Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 3/22 p. 12-15
  • May Espirituwal na Taggutom Ba sa Nigeria?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Espirituwal na Taggutom Ba sa Nigeria?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi mga Kristiyano Kundi mga Nakumberte
  • Ang Epekto
  • Ang Kalikuan ng Relihiyon
  • Pagkakawanggawa Kung Taggutom
  • Sino ang Kukumberti sa Britaniya?
    Gumising!—1995
  • Ang Panlipunang Ministeryo—Paano Apektado Nito ang mga Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Bakit Sila Umaalis sa Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Gumising!—1985
g85 3/22 p. 12-15

May Espirituwal na Taggutom Ba sa Nigeria?

“ANG Relihiyon ba Ay Palubog Na?” ang tanong ng isang artikulo sa pahayagan. Baka hindi matanggap iyan ng iba, lalo na kung biglang lumakas at lumalago ang mga simbahan sa kanilang pamayanan. Datapuwa’t ang sandaling pagbabasa ng mga magasin at pahayagan ay magbubukas ng ating mga mata. Halimbawa, ganito ang sabi ng Time magasin: “Ang makikisig at dating malalakas at nitong huli’y liberal na mga simbahang Protestante ng Amerika ay waring walang kasigla-sigla.” Ganito ang karaniwang sinasabi ng mga pahayagan tungkol sa relihiyon sa mga araw na ito.

‘Subali’t komusta naman ang mga ibang panig ng daigdig?’ marahil ay itatanong mo. ‘Ang relihiyon ba ay talagang dumaranas ng kaparehong mga problema rin sa mga ibang bansa?’ Oo, totoo iyan. At upang patunayan ito, magmasid tayo sa mga suliranin na dinaranas ng mga simbahan sa bansa ng Nigeria, na sagana sa likas na mga kayamanan. Ang katayuan doon ay magpapaunawa sa iyo na ang mga suliranin ng mga simbahan ay pambuong mundo.

Hindi mga Kristiyano Kundi mga Nakumberte

Mga isang katlo ng malaking populasyon ng Nigeria ang nag-aangkin na Kristiyano. At ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay matagal ding nagpagal upang kamtin ang ganitong matibay na suporta. Ang sabi ng Time magasin: “Ang mga Aprikano ay nagtataka pa rin at nababagbag ang damdamin dahilan sa mga misyonerong nagpupunyagi sa mga lugar na atrasado, sa pagtulong ng paghuhukay ng mga balon, pagtuturo ng pagbasa at pagsulat, pangangasiwa sa pamamahagi ng nagbibigay-buhay na mga sako ng bigas kung panahon ng taggutom, pagsasapanganib sa kanilang buhay sa pagsisikap na malunasan ang maysakit.”

Bagaman mabuti ang gayong mga gawa, dapat ding banggitin na kahit sa umpisa pa lamang, ang mga relihiyon dito ay nagkaroon ng mga kaibigan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng materyal na mga bagay​—hindi ng espirituwal. (Mateo 5:3) Sa gayon, sila’y nakakumberte nang marami, nguni’t hindi mga tunay na Kristiyano. Binanggit sa The World Book Encyclopedia na sa maraming naturingang Kristiyano ay walang makikita kundi “pinaghalong Kristiyano o Muslim na mga gawaing relihiyoso at tradisyonal [di-Kristiyano] na mga paniwala.” Nakalulungkot sabihin, kinaliligtaan ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang bagay na kadalasan ang Aprikano ay nakikinig sa mensahe ng Bibliya​—kahit na walang gayak ito na tulad niyaong sa mga proyektong panlipunan. Gayunman, may paniwala ang iba na dahil sa masamang rekord ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nagsilbing hadlang iyan sa pagpapalaganap ng relihiyong Muhammadano sa kontinente ng Aprika, gaya ng inihula ng iba.

