Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/15 p. 3-7
  • Isinilang ba si Jesus sa Panahon ng Taglamig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isinilang ba si Jesus sa Panahon ng Taglamig?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Kabuluhan Nito Para sa mga Estudyante ng Bibliya?
  • Mga Kalkulasyon Salig sa Bibliya
  • Ano ang Pinagmulan?
  • Mahalaga Ba Iyon?
  • Kailan Ipinanganak si Jesus?
    Gumising!—2008
  • Kailan Ipinanganak si Jesus?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pasko—Ito ba’y Tunay na Maka-Kristiyano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Bakit May mga Hindi Nagdiriwang ng Pasko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/15 p. 3-7

Isinilang ba si Jesus sa Panahon ng Taglamig?

“PARALISADO ang Jerusalem Dahil sa Makapal na Yelo” at “Ang Matagal na Tagyelo ay Nakapagtataka sa Hilaga.” Ang ganiyang mga paulong balita sa The Jerusalem Post ay naging karaniwang pangyayari na lamang para sa mga mambabasang Israeli noong 1992, sa napatunayan na isa sa pinakagrabeng taglamig ng siglo.

Sa pagsapit ng Enero ang taluktok ng Bundok Hermon ay nababalutan ng 7 hanggang 12 metro ng niyebe, at ang taglamig ay hindi pa natatapos. Mula sa Golan Heights at Upper Galilee pababa hanggang makalampas ng Jerusalem at ng karatig na Bethlehem (makikita sa pabalat), maging kung ipagpapatuloy na patimog sa Negeb, paulit-ulit na ang pang-araw-araw na buhay ng mga Israeli at ang kanilang mga gawain ay naging paralisado dahil sa isang maganda at maselan, ngunit malakas, na panauhin. Isang artikulo sa Jerusalem Post ang nagsabi: “Ang malakas na pag-ulan ng niyebe ang nagtagumpay kahapon sa paggawa ng bagay na hindi magawa ng pagbagsak ng mga Katyusha rocket noong nakaraang linggo, anupat nagpasara sa mga pamayanan at ang mga nakatira ay nanatili sa loob ng kanilang mga tahanan.”

Ang matinding taglamig ay sumalanta hindi lamang sa mga naninirahan sa siyudad. May natanggap na mga ulat tungkol sa daan-daang baka at mga guya, gayundin sa libu-libong manok, na nanigas sa ginaw hanggang sa nangamatay nang ang temperatura sa kinagabihan ay mabilis na bumaba hanggang sa lampas na sa antas ng pagyeyelo. Anupat parang hindi pa sapat ang pagyeyelo, marami pang nasawi sa malalakas na pag-ulan sa taglamig. Isang araw, dalawang pastol na kabataang lalaki ang natangay at nalunod sa malakas na agos, sa pagsisikap na iligtas ang ilan sa kanilang mga tupa na inabot ng isang biglaang baha.

Bagaman ito ay hindi isang karaniwang taglamig sa Gitnang Silangan, ang magasing Israeli na Eretz ay nag-ulat: “Ang impormasyon na natipon at napaulat tungkol sa pagtaya ng lagay ng panahon sa lupain ng Israel sa nakalipas na 130 taon ay nagsisiwalat na ang pag-ulan ng niyebe sa Jerusalem ay isang lalong karaniwang pangyayari kaysa maaasahan . . . Sa pagitan ng 1949 at 1980, ang lunsod ng Jerusalem ay nagkaroon ng dalawampu’t apat na taglamig ng taganas na pagyeyelo.” Subalit ito ba ay may kabuluhan lamang sa mga meteorologo at mga taong interesado rito, o may natatanging kabuluhan ito para sa mga estudyante ng Bibliya?

Ano ang Kabuluhan Nito Para sa mga Estudyante ng Bibliya?

Pagka pinag-iisipan ang kapanganakan ni Jesus, naguguniguni ng maraming tao ang makabagbag-damdaming tanawin sa sabsaban na kalimitan ay panoorin kung panahon ng Kapaskuhan. Naroon at nakahiga ang sanggol na si Jesus, nababalot ng mga saplot na pampainit at binabantayan ng kaniyang ina, samantalang unti-unting nalalatagan ng taganas na niyebe ang palibot na tanawin. Ang popular na tanawin bang ito ay angkop sa paglalarawan ng Bibliya sa makasaysayang pangyayaring ito?

