Lakasloob na Lumakad sa Mga Daan ni Jehova
“Maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan.”—AWIT 128:1.
1, 2. Ano ang naitutulong ng paglalahad ng Bibliya ng mga salita at mga gawa ng sinaunang mga saksi ni Jehova?
ANG Banal na Salita ni Jehova ay punô ng mga salaysay ng mga pagsubok at mga kagalakan ng kaniyang tapat na mga lingkod. Ang mga karanasan nina Noe, Abraham, Sara, Josue, Debora, Barak, David, at mga iba pa ay katangi-tangi at buong linaw na mababasa sa mga pahina nito. Lahat sila ay talagang mga tao na pawang may isang katangian. Sila’y may pananampalataya sa Diyos at lakasloob na lumakad sa kaniyang mga daan.
2 Ang mga salita at gawa ng sinaunang mga saksi ni Jehova ay maaaring magpalakas-loob sa atin samantalang sinisikap nating lumakad sa mga daan ng Diyos. Isa pa, tayo’y liligaya kung magpapakita tayo ng pagpapakundangan sa Diyos at ng mabuting pagkatakot na hindi siya mapalugdan. Ito’y totoo bagaman nakaharap tayo sa mga pagsubok sa buhay, sapagkat ang kinasihang salmista ay umawit: “Maligaya ang bawat isang natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan.”—Awit 128:1.
Kung Ano ang Lakas ng Loob
3. Ano ang lakas ng loob?
3 Upang makalakad sa mga daan ni Jehova, tayo’y kailangang may lakas ng loob. Sa katunayan, ang Kasulatan ay nag-uutos sa bayan ng Diyos na magpakita ng ganitong katangian. Halimbawa, ang salmistang si David ay umawit: “Kayo’y maglakasloob, at harinawang ang inyong puso ay tumibay, lahat kayong naghihintay kay Jehova.” (Awit 31:24) Ang lakas ng loob ay “mental o moral na lakas na magpatuloy, magtiyaga, at daigin ang panganib, takot, o kahirapan.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Ang isang taong may lakas ng loob ay matatag, matapang, magiting. Maliwanag buhat sa mga salitang ito ni apostol Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo na binigyan ni Jehova ng lakas ng loob ang kaniyang mga lingkod: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip.”—2 Timoteo 1:7.
4. Ano ang isang paraan upang makamit ang lakas ng loob?
4 Ang isang paraan upang makamit ang bigay-Diyos na lakas ng loob ay ang may-lakip panalanging pagsasaalang-alang ng Salita ni Jehova, ang Bibliya. Maraming salaysay na nasa Kasulatan ang makatutulong sa atin na magkaroon ng higit na lakas ng loob. Kung gayon, tingnan muna natin kung ano ang maaari nating matutuhan buhat sa pag-uulat ng Kasulatang Hebreo tungkol sa ilan na lakasloob na lumakad sa mga daan ni Jehova.
Lakas ng Loob na Ihayag ang Pabalita ng Diyos
5. Papaano mapapakinabangan ng kasalukuyang mga lingkod ni Jehova ang lakas ng loob ni Enoc?
5 Ang lakas ng loob ni Enoc ay makatutulong sa kasalukuyang mga lingkod ni Jehova upang lakasloob na salitain ang pabalita ng Diyos. Bago isinilang si Enoc, “pinasimulan na ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” Ang ilang iskolar ay nagsasabi na ang mga tao’y “nagsimula ng may kalapastanganang” pagtawag sa pangalan ni Jehova. (Genesis 4:25, 26; 5:3, 6) Ang banal na pangalan ay maaaring ikinapit sa mga tao o maging sa mga idolo. Samakatuwid, ang huwad na relihiyon ay maunlad na nang isilang si Enoc noong 3404 B.C.E. Sa katunayan, waring siya’y nag-iisa sa ‘paglakad na kaalinsabay ng Diyos,’ na nagtataguyod ng isang matuwid na landasin na kasuwato ng isiniwalat na katotohanan ni Jehova.—Genesis 5:18, 24.
