Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 8/15 p. 23-26
  • Matagumpay na Paglaban sa Alkoholismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matagumpay na Paglaban sa Alkoholismo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Taimtim na Pagsusuri sa Iyong Sarili
  • Patulong Ka sa Iba
  • Magtatag ng Kaugnayan sa Diyos
  • “Ang Kapangyarihang Higit Kaysa Karaniwan”
  • Isang Sistemang Pantulong
  • Pananagutan Mo ang Iyong Paggaling
  • Paano Makatutulong ang Pamilya?
    Gumising!—1992
  • Paano Ko Maihihinto ang Pag-inom?
    Gumising!—1993
  • Mapaglalabanan Mo ang mga Suliraning Pumipinsala sa Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Paghinto sa Pag-abuso sa Alak
    Gumising!—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 8/15 p. 23-26

Matagumpay na Paglaban sa Alkoholismo

“Sa panahon ng trabaho, mga alas-diyes ng umaga, magsisimula na akong mag-isip tungkol sa pag-inom ng alak. Pagsapit ng alas-dose ng tanghali ako’y lalabas upang makainom nang minsan o makalawa. Pagsapit ng alas-tres ang aking buong katawan ay nangangatog na. Gusto kong dumating na ang oras ng pagkatapos ng trabaho upang ako’y makainom ng isa pa. Kadalasan ako ay makalawang umiinom pagka nasa daan pauwi. Mga alas-siyete ay magnanais na naman akong uminom. Ako’y iinom, mahuhulog nang walang malay buhat sa kinauupuan ko, maiihian ko ang aking pantalon, at mahihigaan ang aking ihi hanggang sa kinaumagahan. Pakinggan mo ito at multiplikahin mo ng 7 araw isang linggo; multiplikahin iyan ng 52 linggo isang taon; multiplikahin iyan ng 29 na taon.”

ANG lalaking ito ay isang alkoholiko. Siya’y hindi nag-iisa. Milyun-milyon sa buong daigdig ang nakikipagpunyagi sa nakamamatay na kalagayang ito na, ayon kay Dr. Vernon E. Johnson, “kasangkot ang buong pagkatao: sa pisikal, mental, sikolohiko, at espirituwal.”a

Maraming dalubhasa ang nagsasabi na ang alkoholismo ay hindi mapagagaling ngunit ito’y mapipigil sa pamamagitan ng isang programa ng habang-buhay na pagtitimpi. Ito ay hindi isang di-makatuwirang kahilingan, sapagkat ang alak ay hindi naman mahalaga sa buhay. Sa katunayan, ang maling paggamit sa alak ay nagdudulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Mas mabuti na pumasok sa bagong sanlibutan ng Diyos nang hindi umiinom ng alak kaysa padala sa pagnanasa dito at hindi magkamit ng buhay na walang-hanggan.​—Mateo 5:29, 30.

Ang pagkalas​—at pananatiling malaya​—buhat sa pag-aabuso sa alak ay kalimitan isang hamon na nakapanghihina ng loob. (Ihambing ang Roma 7:21-24.) Ano ang makatutulong? Hayaan mong magbigay kami ng ilang tuwirang payo. Kahit na kung ikaw ay hindi umiinom ng alak ang ganitong payo ay magsisilbing impormasyon at maaaring matulungan mo pa ang isang kaibigan o kamag-anak na nakikipagpunyagi sa alkoholismo.

Isang Taimtim na Pagsusuri sa Iyong Sarili

Isa sa pinakamalaking balakid na dapat pagtagumpayan ay ang pagtanggi sa katotohanan na ikaw ay isang alkoholiko. Ang pagtanggi ay isang anyo ng pagsisinungaling. Ito ay isang pangangatuwiran na may layunin: upang magsilbing proteksiyon sa iyong kalayaang uminom. ‘Ako’y hindi naman ganiyang kasamâ,’ marahil ay ikakatuwiran mo. ‘Ako’y mayroon pa ring pamilya. Ako’y may trabaho pa rin.’ Pinakamahalaga, mayroon ka pa rin ng iyong alak.

