“Ang Huling Kaaway” ay Pagtatagumpayan!
NANG ikaw ay isang bata, marahil ay natatakot ka sa dilim. Ang mga kuwentong nakapangingilabot at maging ang ilang kuwentong engkantada ay marahil nakabalisa sa iyo. Anong laking kasiguruhan ang dulot kung ang iyong ina o ama ay nag-iwan ng isang nakasinding lampara samantalang sinisikap mong makatulog!
Ang kamatayan ay ganiyan din na kinatatakutan ng marami. Gayunman, hindi dapat na magkagayon. Bakit? Dahilan sa kung ano talaga ang kamatayan.
Kilalanin ang Inyong Kaaway
Ang pantas na si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagpahayag: “Nalalaman ng mga buhay na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” (Eclesiastes 9:5) Sang-ayon sa kinasihan ng Diyos na kaisipang ito na nasa iyong sariling Bibliya, ang kamatayan ay kabaligtaran lamang ng buhay. Ang mga patay ay walang malay.
Sa pagtukoy sa kamatayan sa isang matalinghagang paraan, ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?” Ano ba ang tibo na nagdadala ng kamatayan? Ang sabi ni Pablo: “Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan.” (1 Corinto 15:55, 56; Oseas 13:14) Ano, kung gayon, ang pinagmulan ng nakamamatay na tibong ito? Sa isang bahagi ng Kasulatan, si Pablo’y nagsasabi: “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Ang apostol ay hindi nag-iiwan ng anumang alinlangan tungkol sa kung sino ang “isang tao” na iyon nang kaniyang sabihin: “Kay Adan ang lahat ay namamatay.” (1 Corinto 15:22) Oo, sa pamamagitan ng pagsuway ng ating unang ninuno, si Adan, lahat tayo ay tinatablan ng tibo ng kamatayan.—Genesis 3:1-19.
Kung may magandang kalusugan at isang mapagmahal na pamilya na naninirahan sa kaaya-ayang kapaligiran, walang sinuman sa atin ang may ibig mamatay. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng Bibliya, “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay maaaring kumitil ng ating buhay. (Eclesiastes 9:11) Sa katunayan, hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas sa ating buhay. (Santiago 4:14) Isang bagay ang tiyak—lahat tayo ay nagmana ng kasalanan at kamatayan. Kaya, ang kamatayan ay nakabuntot sa atin at kumikilos na mistulang isang kaaway.
Ang Pagtatagumpay sa Kamatayan ng Isang Mahal sa Buhay
Ang kamatayan ay lalo nang isang kaaway pagka ito’y nangyari sa isang mahal mo sa buhay. “Magiging lalong mahirap para sa iyo,” ang sabi sa kaniyang asawa ng isang ginang na may taning na ang buhay samantalang kaniyang binubulay-bulay ang kamatayan. Bakit niya masasabi iyan? Sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang karaniwang libingan ng sangkatauhan], ang dako na iyong pinaparoonan.” (Eclesiastes 9:10) Ang mga patay ay hindi na nagdurusa. Ngunit ang nakadarama ng matinding dalamhati ay ang naulilang mga kamag-anak at mga kaibigan. Mayroon bang magagawang anuman tungkol sa gayong pagdurusa?
Ang mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay may maraming pang-aliw na mga salita. Halimbawa, ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga awit ay tiyak na pagmumulan ng kaaliwan. Nakaaaliw nga ang mga salitang gaya nito: “Purihin si Jehova, na sa araw-araw ay nagdadala ng pasan para sa atin, ang tunay na Diyos ng ating kaligtasan.”—Awit 68:19.
Ang isa pang pinagmumulan ng kaaliwan ay ang kongregasyong Kristiyano. Noong unang siglo C.E., si apostol Pablo ay sumulat: “Igalang mo ang mga babaing balo na talagang mga biyuda. Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo [na maaaring tumustos sa kaniya], ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugudlugod sa paningin ng Diyos. Ilagay sa talaan ang isang babaing balo na edad animnapung taon pataas, na naging asawa ng iisang lalaki, na may mabuting patotoo tungkol sa kaniyang mabubuting gawa, kung siya’y nag-alaga ng mga anak, kung siya’y nagpatuloy sa mga tagaibang bayan, kung siya’y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya’y tumulong sa mga nasa kapighatian, kung siya’y nagsipag sa bawat mabuting gawa.” (1 Timoteo 5:3, 4, 9, 10) Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay tumutulong din naman at umaaliw sa gayong mga kapananampalataya.
