Bahay-Bahay na Pag-eebanghelyo—Gaano Kabisa?
“Ang interes sa pag-eebanghelyo ay pumuputok sa mga simbahan sa America,” sabi ng Christianity Today. Ngunit anong uri ng pag-eebanghelyo ang itinataguyod?
Kamakailan, maraming mga relihiyong Protestante ang nagtataguyod ng tinatawag na “friendship evangelism,” yaon ay, ang mga membro ng iglesya ay nagpapatotoo sa kanilang mga kaibigan, kapitbahay, at mga membro ng pamilya. Sinasabi na ang paraang ito ay mas mabisa kaysa sa pagdalaw sa mga tahanan ng estranghero, itinuturo ng isang grupo ng relihiyon ang isang surbey na ginawa nito sa 14,000 mga membro ng iglesya. “Sa pagitan ng 75 porsiyento at 90 porsiyento ang nagsasabi na utang nila ang kanilang pananampalatayang Kristiyano sa isang kaibigan o kamag-anak.” Ang bahay-bahay na pagpapatotoo, sabi ng report, ay ipinalalagay ng karamihan ng mga relihiyon na hindi mabisa. Higit pa riyan, “ang karamihan sa mga Kristiyano ay asiwa sa paggawa ng ganitong uri ng pagpapatotoo.”
Ngunit talaga bang masasabi na ang bahay-bahay na paraan ng pangangaral ay hindi mabisa? Ipinakikita ng mga Kasulatan na ang sinaunang mga Kristiyano, sa halip na takdaan ang kanilang pangangaral sa mga kaibigan at mga kamag-anak, ay nagkaroon ng kahanga-hangang mga resulta sa pangangaral sa nayon at nayon at sa bahay-bahay.—Lucas 8:1; Gawa 2:41; 4:4; 5:14, 42; 20:20, 21.
Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang gayunding apostolikong pamamaraan. Sinuri ng Britanong sosyologong si Bryan Wilson ang paglago ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon at naghinuha: “Ang karamihan [58.3 porsiyento] niyaong mga naging Saksi ang nagsasabi na unang napukaw ang kanilang interes nang sila’y tumanggap ng isang pagdalaw sa tahanan mula sa isang mamamahayag.” Ang bahay-bahay na ministeryo ay mabisa, bagaman ang “karamihan ng mga Kristiyano” ay “asiwa” rito.