Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 9/1 p. 4-7
  • Posible ba ang Tunay na Kaligtasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Posible ba ang Tunay na Kaligtasan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Anyo ng Idolatriya
  • Ang Silo ng Okulto
  • Pag-alpas sa Pagkagapos sa Pamahiin
  • Pagkakamit ng Kaligtasang Nagmumula sa Diyos
  • Maililigtas Ka ba ng mga Anting-Anting?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagiging Interesado sa Okulto—Ano ang Masama Rito?
    Gumising!—2002
  • Sino Talaga ang Nasa Likod ng Okultismo?
    Gumising!—2011
  • Ano ang Masama sa Espiritismo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 9/1 p. 4-7

Posible ba ang Tunay na Kaligtasan?

MINSAN ay sinabi ng manunulat ng sanaysay na si Ralph Waldo Emerson: “Ang mga taong mabababaw ang pag-iisip ay naniniwala sa suwerte . . . Ang mga taong malalakas ay naniniwala sa sanhi at epekto.” Oo, ang isang taong naniniwala sa bisa ng mga anting-anting at mga galíng ay nagsusuko ng kaniyang buhay sa kapangyarihan ng di-nakikitang mga puwersa. Tinatanggihan niya ang lohika at katuwiran at napadadala sa walang katuwiran, mapamahiing mga pangamba.

Gayunman, ang Bibliya ay makapagpapalaya sa isang tao sa gayong mga pangamba. Ipinakikita nito na ang mga anting-anting at mga galíng ay walang bisa, walang-kabuluhan. Sa papaanong paraan? Buweno, ayon sa The New Encyclopœdia Britannica, “ang mga anting-anting ay ipinalalagay na kumukuha ng kanilang galíng buhat sa kanilang koneksiyon [bukod sa iba pang mga bagay] sa mga puwersa ng kalikasan.” Ang mga puwersang ito ay maaaring ‘ang espiritu ng mga namatay’ o ‘ang bisa ng suwerte.’ Subalit malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang mga patay “ay walang alam na anuman.” (Eclesiastes 9:5) Sa gayon, walang espiritu ng namatay na makatutulong o makapipinsala sa mga buháy; ni mayroon mang anumang di-nakikitang suwerte na may magagawa alang-alang sa inyong kapakanan.

Noong panahon ng Bibliya, hinatulan ng Diyos yaong mga tumatalikod sa kaniya, yaong nakalilimot sa kaniyang banal na bundok, “yaong naghahanda ng hapag para sa diyos ng Mabuting Kapalaran at silang ang saro ay pinúpunô ng hinaluang alak para sa diyos ng Kapalaran.” Sa halip na magtamo ng kaligtasan, ang mga nagtataguyod ng kapalaran ay nakatakda sa pagkapuksa. “Kayong mga tao ay itatakda ko sa tabak,” ang sabi ng Diyos na Jehova.​—Isaias 65:11, 12.

Sa pamimihasa sa magic, ang sinaunang bansa ng Babilonya ay naglagak din ng pananampalataya sa pagliligtas na nanggagaling sa mahiwagang mga kapangyarihan. Subalit ang Babilonya ay dumanas din ng kapahamakan. “Patuloy na tumayo ka sa iyong mga engkanto at sa iyong napakaraming panggagaway,” ang hamon na iniharap ni propeta Isaias. “Marahil makahihingi ka ng tulong mula sa kanila . . . Subalit hindi! sa kabila ng iyong maraming panlilinlang, ikaw ay walang lakas.” (Isaias 47:12, 13, The New English Bible) Nang sumapit ang panahon ang bansang iyan ay hindi na nga umiral. Napatunayang walang kabuluhan ang pananampalataya sa okulto. Sa gayunding paraan, walang mahiwagang anting-anting, galíng, o agimat na makatutulong o makapagliligtas sa iyo.

Isang Anyo ng Idolatriya

Sa kabila nito, marahil ay hindi nakikita ng ilan ang pinsalang nagagawa ng pagdadala ng isang kristal, isang paa ng kuneho, o isang relihiyosong medalya. Hindi ba ang mga ito ay mumurahing mga alahas lamang na hindi nakapipinsala? Hindi kung ayon sa sinasabi ng Bibliya. Sinasabi nito na ang mga kagamitan sa okultismo ay lubhang makapipinsala.

