Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w13 12/15 p. 27-31
  • Kung Paano Haharapin ang Pagkamatay ng Iyong Asawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Haharapin ang Pagkamatay ng Iyong Asawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KIROT NA PARANG WALANG KATAPUSAN
  • HARAPIN ANG BAWAT ARAW
  • PAGKABUHAY-MULI​—ISANG NAKAAALIW NA PAG-ASA
  • DAHILAN PARA UMASA
  • Mga Biyuda at Biyudo​—Ano ang Kailangan Nila? Paano Mo Sila Matutulungan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • ‘Makitangis sa mga Tumatangis’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Papaano Makatutulong ang Iba?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • “Ang Huling Kaaway” ay Pagtatagumpayan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
w13 12/15 p. 27-31

Kung Paano Haharapin ang Pagkamatay ng Iyong Asawa

MALIWANAG ang sinasabi ng Bibliya: Dapat “ibigin [ng lalaki ang kaniyang] asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.” Ang asawang babae naman ay dapat “magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” Dapat nilang gampanan ang kani-kanilang papel bilang “isang laman.” (Efe. 5:33; Gen. 2:23, 24) Sa paglipas ng panahon, ang pagsasama at pagmamahalan ng mag-asawa ay lalong tumitibay. Maihahalintulad ito sa mga ugat ng dalawang puno na lumalaking magkatabi. Ang damdamin ng mag-asawa sa isa’t isa ay lumalalim at nagiging magkaugnay.

Pero paano kung mamatay ang isa sa kanila? Ang panghabambuhay na buklod ng mag-asawa ay napuputol. Ang naiwang kabiyak ay kadalasan nang nakadarama ng iba’t ibang damdamin gaya ng dalamhati, lungkot, at marahil ay galit o panunumbat ng budhi. Sa 58-taóng pagsasama ni Daniella at ng kaniyang asawa, maraming kakilala si Daniella na namatayan ng asawa.a Pero nang mamatay ang kaniyang mister, nasabi niya: “Hindi ko alam noon ang pakiramdam ng isang nabalo. Hindi mo ito maiintindihan hangga’t hindi mo nararanasan.”

KIROT NA PARANG WALANG KATAPUSAN

Naniniwala ang ilang mananaliksik na wala nang mas sasakit pa kaysa sa pagkamatay ng minamahal na asawa. Maraming nabalo ang sumasang-ayon dito. Si Millie ay namatayan ng asawa maraming taon na ang nakalilipas. Sinabi niya: “Para akong nalumpo.” Ang tinutukoy niya ay ang kaniyang nadama nang mamatay ang asawa niya pagkatapos ng 25-taóng pagsasama.

Iniisip noon ni Susan na hindi makatuwiran ang maraming taóng pagdadalamhati ng ilang nabiyuda. Pero nang mamatay ang kaniyang asawa na nakasama niya nang 38 taon, nagbago ang pananaw niya. Kahit mahigit 20 taon na ang nakalipas, nasasabi pa rin niya, “Araw-araw ko siyang naaalala.” Madalas siyang umiyak dahil miss na miss niya ito.

Ipinakikita ng Bibliya na napakasakit mamatayan ng asawa at ang kirot nito ay hindi agad nawawala. Nang mamatay si Sara, ang kaniyang asawang si Abraham ay “pumaroon upang hagulhulan si Sara at upang tangisan siya.” (Gen. 23:1, 2) Kahit may pananampalataya si Abraham sa pagkabuhay-muli, masyado siyang nasaktan nang mamatay ang kaniyang minamahal. (Heb. 11:17-19) Nang mamatay ang asawa ni Jacob na si Raquel, hindi niya ito nalimutan. Magiliw niyang ikinukuwento si Raquel sa kaniyang mga anak.​—Gen. 44:27; 48:7.

Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawang ito sa Bibliya? Karaniwan nang tumatagal nang maraming taon ang kirot na nadarama ng isang nabalo. Huwag nating isipin na ang kanilang pagluha at kalungkutan ay tanda ng kahinaan, kundi normal na reaksiyon lang ng isang nangungulila. Baka kailanganin nila sa mahabang panahon ang ating pagdamay at suporta.