Ang manunulat ng Bibliya na si Lucas ay naglalahad ng isang maingat at dokumentadong salaysay ng pagsilang ni Jesus: “May mga pastol ng tupa sa lupain ding iyon na nangasa parang at nagpupuyat sa gabi sa pagbabantay sa kanilang mga kawan. At biglang-biglang tumayo sa tabi nila ang isang anghel ni Jehova, at ang kaluwalhatian ni Jehova ay nagliwanag sa palibot nila, at sila’y totong nangatakot. Subalit sinabi sa kanila ng anghel: ‘Huwag kayong mangatakot, sapagkat narito! dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan na sasa buong bayan, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David [ang Bethlehem]. At ito ay isang tanda para sa inyo: masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang pasabsaban.’ At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi: ‘Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.’ ”​—Lucas 2:8-14.

Kung babasahin mo ang salaysay na ito sa isang karaniwang Israeli sa ngayon at tatanungin sa kaniya kung anong panahon ng santaon ito, malamang ay isasagot niya, “Ang panahong ito ay nasa pagitan ng Abril at Oktubre.” Bakit? Simple lamang ang sagot. Mula Nobyembre hanggang Marso ang malamig, maulang panahon sa Israel, at ang Disyembre 25 ay tiyak na sa panahon ng taglamig. Hindi matatagpuan sa labas ng tahanan ang mga pastol, nagbabantay ng kanilang kawan sa bukid sa gabi. Kung isasaalang-alang ang mga pag-uulat sa pasimula ng artikulong ito, mauunawaan mo kung bakit. Ang Bethlehem, na sinilangan ni Jesus, ay nasa mas mataas na lugar at mga ilang milya lamang ang layo sa Jerusalem. Kahit na kung mga taon na hindi umaabot sa sukdulan ang lagay ng panahon, napakalamig doon kung gabi sa panahon ng taglamig.​—Mikas 5:2; Lucas 2:15.

Ang pagsusuri sa kasaysayan noong panahon na isilang si Jesus ay nagbibigay-liwanag sa katotohanan na siya’y hindi isinilang sa panahon ng mayelong Disyembre. Ang ina ni Jesus, si Maria, bagaman kagampan na, ay kinailangang maglakbay buhat sa kaniyang tahanan sa Nazareth patungo sa Bethlehem. Gayon ang ginawa niya at ni Jose upang makatugon sa mga kahilingan sa senso na iniutos ng pinunong Romano na si Augusto Cesar. (Lucas 2:1-7) Ang mga mamamayang Judio, na nagagalit sa pamamahalang Romano at sa malalaking buwis na ipinababayad nito, ay halos maghihimagsik na lamang noon. Bakit kakailanganin pa ng Roma na sila’y yamutin sa pamamagitan ng paghiling sa marami na maglakbay upang magparehistro sa panahon ng taglamig na pinakamahirap at mapanganib pa? Hindi ba lalong makatuwiran na ito’y isagawa sa isang panahon na maginhawang maglakbay, tulad halimbawa kung tagsibol o taglagas?

Mga Kalkulasyon Salig sa Bibliya

Kung batay sa kasaysayan at sa pisikal na ebidensiya ay diskuwalipikado ang Disyembre, o anumang ibang buwan ng taglamig, bilang kasuwato ng salaysay ng kapanganakan ni Jesus. Bukod diyan, isinisiwalat ng Bibliya sa pamamagitan ng hula ang panahon ng taon nang isilang si Jesus. Saan nga nito ginagawa ito?