Datapuwa’t, ang mga relihiyon ay hindi kontento na mangumberte lamang sa Nigeria. Maraming klerigo ang naniniwala na isang banal na tungkulin nila na maging aktibo para mabago ang politikal na pamamalakad. Halimbawa, ang pahayagang Daily Times ng Lagos ay may ganitong binanggit noong Oktubre 18, 1982: “Ang patriyarka ng Iglesiya Methodista ng Nigeria, si Dr. Bolaji Idowu, ay nagsabi sa Ibadan kahapon na ang Iglesya ay may karapatan na sumali sa politika kahit na lamang upang maakay ito tungo sa matuwid . . . Idiniin ni Dr. Idowu na ang Iglesya ay hindi makahihiwalay sa politika sapagka’t may tungkulin ito na ipangaral ang ebanghelyo at gayundin may tungkulin na akayin ang mga lalaki at mga babae na makisali sa politika.”

Hindi nag-iisa ang Iglesya Methodista sa pagsangkot sa politika. Ang sabi ng New Nigerian ng Enero 12, 1981: “Ang Obispo Katoliko ng Ogoja, ang Rt. Rev. Dr. Joseph Edra Ukpo ay nanawagan para sa paglikha ng isang kagawaran ng pamamalakad relihiyoso.” Ang dahilan? Ang artikulo ay nagpatuloy at ipinakita na ang mga ibang klerigo ay naniniwala na “panahon na ngayon para pisanin ng gobyerno ang lahat ng mga organisasyon ng relihiyon upang lalong mapalapit sa kaniya.”

Subali’t ano ang naging epekto ng lahat na ito sa iglesya at sa kaniyang mga miyembro?

Ang Epekto

May mga babala ngayon laban sa paglahok ng simbahan sa politika. Binanggit ng isang manunulat na samantalang ang mga relihiyon ay “nagbibigay ng impresyon na sila’y may kinikilala ng konstitusyon na dapat gampanang bahagi sa pamamalakad sa estado,” ang totoo, “sila ay wala ng gayong bahagi.” Nagbabala pa rin siya na hindi “sa pinakamagaling na kapakanan” ng mga relihiyonista na sila’y “magpakalapit sa estado gaya ng ginagawa nila ngayon. Baka balang araw ay matuklasan na lamang nila na ang estado ang gumagawa ng pagpili ng mga Obispo . . . para sa kanila.”

Sa pagtatalumpati sa isang Anglican Church Synod, ang Gobernador ng Estado Bola Ige ay nagpahayag din na ang tingin daw ng mga relihiyon sa kanilang konstitusyonal na kalayaan ng relihiyon ay isang “lisensiya para sapilitang maipatupad nila sa Estado ang kanilang sariling mga hangarin sa relihiyon ng kani-kanilang mga sekta sa pagkukunwari na ang hinahangad nila’y ang tanging kapakanan ng kanilang kawan.” Sa gayo’y hinimok niya ang mga lider ng relihiyon na doon kumapit nang mahigpit sa kanilang “pagsasagawa ng ebanghelismo” imbis na sa politika.

Ang Kalikuan ng Relihiyon

Datapuwa’t, posible kayang makapanumbalik pa sa ebanghelismo? Hindi, kung ayon sa ipinintang larawan ng mga lider ng relihiyon at iba pa tungkol sa espirituwal na kalagayan ng relihiyon.

“Ang klero ay bigo at ang espirituwalidad ng kanilang kawan ay bumagsak,” ang sabi ng isang klerigo, si James Jide Adesoh, sa isang artikulo sa Daily Times ng Setyembre 7, 1982. “Pagtatangi, ang watak-watak na mga tribo at ang seksiyonalismo ay isang malubhang sakit ng ating mga relihiyon sa kasalukuyang panahon,” ang sabi pa niya. Gayundin, sang-ayon sa ulat sinabi ng pangulo ng isang Anglican Diocesan Council na “ang pagbagsak ng pamantayan ng relihiyong Kristiyano ay kasalanan ng mga pangunahing lider ng relihiyon na pumayag na ang pag-ibig sa salapi ang mangibabaw sa espiritu ng Diyos na nasa kanila.”