HARAPIN ANG BAWAT ARAW

Kapag ang isa ay nabalo, hindi ibig sabihin nito na bumalik lang siya sa dating buhay niya bago nag-asawa. Pagkalipas ng maraming taon ng pagsasama, karaniwa’y alam na ng isang lalaki kung paano aaliwin at pasasayahin ang misis niya kapag nalulungkot ito o nasisiraan ng loob. Kaya kapag namatay siya, ang misis niya ay tiyak na mangungulila sa kaniyang pagmamahal at pagkalinga. Sa katulad na paraan, natututuhan din ng asawang babae kung ano ang gagawin para mapanatag at sumaya ang mister niya. Napakahalaga sa mister niya ang kaniyang magiliw na haplos, nakagiginhawang pananalita, at pag-aasikaso. Kaya kapag namatay siya, maaaring madama ng mister niya na kulang ang buhay niya. Dahil dito, ang ilang namatayan ng asawa ay nakadarama ng takot at pangamba tungkol sa hinaharap. Anong simulain sa Bibliya ang makatutulong para mapanatag ang kalooban nila?

Matutulungan ka ng Diyos na makayanan sa bawat araw ang pangungulila

“Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” (Mat. 6:34) Ang mga salitang ito ni Jesus ay partikular na kapit sa materyal na mga pangangailangan, pero nakatulong din ito sa marami para mabata ang paghihirap na dulot ng pagkamatay ng kabiyak. Ilang buwan pagkamatay ng misis ni Charles, sumulat siya: “Miss na miss ko pa rin si Monique, at kung minsan, parang lalo itong tumitindi. Pero napag-isip-isip kong normal lang ito at sa paglipas ng panahon, mababawasan din ang kirot na nadarama ko.”

Oo, kinailangan ni Charles na magbata sa “paglipas ng panahon.” Paano niya nagawa iyon? Sinabi niya, “Sa tulong ni Jehova, naharap ko ang bawat araw.” Hindi nagpadaig si Charles sa kalungkutan. Hindi naman biglang nawala ang kirot na nadarama niya, pero nakayanan niya iyon. Kung namatayan ka ng asawa, sikaping harapin ang iyong pangungulila sa bawat araw. Hindi mo alam kung anong pagpapala o pampatibay-loob ang tatanggapin mo kinabukasan.

Ang kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ni Jehova. Sa halip, isa ito sa “mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8; Roma 6:23) Ginagamit ni Satanas ang kamatayan at ang pagkatakot dito upang alipinin ang maraming tao at mawalan sila ng pag-asa. (Heb. 2:14, 15) Natutuwa si Satanas kapag ang isa ay nawalan ng pag-asang magiging maligaya pa siya, kahit sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kaya ang matinding kirot na nadarama ng isang namatayan ng asawa ay resulta ng kasalanan ni Adan at ng mga pakana ni Satanas. (Roma 5:12) Lubusang aalisin ni Jehova ang pinsalang dulot ni Satanas; dadaigin niya ang malupit na sandata nito, ang kamatayan. Kabilang sa mga mapalalaya mula sa takot na inihahasik ni Satanas ang maraming namatayan ng asawa.

Sa bagong sanlibutan, magkakaroon ng maraming pagbabago sa buhay ng mga bubuhaying muli. Magbabago ang ugnayan ng mga tao. Halimbawa, ang mga magulang, lolo’t lola, at iba pang ninuno na bubuhaying muli ay unti-unting magiging sakdal kasabay ng kanilang mga anak at apo. Aalisin ang mga epekto ng pagtanda. Paano kaya pakikitunguhan ng nakababatang mga henerasyon ang kanilang mga ninuno? Gaya rin kaya ng kinagawian natin ngayon? At naniniwala ba tayo na ang gayong pagbabago ay sa ikabubuti ng pamilya ng tao?

Napakaraming tanong ang maaaring bumangon tungkol sa mga bubuhaying muli. Halimbawa, paano kung ang isa ay dalawang beses namatayan ng asawa, o higit pa? Nagtanong ang mga Saduceo tungkol sa isang babae na namatayan ng unang asawa. Namatay rin ang kaniyang ikalawang asawa, at ang iba pa niyang naging asawa. (Luc. 20:27-33) Ano kaya ang magiging ugnayan ng gayong mga tao sa pagkabuhay-muli? Hindi natin alam, at hindi makakatulong ang pag-aalala o ang paggawa ng espekulasyon tungkol sa mga bagay na ito. Sa ngayon, basta magtiwala tayo sa Diyos. Isang bagay ang tiyak​—anumang gagawin ni Jehova sa hinaharap ay mabuti, isang bagay na pananabikan, hindi katatakutan.

PAGKABUHAY-MULI​—ISANG NAKAAALIW NA PAG-ASA

Isa sa pinakamalinaw na turo ng Bibliya ang pagkabuhay-muli ng namatay na mga mahal sa buhay. Ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ay garantiya na ‘lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig ni Jesus at lalabas.’ (Juan 5:28, 29) Habang sinasalubong ng mga buháy sa panahong iyon ang mga nakalaya sa gapos ng kamatayan, tiyak na maligayang-maligaya sila. Sa kabilang dako naman, hindi natin lubusang mauunawaan ang matinding kaligayahang madarama ng mga bubuhaying muli.

Habang bilyun-bilyon ang binubuhay-muli, ang lupa ay mapupuno ng kagalakan na hindi pa nangyari kailanman. (Mar. 5:39-42; Apoc. 20:13) Ang pagbubulay-bulay sa himalang ito ay tiyak na makaaaliw sa lahat ng namatayan ng mahal sa buhay.

May dahilan pa bang malungkot ang sinuman kapag nangyari na ang pagkabuhay-muli? Wala na, ang sagot ng Bibliya. Ayon sa Isaias 25:8, “lalamunin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman.” Kasama sa lubusang aalisin ang masasakit na epekto ng kamatayan, dahil sinasabi pa ng hula: “Tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” Kung nalulungkot ka ngayon dahil namatay ang iyong kabiyak, ang pagkabuhay-muli ay tiyak na magbibigay sa iyo ng dahilan para maging maligaya.

Walang sinumang lubos na nakauunawa sa lahat ng gagawin ng Diyos sa bagong sanlibutan. Sinabi ni Jehova: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.” (Isa. 55:9) Ang pangako ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong magtiwala kay Jehova, gaya ng ginawa ni Abraham. Sa ngayon, mahalagang gawin ng bawat Kristiyano ang mga hinihiling sa kaniya ng Diyos upang ‘maibilang na karapat-dapat magkamit ng sistemang iyon ng mga bagay’ kasama ng mga bubuhaying muli.​—Luc. 20:35.

DAHILAN PARA UMASA

Sa halip na mabalisa tungkol sa hinaharap, patibayin ang iyong pag-asa. Para sa maraming tao, madilim ang kinabukasan. Pero binibigyan tayo ni Jehova ng magandang pag-asa. Hindi natin alam kung paano sasapatan ni Jehova ang lahat ng ating mga pangangailangan at ninanais, pero hindi natin dapat pag-alinlanganan na gagawin niya iyon. Sumulat si apostol Pablo: “Ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat kapag nakikita ng isang tao ang isang bagay, inaasahan ba niya iyon? Ngunit kung inaasahan natin yaong hindi natin nakikita, patuloy natin itong hinihintay nang may pagbabata.” (Roma 8:24, 25) Ang matibay na pag-asa sa mga pangako ng Diyos ay tutulong sa iyo na magbata. Sa pamamagitan ng pagbabata, magkakaroon ka ng napakagandang kinabukasan at ‘ibibigay sa iyo ni Jehova ang mga kahilingan ng iyong puso.’ Sasapatan niya “ang nasa ng bawat bagay na may buhay.”​—Awit 37:4; 145:16; Luc. 21:19.

Magtiwala sa maligayang kinabukasan na ipinangako ni Jehova

Noong malapit nang mamatay si Jesus, ang kaniyang mga apostol ay nalungkot at natakot. Inaliw sila ni Jesus na sinasabi: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.” Sinabi pa niya: “Hindi ko kayo iiwang nangungulila. Paririto ako sa inyo.” (Juan 14:1-4, 18, 27) Sa loob ng maraming siglo, ang mga sinabi ni Jesus ay nagbigay sa kaniyang mga pinahirang tagasunod ng dahilan para umasa at magbata. Ang mga nananabik na makita ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagkabuhay-muli ay wala ring dahilan para labis na malungkot. Hindi sila iiwang nangungulila ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak. Tiyak iyan!

a Binago ang mga pangalan.

Patibaying-Loob ang mga Namatayan

Kapag namatayan ng asawa ang isang Kristiyano, marami ang maaaring dumalaw sa kaniya para aliwin siya at tulungan sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, tiyak na pahahalagahan ng isang biyuda ang atensiyon ng pamilya at mga kaibigan. Pero maaaring magtagal ang kaniyang pagdadalamhati, at kakailanganin niya ng kaaliwan at suporta sa loob ng mahaba-habang panahon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kaw. 17:17.

Paano mo babatiin ang taong nagdadalamhati? Ganito ang payo ng Bibliya: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw.” (1 Ped. 3:8) Mga ilang panahon matapos mamatayan ang isang Kristiyano, baka nalulungkot pa rin siya. Kaya kahit maganda ang intensiyon mo, kung minsan ay baka hindi angkop ang mga salitang gaya ng “Kumusta ka?” o “Okey ka lang ba?” Baka isipin ng nagdadalamhati, ‘Kung alam mo lang ang nararamdaman ko’ o, ‘Paano ako magiging okey?’ Kaya baka mas makabubuti ang taimtim at positibong pananalita, gaya ng “Natutuwa akong makita ka,” o “Napapatibay ako kapag nakikita kita sa pulong.”

Maaari mo ring anyayahang mamasyal o kaya’y kumain sa inyong bahay ang namatayan. Ang biyudong si Marcos ay inaliw ng mga kaibigang dumalaw sa kaniya. Ano ang pinag-usapan nila? Sabi niya: “Hindi namin gaanong pinag-usapan ang mga problema ko kundi mga bagay na nakapagpapatibay.” Sinabi naman ng biyudang si Nina: “Kadalasan, tamang mga salita sa tamang panahon ang sinasabi ng mga kaibigan ko. Kung minsan, wala silang sinasabi​—basta sinasamahan lang nila ako.”

Kung gustong pag-usapan ng namatayan ang nangyari, makinig na mabuti at maging matiyaga. Iwasang mag-usisa. Huwag humatol. Hindi mo kailangang magpayo kung paano siya dapat magdalamhati o kung gaano katagal. Huwag magdamdam kung gusto niyang mapag-isa. Maaari ka namang bumalik sa ibang pagkakataon. Patuloy na magpakita ng pag-ibig.​—Juan 13:34, 35.

May mga Tanong Ka ba Tungkol sa Hinaharap?

Natural lang na isipin natin kung paano matutupad ang mga pangako ni Jehova. Madalas pag-isipan ni Abraham ang pangako ng Diyos na bibigyan siya ng isang anak na lalaki. Pinatibay siya ni Jehova na patuloy na maghintay, at hindi naman siya nabigo.​—Gen. 15:2-5; Heb. 6:10-15.

Pagkatapos mapaniwala si Jacob na namatay ang anak niyang si Jose, gayon na lang ang kaniyang pagdadalamhati. Makalipas ang maraming taon, nangungulila pa rin si Jacob sa kaniyang anak, na inakala niyang patay na. Pero may inilaang pagpapala si Jehova para sa tapat na si Jacob, isang bagay na hindi niya inaasahan. Muli silang nagkasama ni Jose, at nakita rin niya ang kaniyang mga apo. Sinabi ni Jacob: “Hindi ko akalaing makikita ko ang iyong mukha, ngunit narito, ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong supling.”​—Gen. 37:33-35; 48:11.

Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na ito? Una, magtiwala na walang makahahadlang sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pagtupad sa kaniyang kalooban. Ikalawa, kung mananalangin tayo at kikilos ayon sa kalooban ni Jehova, pangangalagaan niya tayo ngayon at lubusan niyang sasapatan sa hinaharap ang ating mga pangangailangan at ninanais. Isinulat ni Pablo: “Sa isa na makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip, ayon sa kaniyang kapangyarihan na kumikilos sa atin, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon at sa pamamagitan ni Kristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi magpakailan-kailanman. Amen.”​—Efe. 3:20, 21.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share