Malimit na ang pinakamalaking suliranin na kailangang lunasan ng isang naulila ay may kinalaman sa emosyon. “Mahal na mahal ko ang aking maybahay,” ang isinulat ng isang lalaki na ang asawa’y namatay may dalawang taon na noon ang nakalipas. “Ito ang pinakamalungkot na pangyayari sa aking buhay, at para sa akin ay napakahirap na pagtiisan.” Ang isang taong kung ilang panahon nang may asawa ay ibinabahagi ang kaniyang buhay sa isang pinakamatalik na relasyon ng tao. Pagka namatay ang isang kabiyak, ang naulilang kapareha ay natural lamang na makadama ng malaking pangungulila. Kanino maaaring humingi ng tulong ang isang iyon?
Sa gayong mga kalagayan, ang mabubuting kasamang Kristiyano ay maaaring makapagpatibay. “Ang tunay na kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa kagipitan,” ang sabi ng isang pantas na kawikaan. (Kawikaan 17:17) Ang isang biyuda o isang biyudo ay nangangailangan ng tulong—mga kasama na nagbibigay ng tunay na alalay. Ang pantas na mga kaibigan ay nagpapatibay-loob upang ang isang namimighati ay magsalita, kahit na iyon ay may kasabay na pagluha. Marahil ang isang Kristiyano na nakaranas na ng kirot at dalamhati ng pagkaulila sa isang kabiyak ay makapagbibigay ng kaunting tulong nang may kabaitan. “Aliwin ang mga nanlulumo,” ang payo ng Bibliya. (1 Tesalonica 5:14) Subalit tandaan na nangungulila ang mga biyuda at biyudo sa kani-kanilang kabiyak. Kung gayon, ang naulila ay dapat magtapat ng kaniyang suliranin tanging sa ilalim ng mga kalagayan na tutulong sa lahat upang makapanatili sa kalinisang-asal.—1 Pedro 2:12.
Ang pinakamagaling na lunas sa kirot na likha ng kamatayan ay ang manatiling abala sa pagtulong sa iba—hindi isang madaling gawain para sa mga naniniwala na sila ang nangangailangan ng tulong! Dito may bahaging ginagampanan ang kawalang-imbot. Ang walang-imbot na paggawa ng mga bagay-bagay para sa iba ay pumapawi ng kalungkutan at dalamhati, sapagkat sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Pagtatagumpay sa Kamatayan
Ang tibo ng isang bubuyog ay maaaring pagkasakit-sakit, maaaring nakamamatay pa nga. Subalit, pangkaraniwan nang ang pagkaalis ng tibo ng bubuyog na nakabaon sa iyong balat ay nagpapaginhawa. Subalit ano ang maaasahang ginhawa buhat sa tibong lumilikha ng kamatayan?
Pagkatapos ipaliwanag na ang kasalanan ang tibong nagdadala ng kamatayan, si Pablo ay bumulalas: “Salamat sa Diyos, sapagkat kaniyang pinagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!” (1 Corinto 15:57) Papaano nauugnay kay Kristo ang tagumpay sa kamatayan? Ipinakita ni Jesus na ito na nga ang nangyayari nang sabihin niya tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Oo, para sa mga sumasampalataya sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, at sa haing pantubos na inilaan ni Jehova sa pamamagitan niya, ang kamatayang minana kay Adan ay hindi magbubunga ng permanenteng pagkawala ng buhay.—Juan 3:16.
Nakagagalak nga ang mga salita ni Jesus: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga namihasa ng paggawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”—Juan 5:28, 29.
Mga ilang siglo pa bago nito, inihula ng propeta ng Diyos na si Isaias: “Aktuwal na sasakmalin niya [ng Diyos na Jehova] ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Muli, sa Apocalipsis 21:4, ang Bibliya ay naghaharap ng ganitong kamangha-manghang pag-asa: “At papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Palibhasa’y pinatitibay ng pag-asang ito na ibinibigay ng Bibliya para sa mga natutulog sa kamatayan, ang mga naulila ay hindi kailangang “malumbay na gaya ng mga iba na walang pag-asa.”—1 Tesalonica 4:13.
