Isang Hari ang Lumalapastangan sa Santuwaryo ni Jehova
“Tungkol sa bayang nakakakilala sa kanilang Diyos, sila’y mananaig.”—DANIEL 11:32.
1, 2. Anong madulang pagbabaka ang nagaganap sa kasaysayan ng tao sa loob ng mahigit na 2,000 taon?
DALAWANG magkaribal na hari ang kasangkot sa isang lubus-lubusang pagbabaka tungkol sa paghahari. Una muna ay ang isa, pagkatapos ay yaong isa naman, ang nangingibabaw, samantalang nagaganap ang labanan sa loob ng mahigit na dalawang libong taon. Sa ating kaarawan ang pagbabaka ay nakaapekto sa karamihan ng tao sa lupa at nasubok ang katapatan ng bayan ng Diyos. Iyon ay nagtatapos sa isang pangyayaring hindi sukat akalain ng alinman sa dalawang kapangyarihan. Ang madulang patiunang kasaysayang ito ay isiniwalat sa sinaunang propetang si Daniel.—Daniel, kabanata 10 hanggang 12.
2 Ang hula ay tungkol sa patuluyang pagkakapootan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog at tinalakay nang detalyado sa aklat na “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa.”a Sa aklat na iyan ipinakita na ang hari ng hilaga sa pasimula ay ang Syria, nasa gawing hilaga ng Israel. Pagkatapos, ang papel na iyan ay ginampanan ng Roma. Ang unang-unang hari ng timog ay ang Ehipto.
Labanán sa Panahon ng Kawakasan
3. Sang-ayon sa anghel, kailan mauunawaan ang hula tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog, at papaano?
3 Ang anghel na nagsisiwalat ng mga bagay na ito kay Daniel ay nagsabi: “Kung para sa iyo, Oh Daniel, ilihim mo ang mga salita at tatakan ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang tatakbo nang paroo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay lalago.” (Daniel 12:4) Oo, ang hula ay tungkol sa panahon ng kawakasan—isang yugto na nagsimula noong 1914. Sa itinakdang panahong iyan, marami ang “tatakbo nang paroo’t parito” sa Banal na Kasulatan, at sa tulong ng banal na espiritu, ang tunay na kaalaman, kasali na ang pagkaunawa sa hula ng Bibliya, ay lalago. (Kawikaan 4:18) Habang tayo’y papalapit na sa panahong iyan, parami nang paraming detalye ng mga hula ni Daniel ang nagliwanag. Kung gayon, papaano natin uunawain ang hula tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog sa 1993, ngayon ay 35 taon na ang nakalipas pagkatapos na ilathala ang “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa”?
4, 5. (a) Saan mahahanap ang taóng 1914 sa hula ni Daniel tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog? (b) Ayon sa anghel, ano ang mangyayari sa 1914?
4 Ang tanda ng pagpapasimula ng panahon ng kawakasan noong 1914 ay ang unang digmaang pandaigdig at ang iba pang pandaigdig na kagipitan na inihula ni Jesus. (Mateo 24:3, 7, 8) Atin bang mahahanap ang taon na iyan sa hula ni Daniel? Oo. Ang pasimula ng panahon ng kawakasan ay “ang itinakdang panahon” na binanggit sa Daniel 11:29. (Tingnan ang “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa,” pahina 301.) Iyon ay isang panahon na itinakda na ni Jehova noong kaarawan ni Daniel, yamang iyon ay sumapit sa dulo ng 2,520 taon na ipinakikita ng inihulang mahalagang mga pangyayari ng Daniel kabanata 4.
5 Ang 2,520 na mga taon na iyon, buhat sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. noong kabataan ni Daniel hanggang 1914 C.E., ay tinawag na “ang itinakdang panahon sa mga bansa.” (Lucas 21:24) Anong makapulitikang mga pangyayari ang magiging tanda ng kanilang wakas? Isang anghel ang nagsiwalat nito kay Daniel. Sinabi ng anghel: “Sa itinakdang panahon ay babalik siya [ang hari ng hilaga], at siya’y aktuwal na paparoon laban sa timog; ngunit ang huli ay hindi magpapatunay na gaya nang una.”—Daniel 11:29.