6. (a) Anong matinding pabalita ang ipinahayag ni Enoc? (b) Tayo’y maaaring magkaroon ng anong pagtitiwala?
6 Lakasloob na sinalita ni Enoc ang pabalita ng Diyos, malamang na sa pamamagitan ng pangangaral. (Hebreo 11:5; ihambing ang 2 Pedro 2:5.) “Narito!” ang sabi ng nag-iisang saksing ito, “dumating si Jehova kasama ang kaniyang laksa-laksang mga banal, upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng nakagigitlang mga bagay na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama.” (Judas 14, 15) Si Enoc ay may lakas ng loob na gamitin ang pangalan ni Jehova nang salitain niya ang pabalitang iyon na humahatol sa masasama. At kung papaano binigyan ng Diyos si Enoc ng lakas ng loob na ipahayag ang matinding pabalitang iyon, gayundin binigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang Kaniyang kasalukuyang mga Saksi upang may katapangang salitain ang Kaniyang salita sa ministeryo, sa paaralan, at saanman.—Ihambing ang Gawa 4:29-31.
Lakas ng Loob Pagka Nasa Pagsubok
7. Anong halimbawa ng lakas ng loob ang ipinakita ni Noe?
7 Ang halimbawa ni Noe ay makatutulong sa atin na lakasloob na ganapin ang matuwid na mga gawain pagka tayo’y nasa pagsubok. Taglay ang lakas ng loob at pananampalataya, siya’y kumilos nang bigyan ng Diyos ng babala tungkol sa isang pangglobong baha at “nagtayo ng isang daong ukol sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan.” Sa pagkamasunurin at matuwid na mga gawa, hinatulan ni Noe ang di-sumasampalatayang sanlibutan sa masasamang gawa nito at pinatunayan na karapat-dapat iyon na puksain. (Hebreo 11:7; Genesis 6:13-22; 7:16) Ang pagbubulay-bulay sa halimbawa ni Noe ay tumutulong sa modernong mga lingkod ng Diyos na lakasloob na ganapin ang gayong matuwid na mga gawa na gaya ng ministeryong Kristiyano.
8. (a) Ano ang napaharap kay Noe bilang isang may lakas ng loob na “mangangaral ng katuwiran”? (b) Ano ang gagawin ni Jehova para sa atin kung tayo’y may lakas ng loob na mga mangangaral ng katuwiran?
8 Kung tayo’y nagsisikap na lumakad sa isang matuwid na landas ngunit hindi natin alam kung ano ang gagawin pagka nasa pagsubok, tayo’y manalangin na bigyan tayo ng karunungan na harapin iyon. (Santiago 1:5-8) Ang katapatan ni Noe sa Diyos sa ilalim ng pagsubok ay nagpapakita na ang mga pagsubok ay maaaring harapin na taglay ang lakas ng loob at katapatan. Kaniyang napaglabanan ang panggigipit buhat sa isang masamang sanlibutan at buhat sa nagkatawang-tao na mga anghel at mga mestisong supling nila. Oo, si Noe ay may lakas ng loob na “mángangaral ng katuwiran” sa “isang sinaunang sanlibutan” na patungo sa pagkapuksa. (2 Pedro 2:4, 5; Genesis 6:1-9) Bagaman siya’y nagsalita nang buong tapang sa pagbabalita ng babala ng Diyos sa mga tao noon, “hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mateo 24:36-39) Subalit tandaan na sa kabila ng pag-uusig at sa pagtanggi ng karamihan ng tao ngayon sa ating pabalitang salig sa Bibliya, aalalayan tayo ni Jehova gaya ng pag-alalay niya kay Noe kung tayo’y magpapakita ng nakakatulad na pananampalataya at lakas ng loob bilang mga mángangaral ng katuwiran.
Lakas ng Loob na Sundin ang Diyos
9, 10. Sa anong mga paraan sina Abraham, Sara, at Isaac ay nagpakita ng lakasloob na pagsunod?
