na ito ay nakatira sa Vienna. Kaya siya ay nagpunta sa post office at nagsimulang dumayal ng maraming numero sa telepono na nakatala sa ilalim ng pangalang iyan sa direktoryo. Ang tanong niya sa mga sumasagot sa telepono ay: “Kayo po ba ay isang inhinyero ng tren?” Kung ang sagot ay hindi, siya ay tatawag na naman sa ibang numero. Sa wakas, nasumpungan din niya ang inhinyero. Kaniyang ibinida ang nangyari at sinabing interesado siya sa mensahe ng Bibliya na kaniyang narinig sa video.
Ang Saksi ay gumawa ng mga kaayusan sa pamamagitan ng tanggapang sangay upang dalawin ang binata ng isang naninirahan malapit sa kaniya. Nangyari na sa lokal na kongregasyon, may isa pang Saksi na isa ring inhinyero sa tren. Ang ikalawang inhinyerong ito ang dumalaw sa binatang mahilig sumakay sa tren, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Noong tag-init ng 1991, ang binata ay nabautismuhan.
Nakita ni Jehova, na sumasaliksik sa lahat ng puso, na ang taong ito ay may taimtim na pag-ibig sa katuwiran. Sa gayon, kaniyang inakay siya upang masumpungan ang katotohanan ng Bibliya—bagaman sa isang pambihirang paraan.—1 Cronica 28:9; Juan 10:27.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Sa kagandahang-loob ng Austrian Railways