Ang Hari ay Natalo sa Isang Digmaan
6. Noong 1914, sino ang hari ng hilaga, at sino naman ang hari ng timog?
6 Nang sumapit ang 1914 ang papel ng hari ng hilaga ay ginampanan ng Alemanya, na ang lider ay si Kaiser Wilhelm. (Ang “Kaiser” ay mula sa titulong Romano na “Cesar.”) Ang pagsisiklab ng labanan sa Europa ay isa pang bahagi sa sunud-sunod na mga komprontasyon sa pagitan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Ang papel nitong huli, ang hari ng timog, ay ginampanan ngayon ng Britanya, na dagling sumakop sa Ehipto, ang nasasakupan ng kauna-unahang hari ng timog. Sa pagpapatuloy ng digmaan, naging kasanib ng Britanya ang dati nitong kolonya, ang Estados Unidos ng Amerika. Ang naging hari ng timog ay ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig, ang pinakamakapangyarihang imperyo sa kasaysayan.
7, 8. (a) Sa unang digmaang pandaigdig, sa anong paraan ang huli ay hindi nagpatunay na “gaya nang una”? (b) Ano ang kinalabasan ng unang digmaang pandaigdig, subalit ayon sa hula, papaano kumilos ang hari ng hilaga?
7 Sa nakalipas na mga labanan ng dalawang hari, ang Imperyong Romano, bilang hari ng hilaga, ang laging nagwawagi. Ngayon, ‘ang huli ay hindi napatunayang gaya nang una.’ Bakit hindi? Sapagkat natalo sa digmaan ang hari ng hilaga. Ang isang dahilan ay sapagkat inilaban sa hari ng hilaga “ang mga barko ng Chittim.” (Daniel 11:30) Ano ba ang mga barkong ito? Noong panahon ni Daniel, ang Chittim ay ang Cyprus, at nang may pasimula ng unang digmaang pandaigdig, ang Cyprus ay sinakop ng Britanya. Isa pa, ayon sa The Zondervan Pictorial Encyclopedia of the Bible, ang pangalang Chittim “ay pinalawak upang makasali ang K[anluran] sa pangkalahatan, ngunit lal[ung-lalo] na ang mahilig sa pagdaragat na K[anluran].” Ang pananalitang “mga barko ng Chittim” ay isinalin ng New International Version na “mga barko ng mga lupain sa kanlurang baybaying-dagat.” Nang unang digmaang pandaigdig, ang mga barko ng Chittim ay yaong mga barko ng Britanya, na nasa kanlurang baybayin ng Europa. Nang malaunan ang Hukbong-Dagat ng Britanya ay naragdagan pa ng mga barko buhat sa kanlurang kontinente ng Hilagang Amerika.
8 Sa ilalim ng ganitong pagsalakay, ang hari ng hilaga ay “nalumbay” at tinanggap ang kaniyang pagkatalo noong 1918. Subalit siya’y hindi pa tapos. “Siya’y aktuwal na babalik at kaniyang tutuligsain ang banal na tipan at kikilos sa mabisang paraan; at siya’y babalik at isasaalang-alang yaong mga nagsisialis sa banal na tipan.” (Daniel 11:30) Ganiyan ang pagkahula ng anghel, at gayon nga ang nangyari.