9 Ang “kaibigan ni Jehova” na si Abraham ay isang mainam na halimbawa ng may lakas ng loob na pagsunod sa Diyos. (Santiago 2:23) Si Abraham ay nangailangan ng pananampalataya at lakas ng loob upang makasunod kay Jehova at lisanin ang Ur ng mga Caldeo, isang lunsod na punô ng materyal na mga bentaha. Siya’y sumampalataya sa pangako ng Diyos na “lahat ng angkan sa lupa” ay magpapala sa kanilang sarili sa pamamagitan niya at ang kaniyang binhi ay bibigyan ng isang lupain. (Genesis 12:1-9; 15:18-21) Sa pananampalataya si Abraham ay “tumahan gaya ng isang tagaibang bayan sa lupang pangako” at inasahan “ang lunsod na may tunay na mga saligan”—ang makalangit na Kaharian ng Diyos, na sa ilalim nito siya ay bubuhaying muli sa buhay sa lupa.—Hebreo 11:8-16.
10 Ang asawa ni Abraham, si Sara, ay may pananampalataya at lakas ng loob na kailangan upang lisanin ang Ur, samahan ang kaniyang asawa sa isang lupaing banyaga, at magtiis ng anumang mga kahirapan na daranasin doon. At anong laking gantimpala ang nakamit niya sa kaniyang lakasloob na pagsunod sa Diyos! Bagaman baog hanggang sa mga edad na 90 taon at “lampas na sa edad,” si Sarah ay pinapangyaring ‘maglihi, yamang kaniyang itinuring na tapat ang Diyos na siyang nangako.’ Nang sumapit ang takdang panahon, isinilang niya si Isaac. (Hebreo 11:11, 12; Genesis 17:15-17; 18:11; 21:1-7) Makalipas ang mga taon, si Abraham ay lakasloob na sumunod sa Diyos at “para na ring inihandog niya si Isaac.” Nang pigilin ng isang anghel, ang kaniyang may lakas ng loob at masunuring anak ay tinanggap ng patriyarka buhat sa kamatayan bilang “pinakahalimbawa.” Sa gayon siya at si Isaac ay makahulang lumarawan sa paghahandog ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang isang pantubos upang ang mga sumasampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan. (Hebreo 11:17-19; Genesis 22:1-19; Juan 3:16) Tunay, ang lakasloob na pagsunod nina Abraham, Sara, at Isaac ay dapat magpakilos sa atin na sumunod kay Jehova at laging gawin ang kaniyang kalooban.
Lakas ng Loob na Pumanig sa Bayan ng Diyos
11, 12. (a) Papaano nagpakita si Moises ng lakas ng loob kung tungkol sa bayan ni Jehova? (b) Dahil sa lakas ng loob ni Moises, anong tanong ang maibabangon?
11 Si Moises ay lakasloob na nanindigan sa panig ng inaaping bayan ng Diyos. Noong ika-16 na siglo B.C.E., ang mismong mga magulang ni Moises ay nagpakita ng lakas ng loob. Palibhasa’y hindi natatakot sa utos ng hari na patayin ang bagong silang na mga anak na lalaki ng mga Hebreo, kanilang itinago si Moises at pagkatapos ay inilagay siya sa isang takba sa may talahib sa tabi ng ilog Nilo. Palibhasa’y natagpuan siya ng anak na babae ni Paraon, siya’y pinalaki na mistulang sarili niyang anak, bagaman sa pasimula ay tumanggap siya ng espirituwal na pagsasanay sa tahanan ng kaniyang mga magulang. Bilang bahagi ng sambahayan ni Paraon, si Moises “ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo” at naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa,” matalino ang kaisipan at malusog sa pangangatawan.—Gawa 7:20-22; Exodo 2:1-10; 6:20.