Sa aklat ni Daniel, kabanata 9, makikita natin ang isa sa lubhang kahanga-hangang mga hula tungkol sa Mesiyas. Inilalahad doon kapuwa ang kaniyang pagparito at kamatayan, na naglaan ng isang haing pantubos upang magtakip sa kasalanan at magtatag ng isang saligan para sa masunuring sangkatauhan na magtamo ng “katuwiran hanggang sa mga panahong walang-takda.” (Daniel 9:24-27; ihambing ang Mateo 20:28.) Sang-ayon sa hulang ito, lahat ng ito ay matatapos sa loob ng isang yugto ng panahon na 70 sanlinggo ng mga taon, pasimula sa taong 455 B.C.E., nang lumabas ang utos na muling itayo ang Jerusalem.a (Nehemias 2:1-11) Buhat sa paghahati-hati ng panahon sa hulang ito, mahihinuha na ang Mesiyas ay lilitaw sa pasimula ng ika-70 sanlinggo ng mga taon. Ito’y naganap nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili para sa bautismo noong 29 C.E., na takdang pagpapasimula ng kaniyang pagka-Mesiyas. “Sa kalahati ng sanlinggo,” o pagkatapos ng tatlo at kalahating taon, ang Mesiyas ay ihihiwalay ng kamatayan, sa gayo’y mawawalan na ng halaga ang lahat ng paghahain sa ilalim ng tipang Kautusang Mosaico.​—Hebreo 9:11-15; 10:1-10.

Isinisiwalat ng hulang ito na ang haba ng ministeryo ni Jesus ay tatlo at kalahating taon. Si Jesus ay namatay noong Paskuwa, Nisan 14 (alinsunod sa kalendaryong Judio), noong tagsibol ng 33 C.E. Ang katumbas na petsa para sa taóng iyan ay Abril 1. (Mateo 26:2) Kung bibilang pabalik ng tatlo at kalahating taon ay papatak ang kaniyang bautismo ng 29 C.E. pasimula ng Oktubre. Ipinababatid sa atin ni Lucas na si Jesus ay mga 30 taóng gulang nang siya’y bautismuhan. (Lucas 3:21-23) Ito’y mangangahulugan na ang kapanganakan ni Jesus ay papatak malapit sa may pasimula ng Oktubre. Kasuwato ng paglalahad ni Lucas, ang mga pastol sa panahong iyan ng taon ay “nangasa parang at nagpupuyat sa gabi sa pagbabantay sa kanilang mga kawan.”​—Lucas 2:8.

Ano ang Pinagmulan?

Yamang ang ebidensiya ay nakaturo sa mga unang araw ng Oktubre bilang panahon ng kapanganakan ni Jesus, bakit ito ipinagdiriwang kung Disyembre 25? Ipinakikita ng The New Encyclopædia Britannica na ang pagdiriwang na ito ay tinanggap daan-daang taon pagkatapos isilang si Jesus: “Sa panahon ng ika-4 na siglo ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo ng Disyembre 25 ay unti-unting tinanggap ng karamihan sa mga relihiyon sa Silangan. Sa Jerusalem, ang pagsalansang sa Pasko ay mas matagal, subalit sa bandang huli ay tinanggap din.”

Bakit ang kaugalian ay napakadaling tinanggap niyaong ang tawag sa kanilang sarili ay mga Kristiyano maraming siglo pagkamatay ni Kristo? Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagbibigay ng higit pang liwanag tungkol sa paksa: “Ang kinamulatang mga kaugalian na kaugnay ng Pasko ay umunlad buhat sa maraming pinagmulan bunga ng nagkataon na sabay na pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo at ng paganong pagdiriwang kung kalagitnaan ng taglamig kaugnay ng pagtatanim at ng araw. Sa sanlibutang Romano ang Saturnalia (Disyembre 17) ay isang panahon ng pagkakatuwaan at pagpapalitan ng regalo. Ang Disyembre 25 ay itinuturing din na petsa ng kapanganakan ng mahiwagang diyos ng mga taga-Iran na si Mithra, ang Araw ng Katuwiran.”