Ang Hari ay Kumikilos sa Mabisang Paraan
9. Ano ang umakay tungo sa pagbangon ni Adolf Hitler, at papaano siya “kumilos sa mabisang paraan”?
9 Pagkatapos ng digmaan, noong 1918, ang nagtagumpay na mga Alyado ay nagtakda ng isang kasunduang pangkapayapaan na magpaparusa sa Alemanya, maliwanag na ang layunin ay upang mapanatiling halos nagugutom ang mga Aleman hanggang sa walang-takdang panahon sa hinaharap. Kaya naman, pagkatapos na sumuray-suray nang ilang taon sa labis na kahirapan, ang Alemanya ay handa na para sa pagbangon ni Adolf Hitler. Nakamit niya ang ganap na kapangyarihan noong 1933 at kapagdaka’y naglunsad ng isang ubod-samang pag-atake laban sa “banal na tipan,” na kinakatawan ng pinahirang mga kapatid ni Jesu-Kristo. Dito siya’y kumilos sa mabisang paraan laban sa tapat na mga Kristiyanong ito, may kalupitang pinag-usig ang marami sa kanila.
10. Sa paghahanap ng susuporta, kanino nakipagkasundo si Hitler, at ano ang mga resulta?
10 Tinamasa ni Hitler ang mga tagumpay kaugnay ng kabuhayan at mga relasyong diplomatiko, anupat siya’y kumilos sa mabisang paraan sa larangan ding iyan. Sa loob ng ilang taon, ang Alemanya ay ginawa niyang isang kapangyarihang hindi maipagwawalang-bahala, palibhasa’y tinulungan sa ganitong pagsisikap niyaong “mga nagsisialis sa banal na tipan.” Sino ba ang mga ito? Salig sa umiiral na mga ebidensiya, ito’y ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking may pakikipagtipan sa Diyos ngunit noon pa ay hindi na mga alagad ni Jesu-Kristo. Si Hitler ay nagtagumpay sa paghingi ng suporta sa “mga nagsisialis sa banal na tipan.” Ang papa sa Roma ay gumawa ng pakikipagkasunduan sa kaniya, at pati ang Iglesya Katolika Romana, gayundin ang mga iglesyang Protestante sa Alemanya, ay sumuporta kay Hitler sa kaniyang 12-taóng kakila-kilabot na pamamahala.
11. Papaano nagawa ng hari ng hilaga na ‘lapastanganin ang santuwaryo’ at ‘alisin ang palagiang handog’?
11 Lubhang nagtagumpay si Hitler kung kaya siya’y nakipagdigma, gaya ng wastong pagkahula ng anghel. “At may mga pulutong na tatayo, manggagaling sa kaniya; at kanilang aktuwal na lalapastanganin ang santuwaryo, ang kuta, at aalisin ang palagiang handog.” (Daniel 11:31a) Sa sinaunang Israel, ang santuwaryo ay bahagi ng templo sa Jerusalem. Gayunman, nang tanggihan ng mga Judio si Jesus, sila’y tinanggihan ni Jehova at pati ang kanilang templo. (Mateo 23:37–24:2) Buhat noong unang siglo, ang templo ni Jehova ay isang espirituwal na templo, na ang Banal ng mga Banal ay nasa langit at may espirituwal na looban sa lupa na doon naglilingkod ang pinahirang mga kapatid ni Jesus, ang Mataas na Saserdote. Buhat noong dekada ng 1930, ang malaking pulutong ay sumasamba kaugnay ng pinahirang nalabi; kaya naman, sila’y sinasabing naglilingkod ‘sa templo ng Diyos.’ (Apocalipsis 7:9, 15; 11:1, 2; Hebreo 9:11, 12, 24) Ang makalupang looban ng templo ay nilapastangan ng walang-lubay na pag-uusig sa pinahirang nalabi at sa kanilang mga kasamahan sa mga bansa na sakop ng hari ng hilaga. Napakatindi ng pag-uusig kung kaya ang palagiang handog—ang pangmadlang hain ng papuri sa pangalan ni Jehova—ay naalis. (Hebreo 13:15) Gayunpaman, ipinakikita ng kasaysayan na sa kabila ng kakila-kilabot na pagdurusa, ang tapat na pinahirang mga Kristiyano, kasama na ang “mga ibang tupa,” ay nagpatuloy sa pangangaral nang patago.—Juan 10:16.