12 Sa kabila ng materyal na mga bentaha na maidudulot ng palasyo, si Moises ay lakasloob na pumanig sa mga sumasamba kay Jehova, na noon ay mga alipin ng mga Ehipsiyo. Sa pagtatanggol sa isang Israelita, siya’y nakapatay ng isang Ehipsiyo at pagkatapos ay tumakas patungo sa Midian. (Exodo 2:11-15) Mga 40 taon ang nakalipas, ginamit siya ng Diyos upang akayin ang mga Israelita sa pag-alpas sa pagkaalipin. Nang magkagayo’y “nilisan [ni Moises] ang Ehipto, ngunit hindi natakot sa poot ng hari,” na nagbantang siya’y papatayin dahil sa siya ang kinatawan ni Jehova alang-alang sa Israel. Si Moises ay lumakad na para bang nakita niya ‘ang Isang di-nakikita,’ ang Diyos na Jehova. (Hebreo 11:23-29; Exodo 10:28) Ikaw ba ay may gayong pananampalataya at lakas ng loob na manatiling kapanalig ni Jehova at ng kaniyang bayan sa kabila ng kahirapan at pag-uusig?
Lakas ng Loob na ‘Sumunod Nang Lubos kay Jehova’
13. Papaano naging mga halimbawa ng lakas ng loob sina Josue at Caleb?
13 Ang may lakas ng loob na sina Josue at Caleb ay patotoo na tayo ay makalalakad sa mga daan ng Diyos. Kanilang “lubusang sinunod si Jehova.” (Bilang 32:12) Sina Josue at Caleb ay kabilang sa 12 lalaki na sinugo upang maniktik sa Lupang Pangako. Dahilan sa takot sa mga naninirahan doon, sampung tiktik ang nagsikap na pahinain ang loob ng Israel sa pagpasok sa Canaan. Gayunman, sina Josue at Caleb ay lakasloob na nagsabi: “Kung kinalulugdan tayo ni Jehova, dadalhin nga niya tayo sa lupaing ito at ibibigay niya iyon sa atin, isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot. Huwag lamang kayong maghimagsik kay Jehova; at kayo, huwag kayong matatakot sa mga tao ng lupain, sapagkat sila’y tinapay sa atin. Ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at si Jehova ay sumasaatin. Huwag kayong matakot sa kanila.” (Bilang 14:8, 9) Dahil sa kulang ng pananampalataya at lakas ng loob, ang salinlahing iyon ng mga Israelita ay hindi kailanman nakarating sa lupang pangako. Subalit sina Josue at Caleb, kasama ang isang bagong salinlahi, ay nakapasok roon.
14, 15. (a) Sa pagkakapit ni Josue ng mga salita ng Josue 1:7, 8, ano ang naranasan niya at ng mga Israelita? (b) Anong aral tungkol sa lakas ng loob ang natutuhan natin buhat kina Josue at Caleb?
14 Sinabi ng Diyos kay Josue: “Lakasan mo ang loob mo at magpakalakas na mabuti na isagawa mo ang ayon sa kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang makakilos ka nang may karunungan saan ka man pumaroon. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong babasahin at bubulay-bulayin araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.”—Josue 1:7, 8.
15 Samantalang ikinakapit ni Josue ang mga salitang iyon, ang Jerico at ang ibang mga lunsod ay nasakop ng mga Israelita. Pinangyari pa nga ng Diyos na ang araw ay huminto anupat patuloy na sumikat iyon hanggang sa magtagumpay sa Gabaon ang Israel. (Josue 10:6-14) Nang mapasuong sa panganib sa nagkakaisang mga puwersa ng kaaway na “kasindami ng mga butil ng buhangin na nasa tabing-dagat,” si Josue ay lakasloob na kumilos, at muli na namang pinagtagumpay ng Diyos ang Israel. (Josue 11:1-9) Bagaman tayo’y mga taong di-sakdal, tulad nina Josue at Caleb, tayo’y lubusang makasusunod kay Jehova, at maaaring palakasin tayo ng Diyos na lumakad nang may lakas ng loob sa kaniyang mga daan.