Ang paggamit ng mga anting-anting ay isang anyo ng idolatriya​—na malinaw na hinahatulan sa Salita ng Diyos. (Exodo 20:4, 5) Totoo, marahil ay hindi nadarama ng isang tao na siya’y tuwirang sumasamba sa isang anting-anting o isang agimat. Subalit hindi ba ang pagkakaroon ng isa nito ay nagpapakitang ang isa’y nagpapakundangan, may saloobing sumamba sa di-nakikitang mga maykapangyarihan sa okultismo? At hindi ba totoo na ang mga galíng mismo ay kalimitan pinag-uukulan ng atensiyon na may kalakip na pagsamba (tulad ng paghalik)? Gayunman, ang Bibliya, sa 1 Juan 5:21, ay nagpapayo sa mga Kristiyano: “Mag-ingat kayo laban sa mga idolo.” Hindi ba kasali rito ang mga bagay na itinuturing na mga galíng o mga anting-anting?

Ang Silo ng Okulto

Sa paggamit ng mga anting-anting, marami rin ang nasilo ng okulto. Totoo, ang ilan ay may dalang isang kristal o isang mahiwagang inumin dahil sa nakaugalian na iyon at hindi dahil sa matibay na paniniwala. Subalit kung papaanong ang pakikipagrelasyon sa isang masamang babae ay maaaring humantong sa pagkakasakit ng AIDS, ang pagkakaroon ng kaugnayan sa okulto ay makapagdudulot din ng kapahamakan. May mabuting dahilan kung kaya ipinagbawal ng Diyos sa mga Israelita ang pagkalulong sa magic, huwad na panghuhula, at paghula sa kapalaran. “Lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay kasuklam-suklam kay Jehova,” ang babala ng Bibliya.​—Deuteronomio 18:10-14.

Bakit may ganitong mahigpit na pagbabawal? Sapagkat ang di-nakikitang mga puwersa na nasa likod ng gayong mga gawain ay hindi ang mga espiritu ng nangamatay ni ang bisa man ng suwerte kundi si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo.a At ang paggamit ng mga anting-anting ay tuwirang kaugnay ng pagsamba sa mga demonyo. Sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words: “Sa pangkukulam, ang paggamit ng mga droga, maging iyon ay simple o matapang, ay karaniwan nang may kasamang orasyon at pagdulog sa okultismo, na may taglay na sari-saring galíng, anting-anting, atb.”

Ang isang may anting-anting kung gayon ay nakikialam sa espiritismo. Siya’y nanganganib na mapasailalim ng masamang impluwensiya at kapangyarihan ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay”​—si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4) Kung gayon, may mabuting dahilan ang Bibliya na iutos na iwasan natin ang lahat ng anyo ng espiritismo.​—Galacia 5:19-21.

Pag-alpas sa Pagkagapos sa Pamahiin

Gayunman ay ganito ang puna ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga pamahiin ay marahil magkakaroon ng bahagi sa buhay habang ang mga tao ay natatakot sa isa’t isa at hindi nakatitiyak tungkol sa hinaharap.” Subalit tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang marami upang makalaya sa nakapipinsalang mga pamahiin. Isang babaing taga-Timog Aprika ang nakaranas ng ganito: “Ako’y binubulabog ng masasamang espiritu, at ang aking bahay ay punô ng muti upang maipagsanggalang ako laban sa kanila.” Siya ay tinulungan ng mga Saksi ni Jehova upang makita ang panganib ng pakikialam sa okulto. Ano ang kaniyang tugon? “Sinimulan kong itapon ang lahat ng bagay na mayroon ako may kaugnayan sa demonismo,” aniya. “Bumuti ang aking kalusugan. Inialay ko ang aking buhay sa paglilingkuran kay Jehova at ako’y napabautismo.” Ngayon ay nakakalás na siya sa pamahiin at espiritismo.

Isaalang-alang din ang albularyong taga-Nigeria na hinaluan ng espiritismo ang kaniyang panggagamot. Kalimitan gumagamit ng mga pagbabanta at pagsumpa, nakaugalian niya na itaboy ang mga Saksi ni Jehova pagka sila’y dumadalaw. Minsan siya ay naghanda pa ng isang pantanging inumin, nag-orasyon, at ibinuga iyon sa mukha ng isang Saksi! “Hindi lilipas ang pitong araw at ikaw ay mamamatay!” ang kaniyang isinigaw. Makalipas ang pitong araw ang Saksi ay bumalik, anupat ang albularyo ay dali-daling lumabas, sa pag-aakalang siya’y nakakita ng isang multo! Ngayon na nabunyag na walang bisa ang kaniyang magic, pumayag siyang mag-aral ng Bibliya at sa kalaunan siya ay naging isang Saksi.

Ikaw ay maaaring makalaya rin buhat sa pagkagapos sa takot at pamahiin. Aaminin natin, baka ito’y hindi madali. Marahil ikaw ay lumaki sa isang kultura na kung saan karaniwang gumagamit ng mga anting-anting at mga galíng. Ang mga Kristiyano sa sinaunang Efeso ay napaharap sa gayong hamon. Sila’y namumuhay noon sa isang kulturang malawak ang impluwensiya ng espiritismo. Ano ang kanilang ginawa nang matuto sila ng katotohanan ng Salita ng Diyos? Sinasabi ng Bibliya: “Marami sa mga gumagamit ng mga kabihasnang mahika [magic] ang nagsipagtipon ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa harap ng lahat. At kanilang binilang ang lahat ng halaga niyaon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong putol ng pilak.”​—Gawa 19:19.

Pagkakamit ng Kaligtasang Nagmumula sa Diyos

Kung aalpas ka sa lahat ng bakas ng okulto, maaalisan ka ba ng proteksiyon? Taliwas sa paniwala, “Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.” (Awit 46:1) Ang pagliligtas ng Diyos ay lalo nang mahahayag pagka kaniyang pinuksa na ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon, ngunit maglaan sa mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom upang lipulin.”​—2 Pedro 2:9; ihambing ang Awit 37:40.

Samantala, ‘ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa ating lahat.’ (Eclesiastes 9:11) Ang Diyos ay hindi nangangako na ang kaniyang mga lingkod ay magkakaroon ng “galíng” sa buhay o na sila’y kaniyang iaadya sa lahat ng personal na kapinsalaan. Gayunpaman, nangangako siya na iingatan ang ating espirituwalidad at ang ating kaugnayan sa kaniya. (Awit 91:1-9) Sa papaano? Unang-una, siya’y nagbibigay ng mga batas at mga simulain na makabubuti sa atin at ililigtas tayo sa nagpapasamáng impluwensiya ni Satanas. (Isaias 48:17) Sa ating pagtatamo ng kaalaman sa mga daan ni Jehova, ang ‘kakayahang umisip ang magbabantay sa atin, ang unawa ay magsasanggalang sa atin’​—halimbawa, buhat sa walang kapakinabangan o nakapipinsalang mga gawain.​—Kawikaan 2:11.

Ang isa pang paraan ng pagliligtas sa atin ng Diyos ay ang pagbibigay “ng lakas na higit kaysa karaniwan” sa mga panahon ng pagsubok. (2 Corinto 4:7) At kapag ang isang Kristiyano’y waring magagapi ng mga pangyayari, Siya ay nagbibigay “ng kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan” upang magbantay ng puso at ng kaisipan. (Filipos 4:7) Oo, ang Kristiyano ay nasasangkapan upang “manindigang matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”​—Efeso 6:11-13.

Papaano mo makakamit ang gayong pagliligtas? Magsimula sa pamamagitan ng pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Malaki ang magagawa ng mga Saksi ni Jehova upang tulungan ka tungkol sa mga bagay na ito. Habang nililinang mo ang isang masiglang kaugnayan kay Jehova, magsisimula kang makaranas ng kaniyang may kabaitang pagliligtas. Sinasabi ng Diyos, gaya ng mababasa natin sa Awit 91:14: “Sapagkat kaniyang inilagak ang pag-ibig niya sa akin, siya naman ay aking ililigtas. Aking bibigyan siya ng proteksiyon sapagkat kaniyang nakilala ang aking pangalan.”

Oo, kung ikaw ay tapat sa kaniya, sa wakas ay bibigyan ka ng Diyos ng buhay na walang-hanggan sa dumarating na bagong sanlibutan. Tinitiyak ni Jehova sa mga nabubuhay sa panahong iyon: “Walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng bibig ni Jehova ng mga hukbo.” (Mikas 4:4) Wala na ang sakit at ang kamatayan. (Apocalipsis 21:4) Subalit, kahit na ngayon, ay makapagtatamasa ka ng isang antas ng kaligtasan​—kung lilinangin mo ang isang malapit na kaugnayan kay Jehova. Tulad ng salmista, masasabi mo: “Ang tulong sa akin ay buhat kay Jehova, ang Maygawa ng langit at lupa.”​—Awit 121:2.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Espiritu ng mga Patay​—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga Bang Umiiral Sila? inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 6]

Sinunog ng mga Kristiyano sa Efeso ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa okultismo

[Larawan sa pahina 7]

Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, mawawala na ang takot

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share