Subukin na gunigunihin ang mga pagpapalang ilalaan ng Diyos para sa sangkatauhan ayon sa isinisiwalat ng Bibliya. Ang napipintong “malaking kapighatian” ay nangangahulugan ng kapahamakan para sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. (Apocalipsis 7:14) Napuksa na ang mga namimihasa sa mga gawain ng huwad na relihiyon. Wala na ang masasakim na mga pulitiko at komersiyante na sanhi ng taggutom at digmaan. Ibinubulid ni Jesu-Kristo sa kalaliman si Satanas na Diyablo, na siyang dahilan anupat napakaraming tao ang namatay. Pagkatapos ay pinasisimulan ni Kristo ang kaniyang Milenyong Paghahari, na sa panahong iyon ay ginagamit niya sa sangkatauhan ang halaga ng kaniyang haing pantubos. Ang mga patay ay bumabalik sa inaasam-asam na pagkabuhay-muli, at ang liwanag buhat sa Salita ng Diyos ay sumisikat nang buong kaningningan kung kaya wala na ang mga pamahiin tungkol sa kamatayan, ang kaaway ng sangkatauhan. Lahat ng buháy sa panahong iyon ay may pagkakataong matuto ng mga daan ng Diyos at makaayon ng kaniyang matuwid na mga pamantayan.—Kawikaan 4:18; Gawa 24:15; Hebreo 2:14, 15; Apocalipsis 18:4-8; 19:19-21; 20:1-3.
‘Pagkatapos, darating ang wakas,’ ang sabi ni Pablo, ‘pagka ibinigay na ni Kristo Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama. Sapagkat siya’y kailangang maghari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat ng kaniyang kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.’ (1 Corinto 15:24-26) Lahat ng kapansanan na bunga ng pagkakasala ni Adan ay wala na. Isang pangwakas na pagsubok ang nagaganap, at ang mga umiibig sa Diyos ay nakapasa rito dahil sa kanilang katapatan. (Apocalipsis 20:4-10) Pagkatapos maibalik sa kasakdalan, ang masunuring mga taong ito ay mabubuhay, hindi lamang sa loob ng pitumpung taon o kahit na sandaan at sampu, kundi magpakailanman. Anong inam na regalo buhat sa Diyos na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang minamahal na Anak!—Roma 6:23.
Kaya ngayon, hanggang kailan ka maaaring mabuhay? Maaari kang mabuhay nang walang-hanggan. Yamang nabubuhay ka sa “panahon ng kawakasan” ng sanlibutang ito, baka hindi ka na mamatay kailanman. (Daniel 12:4; Juan 11:25, 26; 17:3) Kung ginagawa mo ang kalooban ng Diyos, baka mabuhay ka nang tuluy-tuloy hanggang sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:13.
Subalit, kung ikaw ay matanda na, kailangang makatotohanang isaalang-alang mo ang posibilidad ng kamatayan. Tunay, ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay nagdudulot ng kagalakan. Ngunit baka pag-isipan mo kung papaano isasaayos ni Jehova ang buhay pampamilya sa bagong sistema ng mga bagay na iyon. Huwag mong ikabahala ang gayong mga bagay, sapagkat titiyakin ni Jehova ang walang-hanggang kaligayahan ng mga tapat sa kaniya magpakailanman.
Habang patapos na ang maselan na “mga huling araw” na ito ng balakyot na sistema ni Satanas, huwag hayaang ang takot sa kamatayan ang mag-alis sa iyo ng pribilehiyong maglingkod kay Jehova ngayon. (2 Timoteo 3:1) Kung sakaling isang mahal mo sa buhay ang pumanaw, aliwin ang iyong sarili ng katotohanan na ang kapangyarihan ng kamatayan ay pansamantala lamang. (Apocalipsis 20:13, 14) Magtiwala ka sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. At kung magkagayon, makapasok ka man sa bagong sanlibutan sa pamamagitan ng pagkaligtas sa malaking kapighatian o sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, matitiyak mo ang kinasihang garantiya na ang kamatayan, ang huling kaaway, ay lilipulin.—Apocalipsis 7:9, 14.
[Larawan sa pahina 5]
Ang mabubuting kasamang Kristiyano ay makapagpapatibay sa naulilang namimighati sa espirituwal
[Larawan sa pahina 7]
Ang pananatiling abala sa pagtulong sa iba ay nagpapagaan sa dalamhating nilikha ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay