Sino ang Kukumberti sa Britaniya?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANIYA
ANG mga miyembro ng mga simbahan sa Britaniya ay umuunti sa dami na halos 1,500 miyembro isang linggo, ulat ng The UK Christian Handbook. Tinatalikdan ng mga kabataan ang simbahan, sabi ng The Times, “sapagkat nasusumpungan nilang ito’y nakababagot at mapanglaw.”
Samantalang ang mga simbahang Anglicano ay nagsasara sa bilis na isa sa isang linggo, “libu-libong tao ang naghahanap ng kabuluhan at layunin sa kanilang mga buhay,” inaamin ng Church Times ng Iglesya ng Inglatera.
Nakakaharap ang krisis na ito, ang mga simbahan sa Britaniya ay nagkaisa noong 1990 sa pagtataguyod ng “Dekada ng Ebanghelismo.” Ang The Scotsman ay nagsabi na ang dekada ’90 “ay maaaring maging isang dekada kung saan ang ebanghelismo ay muling inangkin ng tradisyunal, tatag na mga Iglesya sa pagsisikap na paramihin ang nakalulungkot na umuunting mga miyembro at baligtarin ang hilig tungo sa sekularismo.”
Isang mahalagang pag-asa—ngunit matutupad ba ito? Ano ang nangyari sa nakalipas na ilang taon?
Isang Di-tiyak na Pundasyon
Ang mga klerigo ng Iglesya ng Inglatera ay lumikha ng kaunting sigasig para sa “Dekada ng Ebanghelismo” sa kanilang Panlahat na Sinodo ng 1989. Halimbawa, ganito ang idiniin ng tagapamanihala ng Church Union’s Mission and Renewal Committee: “Napakahalaga ng paghahanda,” subalit maingat niyang idinagdag: “Sa ilang kaso, ito ay maaaring gumugol ng buong dekada upang matupad.”
Si Obispo Gavin Reid ay humula: “Ito’y magiging isang kampaniya ng kahihiyan pagkatapos ng limang taon.”
Hindi nasisiraan ng loob, ang mga Anglicano ay agad na bumuo ng isang nagkakaisang patakaran sa mga Romano Katoliko, na nagtatag ng sarili nilang “Dekada ng Pag-eebanghelyo” noong 1988. Karamihan ng iba pang relihiyon ay may ilang pag-aagam-agam. “Inaamin ko ang pagiging asiwa ko tungkol sa Dekada ng Ebanghelismo. Isa itong matayog-ang-tunog na titulo, ngunit ano ba ang kahulugan nito?” tanong ni Paul Hulme, ministro ng kilalang Wesley’s Chapel sa City Road, London. “Ano ba ang dapat sana’y ginagawa natin na hindi na natin ginagawa?”
Pagpapakahulugan sa mga Layunin
Ang pag-eebanghelyo ay ang pangangaral ng ebanghelyo, o mabuting balita, upang makumberti ang mga nakikinig sa Kristiyanismo—ibang-iba sa nais makita ng maraming lider ng relihiyon. “Hindi namin tungkulin na kumbertihin ang mga tao sa Kristiyanismo,” sabi ni Dr. Newbigin ng United Reformed Church. “Tungkulin iyan ng Diyos.” Ano ang nasa likuran ng gayong pambihirang pahayag? Ang tumitinding tensiyon sa lipunan ng Britaniya na binubuo ng maraming lahi kasama ang hindi Kristiyano, etnikong mga relihiyon nito. Isaalang-alang ang sumusunod:
“Ang Dekada ng Ebanghelismo ay maaaring mabigo tulad ng ibang dekada,” sabi ng rektor na Anglicano na si Neil Richardson, “subalit habang ito’y nagpapatuloy sa walang-bisang kalagayan nito isa itong pang-abala mula sa usaping dapat harapin agad ng mga simbahan at ng lahat ng iba pa: ang maaaring mainit na paghaharap ng mga relihiyon sa lahat ng ating mga lungsod.” Binabanggit ang problema, sabi pa niya: “Ang mga ugnayan sa pagitan ng mga bahagi ng relihiyosong pamayanan ay kailangang batay sa matatag na pagtitiwala na walang sinuman ang naghahangad na mangumberti.”
Alam na alam ang “maaaring mainit” na kalagayang ito, si George Carey, Arsobispo ng Canterbury, ay nagpahayag na ang “Dekada ng Ebanghelismo” ay isang “hindi angkop na titulo” sapagkat inaakala ng mga lider na Muslim at Judio na sila ang pinupuntirya ng “matatag na mga ebanghelista.” “Isang pagkakamali,” sabi niya nang maglaon, “na magsabi na gaya ng ginagawa ng iba na ang pangunahing atas ng simbahan ay mangumberti.”
Sa kabilang dako naman, iginigiit ni Obispo Michael Marshall na ang pangunahing pangangailangan ay na ang Iglesya ng Inglatera ay “makumberti sa Iglesya ng Diyos sa Inglatera,” na ang mga Muslim at iba pa ay dinadala sa Kristiyanong iglesya. “Ang masidhing tagubilin na akitin ang Islam kay Kristo ay bahagi ng plano,” sabi niya, nagbababala na ang gayong paraan “ay tiyak na magsasangkot ng dekada ng komprontasyon.”
Kumusta naman ang tungkol sa mga Judio? “Dapat na Kasama sa Tunay na Ebanghelismo ang mga Judio,” ulong-balita ng Church Times. Ngunit si David Sheppard, obispo ng Liverpool, ay matatag na tumutol. “Ang pangunahing puntirya ng Dekada ng Ebanghelismo ay dapat na yaong tumalikod na sa pananampalataya o hindi kailanman nakakaalam kung ano ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos,” aniya. Posible ba ito? Si Neil Richardson, sumusulat sa ilalim ng ulong-balita ng The Guardian na “Evangelism’s Diminishing Returns,” ay nagsasabi: “Ang lahat ng tao [sa Britaniya] ay may sapat na pagkakataon na tayahin ang mga pag-aangkin ng Kristiyanismo. Maliwanag na ang karamihan ay nagpasiya na ayaw nila ng Kristiyanismo.”
Ang mga simbahan ba ng Britaniya ay nasasangkapan upang kumbertihin ang gayong sekular na pamayanan taglay ang napakaraming relihiyon at etnikong mga kultura?
Ang Mahirap na Atas
Ang dating arsobispo na si Dr. Runcie ay nagsabi: “Ang mga opisyal natin sa ebanghelismo ay ang mga obispo at klero, ang ating mga misyonero ay ang lego o karaniwang tao.” Ang beteranong ebanghelistang si Gilbert W. Kirby ay nagsabi: “Ang bawat kristiyano ay dapat na nasa posisyong magpaliwanag sa iba ng mahahalagang bagay tungkol sa Kristiyanismo. Ang bawat kristiyano ay dapat na turuan kung paano aakayin ang iba kay Kristo. . . . Isang naturuang miyembro ng simbahan ang dapat na maging tunguhin natin. . . . Walang-saysay na sabihan ang mga tao na mangumberti nang hindi ipinakikita sa kanila kung paano ito gagawin.” Sa ibang salita, ang mga obispo at mga klero ay dapat manguna sa pagpapakita sa kanilang mga kawan kung paano mangumberti.
Prangkahang nagsasalita sa pasinaya ng BBC “Priestland Memorial Lecture,” ang brodkaster sa radyo na si Brian Redhead ay nagsabi: “Dapat kilalanin ng mga obispo na nakadaramang tiwasay at komportable sa kanilang mga posisyon na naiwala na nila ang kanilang kapangyarihang matawag ang pansin ng mga taong walang interes sa relihiyon . . . Dapat silang magbigay ng higit na pansin sa sining ng pangangaral.” At saan ito dapat gawin?
Sa pasimula ng siglong ito, si William Wand, nang maglao’y naging Obispo ng London, ay tumanggap ng kaniyang maagang pagsasanay sa Lancaster, Inglatera, nang ang pagdalaw ng mga pastor ang karaniwang bagay. “Sa palagay ko ay apatnapu ang pinakamaraming pinto na nadalaw ko sa isang hapon,” sulat niya nang maglaon. “Ang Bikaryo ay gising na gising din sa mga pangangailangan ng minoridad na mga tao na waring hindi kailanman nagsisimba. Sabik na sabik siyang gumawa ng tinatawag sa ngayong ‘tagumpay’ laban sa kawalang-interes at kawalang-bahala na ito.”
Para sa kaninumang klerigo na gumawa ng gayong personal na pakikipag-ugnayan sa Britaniya ngayon ay tunay na isang pambihirang eksepsiyon! Ngayong huli na ang lahat ay natatalos ng mga relihiyon sa Britaniya na walang hahalili sa pagkumberti ng mga tao sa kanilang mga tahanan, sa paraang ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.
“Tanging isang tunay na nakatalagang tao ang makakukumberti ng iba sa Diyos,” sabi ng Evangelism and the Laity. “‘Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador’ [2 Timoteo 4:5] . . . ang isang utos na dapat sundin ng bawat Kristiyano kung tutuparin ng Iglesya ang layunin nito sa ating salinlahi.”
“Mabuting Balita”—Ang Pinagmulan Nito
Si John Taylor, ang panlahat na kalihim ng Division of Ministries ng Iglesya Methodista, ay sumulat sa The Times ng London tungkol sa “tungkulin natin na ibahagi ang mabuting balita.” Sabi niya: “Kaya nga ang simbahan ay dapat na humanap ng bago at mas mabisang mga paraan upang alagaan at turuan ang sarili nitong mga miyembro. Kahit na sa loob ng simbahan ay may nakapangingilabot na kawalang-alam tungkol sa Bibliya.” Saan inakay ng kawalang-alam na ito ang mga miyembro nito?
“Maraming nangungunang nakababatang mga Ebanghelista . . . ang nagsasabing ang Kristiyanong pagkaalagad ay humihiling ng espesipikong mga uri ng sosyal at pulitikal na pagkilos,” sabi ni Rachel Tingle sa Another Gospel?—An Account of the Growing Involvement of the Anglican Church in Secular Politics. Ang “Teolohiya ng Kaharian” na ito, gaya ng tawag dito, ay nagsasabing ang Kaharian ng Diyos ay pinararating dito sa lupa kapag ang kapayapaan, katarungan, at “katuwirang panlipunan” ay natatag na sa pulitikal na mga paraan. Mangyari pa, ito ang “Liberation Theology” o ang dating “Sosyalismong Kristiyano” sa modernong anyo nito.
Paano kaya ang kaisipang iyon ay nakakasuwato ng sariling pananalita ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. . . . Ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito”? (Juan 18:36) O paano ito nakakasuwato ng pananalita ng isang mas naunang propeta: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman”?—Daniel 2:44.
Pansinin na ang Kahariang ito ay itinatag ng mga kamay ng Diyos—hindi ng tao. Ang pagpapalaya mula sa digmaan, mula sa kawalang-katarungan, at maging mula sa kamatayan mismo ay manggagaling kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo—hindi mula sa tao. Iyan talaga ang mabuting balita na kinakailangang ipahayag!—Apocalipsis 21:3, 4.
Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova, na may bilang na halos 130,000 sa Britaniya lamang, ay nakikibahagi sa paniniwala ring iyon. Galing sa lahat ng pambansang mga grupo at mga relihiyon, sila’y nagkakaisa bilang mga Kristiyano. Sila’y sinanay na mainam na mga ebanghelisador na sabik na ibahagi ang mabuting balita sa lahat ng makikinig. Sa layuning ito ginagamit nila ang lahat ng magagamit na paraan, at marami ang nakikinabang sa kanilang mabisang ministeryo.
[Kahon sa pahina 23]
Mga Ebanghelista ng Britaniya
Ang sumusunod na halaw ay mula sa isang Britanong Romano Katolikong lingguhang pahayagan, ang Catholic Herald, Oktubre 22, 1993, pahina 8.
“Ano na ang nangyari sa dekada ng pag-eebanghelyo? Ano nga! Dalawang taon na ang nakalipas ito ang pansamantalang hilig at halos walang linggo ang lumilipas nang hindi ito binabanggit sa pamahayagan. Ngayon? Isang nakabibinging katahimikan. . . .
“Nasaan ang pagkaapurahan na sinabi ni Jesus habang sinusugo Niya ang Kaniyang mga alagad na kumbertihin ang nakapaligid na mga nayon? O ang sinabi ni San Pablo: ‘Sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang Ebanghelyo! (1Co 9:16).’
“Nariyan din ang problema na maraming Katoliko ang hindi nakauunawa na ang pag-eebanghelyo ay hindi isang karapatan ng pagpili kundi isang utos na iniatas ni Kristo mismo: ‘Humayo kayo, gumawa ng mga alagad ng lahat ng mga bansa’ [Mateo 28:19]. . . .
“Ilang Katoliko ang sapat na may kabatiran sa kanilang paniniwala upang harapin ang mga taong nag-aalinlangan? . . . Anong pagkapambihirang bagay nga na, ang Anak ng Diyos ay naparito sa lupa, kakaunti sa atin ang nag-abala na pag-aralan kung ano ang sinabi Niya. . . .
“Ngayon hindi ako nagpapaliwanag alang-alang sa mga Saksi [ni Jehova]. . . . Kundi pag-isipan ang kabilang punto de vista. Ang kanilang moral na paninindigan, salig sa paniniwala sa tiyak na mga pamantayan ng Diyos, ay di-mapag-aalinlanganan. Higit pa sa puntong isinasaalang-alang, ang bawat Saksi ay nagtatalaga ng katumbas na mga tatlong gabi sa isang linggo upang matuto tungkol sa doktrina, sistematikong pag-aaral ng Bibliya, at praktikal na pang-araw-araw na Kristiyanong pamumuhay, kadalasan na ang mga ito ay idinaraos sa mga tahanan ng isa’t isa.
“Hindi lamang iyan, kundi ang bawat Saksi ay naturuan din na, sa kaniya mismong pagkatawag, siya nga ay isang misyonero. Siya’y naturuan ng mahahalagang paraang kailangan upang iharap ang kaniyang mensahe. Ang pagkatok sa mga pinto, pangangaral nang dala-dalawa, ang mahalagang bahagi ng kaniyang buhay. Ang mga Saksi ay masigasig din sa pangangalaga sa mahihirap at nangangailangan.
“Sa maikli, . . . mahirap na hindi magunita ang sinaunang Iglesya gaya ng inilalarawan sa mga gawa ng mga Apostol. At ang tagumpay ay nasusukat sa pangwakas na resulta. Ang kanilang paglago ay napakabilis. Ang maliwanag na pagpapahayag ay nagbubunga!”