Ang pagtanggi ay baka makapigil sa iyo na makinig sa mga kaibigan na nais tumulong sa iyo. Sa pagmamasid ni Robert ay napansin niya na ang amain ng kaniyang maybahay ay may di-mabuting mga kaugalian sa pag-inom at may magaspang na paggawi. “Makalipas ang ilang araw, siya’y aking hinarap,” ang sabi ni Robert, “at tinanong kung inaakala niyang ang kaniyang pag-inom ay siyang sanhi ng kaniyang paggawi.” Ang resulta? “Iyon ay lubusang ikinaila niya sa akin, kasabay ng pagsasabing, ‘Wala kang ebidensiya’ at, ‘Hindi mo alam kung ano ang nasa loob ko.’ ”

Kung nilapitan ka ng isa mong kasambahay o kaibigan na nababahala tungkol sa iyong pag-inom, suriin mo nang may kataimtiman ang iyong sarili. (Kawikaan 8:33) Mabubuhay ka ba nang walang alak sa loob ng isang linggo, sa loob ng isang buwan, o sa loob ng maraming buwan? Kung hindi, bakit hindi? Huwag tularan ang taong dinadaya ang kaniyang sarili ng maling pangangatuwiran. Sinasabi ni Santiago: “Katulad siya ng isang taong nananalamin ng kaniyang mukha. Sapagkat minamasdan niya ang kaniyang sarili, at saka aalis at pagdaka’y malilimutan niya kung anong uri siya ng tao.”​—Santiago 1:22-25.

Kahit na pagkatapos magsimula ang paggaling, kailangan ding mag-ingat laban sa pagtanggi. Ang aklat na Willpower’s Not Enough ay nagpapaliwanag: “Ang taong bagu-bagong humihinto ng pag-inom ay maaaring magkamali sa paniniwala na dahilan sa nagawa niyang sandaling huminto ng pag-inom ng alak​—marahil iyon ang unang-unang pagkakataon​—​siya ngayon ay magaling na.” Ito ang pinakamatinding kaisipan ng isang sugapa, at ito ang unang hakbang tungo sa pagbabalik sa dati. Kung nais mong madaig ang gayong pagtanggi, huwag mong labanang mag-isa.

Patulong Ka sa Iba

Nang matalos na hindi niya malalabanang mag-isa ang alkoholismo, isang lalaki na tatawagin nating Leo ang humingi ng tulong sa isang propesyonal. Pagkalipas ng isang yugto ng panahon ng puspusang paggamot, siya’y gumagaling na nga. Naisip ni Leo na ang kahalagahan ng tulong ng isang eksperto ay kailangang bigyan ng natatanging konsiderasyon.b Kung may gayong tulong sa lugar ninyo, maaaring samantalahin mo iyon.

Gayunman, tantuin mo na may higit pang kailangan sa paggaling kaysa paghinto lamang ng pag-inom. Sa likod ng alkoholismo malamang na mayroong mas malalalim na isyu na kailangan mong harapin. Ang hindi pagpansin sa mga ito ay maaaring mapanganib. Si Dr. Charlotte Davis Kasl ay sumulat: “Kinapanayam ko ang mga tao na ginamot nang hanggang labing-apat na beses dahilan sa maling paggamit ng mga sustansiya sapagkat ang pinakaugat na mga suliranin ng pag-aabuso, pagkadepende, at pagpapabaya ay hindi isinaalang-alang.”

Ito’y nasumpungan ni Dennis na totoo. “Ako’y isang alkoholikong hindi nalalasing ngunit marami pa ring suliranin,” ang isinulat niya. “Hindi sapat na huminto ng pag-inom. Kinailangang magmasid ako sa aking nakalipas, suriin ang nagsilbing mga aral sa aking pagkabata, unawain kung papaano iyon umaapekto noon sa akin, at gumawa ng ilang pagbabago sa aking paggawi.”