“Ang Kasuklam-suklam na Bagay”
12, 13. Ano “ang kasuklam-suklam na bagay” at—gaya ng nakini-kinita ng tapat at maingat na alipin—kailan at papaano iyon muling itinatag?
12 Nang matatapos na ang ikalawang digmaang pandaigdig, may isa pang naganap. “Tunay na kanilang ilalagay sa lugar ang kasuklam-suklam na bagay na naninira.” (Daniel 11:31b) Itong “kasuklam-suklam na bagay,” na binanggit din ni Jesus, ay nakilala na noon bilang ang Liga ng mga Bansa, ang matingkad-pulang mabangis na hayop na ayon sa Apocalipsis ay nagtungo sa kalaliman. (Mateo 24:15; Apocalipsis 17:8; tingnan ang Light, Book Two, pahina 94.) Nangyari ito nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Gayunman, sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea ng mga Saksi ni Jehova noong 1942, tinalakay ni Nathan H. Knorr, ikatlong pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang hula ng Apocalipsis 17 at nagbabala na ang mabangis na hayop ay muling babangon buhat sa kalaliman.
13 Pinatunayan ng kasaysayan ang katotohanan ng kaniyang mga salita. Sa pagitan ng Agosto at Oktubre 1944, sa Dumbarton Oaks sa Estados Unidos, sinimulan ang pagbuo sa karta ng tatawaging Nagkakaisang mga Bansa. Ang karta ay pinagtibay ng 51 bansa, kasali na ang dating Unyong Sobyet, at nang magkabisa iyon noong Oktubre 24, 1945, ang lumipas nang Liga ng mga Bansa ay sa katunayan umahon buhat sa kalaliman.
14. Kailan at papaano nagbago ang pagkakakilanlan sa hari ng hilaga?
14 Ang Alemanya ang naging pangunahing kaaway ng hari ng timog sa dalawang digmaang pandaigdig. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang isang bahagi ng Alemanya ay nagpanibagong-tatag upang makakampi ng hari ng timog. Subalit ang kabilang bahagi ng Alemanya ay pumanig na ngayon sa isa pang makapangyarihang imperyo. Ang blokeng Komunista, na kasali ngayon ang isang bahagi ng Alemanya, ay matinding sumalansang sa magkakamping Anglo-Amerikano, at ang alitan sa pagitan ng dalawang magkaribal na hari ay naging isang Malamig na Digmaan (Cold War).—Tingnan ang “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa,” pahina 295-317.
Ang Hari at ang Tipan
15. Sino ‘yaong mga kumikilos nang may kabalakyutan laban sa tipan,’ at ano ang kaugnayan nila sa hari ng hilaga?
15 Ang anghel ay nagsasabi ngayon: “Yaong mga kumikilos nang may kabalakyutan laban sa tipan, kaniyang aakayin tungo sa apostasya sa pamamagitan ng pakunwaring mga salita.” (Daniel 11:32a) Sino itong mga kumikilos nang may kabalakyutan laban sa tipan? Muli, walang iba kundi ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking mga Kristiyano ngunit sa kanilang mga ikinikilos ay lumalapastangan sa mismong pangalan ng Kristiyanismo. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, “nagsikap ang Pamahalaang Sobyet na makamit ang materyal at moral na tulong ng mga Iglesya sa pagtatanggol sa inang-bayan.” (Religion in the Soviet Union, ni Walter Kolarz) Pagkatapos ng digmaan, sinikap ng mga lider ng iglesya na mapanatili ang pagkakaibigang iyon sa kabila ng ateyistang patakaran ng kapangyarihan na ngayo’y hari ng hilaga.b Sa gayon, ang Sangkakristiyanuhan ay lalong naging bahagi ng sanlibutang ito—isang kasuklam-suklam na apostasya sa paningin ni Jehova.—Juan 17:14; Santiago 4:4.
16, 17. Sino yaong “may matalinong unawa” at papaano sila nagtatagumpay sa ilalim ng hari ng hilaga?