Lahat bang ito ay talagang “nagkataon” lamang? Tunay na hindi! Pinatutunayan ng kasaysayan na noong ikaapat na siglo C.E., sa ilalim ni Emperador Constantino, kapansin-pansin ang pagbabago ng Imperyong Romano mula sa pagiging tagausig ng Kristiyanismo tungo sa pagiging tagapagtaguyod ng “Kristiyanismo” bilang isang tinatanggap na relihiyon. Habang ang parami nang paraming mamamayan, na walang panimulang kabatiran sa tunay ng kahulugan ng Kristiyanismo, ay tumatanggap ng bagong pananampalatayang ito, sinimulan nilang ipagdiwang ang kanilang kilalang paganong mga kapistahan taglay ang bagong “Kristiyanong” mga titulo. Anong pa nga bang petsa ang higit na angkop sa pagdiriwang ng kapanganakan ng Kristo kaysa Disyembre 25, na ipinagdiriwang na bilang ang kapanganakan ng “Araw ng Katuwiran”?

Mahalaga Ba Iyon?

Walang gaanong dahilan na mag-alinlangan na ang mga unang tagasunod ni Jesus, na kabilang sa lahing Judio, ay hindi nagdiwang ng kaniyang kapanganakan. Sang-ayon sa Encyclopaedia Judaica, “ang pagdiriwang ng mga kapanganakan ay hindi kilala sa tradisyunal na ritwal ng mga Judio.” Ang sinaunang mga Kristiyano ay tiyak na hindi susunod sa gayong pagdiriwang. Imbes na ipagdiwang ang kaniyang kapanganakan, kanilang igagalang ang utos ni Jesus na alalahanin ang kaniyang kamatayan, na alam nila ang di-matútutulang petsa, iyon ay Nisan 14.​—Lucas 22:7, 15, 19, 20; 1 Corinto 11:23-26.

Daan-daang taon bago kay Kristo, ang mga Judio, na noon ay piniling bansa ng Diyos, ay makahulang pinaalalahanan tungkol sa katapusan ng kanilang nalalapit na pagkabihag sa Babilonya: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong mga nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Sila’y babalik sa sarili nilang bayan upang muling itatag doon ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Hindi maiisip na sila’y susunod sa karumal-dumal na mga kaugaliang pagano at anyo ng pagsamba na kanilang nasaksihan sa Babilonya.

Hindi kataka-taka, ang utos ding ito ay inuulit para sa mga Kristiyano sa 2 Corinto 6:14-18. Bilang kahalili ng bansang Judio na tumanggi kay Kristo, ang kaniyang mga tagasunod ay naging siyang mga kinatawan ng dalisay na pagsamba. Sila’y nagkaroon ng pananagutan na tulungan ang iba na lumabas buhat sa espirituwal na kadiliman at pumaroon sa liwanag ng katotohanan. (1 Pedro 2:9, 10) Papaano nila magagawa ito kung paghahaluin nila ang mga turo ni Kristo at ang mga kaugalian at mga kapistahan na may paganong pinagmulan?

Bagaman ito’y kaakit-akit sa karamihan, ang pagdiriwang ng isang “White Christmas” ay gaya ng ‘paghipo sa maruming bagay.’ (2 Corinto 6:17) Kailangang iwasan ito ng taong tunay na umiibig sa Diyos at kay Kristo.

Bukod sa katotohanan na ang pinagmulan nito ay paganong mga pagdiriwang, nakita na natin na ang Pasko ay hindi kumakatawan sa katotohanan, yamang si Jesus ay isinilang noong Oktubre. Oo, anumang tanawin ang mabuo sa guniguni ng isang tao, si Jesus ay talagang hindi isinilang sa panahon ng taglamig.

[Talababa]

a Para sa lalong malawakang pagtalakay sa hulang ito, tingnan ang brosyur na Will There Ever Be a World Without War? pahina 26, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 4, 5]

Ang Jerusalem na natatakpan ng niyebe, na makikita buhat sa silangan

[Credit Line]

Garo Nalbandian

[Larawan sa pahina 6]

Ang niyebe sa gilid ng mga pader ng Jerusalem

[Larawan sa pahina 7]

Sa panahon lamang ng tag-init makapananatiling nagbabantay kung gabi ang mga pastol sa kanilang kawan sa mababatong dalisdis ng burol, gaya ng makikita sa ibaba

[Credit Line]

Garo Nalbandian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share