Gayundin, kinailangan ni Leo na suriing mabuti ang kaniyang sarili upang madaling gumaling. “Ako’y labis na mapanibughuin, marahas na tao,” aniya. “Ako’y nagkaroon ng hali-haliling mga panahon na mababa ang tingin ko sa aking sarili at ng mga panahon ng pagkahibang sa kadakilaan.” Ikinapit ni Leo ang payo ng Bibliya sa Efeso 4:22: “Inyong iwan ang dating pagkatao na naaayon sa inyong dating pag-uugali.” Oo, ang “inyong dating pag-uugali” ay may matinding impluwensiya sa inyong personalidad. Kung papaanong ang pasta ay nahuhubog ayon sa isang molde, gayon ang iyong personalidad sa ilang bahagi ay nahubog ayon sa iyong dating pag-uugali. Pagka naalis na ang maling pag-uugali, ano ang natitira? Isang personalidad na nahubog marahil sa loob ng isang yugto ng maraming taon. Samakatuwid, kasali sa paggaling ang pagbabago ng dating personalidad na naaayon sa iyong dating pag-uugali.

Magtatag ng Kaugnayan sa Diyos

Kasali sa paggaling ni Leo ang pagtatatag ng isang personal na kaugnayan sa Diyos. “Ang pagkatutong umasang lubusan kay Jehova ang bumago ng aking saloobin, paggawi, at pangmalas,” ang sabi niya.

Gayunman, angkop ang pag-iingat. Anumang kaugnayan​—sa mga tao o sa Diyos​—ay nangangailangan ng pagiging prangka, ng katapatan, at ng pagtitiwala. Ito ang mismong mga katangian na sinisira ng alkoholismo. Ang mga ito ay maaaring linangin, subalit nangangailangan ng panahon.

Bilang isang alkoholiko, marahil ay hindi mo alam kung ano ang katulad ng isang malapit na ugnayan. Marahil ay hindi ka pa nakararanas ng gayon. Kaya maging matiyaga. Huwag madaliin ang hakbang na ito, na umaasang ang isang kaugnayan sa Diyos ay mapauunlad bilang isang kusang resulta ng pagtitimpi. Pagsikapang unawain ang Diyos at ang kaniyang mga katangian. Palagiang magbulay-bulay, maaaring maingat na basahin ang mga awit sa Bibliya na nagpapahayag ng malalalim, nagpapahalagang mga damdamin tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan.c

“Ang Kapangyarihang Higit Kaysa Karaniwan”

Ang isang may tiwala, may kompiyansang kaugnayan sa Diyos ay maaaring magkaroon ng matinding impluwensiya sa iyo. Aalalayan ni Jehova ang iyong mga pagsisikap na gumaling. (Ihambing ang Awit 51:10-12; 145:14.) Maaaring lapitan mo siya sa taimtim na panalangin anumang panahon, nagtitiwala na kaniyang bibigyan ka ng “kapangyarihang higit kaysa karaniwan.”​—2 Corinto 4:7; Filipos 4:6, 7.

Higit kaysa kaninumang tao ang Maylikha ang nakaáalám ng iyong kabuuan. (Awit 103:14) Ang mga taong tagapayo, na umaasa sa karunungan ng tao, ay makatutulong; subalit lalong makatutulong sa iyo ang Maylikha sa tao kung tungkol sa pagbabakang ito! (Isaias 41:10; 48:17, 18) Siya’y naglaan ng maibiging tulong sa loob ng kongregasyong Kristiyano.

Isang Sistemang Pantulong

Ang may gulang sa espiritung matatanda sa kongregasyong Kristiyano ay maaaring pagmulan ng malaking tulong. Kakaunti sa kanila ang makapagsasabing sila’y dalubhasa sa larangan ng panggagamot o sa mental na kalusugan, ngunit sila’y may kaalaman at pagtitiwala sa Salita ng Diyos at sa mga simulain nito. Sila’y mapatutunayang “gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.” (Isaias 32:2) Lubusang samantalahin ang kanilang pagtulong.d

Mangyari pa, ang gayong Kristiyanong matatanda, kasama ang iba pang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan, ay hindi ka ipagsasanggalang buhat sa ibubunga ng iyong sariling mga kilos. Ang lathalaing Coming Off Drink ay nagpapaliwanag: “Ang napakahalagang sangkap sa paggamot ay ang pagharap sa mga alkoholiko ng nakapipinsalang resulta ng pagkasugapa at pagbibigay sa kanila ng pananagutan para sa kanilang sariling paggawi.” Sa gayon sila ay magiging mabait ngunit tuwiran, hihimukin ka na harapin ang katotohanan at sundin ang anumang paraan ng paggamot at paggawi na kailangan upang mapagtagumpayan ang iyong pakikipagbaka laban sa alak.

Pananagutan Mo ang Iyong Paggaling

Bagaman nakikinabang ka sa tulong ng iba, kailangang malaman mo na walang tao o espiritu na maaaring sapilitang magpagaling sa iyo. Malaya ka na magpasiya kung ano ang ikikilos mo. Ang iyong paggaling ay lubusang pananagutan mo. (Ihambing ang Genesis 4:7; Deuteronomio 30:19, 20; Filipos 2:12.) Tanggapin mo ang pananagutang iyan, at pagpapalain ka ni Jehova. Sa atin ay tinitiyak sa 1 Corinto 10:13: “Hindi dumarating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong karaniwan sa mga tao. Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin naman siya ng paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” Kung gayon, magalak ka​—ikaw ay makapagtatagumpay sa paglaban sa alkoholismo.

[Mga talababa]

a Bagaman tutukuyin natin ang alkoholiko bilang isang lalaki, ang mga simulain dito ay kumakapit din sa babaing alkoholiko.

b Maraming sentrong pagamutan, mga ospital, at iba pang mga programa sa pagpapagaling na maaaring makatulong. Ang Bantayan ay hindi nagtataguyod ng anumang partikular na paggamot. Kailangan ang pag-iingat upang ang isa ay hindi masangkot sa mga gawain na magkokompromiso sa mga simulain ng Kasulatan. Gayunman, sa katapus-tapusan, ang bawat isa ang kailangang magpasiya para sa kaniyang sarili kung anong uri ng paggamot ang kinakailangan.

c Ang ilang halimbawa ay ang Mga Awit 8, 9, 18, 19, 24, 51, 55, 63, 66, 73, 77, 84, 86, 90, 103, 130, 135, 139, 145.

d May nakatutulong na mga alituntunin para sa matatanda na matatagpuan sa Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1983, pahina 7-10.

[Kahon sa pahina 24]

Marahil ikaw ay dumaranas ng pagkaaba at kalungkutan na likha ng alkoholismo. Kung gayon, huwag kang mawalan ng pag-asa. May tutulong.

[Kahon sa pahina 26]

KUNG SAKALING IKAW AY MULING MABUYO

“Ang pagiging handa sakaling muling mabuyo ay gaya ng isang drill sa sunog,” sabi ng aklat na Willpower’s Not Enough. “Ito’y hindi nangangahulugan na umaasa kang magkakasunog ngunit ikaw ay handa na gumawa ng responsableng pagkilos sakaling magkasunog.” Kung sakaling ikaw ay muling mabuyo:

□ Manalangin kay Jehova. Matitiyak mo na nauunawaan niya ang iyong suliranin at ibig niyang makatulong.​—Awit 103:14; Isaias 41:10.

□ Magtapat ka ng iyong suliranin sa isang Kristiyanong matanda, pagkatapos magpasiya kung sino ang iyong lalapitan sakaling kailanganin. May kataimtiman na ilahad mo ang pangyayari, at maingat na pakinggan ang payo niya buhat sa Kasulatan.

□ Huwag padadala sa kawalang-pag-asa. Ang pagkasuklam sa sarili ay lalo lamang magpapabilis sa iyong pagbabalik sa dati, kaya gamitan ng tamang pangmalas ang iyong pagkakamali. Ang pagkatalo sa isang labanan ay hindi nangangahulugan na natalo ka sa digmaan. Pagka ang isang mananakbo sa isang marathon ay natumba, hindi siya bumabalik sa kaniyang pinagsimulan; siya’y bumabangon at nagpapatuloy ng pagtakbo. Ganiyan din ang gawin mo kung tungkol sa iyong paggaling. Ikaw ay nasa takbuhan pa rin. Ang mga sanlinggo, buwan, o mga taon ng pagtitimpi ay nariyan pa rin.

[Larawan sa pahina 25]

Labanan ang pagtanggi sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili nang may kataimtiman

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share