Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 9/1 p. 3-4
  • Maililigtas Ka ba ng mga Anting-Anting?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maililigtas Ka ba ng mga Anting-Anting?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paghahanap ng Kaligtasan
  • Ang Nakapag-aalinlangang Bisa ng mga Anting-Anting
  • Posible ba ang Tunay na Kaligtasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Suwerte
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Natatandaan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mga Pamahiin—Bakit Namamalagi?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 9/1 p. 3-4

Maililigtas Ka ba ng mga Anting-Anting?

ISANG kristal na nasa bulsa ng isang lalaking taga-Brazil. Isang masuwerteng barya ng isang Amerikanong manlalaro. Isang istampitang krus ni Saint Brigid na nakabitin sa isang kama sa tahanan ng isang pamilyang taga-Irlandya. Angaw-angaw na tao ang gumagamit ng gayong mga bagay bilang masuwerteng mga galíng o mga anting-anting.a Naniniwala sila na ang pagkakaroon ng mga galíng na ito ay makapaglalayo ng kapahamakan at magdadala sa kanila ng mabuting kapalaran.

Halimbawa, isaalang-alang ang Brazil. Sang-ayon sa magasing Veja, maraming taga-Brazil ang may dalang “mga kapirasong bato at di-gaanong mamahaling mga bato na pinaniniwalaang mabisa na magdala ng suwerte at magpalakas ng katawan at isip ng isang mayroon niyaon.” Sa takot na mapawalang-halaga ang mga kapangyarihan ng okultismo, ang ibang mga tagaroon ay naglalagay ng isang relihiyosong emblema o teksto sa dingding ng kanilang tahanan. Ginagamit pa ng ilan ang Bibliya bilang isang sagradong galíng; inilalagay nila iyon sa isang mesa na palaging nakabukas sa Awit 91.

Sa timugang Aprika, ang muti, o kinagisnang gamot, ay ginagamit din, hindi lamang dahilan sa ito’y nagpapagaling, kundi upang makaligtas laban sa malas. Ang sakit, kamatayan, mga krisis sa pananalapi, at maging ang nabigong mga pag-iibigan ay kalimitan inaakalang resulta ng panggagaway na likha ng mga kaaway o dahilan sa hindi nagawang payapain ang namatay ng mga ninuno. Ang muti ay karaniwang nang makukuha buhat sa isang albularyo, na nagtitimpla ng inumin na nanggaling sa mga halaman, punungkahoy, o mga bahagi ng hayop. Ngunit kapansin-pansin na ang muti ay hindi lamang sa kabukiran ginagamit; ito’y malaganap na ginagamit sa mga siyudad ng Timog Aprika. Ang mga negosyante at mga nagtapos sa mga pamantasan ay kabilang sa mga gumagamit ng muti.

Ang paghahanap ng suwerte ay karaniwan din sa mga bansa sa Europa. Ang aklat na Studies in Folklife Presented to Emyr Estyn Evans ay nag-uulat sa atin: “Halos walang parokya o bayan sa Irlandya na hindi makikitaan ng mga bakal ng kabayo na nakalagay sa pintuan o sa itaas ng pintuan ng ilang tirahan o gusali.” At lalong karaniwan sa lupaing iyan ang mga krus na hinabi buhat sa mga halamang rush na nakabitin sa ibabaw ng mga higaan at mga pintuan upang magdala ng suwerte. Sinasabi ng mga tagapagmasid na, sa panlabas na anyo, marami sa mga taga-Irlandya ang hindi seryoso tungkol sa gayong mga pamahiin. Gayunman, marami ang lubusang naniniwala rito.

Ang Paghahanap ng Kaligtasan

Ano ba ang pang-akit ng gayong mga paniniwala sa pamahiin? Waring ang mga ito ay ginagamit upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng tao na kaligtasan. Sa totoo, ilan ang nakadarama na sila’y ligtas sa kanilang mga tahanan, at lalo na kung naglalakad sa mga lansangan kung gabi? Idagdag pa riyan ang kahirapan sa paghahanapbuhay at pag-aasikaso sa mga anak. Oo, tayo ay nabubuhay sa tinatawag ng Bibliya na “isang panahon ng mga kabagabagan.” (2 Timoteo 3:1, The English Bible) Kaya likas lamang na ang mga tao ay may matinding hangarin sa kaligtasan.

Marahil ito ay lalong matindi sa mga kultura na kung saan palasak ang sari-saring anyo ng espiritismo at magic. Dahil sa takot sa ipinagpapalagay na espiritu ng mga namatay o maging biktima ng sumpa ng isang kaaway, ang umano’y pagliligtas na nagagawa ng galíng o ng anting-anting ay waring lubhang kailangan. Gayunpaman, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Karamihan ng tao ay may mga pangamba na pinagmumulan ng kanilang kawalang-kapanatagan. Ang mga pamahiin ay tumutulong upang madaig ang gayong mga pangamba sa pamamagitan ng paglalaan ng kapanatagan. Ang mga ito ay nagbibigay ng kasiguruhan sa mga tao na kanilang makakamit ang ibig nila at maiiwasan ang anumang panganib.”

Ang Nakapag-aalinlangang Bisa ng mga Anting-Anting

Sa gayon, ang mga anting-anting at mga galíng na may sari-saring uri at hugis ay ikinukuwintas, dinadala, at itinatanghal ng mga tao sa buong daigdig. Subalit makatuwiran bang maniwala na ang isang gawang-taong galíng ay tunay na makapagliligtas? Marami sa pangkaraniwang ginagamit na mga galíng ay mabibiling mga produkto na lansakan kung gawin. Hindi ba lihis sa katuwiran at sentido-komon na maniwalang ang isang bagay na binuo sa isang pabrika ay magkakaroon ng kapangyarihan ng magic? At kahit na ang isang inumin na pantanging inihanda ng isang albularyo ay pinaghalu-halong mga sangkap lamang​—mga ugat, damong-gamot, at iba pa. Bakit ang gayong pinaghalu-halong mga sangkap ay magkakaroon ng kapangyarihan ng magic? Isa pa, mayroon bang tunay na ebidensiya na ang mga taong gumagamit ng anting-anting ay mas mahahaba ang buhay​—o mas maliligaya​—​kaysa roon sa hindi gumagamit? Hindi ba ang mismong mga taong gumagawa ng gayong mga galíng ay nagkakasakit at namamatay?

Sa halip na bigyan ang mga tao ng tunay na kaligtasan at ipadama na sila ang sumusupil sa kanilang buhay, ang mapamahiing paggamit ng mga anting-anting at mga galíng ay nagpapahina pa nga ng loob sa mga tao sa matalinong pagharap sa kanilang mga suliranin at pinasisigla sila na umasa sa suwerte bilang panlunas sa lahat ng bagay. Ang pagtitiwala sa bisa ng mga anting-anting ay makapagpapadama rin sa gumagamit nito ng di-tunay na kapanatagan. Ang isang taong lasing sa alak ay baka mag-angkin na hindi apektado ang kaniyang mga reflex at mga kakayahan, subalit kung susubukan niyang magmaneho, malamang na siya’y madisgrasya o makadisgrasya. Ang taong naglalagay ng kaniyang pagtitiwala sa bisa ng isang anting-anting ay maaari ring makapinsala sa kaniyang sarili. Sa pagkaguniguni na siya’y may proteksiyon, baka gumawa siya ng may kamangmangang pagsasapanganib sa kaniyang sarili o ng di-matalinong mga pasiya.

Ang paniniwala sa bisa ng mga anting-anting ay naghaharap ng isa pa ring malubhang panganib na hindi nakikita ng angaw-angaw na gumagamit ng mga iyan. Ano ba ang mga panganib na ito, at mayroon bang isang angkop na paraan upang mapalayo sa disgrasya? Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay sa mga katanungang ito.

[Talababa]

a Sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ay binibigyang-kahulugan ang “anting-anting” bilang “isang galíng (bilang isang panggayak) na kalimitan may nakasulat na mahiwagang orasyon o simbolo upang ang gumagamit nito ay iligtas laban sa masama (gaya halimbawa ng sakit o pangkukulam) o upang tulungan siya.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share