Lakas ng Loob na Magtiwala sa Diyos
16. Papaano nagpakita ng lakas ng loob sina Debora, Barak, at Jael?
16 Ang lakasloob na pagtitiwala sa Diyos ay ginagantimpalaan, gaya ng ipinakita ng mga pangyayari noong mga kaarawan na ang mga hukom ay humahatol nang may katarungan sa Israel. (Ruth 1:1) Halimbawa, si Hukom Barak at ang propetisang si Debora ay lakasloob na nagtiwala sa Diyos. Ang haring Cananeo na si Jabin ang naniil sa Israel nang 20 taon nang pangyarihin ni Jehova na udyukan ni Debora si Barak na magtipon ng 10,000 lalaki sa Bundok Tabor. Ang punong hukbo ni Jabin, si Sisera, ay nagmamadaling naparoon sa binabahaang libis ng Kishon, taglay ang katiyakan na sa patag na lupaing ito ang mga lalaki ng Israel ay hindi makapananaig sa kaniyang hukbo at sa 900 mga karong pandigma nito na may mga lingkaw na bakal sa kanilang mga gulong. Nang sumapit na ang mga Israelita sa kapatagang libis, sila’y tinulungan ng Diyos, at sa pamamagitan ng isang biglaang baha ang larangan ng labanan ay naging isang putikan anupat hindi umandar ang mga karo ni Sisera. Ang mga tauhan ni Barak ay nanaig, kung kaya “lahat ng nasa kampamento ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak.” Si Sisera ay tumakas patungo sa tolda ni Jael, subalit sa pagtulog niya (ni Sisera), may lakas ng loob siya (si Jael) na patayin ito sa pamamagitan ng pagtusok ng tulos sa kaniyang pilipisan. Bilang katuparan ng hulang sinalita ni Debora kay Barak, “ang nagpapagandang bagay” ng tagumpay na ito ay kagagawan ng isang babae. Sapagkat sina Debora, Barak, at Jael ay lakasloob na nagtiwala sa Diyos, ang Israel ay “hindi na naligalig pa nang may apatnapung taon.”—Hukom 4:1-22; 5:31.
17. Anong halimbawa ng lakasloob na pagtitiwala kay Jehova ang ipinakita ni Hukom Gideon?
17 Si Hukom Gideon ay lakasloob na nagtiwala kay Jehova nang ang Israel ay salakayin ng mga Midianita at ng iba pa. Bagaman nahihigitan ng mga 135,000 sumasalakay, baka isipin pa rin ng 32,000 lalaking mandirigma ng Israel na ang kanilang bigay-Diyos na tagumpay ay bunga ng kanilang sariling lakas ng loob. Sa patnubay ni Jehova, binawasan ni Gideon ang kaniyang puwersa upang maging tatlong grupo na tig-100 lalaki. (Hukom 7:1-7, 16; 8:10) Samantalang pinalilibutan ng 300 ang kampo ng mga Midianita nang kinagabihan, bawat isa ay may hawak na tambuli at isang banga ng tubig na may sulo sa loob. Sa isang hudyat, hinipan nila ang mga tambuli, binasag ang mga banga, itinaas ang nagniningas na mga sulo, at nagsigawan: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” (Hukom 7:20) Ang nahintakutang mga Midianita ay nagsimulang tumakas at nalupig. Ang gayong mga pangyayari ay dapat makakumbinsi sa atin na ang lakasloob na pagtitiwala sa Diyos ay gagantihin din sa ngayon.
Lakas ng Loob na Parangalan si Jehova at Itaguyod ang Dalisay na Pagsamba
18. Nang kaniyang paslangin si Goliat, ano ang lakasloob na ginawa ni David?
18 Ang ilang halimbawa sa Bibliya ay nagbibigay ng lakas ng loob na parangalan si Jehova at itaguyod ang dalisay na pagsamba. Ang kabataang si David, na buong katapangang sumagip sa mga tupa ng kaniyang ama, ay nagpatunay na may lakas ng loob sa harap ng higanteng Pilisteo na si Goliat. “Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak at may sibat at may javelin,” ani David, “ngunit ako’y naparirito sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng mga kawal ng Israel, na iyong dinusta. Sa araw na ito ay ibibigay ka ni Jehova sa aking kamay, at sasaktan kita at pupugutin ko ang iyong ulo; . . . at malalaman ng mga tao sa buong lupa na may Diyos ang Israel. At malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ng tabak o ng sibat man, sapagkat kay Jehova ang pakikipagbaka.” (1 Samuel 17:32-37, 45-47) Sa tulong ng Diyos, lakasloob na pinarangalan ni David si Jehova, kaniyang pinaslang si Goliat, at sa gayo’y gumanap ng isang mahalagang papel sa pag-aalis ng banta ng mga Pilisteo sa dalisay na pagsamba.
