Ang Masisigasig na Kristiyano ng Britanya
Wala pang 10 porsiyento ng 56 na milyong katao ng Britanya ang sa kasalukuyan ay masigasig na mga Kristiyano, sang-ayon sa The Economist. Sa isang karaniwang araw ng Linggo, wala pang apat na milyong katao ang nakikinig ng serbisyo sa simbahan. Sa mga ito, mayroon 1.1 milyon lamang ang mga Anglicano. Gayunman, sa kabila ng malaganap na agnostisismo o hindi paniniwala sa Diyos, nagpapatuloy ang Iglesya ng Inglatera sa kaniyang ginagampanang papel bilang relihiyon ng Estado. “Ang Britanya ay hindi naging isang lipunang Kristiyano sa loob ng kung ilang taon subalit ayaw niyang aminin na siya’y agnostiko, pangunahin nang dahil sa pananabik sa nakalipas,” ang sabi ng iyon ding magasin ng balita. Hindi nga kataka-taka na ang modernong mga pulitiko at mga pahayagan ay nananawagan na alisin sa kasalukuyang kalagayan ang Iglesya, sirain ang ugnayan ng Iglesya at Estado.
“Ang isang sanlibutan na totoong sekular, na nag-aangking Kristiyano, ang pinakamasama sa mga sanlibutan,” ang hinanakit ni Walter Bagehot, ang editor noong ika-19 na siglo ng The Economist. Subalit noong unang siglo C.E., sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga alagad ay ‘hindi bahagi ng sanlibutan, gaya niya na hindi bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 17:16) Gayunman, kaniyang sinugo sila sa sanlibutan upang ipangaral ang Kaharian ng Diyos. Gayundin sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay kilalang-kilala sa masigasig na pangangaral “sa madla at sa bahay-bahay.”—Gawa 20:20.
Kung ihahambing sa mga Anglicano, ang 126,173 Saksi sa Britanya ay kakaunti sa bilang. Subalit sila’y gumugugol ng mga 20 oras isang buwan sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Isa pa, noong 1992 bawat Saksi ay gumugol ng aberids na 16 na karagdagang oras isang buwan sa paghahayag sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang pamahalaan na malapit nang magtatag ng isang matuwid na bagong sanlibutan. (Mateo 24:14; 2 Pedro 3:13) Sa susunod na dalawin kayo sa inyong tahanan ng mga Saksi ni Jehova, inyo bang pakikinggan ang kanilang naiibang pabalita at aalamin kung ano ang gumaganyak sa kanila upang maging masigasig?