Mangangaral ba Sila sa Bahay-Bahay?
“ANG Papa ay Nagsusugo ng mga Mangangaral sa mga Lansangan sa Roma.” Iyan ang pamagat ng isang balita ni Greg Burke. Siya’y sumulat: “Hinimok ni Papa John Paul ang mga Katoliko sa Italya na sundin ang halimbawa ng mga sektang gaya ng mga Saksi ni Jehova, na ang mga kumberti ay dumarami sa bansa, at magsimulang mangaral sa bahay-bahay.
“‘Hindi ito panahon upang ikahiya ang Ebanghelyo, ito’y panahon upang ipangaral ito sa madla,’ sabi ng Papa noong Lunes sa 350 naglilibot na mga mangangaral at mga guro ng relihiyon. . . .
“‘Inaasahan kong ang inyong proyektong ipahayag ang Ebanghelyo sa madla . . . ay magdadala ng saganang mga bunga,’ sabi niya sa kanila. ‘Inyo muling natuklasan ang isang istilo ng pangangaral na umaabot kahit na sa mga lumayo na sa pananampalataya.’”
Ganito ang sabi ng reporter na si Burke: “Ang dumadalo sa Iglesya Katolika sa Italya ay lubhang bumaba sa nakalipas na dalawang dekada, at ang pananabik ng Papa para sa mga mangangaral sa bahay-bahay ay waring sa bahagya ay isang pagtugon sa humihinang impluwensiya nito.”
Ang gayong payo na “magsimulang mangaral sa bahay-bahay” ay hindi na bago. Isang naunang papa, si Paul VI, ay nagsabi na ang Iglesya Katolika “ay umiiral upang magkumberti.” At ang kasalukuyang papa, si John Paul II, ay naglabas ng kaniyang ensiklikal na Redemptoris Missio noong 1991 upang gisingin ang kaniyang simbahan sa pangangailangan na isagawa ang utos ni Jesus na mangaral sa madla.
Ang Romano Katolikong manunulat na si Peter Hernon ay nagbangon ng tanong sa Catholic Herald ng London: “Ano na ba ang nangyari sa ebanghelisasyon?” Siya’y nababahala tungkol sa lubhang ipinangangalandakang “dekada ng ebanghelisasyon” na ngayon ay mahigit ng ilang taóng gulang. Nang tanungin niya ang isang obispo tungkol sa kakulangan ng pagsulong, ang obispo ay sumagot: “Hindi ka dapat na mag-apura. Ang Iglesya ay 2000 taon pa lamang na umiiral.”
Hindi kataka-taka na si Hernon ay nagtanong: “Nasaan ang pagkaapurahan na ipinahayag ni Jesus habang isinusugo Niya ang Kaniyang mga alagad na mag-ebanghelyo sa kalapit na mga nayon? O ang pagkaapurahang binabanggit ni San Pablo: ‘Sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang Ebanghelyo! (1 Co 9:16).’” Oo, tutularan ba ng mga Katoliko ang sinaunang mga Kristiyano na nangaral sa madla “at sa bahay-bahay”?—Gawa 5:42; 20:20, Douay Version.
Kinilala ni Hernon na pagdating sa bahay-bahay na ebanghelismo, kaniyang “naririnig ang mga nag-aalinlangan na nagsasabing ‘teoretikal, hindi praktikal.’ Hindi gayon,” sabi ni Hernon. “Upang bigyang-matuwid ang pag-aangking iyan kailangang gamitin ko ang isang sutil na salita. Alam kong ito’y sutil sapagkat noong huling ginamit ko ito sa isang Katolikong artikulo ang buong pitak ay inedit (bagaman walang binago). Ang salita ay mga Saksi ni Jehova. . . . Ang bawat Saksi ay naturuan din na, sa mismong pagtawag sa kaniya, siya ay isang misyonero.”
Bagaman si Hernon ay hindi sumasang-ayon sa mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova, inaamin niya na kung isasaalang-alang ng isang tao ang kanilang mga paraan ng pangangaral, “agad na magugunita ng isa ang sinaunang Iglesya gaya ng inilalarawan sa gawa ng mga Apostol.”
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapatuloy sa kanilang masigasig na bahay-bahay na ministeryo, sa gayo’y tinutupad sa modernong panahong ito ang utos ni Jesu-Kristo: “Magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.