19. Sa anong proyekto nangailangan si Solomon ng lakas ng loob, at papaano maikakapit sa ngayon ang kaniyang paraan ng pagkilos?
19 Nang ang anak ni Haring David na si Solomon ay kikilos na lamang upang itayo ang templo ng Diyos, siya’y pinatibay-loob ng kaniyang matanda nang ama: “Ikaw ay magpakatapang at magpakalakas at gawin mo. Huwag kang matakot ni mangilabot man, sapagkat ang Diyos na Jehova, na aking Diyos, ay sumasaiyo. Hindi ka niya iiwan o pababayaan man hanggang sa ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa bahay ni Jehova ay matapos.” (1 Cronica 28:20) Sa pagkilos nang may lakas ng loob, matagumpay na natapos ni Solomon ang templo. Pagka isang teokratikong programa sa pagtatayo ang nagsisilbing isang hamon sa ngayon, alalahanin natin ang mga salita ni David: “Ikaw ay magpakatapang at magpakalakas at gawin mo.” Anong inam na paraan ng pagpaparangal kay Jehova at pagtataguyod ng dalisay na pagsamba!
20. Sa anong kaparaanan lumakas ang loob ni Haring Asa?
20 Dahilan sa hangarin ni Haring Asa na parangalan ang Diyos at itaguyod ang dalisay na pagsamba, inalis niya sa Juda ang mga idolo at ang mahahalay na lalaki sa templo. Inalis rin niya sa mataas na tungkulin ang kaniyang lolang apostata at sinunog ang kaniyang “kakila-kilabot na idolo.” (1 Hari 15:11-13) Oo, si Asa ay “naglakasloob at ang karumal-dumal na mga bagay ay kaniyang ipinaalis sa buong lupain ng Juda at Benjamin at sa mga lunsod na kaniyang nabihag buhat sa kabundukang rehiyon ng Efraim, at kaniyang binago ang dambana ni Jehova na nasa harap ng portiko ni Jehova.” (2 Cronica 15:8) Ikaw ba ay lakasloob din na tumatanggi sa apostasya at ang itinataguyod ay ang dalisay na pagsamba? Ginagamit mo ba ang iyong materyal na kayamanan upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian? At sinisikap mo ba na parangalan si Jehova sa pamamagitan ng palagiang pakikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita bilang isa sa kaniyang mga Saksi?
21. (a) Papaano makatutulong sa atin ang ulat ng mga tagapag-ingat ng katapatan bago nang panahong Kristiyano? (b) Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
21 Anong laki ng ating pasasalamat na iningatan ng Diyos ang mga ulat ng Kasulatan tungkol sa malalakas-ang-loob na mga tagapag-ingat ng katapatan bago nang panahong Kristiyano! Tunay, ang kanilang maiinam na halimbawa ay makatutulong sa atin na maisagawa ang banal na paglilingkuran kay Jehova taglay ang lakas ng loob, maka-Diyos na takot, at pagpapakundangan. (Hebreo 12:28) Subalit ang Kasulatang Griego Kristiyano ay mayroon ding mga halimbawa ng maka-Diyos na lakas ng loob na may kalakip na gawa. Papaanong ang ilan sa mga ito ay makatutulong sa atin na lumakad nang lakasloob sa mga daan ni Jehova?
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang lakas ng loob?
◻ Papaano nagpamalas ng lakas ng loob sina Enoc at Noe?
◻ Sa anong kaparaanan lakasloob na kumilos sina Abraham, Sara, at Isaac?
◻ Anong mga halimbawa ng lakas ng loob ang ipinakita nina Moises, Josue, at Caleb?
◻ Papaano ipinakita ng iba na sila’y may lakas ng loob na nagtiwala sa Diyos?
[Larawan sa pahina 15]
Si Gideon at ang kaniyang munting grupo ng mga mandirigma ay lakasloob na nagtiwala kay Jehova