16 Subalit, kumusta naman ang tunay na mga Kristiyano? “Tungkol sa bayang nakakakilala sa kanilang Diyos, sila’y mananaig at kikilos sa mabisang paraan. At silang may matalinong unawa sa gitna ng bayan, sila’y magtuturo ng kaunawaan sa marami. At sila’y tiyak na ibubuwal sa pamamagitan ng tabak at ng apoy, ng pagkabihag at ng samsam, nang ilang araw.” (Daniel 11:32b, 33) Ang mga Kristiyanong namumuhay sa nasasakupan ng hari ng hilaga, samantalang wastong “napasasakop sa nakatataas na mga awtoridad,” ay hindi naging bahagi ng sanlibutang ito. (Roma 13:1; Juan 18:36) Samantalang maingat na ibinabalik kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, kanila ring ibinigay “sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Dahilan dito, ang kanilang katapatan ay nasubok.—2 Timoteo 3:12.
17 Ang resulta? Sila’y kapuwa ‘nanaig’ at ‘nabuwal.’ Sila’y nabuwal sa paraan na sila’y pinag-usig at dumanas ng matinding hirap, ang ilan ay napatay pa nga. Subalit sila’y nanaig sa paraan na, sa kalakhang bahagi, sila ay nanatiling tapat. Oo, sila’y nanaig sa sanlibutan, gaya ni Jesus na nanaig sa sanlibutan. (Juan 16:33) Isa pa, kailanman ay hindi sila huminto ng pangangaral, kahit na sila’y nasa bilangguan o sa mga concentration camp. Sa gayon, sila’y ‘nagturo ng kaunawaan sa marami.’ Sa kabila ng pag-uusig, sa karamihan ng bansang pinaghaharian ng hari ng hilaga, ang mga Saksi ni Jehova ay dumami. Dahil sa katapatan ng mga “may matalinong unawa,” ang patuloy na dumaraming bahagi ng “malaking pulutong” ay lumitaw sa mga bansang iyon.—Apocalipsis 7:9-14.
18. Anong “kaunting tulong” ang tinanggap ng pinahirang nalabi na namumuhay sa nasasakupan ng hari ng hilaga?
18 Tungkol sa pag-uusig sa bayan ng Diyos, humula ang anghel: “Subalit pagka sila’y ibubuwal sila’y tutulungan ng kaunting tulong.” (Daniel 11:34a) Papaano nga nangyari ito? Unang-una, ang tagumpay ng hari ng timog noong ikalawang digmaang pandaigdig ay nagdulot ng malaking kaginhawahan para sa mga Kristiyanong namumuhay sa nasasakupan ng karibal na hari. (Ihambing ang Apocalipsis 12:15, 16.) Pagkatapos, yaong mga pinag-usig ng humaliling hari ay dumanas ng manaka-nakang ginhawa, at samantalang ang Malamig na Digmaan ay patapos na, natalos ng maraming makapulitikang lider na ang tapat na mga Kristiyano ay hindi isang panganib at sa gayo’y legal na kinilala sila.c Malaking tulong din naman ang nanggaling sa dumaraming malaking pulutong, na tumugon sa tapat na pangangaral ng mga pinahiran at nakatulong sa kanila, gaya ng inilalarawan sa Mateo 25:34-40.
Paglilinis sa Bayan ng Diyos
19. (a) Papaano may ilan na ‘nakisama sa kanila sa pamamagitan ng panlilinlang’? (b) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “hanggang sa panahon ng kawakasan”? (Tingnan ang talababa.)
19 Hindi lahat ng nagpakita ng interes sa paglilingkod sa Diyos sa panahong ito ay may mabubuting motibo. Ang anghel ay nagbabala: “Marami ang tiyak na makikisama sa kanila sa pamamagitan ng panlilinlang. At ang ilan sa mga may matalinong unawa ay ibubuwal, upang maisagawa ang pagdalisay dahil sa kanila at ang paglilinis at ang pagpapaputi, hanggang sa panahon ng kawakasan; sapagkat ukol sa panahon pang itinakda.”d (Daniel 11:34b, 35) Ang ilan ay nagpakita ng interes sa katotohanan ngunit hindi handang gumawa ng isang tunay na pag-aalay upang maglingod sa Diyos. Ang iba na waring tumatanggap sa mabuting balita ay sa totoo mga espiya para sa mga awtoridad. Mababasa sa isang ulat buhat sa isang bansa: “Ang ilan sa walang prinsipyong mga taong ito ay aminadong mga Komunista na pumasok sa organisasyon ng Panginoon, nagpakita ng malaking sigasig, at nahirang pa sa matataas na tungkulin ng paglilingkuran.”
20. Bakit pinahintulutan ni Jehova na ‘mabuwal’ ang ilang tapat na mga Kristiyano dahilan sa mapagpaimbabaw na mga pumupuslit?
20 Ang mga pumupuslit ang dahilan ng pagkahulog ng ilang tapat sa kamay ng mga awtoridad. Bakit pinahintulutan ni Jehova na mangyari ang gayong mga bagay? Para sa pagdalisay, para maging malinis. Kung papaanong si Jesus ay “natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis,” ang tapat na mga kaluluwang ito rin naman ay natutong magtiis buhat sa pagsubok sa kanilang pananampalataya. (Hebreo 5:8; Santiago 1:2, 3; ihambing ang Malakias 3:3.) Sa gayon sila ay ‘nadalisay, nalinis, at napaputi.’ Malaking kasayahan ang naghihintay sa gayong mga tapat pagsapit ng itinakdang panahon upang sila’y gantimpalaan sa kanilang pagtitiis. Ito’y makikita pagka ating ipinagpatuloy pa ang pagtalakay sa hula ni Daniel.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., at inilabas sa Ingles noong 1958 sa “Banal na Kalooban” na Internasyonal na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang World Press Review ng Nobyembre 1992 ay naglathala ng isang artikulo buhat sa The Toronto Star na nagsabi: “Noong nakalipas na ilang taon, nasaksihan ng mga Ruso sa harap ng katotohanan ang pagguho ng maraming dating di-matutuligsang mga maling akala tungkol sa kasaysayan ng kanilang bansa. Subalit ang pagsisiwalat tungkol sa pakikipagtulungan ng simbahan sa rehimeng komunista ang pinakamahigpit na dagok.”
d Ang “hanggang sa panahon ng kawakasan” ay maaaring mangahulugan ng “sa panahon ng kawakasan.” Ang salita rito na isinaling “hanggang” ay lumilitaw sa tekstong Aramaico ng Daniel 7:25 at doon ay nangangahulugang “sa panahon ng” o “ukol sa.” Ang salita ay may nahahawig na kahulugan sa tekstong Hebreo sa 2 Hari 9:22, Job 20:5, at Hukom 3:26. Gayunman, sa karamihan ng salin ng Daniel 11:35 ay isinalin ito na “hanggang,” at kung ito ang tamang pagkaunawa, kung gayon “ang panahon ng kawakasan” dito ay ang panahon ng katapusan ng pagtitiis ng bayan ng Diyos.—Ihambing ang “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa,” pahina 319-20.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit dapat tayong umasa sa ngayon na magkakaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa hula ni Daniel?
◻ Papaano ‘nanuligsa at kumilos nang mabisa’ ang hari ng hilaga?
◻ Papaanong nakini-kinita na ng uring alipin ang muling pagbangon ng “kasuklam-suklam na bagay”?
◻ Papaano ‘nabuwal, nanaig, at tumanggap ng kaunting tulong’ ang pinahirang nalabi?
[Larawan sa pahina 15]
Sa ilalim ni Hitler, lubusang nakabangon ang hari ng hilaga buhat sa kaniyang pagkatalo noong 1918 sa mga kamay ng hari ng timog
[Larawan sa pahina 16]
Sinubok ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan na magpaunlad ng kaugnayan sa hari ng hilaga
[Credit Line]
Zoran/Sipa Press