Sa ganiyang kasalatan sa espirituwal, hindi maiiwasan ang pag-unlad ng kalikuan. Ganito ang sabing tahasan ng isang klerigo: “Sa loob ng simbahan sa Nigeria makakasumpong tayo ng mga elders na pagkatapos mangangalunya ay babanggit kay Haring Salomon bilang isang haring mangangalunya na minahal at pinagpala ng Diyos! . . . Dito sa Nigeria makikita natin ang reberendong mga maginoo na protektado ang sarili nila ng mga agimat at anting-anting na juju dito mismo sa loob ng simbahan ng Diyos!” Isang gobernador sa Nigeria ang nagsasabi pa na “ang pagdami ng krimen sa Nigeria ay dahil sa hindi isinasagawa ng mga organisasyon ng relihiyon ang kanilang ipinangangaral.”

Totoong napabantog ang kalikuan ng mga relihiyon na anupa’t isang manunulat ang naghinanakit at nagsabi na “ang ebanghelismo’y waring umatras na at waring si Satanas ang tanging nanunungkulan sa ating mga simbahan at bansa.” Hindi kataka-taka na isang pahayagan sa Nigeria ang magbangon ng tanong na ating pambungad: “Ang Relihiyon ba Ay Palubog Na?”

Pagkakawanggawa Kung Taggutom

Ang mga problema ng relihiyon sa Nigeria ay kagaya rin ng sa buong daigdig. Hindi nasapatan ang espirituwal na kagutuman ng mga tao. Ang kanilang itinaguyod ay materyalismo at politika ang kanilang tinangkilik imbis na ituro ang Salita ng Diyos. Gayunman, hindi ito pinagtatakhan ng mga nag-aaral ng Bibliya, sapagka’t noon pa mang una ay inihula na nito: “ ‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at ako’y magpapasapit ng taggutom sa lupain, isang pagkagutom, hindi sa tinapay, at isang pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.’ ” (Amos 8:11) Subali’t hindi lahat ay dumaranas ng ganiyang kagutuman.

Libu-libong mga taga-Nigeria na talagang “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran” ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova upang “mabusog” sa pagkaing espirituwal. (Mateo 5:6) ‘Subali’t ano’t ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa mga ibang relihiyon?’ marahil ay itatanong mo. Bueno, unang-una, kanilang buong ingat na sinusunod ang utos ni Jesus na ‘huwag maging bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 17:14) Ito’y nangangahulugan na sila’y hindi sumasali sa politika at sa halip ay doon nakatuon ang kanilang lakas sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Imbis na ang itaguyod nila’y mga proyekto sa lipunan, ang dinadala nila sa mga tao ay ang tiyak na maaasahang balita ng napipintong pamahalaan ng Diyos. Ipinakikita ng pinakahuling ulat na sa katamtaman ay 102,356 na mga taga-Nigeria ang nagdadala sa iba ng kasiya-siyang pabalitang ito ng pag-asa.

Totoo, ang mga Saksi ay pinipintasan ng mga lider ng relihiyon. Subali’t, balintuna, ang pamimintas ay dahilan sa pagtanggi ng mga Saksi na gawin ang mismong bagay na sanhi ng kagipitang kinaroroonan ng mga relihiyon​—ang pakikialam sa politika. Dahilan sa hindi nila pakikialam na ito, ang mga Saksi ay hindi napapasangkot sa mga gulo na kinasasangkutan ngayon ng mga relihiyon sa Nigeria.

Amin kayong inaanyayahan na busugin ang inyong sarili sa inyong matinding gutom sa mga bagay na espirituwal at magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng dibdibang pag-aaral ng Bibliya at pakikisama sa mga Kristiyanong ito na mga tunay na alagad ni Kristo. Ito’y magbubukas sa inyo ng isang totoong kasiya-siyang buhay, sapagka’t “ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagka’t may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”​—1 Timoteo 4:8.

[Blurb sa pahina 13]

Nakamit ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang suporta ng maraming Aprikano sa pamamagitan ng mga proyekto sa lipunan​—at hindi sa pamamagitan ng pagtuturo ng Salita ng Diyos

[Larawan sa pahina 14]

Binusog ng mga Saksi ni Jehova ang libu-libong nagugutom sa espirituwal sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng ibinibigay ng Bibliya na pag-asa tungkol sa pamahalaan ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share